2 SUGATAN SA PAGGUHO NG 2-PALAPAG NA BAHAY SA BINONDO
- Published on October 3, 2026
- by Francis Paolo Torres
DALAWANG katao ang sugatan matapos gumuho ang isang dalawang-palapag na bahay sa Sevilla Street, Barangay 272, Binondo, Maynila, pasado alas-9 kagabi, October 1.
Ayon sa mga residente, nakarinig muna sila nang malakas na dagundong bago bumagsak ang bahay.
Tinamaan ng yero ang isang tindera at isang bumibili ng palamig na nasa lugar nang mangyari ang insidente.
Mahigit 70 taon na umanong nakatayo ang bahay at tinitirhan ng isang pamilya na binubuo ng mag-asawa at tatlong anak. Wala ang pamilya nang mangyari ang pagguho dahil nasa kanilang pagsamba.
Napagitnaan naman ang bahay ng dalawang malalaking gusali—isa ang may ongoing na construction at ang isa ay natapos na.
Sinisilip na ng mga awtoridad ang posibleng dahilan ng pagguho, kabilang ang kondisyon ng lumang bahay at ang mga istrukturang nakapaligid dito.
Agad na nagsagawa ng assessment ang Manila DRRMO at Manila Police District o MPD. Bilang safety measure, isinara na rin sa mga motorista ang bahagi ng Sevilla Street na apektado ng insidente. (Gene Adsuara)