Mga Manileño pinayuhang mag-face mask dahil sa ‘unhealthy’ na hangin
- Published on October 3, 2026
- by Francis Paolo Torres
PINAYUHAN ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang mga residente ng lungsod na magsuot ng face mask matapos maitala ang “unhealthy for sensitive groups” na kalidad ng hangin sa ilang lugar sa Maynila.
“Mask on, mga batang Maynila,” paalala ni Domagoso sa kanyang social media account, kasabay ng panawagan sa mga bata, senior citizen, buntis at may respiratory condition na mag-ingat at iwasan ang matagal na exposure sa maruming hangin.
Batay sa ulat ng Department of Environment and Public Services-Manila, hanggang alas-10 ng umaga nitong Huwebes, “fair” ang Air Quality Index (AQI) sa Anda Circle at Rajah Sulayman Park.
Samantala, naitala naman ang “unhealthy for sensitive groups” na AQI sa Puregold Tayuman, San Sebastian Residences at Sta. Ana Hospital.
Ayon sa ahensiya, posibleng dulot ito ng thermal inversion kung saan naiipon ang mga pollutant malapit sa ground level dahil sa pagkakulong ng malamig na hangin sa ilalim ng mas mainit na air layer.
Pinayuhan ang mga kabilang sa sensitive groups, partikular ang mga may sakit sa paghinga, matatanda, bata at buntis, na limitahan ang matagal na pananatili sa labas at magsuot ng face mask kung kinakailangan.