• October 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for October 3rd, 2026

Alex Eala, bronze medalist sa Asian Games

Posted on: October 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGTAPOS ang kampanya ni Alex Eala sa women’s singles ng 2026 Asian Games matapos siyang talunin ng Chinese player na si Wang Xiyu sa tatlong set, 6-3, 3-6, 6-2.Mga istasyon ng radyo

Mabilis na nakakuha ng momentum si Eala sa unang set at umabot sa 5-0 ang kanyang kalamangan. Nakabawi naman si Xiyu para gawing 5-3 ang iskor, ngunit nanatiling matatag ang Pinay at isinara ang unang set, 6-3.

Sa ikalawang set, maagang nahawakan ni Xiyu momentum ng laro matapos umabante sa 5-1. Sinubukan ni Eala na bumawi at napalapit sa 5-3, ngunit tuluyang nakuha ng Chinese player ang set, 6-3.

Sa deciding set, muling nagkaroon ng maagang kalamangan si Xiyu, 4-1. Hindi na nakahanap ng paraan si Eala upang maitabla ang laban habang patuloy na naging agresibo ang kanyang katunggali. Sa huli, isinara ni Xiyu ang deciding set, 6-2, para makuha ang panalo.

Ika-4 na gold medal ng Pilipinas sa Asian Games, nasungkit ni Jeus Yape sa Virtual Taekwondo

Posted on: October 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NASUNGKIT ng atletang Pilipino na si Jeus Gabriel Derick Yape ang ika-apat na gintong medalya ng bansa sa 2026 Aichi-Nagoya Asian Games matapos dominahin ang Mixed Individual Virtual Taekwondo Gold Medal Contest sa Toyohashi Gymnasium sa Japan.

Pinataob ni Yape ang katunggaling si Chau Ngoc Tuyet Sang ng Vietnam sa pamamagitan ng mabilis na 2-0 sweep (500-0, 620-0) gamit ang kanyang perpektong depensa at matitinding sipa sa dalawang magkasunod na round.

Ipinakita ng PH ang kabuuang superiority sa virtual mat nang magtala si Yape ng pangkalahatang 1,120-0 na bentahe sa Remaining HP habang pinagmukhang walang palag ang katunggali sa mga naimbertong sipa at pananggalang.

Dahil sa makasaysayang tagumpay na ito, opisyal nang nalampasan ng Team Pilipinas ang kabuuang lebel ng medalya nito noong Hangzhou Asian Games sa pamamagitan ng mas mataas na bilang ng pilak at tanso bukod sa apat na ginto.

Patuloy ang pagdiriwang ng delegasyon ng Pilipinas sa Nagoya habang umaani pa ng karagdagang karangalan ang mga pambansang atleta sa iba’t ibang larangan ng palakasan.

EJ Obiena at Alex Eala, nagkaroon ng friendly tennis match sa Nagoya

Posted on: October 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGPALIT muna ng laro ang world-class pole vaulter na si EJ Obiena nang hawakan nito ang raket upang makipaglaro sa Philippine tennis star na si Alex Eala sa isang magaan at masayang friendly match sa Aichi-Nagoya, Japan.

Sa video ni Philippine Olympic Committee (POC) Secretary General Wharton Chan na nagsilbing umpire, ang nakatutuwang palitan ng bola at palitan ng biro ng dalawang pambansang atleta sa labas ng kanilang opisyal na kompetisyon ay nagpagaan sa pressure ng kanilang mga event.

Ipinamalas ni Obiena ang kanyang forehand at maging ang isang one-handed backhand return na nakapuntos laban kay Eala, habang nagbibiro pa ito na subukan din ng dalaga ang pole vaulting balang araw.

Hindi rin napigilan ng dalawa ang magtawanan nang aksidenteng maitapon ni Obiena ang bola sa labas ng bakod matapos manghingi ng paumanhin kay Eala bago pa man patamaing muli ang bola.

Umani ng positibong reaksyon mula sa mga tagahanga ang naturang magandang samahan ng dalawang kampeon habang nagpapahinga at nagpapakita ng suporta sa isa’t isa sa gitna ng kampanya sa Asian Games.

Kamara nirebyu ang panukalang amendments sa 2027 national budget

Posted on: October 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MULING nag-convene ang Budget Amendments Review Sub-committee (BARSc) sa ikalawang taon upang talakayin ang panukalang amendments sa 2027 General Appropriations Bill, mula na rin sa kahilingan na isinumite ng ilang government agencies at rekomendasyon na ginawa sa plenary deliberations.

