• November 17, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Hinimok ng PNP na sumuko na upang maiwasan ang karahasan…Ultimatum kay Bato tapos na!

SA PAGTATAPOS kahapon araw ng Biyernes sa ultimatum sa pagsuko ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, muli pa rin itong hini­mok ng Philippine National Police (PNP) na sumuko upang maiwasan ang anumang gulo o karahasan.

Ayon kay PNP Public Information Office chief Col. Allen Rae Co, ang pagsuko ang tamang gawin ni Dela Rosa upang mapanatili ang dignidad nito.

“Tapusin natin ito nang may dignidad sa panig mo,” ani Co.

Ayon kay Co, patuloy ang paghahanap kay dela Rosa, kabilang ang pagtanggap ng mga impormasyon mula sa publiko sa pamamagitan ng mga hotline na inilunsad ng PNP.

Sinabi rin ni Co na pinag-aaralan din nila ang pagpapalabas ng wanted poster. Marami pa ring lugar ang hindi lubusang nakakakilala sa Senador.

Nilinaw din ni Co na ang P50 milyong pabuya ay tip para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa pagdakip kay Dela Rosa at hindi pahintulot para sa mga sibilyan na personal itong arestuhin.

Pinaghahanap si Dela Rosa kaugnay ng warrant ng International Criminal Court (ICC) sa mga alegasyon ng krimen laban sa sangkatauhan na may kaugnayan sa kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon.

Ipinaliwanag din ni Co kung bakit itinuring ng PNP na armado at mapanganib ang senador. Ayon sa opisyal, mayroon umanong mahigit 90 baril si Dela Rosa at patuloy itong umiiwas sa pag-aresto.

 (DARIS JOSE)