• November 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

ALPAS GROUP, NAGKALOOB NG HALOS ₱100,000 SA NUJP PARA SA MENTAL HEALTH NG MGA MAMAMAHAYAG

NAGKALOOB ang ALPAS Group ng halos ₱100,000 na donasyon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) upang mapalawak ang mga programa nito para sa mental at emosyonal na kalusugan ng mga mamamahayag.

Pormal na ipinagkaloob ang donasyon noong Oktubre 23 bilang bahagi ng paggunita sa Mental Health Awareness Month. Layunin nitong gawing mas madaling ma-access ang suporta sa kalusugang pangkaisipan, partikular para sa mga mamamahayag na nag-uulat tungkol sa mga trahedya, karahasan, at iba pang mapanganib na pangyayari, gayundin sa mga nakararanas ng pagbabanta at panggigipit.

Ayon kay ALPAS Group Co-Founder at CEO Marzie Marzan, mahalagang matulungan ang mga mamamahayag na mapangalagaan ang kanilang mental at emosyonal na kalusugan sa gitna ng mga hamon sa kanilang trabaho.

Sinabi naman ng NUJP na makatutulong ang donasyon sa pagpapalakas ng kanilang *Peer Support for Journalists Program*, na nagbibigay ng kaalaman at suporta sa mga mamamahayag upang makayanan ang epekto ng mga nakababahalang karanasan sa kanilang propesyon.

Sa ilalim ng programa, layon ng NUJP na bumuo ng network ng mga sinanay na katuwang na makapagbibigay ng emosyonal na suporta sa kapwa mamamahayag, lalo na sa mga komunidad at alternatibong media na limitado ang access sa agarang tulong sikolohikal.

Samantala, sinabi ni ALPAS Group Co-Founder at Chief Strategy Officer Atty. Carlo Escalada na patuloy silang makikiisa sa mga inisyatibang naglalayong pangalagaan ang kapakanan ng mga mamamahayag, kabilang ang kanilang mental at emosyonal na kalusugan.

Patuloy namang magtutulungan ang ALPAS Group at NUJP upang palawakin ang access sa mga serbisyong pangkalusugang pangkaisipan at palakasin ang proteksyon sa mga mamamahayag. 

(Gene Adsuara)