Ayon kay House Committee on Appropriations Chairperson Rep. Mikaela Angela B. Suansing, ang rebyu ay bahagi ng patuloy na commitment ng Kamara para sa isang ‘transparent, accountable, and people-centered budget process.’

Nakahanay ito sa panawagan ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III’s para sa isang “Bagong Kongreso” na naka-angkla sa transparency, accountability, institutional reforms, at pagbibigay ng resulta sa sambayanang Pilipino.

Kabilang sa pangunahing prayoridad na tinalakay sa deliberasyon para masiguro na manatiling ligtas ang mga eskwelahan sa pamamagitan ng School Safety and Security Program. Sa panukalang ₱500 million pondo, layon nitong matulungan na mapalakas ang security measures at emergency preparedness sa mga paaralan, maglaan ng ligtas na kapaligiran sa mga estudyante, guro at school personnel.

“Alam naman po natin ang mga nagaganap sa atin pong mga paaralan, at hindi man po natin gustuhin, pero kailangan po natin maging handa sa mga pagkakataon kung mayroon mang mangyayari. Currently, School Safety and Security has zero funding in the NEP — wala pong nakalagay sa budget para tumugon sa pangangailangan ng ating mga estudyante pagdating sa seguridad. And with that po, given the urgency of the situation at kung gaano kahalaga ito, I would like to put forth for the consideration of the BARSc to allocate ₱500 miliion for school safety and security,” ani Suansing.

Kasama rin sa ginawang rebyu ay mga hakbang para tugunan ang transport sector fuel subsidy. Isinuwestiyon ng komite ang paglalaan ng ₱2.35 billion kasunod ng nagaganap na global energy crisis upang suportahan ang mga direktang naapektuhan ng tumataas na presyo ng gasolina.

Ganoon din ang preparasyon para sa pagkakaroon ng El Niño-ready agriculture budget tulad ng pagbibigay prayoridad sa pagpapalawig ng solar pumps para sa irigasyon sa pamamagitan ng ₱125 million panukalang alokasyon.

(VINA de GUZMAN)

2 SUGATAN SA PAGGUHO NG 2-PALAPAG NA BAHAY SA BINONDO

Posted on: October 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

DALAWANG katao ang sugatan matapos gumuho ang isang dalawang-palapag na bahay sa Sevilla Street, Barangay 272, Binondo, Maynila, pasado alas-9 kagabi, October 1.

Ayon sa mga residente, nakarinig muna sila nang malakas na dagundong bago bumagsak ang bahay.

Tinamaan ng yero ang isang tindera at isang bumibili ng palamig na nasa lugar nang mangyari ang insidente.

Mahigit 70 taon na umanong nakatayo ang bahay at tinitirhan ng isang pamilya na binubuo ng mag-asawa at tatlong anak. Wala ang pamilya nang mangyari ang pagguho dahil nasa kanilang pagsamba.

Napagitnaan naman ang bahay ng dalawang malalaking gusali—isa ang may ongoing na construction at ang isa ay natapos na.

Sinisilip na ng mga awtoridad ang posibleng dahilan ng pagguho, kabilang ang kondisyon ng lumang bahay at ang mga istrukturang nakapaligid dito.

Agad na nagsagawa ng assessment ang Manila DRRMO at Manila Police District o MPD. Bilang safety measure, isinara na rin sa mga motorista ang bahagi ng Sevilla Street na apektado ng insidente. (Gene Adsuara)

Philippine Red Cross North Caloocan Satellite Office, pinasinayaan

Posted on: October 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGING bahagi si Mayor Along Malapitan sa pagbubukas ng Philippine Red Cross North Caloocan Satellite Office sa Barangay 176-A na aniya’y malaking bagay para sa mga residente ng Caloocan North, lalo na sa panahon ng emergency at sakuna dahil sa pamamagitan nito, mas mapapabilis ang pagtugon at pag-abot ng kinakailangang tulong ng mga Batang Kankaloo.

Nagpasalamat ang alkalde sa Philippine Red Cross sa patuloy na pakikipagtulungan sa lungsod kaya patuloy niyang susuportahan at palalakasin ang mga serbisyong naglalayong magligtas ng buhay at magbigay ng agarang tulong sa mga Batang Kankaloo. 

