BI-NAIA, NAILIGTAS ANG 3 POSIBLENG BIKTIMA NG HUMAN TRAFFICKING
- Published on October 3, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAPIGILAN ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang pag-alis ng tatlong babaeng pasahero noong Setyembre 25, 2026, matapos mapag-alamang posibleng biktima sila ng human trafficking.
Ayon sa ulat ng Immigration Protection and Border Enforcement Unit (I-PROBES) kay BI Commissioner Joel Anthony M. Viado, hinarang ang tatlong pasahero sa departure area ng NAIA Terminal 1 habang tangka nilang bumiyahe gamit ang mga kahina-hinala at umano’y pekeng dokumento.
Una nilang idineklarang biyaheng Vietnam ang kanilang destinasyon, ngunit lumitaw sa kanilang E-class Cambodian visas na Phnom Penh, Cambodia ang kanilang tunay na destinasyon.
Napansin din ng mga immigration officer ang mga hindi pagkakatugma sa kanilang destinasyon, haba ng pananatili at iba pang detalye ng kanilang biyahe.
Nakita rin ang mga kuwestiyonableng at umano’y pinakialamang dokumento, kabilang ang bank certificates, certificates of employment at business registration documents.
Dahil dito, pinaghinalaan ng I-PROBES na maaaring na-recruit ang tatlong babae para magtrabaho sa Cambodia, kung saan may mga Pilipino nang nailigtas mula sa mga kaso ng trafficking at illegal recruitment na may kaugnayan sa online scam operations.
Nagbabala si Commissioner Viado sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa na maging maingat sa mga alok na trabaho, lalo na kung nangangako ito ng sobrang taas na sahod o hindi malinaw na employment arrangements.
Itinurn-over ang tatlong pasahero sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang assessment, imbestigasyon at kaukulang aksyon, kabilang ang posibleng pagsasampa ng kaso laban sa kanilang mga umano’y lokal na recruiter.
(Gene Adsuara)