• October 19, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September, 2026

Malakanyang, todo-depensa sa viral video ni PBBM; ops para sa calamity response, nagpapatuloy

Posted on: September 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TODO-DEPENSA ang Malakanyang kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasunod ng pagkalat ng mga video na nagpapakita na siya’y kumakanta sa pagdiriwang ng kaarawan ni Unang Ginang Liza Araneta Marcos sa gitna ng masamang panahon dala ng Southwest Monsoon (Habagat).

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na kahit nasaan man ang Pangulo ay patuloy na minomonitor nito ang sitwasyon at ipinag-utos sa mga kinauukulang ahensiya na tumugon nang naaayon sa epekto ng masamang panahon.

“Ang Pangulo ay Pangulo saan man siya naroroon. Ang paglalaan ng ilang oras para sa kanyang pamilya ay hindi nangangahulugang tumitigil ang kanyang tungkulin o ang operasyon ng pamahalaan,” ng winika ni Castro.

“Sa gitna ng matinding pag-ulan, patuloy ang kanyang pagbabantay at pag-uutos sa mga ahensya upang matiyak ang kaligtasan at agarang pagtulong sa ating mga kababayan,” aniya pa rin.

Sa ulat, may dalawang video ng Pangulo ang nakabahagi ngayon sa Facebook account ni Jose “Bonito” Singson Jr., dating mayor ng Vigan City.

Ang Unang Ginang ay 67 taong gulang, araw ng Biyernes, Agosto 21.

Sa hiwalay na social media post, inilarawan ng Pagulo ang kaarawan ng Unang Ginang bilang “most important day in the calendar.”

“My dear Liza, we’re celebrating today a most important day in the calendar; Liza Day!” ang sinabi ng Pangulo sa isang social media post.

“Happy Birthday to the First Lady of every day of my life… and beyond,” aniya pa rin.

Samantala, ang patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan dulot ng Habagat ang dahilan ng pagbaha sa Kalakhang Maynila at ilang lugar sa Luzon, araw ng Sabado, Agosto 29.

Kabilang sa mga lumubog sa baha ay ang Dagupan, Pangsinan; Pampanga; Bataan; Bulacan; at Tarlac. (DARIS JOSE)

PBBM, pinarangalan ang mga makabagong bayani; nanawagan ng pagkakaisang ipagtatanggol ang soberanya ng Pilipinas

Posted on: September 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINARANGALAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes ang mga bayaning Pilipino, kabilang ang mga hindi man kilala ngunit nagsakripisyo para sa pagtatatag at pagpapaunlad ng bansa.

Nanawagan din ang Pangulong Marcos sa mga Pilipino na isabuhay ang diwa ng kabayanihan sa pamamagitan ng paglilingkod sa bayan at pagtatanggol sa soberanya ng Pilipinas.

Sa kanyang talumpati sa paggunita ng National Heroes Day sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio, sinabi ng Pangulo na pagkakataon ang paggunita hindi lamang upang alalahanin ang mga makasaysayang personalidad na nakipaglaban para sa bansa kundi upang kilalanin din ang mga ordinaryong Pilipinong patuloy na nagsasakripisyo para sa kanilang pamilya at komunidad.

“Sa pagdiriwang natin ng National Heroes Day, pinararangalan natin ang mga Pilipinong nag-alay ng kanilang tapang, lakas, at, sa ilang pagkakataon, maging ng kanilang buhay para sa kalayaan at dignidad ng ating bansa,” ang pahayag ni Pangulong Marcos.

Kabilang sa kinilala ng Pangulo bilang mga makabagong bayani ang mga overseas Filipino worker (OFW), bumbero, pulis, sundalo, emergency responder, guro, healthcare worker, mga magulang, at iba pang Pilipinong patuloy na ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa kabila ng mga hamon.

Kinilala rin ni Pangulong Marcos ang Philippine Coast Guard, Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, at mga Filipino fisherfolk sa pagtatanggol sa mga karapatan, kabuhayan, at pambansang interes ng bansa sa West Philippine Sea.

“Ilan lamang sila sa maraming mukha ng kabayanihan sa ating panahon,” dagdag ng Pangulo, na binigyang-diin ang patuloy na pagsasakripisyo, paglilingkod , at paggawa ng mabuti ng mga Pilipino para sa kapwa at sa bansa sa iba’t ibang paraan.

Iniugnay din ng Pangulo ang paggunita sa mga kasalukuyang hamon na kinakaharap ng bansa, partikular ang pangangailangang protektahan ang pambansang interes, itaguyod ang rule of law, at tiyakin ang seguridad ng mga yamang mahalaga sa mga komunidad ng Pilipino.

Ayon sa Pangulo, sampung taon na ang lumipas mula nang ilabas ang 2016 Arbitral Award na kumilala sa maritime entitlements ng Pilipinas sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

“Ipaglalaban natin ang ating mga karapatan sa paraang mapayapa, naaayon sa batas, at naaayon sa ating mga prinsipyo,” ani Pangulong Marcos.

Binigyang-diin ng Pangulo na pananagutan ng buong bansa ang pagtatanggol sa teritoryo ng Pilipinas.