(Richard Mesa)

PBBM, pinuri at pinasalamatan ng mga magulang at guro sa pagbisita sa paaralan sa Santiago City, Isabela

Posted on: October 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINASALAMATAN ng School Parent-Teacher Association (SPTA) ng Santiago City si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang pagbisita sa Patul Elementary School sa Santiago City, Isabela nitong Biyernes.

Ayon kay Jimmy Vic Elardo, SPTA federation president, malaking bagay ang pagbisita ng Pangulo dahil ipinapakita nito ang suporta ng pamahalaan sa kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral.

“Una ay nagpapasalamat tayo ng napakarami sapagkat bibihira yung mapuntahan ng ating mahal na Pangulo … para lamang suportahan ang ating adbokasiya na maging ligtas ang lahat ng paaralan,” ani Elardo.

Sinabi ni Elardo na tinalakay sa pagbisita nina Pangulong Marcos at Education Secretary Sonny Angara ang mga programa para sa edukasyon, kalusugan at seguridad sa mga paaralan.

Binigyang-diin din ni Elardo ang kahalagahan ng mga feeding program para sa mga batang nangangailangan ng dagdag na nutrisyon.

“’Yun feeding program kasi, minsan isinasagawa ‘yan sa eskwelahan lalo na kung marami yung bilang ng mga malnourished children,” ani Elardo.

Nais din ng SPTA na mapalakas ang seguridad sa mga paaralan, kabilang ang paggamit ng mga metal detector upang maiwasang makapasok ang mga mapanganib na bagay.

“Other program na ita-tackle rin, ‘yun mga kagamitan na puwedeng gamitin tulad nung … metal detector scanner ay isa sa mga bagay na nakakatulong sa pagpasok ng mga estudyante,” ani Elardo.

May 41 pampublikong paaralan sa Santiago City na may humigit-kumulang 5,000 estudyante sa elementarya at high school.

Samantala, binisita rin nina Pangulong Marcos at Secretary Angara ang Patul Elementary School upang tingnan ang pagpapatupad ng Home-Grown School Feeding (HGSF) sa ilalim ng School-Based Feeding Program (SBFP).

Layunin ng programa na mabigyan ng masustansyang pagkain ang mga mag-aaral habang nakatutulong din sa mga lokal na magsasaka.

Nakabatay ang programa sa Republic Act No. 11037 o Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act. Nagbibigay ito ng mainit na pagkain na may hindi bababa sa 30 porsiyento ng kinakailangang energy at nutrients ng mga bata, gamit ang mga produktong direktang kinukuha mula sa mga lokal na smallholder farmers. ( DARIS JOSE)

Hamon kay National Anti-Poverty Commission (NAPC) Secretary at Lead Convenor…Recto kay Pacquiao: I-KO ang gutom at kahirapan

Posted on: October 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

“PANAHON na para sama-sama nating i-knockout ang gutom at kahirapan.”

Ito ang hamon ni Executive Secretary Ralph G. Recto kay National Anti-Poverty Commission (NAPC) Secretary at Lead Convenor Emmanuel “Manny” D. Pacquiao sa kanilang pulong sa Malakanyang, araw ng Huwebes, Oktubre 1.

Tinalakay nina Recto at Pacquiao ang mga susunod na hakbang upang mas palakasin at pag-ugnayin ang mga programa ng pamahalaan laban sa kahirapan, lalo na ang mga direktang tumutugon sa pangangailangan ng mahihirap na pamilya.

Target ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maibaba sa 9% ang poverty incidence sa bansa pagsapit ng 2028.

Ayon sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba ang poverty incidence sa 9.7% noong 2025 mula 15.5% noong 2023. 

Katumbas pa rin ito nang humigit-kumulang 11 milyong Pilipinong nabubuhay sa kahirapan, kaya iginiit ni Recto ang pangangailangang ipagpatuloy at pabilisin ang mga programang direktang nakatutulong sa kanila.

Binigyang-diin sa pulong ang mas mahigpit na koordinasyon ng mga ahensya upang matiyak na ang mga programa laban sa kahirapan ay hindi magkakahiwalay, kundi nagtutulungan at nakatuon sa mga komunidad at sektor na higit na nangangailangan.

Ang NAPC ang pangunahing coordinating at advisory body ng pamahalaan para sa social reform at poverty alleviation.

