Import ban sa karneng baboy at mataas na taripa upang maprotektahan ang lokal na industriya, panawagan ng mambabatas
- Published on October 13, 2026
- by Francis Paolo Torres
ISANG mambabatas ang nanawagan ng import ban sa karneng baboy at mataas na taripa upang maprotektahan ang lokal na industriya.
“Ang pagbagsak ng industriya ng baboy ay bunga ng dekadang import liberalization, smuggling, at pagpapabaya ng gobyerno sa lokal na agrikultura,” pahayag ni Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago.
Kinuwestiyon ni Elago ang ginagawang tugon ng gobyerno ng importasyon tuwing humihina ang lokal na produksiyon.
“Sa ganitong sistema, ang mga importer at cartel ang kumikita habang ang mga lokal na magbababoy ang nalulugi,” ayon kay Elago.
Aniya, ginagamit na dahilan ang kakulangan sa suplay at pagtaas ng presyo para patuloy na magpasok ng imported na karne. Habang lumalaki ang pagdepende sa importasyon, lalong nahihirapan ang mga magbababoy na makipagsabayan dahil pinapaboran ang mga importer habang unti-unting pinahihina ang lokal na industriya.
“Hindi sapat ang pagtaas ng taripa kung mananatili ang mga patakarang nagpapahina sa ating agrikultura. Kailangan ang tunay na repormang agraryo at sapat na suporta sa mga lokal na magbababoy. Dapat palakasin ang sariling produksiyon at wakasan ang mga patakarang inuuna ang kita ng malalaking importer kaysa sa kabuhayan ng mga magsasaka at pangangailangan ng mamamayan,” sinabi ni Elago. (VINA de GUZMAN)