IDINAOS ng Philippine Tobacco Harm Reduction Advocates (PHILTRA) coalition ang 2nd National Summit on Nicotine and Harm Reduction, na dinaluhan ng mga eksperto sa medisina, consumer group at kinatawan ng industriya upang talakayin ang mga polisiya hinggil sa sigarilyo, vape at iba pang produktong naglalaman ng nicotine.
Isinagawa ang summit habang pinag-aaralan ng pamahalaan ang mga panukalang ipagbawal ang vaping at heated tobacco products at patawan ng kapantay na buwis ng sigarilyo ang mga produktong vape.
Iginiit ng mga kalahok na hindi dapat awtomatikong ipataw sa smoke-free alternatives ang kaparehong buwis na ipinapataw sa combustible cigarettes, lalo na kung layunin ng mga gumagawa ng polisiya na mahikayat ang mga adult smoker na lumipat sa mga alternatibong mas mababa ang panganib.
“Ang mga polisiya sa harm reduction ay maaaring makatulong sa pagsagip ng buhay, habang ang total ban ay maaaring magpalakas sa ilegal na merkado at magdulot ng pagbabalik sa paninigarilyo,” ani Dr. Lorenzo Mata, pangulo ng PHILTRA at co-convenor ng Quit For Good.
Tinalakay din ng mga eksperto sa medisina sa summit ang prinsipyo ng harm reduction, na naglalayong mabawasan ang panganib sa kalusugan na kaugnay ng paggamit ng nicotine sa pamamagitan ng paghikayat sa mga smoker na hindi kayang o ayaw tuluyang itigil ang paggamit ng nicotine na lumayo sa combustible tobacco.
Ibinahagi rin ang mga karanasan ng ibang bansa, kabilang ang Sweden, United Kingdom, New Zealand at Japan, kung saan bumaba ang smoking rates kasabay ng pagkakaroon ng mga alternatibo sa combustible cigarettes.
Sa Sweden, iniulat ang daily smoking rate na 3.7 porsiyento, na mas mababa kumpara sa smoking prevalence sa maraming iba pang bansa sa Europe.
Kinilala ng summit ang pangangailangan ng pamahalaan na makalikom ng karagdagang kita, ngunit nagbabala ang mga kalahok na ang paggamit sa smoke-free alternatives bilang pangunahing pagkukunan ng karagdagang kita mula sa buwis ay maaaring maisantabi ang pagbibigay sa mga smoker ng isa pang opsiyon upang tuluyang lumayo sa sigarilyo.
“Hindi natin maaaring tingnan ang mga produktong ito bilang isa lamang karagdagang pagkukunan ng kita mula sa buwis. Para sa mga smoker, maaari rin itong maging oportunidad upang lumayo sa sigarilyo,” ani Joey Dulay, pangulo ng Philippine E-Cigarette Industry Association (PECIA).
Binigyang-diin din ng summit ang ugnayan ng pagbubuwis, affordability at ilegal na kalakalan.
Ayon sa pinakabagong pag-aaral ng European Union-Association of Southeast Asian Nations (EU-ABC) at Euromonitor International, apat sa bawat limang e-vape na nasa merkado ay hindi napapatawan ng buwis, habang tinatayang umabot sa ₱141 bilyon ang nawawalang kita ng pamahalaan mula sa excise tax dahil sa ilegal na kalakalan ng tobacco at vapor products noong 2024 at 2025.
Nagbabala ang mga kalahok na ang pagtataas ng buwis sa mga legal na alternatibo nang walang mas mahigpit na pagpapatupad laban sa mga ilegal na produkto ay maaaring magtulak sa mga consumer na bumili ng mas mura at hindi nabubuwisang produkto.
Tampok din sa summit ang isang visual exhibit na pinamagatang “When Choice Brings Hope,” na nagtatampok sa mga Pilipinong consumer na nagbahagi kung paano bumuti ang kanilang buhay matapos magkaroon ng access sa smoke-free alternatives na nakatulong sa kanilang paglayo sa sigarilyo.
“Ang hinihiling lang natin ay ganito, na ang polisiya ay nakabatay sa ebidensya at sa antas ng panganib,” ani Ka Anton Israel ng Nicotine Consumers Union of the Philippines (NCUP).
“Ang choice ay nasa Filipino consumer. Ang tungkulin natin ay tiyakin na hindi ito mawawala, na mananatili silang may access, may choice, at may pag-asa,” dagdag ni Israel.
Nanawagan ang summit ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga umiiral na regulasyon, partikular laban sa ilegal na kalakalan at access ng mga kabataan sa mga produktong nicotine, habang pinananatili ang risk-based na pagkilala sa pagkakaiba ng combustible cigarettes at smoke-free products.
( Boy Morales Sr.)