May personal at makasaysayang koneksyon din si Recto sa NAPC. Bilang mambabatas, kabilang sa mahahalagang batas na kanyang itinaguyod ang Social Reform and Poverty Alleviation Act (Republic Act No. 8425), na lumikha sa NAPC at nilagdaan bilang batas noong Disyembre 11, 1997.

Masayang binalikan ni Recto na nilagdaan ang batas sa mismong wedding anniversary nila ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto, isang personal na petsa na naging bahagi rin ng mahalagang yugto sa kampanya ng pamahalaan laban sa kahirapan.

Ngayon, halos tatlong dekada matapos maisabatas ang RA 8425, muling nakatuon ang NAPC sa parehong laban, ngunit may malinaw na target: ibaba sa 9% ang kahirapan pagsapit ng 2028. ( DARIS JOSE)

BI-NAIA, NAILIGTAS ANG 3 POSIBLENG BIKTIMA NG HUMAN TRAFFICKING

Posted on: October 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAPIGILAN ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang pag-alis ng tatlong babaeng pasahero noong Setyembre 25, 2026, matapos mapag-alamang posibleng biktima sila ng human trafficking.

Ayon sa ulat ng Immigration Protection and Border Enforcement Unit (I-PROBES) kay BI Commissioner Joel Anthony M. Viado, hinarang ang tatlong pasahero sa departure area ng NAIA Terminal 1 habang tangka nilang bumiyahe gamit ang mga kahina-hinala at umano’y pekeng dokumento.

Una nilang idineklarang biyaheng Vietnam ang kanilang destinasyon, ngunit lumitaw sa kanilang E-class Cambodian visas na Phnom Penh, Cambodia ang kanilang tunay na destinasyon.

Napansin din ng mga immigration officer ang mga hindi pagkakatugma sa kanilang destinasyon, haba ng pananatili at iba pang detalye ng kanilang biyahe.

Nakita rin ang mga kuwestiyonableng at umano’y pinakialamang dokumento, kabilang ang bank certificates, certificates of employment at business registration documents.

Dahil dito, pinaghinalaan ng I-PROBES na maaaring na-recruit ang tatlong babae para magtrabaho sa Cambodia, kung saan may mga Pilipino nang nailigtas mula sa mga kaso ng trafficking at illegal recruitment na may kaugnayan sa online scam operations.

Nagbabala si Commissioner Viado sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa na maging maingat sa mga alok na trabaho, lalo na kung nangangako ito ng sobrang taas na sahod o hindi malinaw na employment arrangements.

Itinurn-over ang tatlong pasahero sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang assessment, imbestigasyon at kaukulang aksyon, kabilang ang posibleng pagsasampa ng kaso laban sa kanilang mga umano’y lokal na recruiter.
(Gene Adsuara)

NPD, nagtala ng tuloy-tuloy na pagbaba ng krimen

Posted on: October 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SA ilalim ng pamumuno ni District Director P/BGen. Benliner Capili, nakapagtala ang Northern Police District (NPD) ng tuloy-tuloy na pagbaba ng krimen sa buong CaMaNaVa area.

Sa naitalang datos ng NPD, bumaba ang insidente ng krimen mula sa 104 noong buwan ng Hulyo sa 68 pagsapit ng Agosto o katumbas ng 34.62% habang pagsapit ng Setyembre ay lalu pa itong bumaba sa 59 na karagdagang pagbaba ng siyam na kaso o 13.24% kung ikukumpara sa nagdaang dalawang buwan.

Sinabi ni NPD Public Information Office (PIO) chief P/Lt. Reichhel Raymundo na maituturing na bumaba lahat ng focus crimes sa area ng CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) na kadalasang nangyayari at nagdudulot ng takot sa mamamayan dahil direkta itong nagbabanta sa kanilang buhay at ari-arian.

Kabilang naman sa naging susi ng pagbaba ng krimen sa NPD ang patuloy na pagsisikap na maimplementa ang police operations, pagpapalakas ng police visibility at pagpapatrulya, pati na ang inisyatiba sa pagiwas sa krimen.

Patuloy din ang maagap na pagpapatupad ng batas sa ilalim ng liderato ni BGen. Capili, pati na ang pagiging responsableng serbisyo publiko, mas mahigpit na pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at komunidad upang makatulong sa pagsugpo sa anumang banta ng kriminalidad. (Richard Mesa)