PAMILYA SA ‘TUNNEL COMMUNITY’ INILIPAT NA NG NHA AT DSWD SA BAGONG BAHAY SA BULACAN
- Published on October 3, 2026
- by Francis Paolo Torres
PORMAL nang ipinamahagi ng National Housing Authority (#NHA) at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga bagong housing unit sa San Ildefonso, Bulacan, sa mga pamilya sa “Tunnel Community” na dating naninirahan sa ilalim ng Osmeña Highway sa Maynila.
Pinangunahan nina NHA General Manager Joeben Tai, DSWD Secretary Rexlon T. Gatchalian at ilang opisyal ng San Ildefonso ang seremonya, kung saan dito ay ipinagkaloob ng NHA ang Certificates of Eligibility for Lot Allocation (CELA) sa mga benepisyaryo.
Personal din na sinamahan nila GM Tai at Sec. Gatchalian ang nasa 49 pamilya sa pagsusuri ng kani-kanilang mga bahay, upang masiguro na tunay na nilang natanggap ang bagong biyayang ito.
Bukod sa pabahay, tiniyak ng NHA na ang St. Ildephonsus Village ay mayroong community facilities tulad ng paaralan, multi-purpose court, livelihood training center, talipapa, at health center – na magagamit ng mga bagong residente ng proyekto.
Bilang patunay sa kahalagahan ng pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya, patuloy na pinagtitibay ng NHA ang mandato nitong nakaayon sa bisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maghatid ng mga ligtas na pabahay at mga sustenableng komunidad.
(PAUL JOHN REYES)