Kabilang dito ang pagtuturo sa mga kabataang Pilipino tungkol sa maritime rights ng bansa at paghikayat sa responsableng talakayan ng publiko.

Nanawagan din si Pangulong Marcos ng mas pinaigting na pagsisikap na itaguyod ang katotohanan at labanan ang disinformation sa iba’t ibang platform, kasabay ng pagbibigay ng matibay na suporta sa mga Filipino fisherfolk na patuloy na nangingisda sa karagatan ng Pilipinas at nagpapatibay sa ugnayan ng bansa sa maritime territory nito.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang pangangailangang mapanatili ang integridad ng mga institusyon ng pamahalaan sa pamamagitan ng transparency, accountability, at de-kalidad na serbisyo publiko.

“Sapagkat ang tibay ng ating paninindigan bilang bansa ay nagsisimula sa lalim ng ating kaalaman at lakas ng ating pagkakabuklod bilang isang bayan,” dagdag pa ng Pangulo.

Ayon sa Pangulo, dapat makita ang pagmamahal at katapatan ng mga Pilipino sa bansa sa pagkilala sa ating bayan, pagsusulong ng mga karapatan nito, at pagtupad sa mga responsibilidad upang mapanatiling matatag, malaya, at nagkakaisa ang Pilipinas.

Hinimok ni Pangulong Marcos ang mga Pilipino na magtulungan sa pagtataguyod ng isang “Bagong Pilipinas” kung saan matatag na naninindigan ang mga mamamayan sa harap ng mga panggigipit, naglilingkod nang may integridad ang mga institusyon, at nananatiling ligtas ang pambansang soberanya para sa mga susunod na henerasyon. (DARIS JOSE)

Malakanyang sa imbestigasyon ng flood control:Let the Ombudsman do its job

Posted on: September 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAKIUSAP ang Malakanyang sa publiko na hayaan ang Office of the Ombudsman na ipagpatuloy ang imbestigasyon nito kaugnay sa maanomalyang flood control projects at huwag madaliin ang mga bagay-bagay gaya ng nais na mangyari ng marami, bilang bahagi ng pagdurusa ng bansa mula sa matinding pagbaha dulot ng walang tigil na pag-ulan.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang Office of the Ombudsman ay isang independent constitutional body at mayroong sariling mandato, hiwalay mula sa ehekutibo, lehislatura at hudikaturang sangay ng pamahalaan.

“Nadidinig naman po natin ang mga report, mga salita, ang mga mensahe ni Ombudsman Boying Remulla, kung paano sila nagtatrabaho at paano nila inaaral ang mga naipasa na mga dokumento sa kanilang opisina,” ang sinabi ni Castro sa isang video statement.

“Batid natin ang hirap na mag-aral ng gabundok na mga files, at random naman din natin na nais din nilang mapabilis lahat ang mga kasong iniimbestigahan,” dagdag na pahayag ni Castro.

Gayunman, sinabi pa ni Castro na hindi tama na madaliin ang imbestigasyon dahil maaaring mauuwi lamang sa wala ang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

“Mahirap madaliin ang kaso tapos hilaw. Sisihin sila kapag na-dismiss ang kaso dahil kulang sa ebidensya. So, hayaan po natin magtrabaho ang Ombudsman dahil alam po nila ang kanilang responsibilidad,” ang pahayag ni Castro.

Gayunpaman, nanindigan si Castro na ang imbestigasyon ng Ombudsman hinggil sa flood control ay naaayon sa batas. 

 (DARIS JOSE)

Malakanyang sa isyu ng pagbaha dulot ng Habagat: ‘No holidays for President’

Posted on: September 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

WALANG ‘HOLIDAYS’ para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno sa patuloy na pagtugon ng mga ito sa mga lugar na apektado ng matinding pagbaha dulot ng Southwest Monsoon (Habagat).

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na “there is no holiday” para sa Pangulo sa gitna ng sitwasyon.

“Mino-monitor ng Pangulo ang lagay ng panahon. Sa paglakas muli ng ulan itong gabi ng Biyernes at Sabado, ang mga miyembro ng gabinete ay muling nag-update sa Pangulo at inutos ng Pangulo na dapat na lahat ng apektadong lugar at apektadong mga residente, siguraduhin hindi magugutom at kumpleto pati ang non-food kits,” ang winika ni Castro.

“Sa mga ganitong klaseng sitwasyon, hindi kailangang utusan pa ng Pangulo ang mga nasabing miyembro ng gabinete dahil alam nila kung ano ang nais ng Pangulo, mabilis na aksyon. Walang holiday-holiday sa Pangulo,” aniya pa rin.

Sa katunayan, nakatakdang pangunahan ni Pangulong Marcos ang response meeting sa Central Luzon at Metro Manila ngayong araw, kasama ang mga opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Budget and Management (DBM) upang makakuha ng flood updates.

Nito lamang weekend, umalma ang mga netizens sa pagsasaya umano ni Pangulong Marcos kaugnay lumabas na video ng kanyang pag-awit sa birthday celebration ng kanyang esposa na si Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, nagdiwang ng kanyang ika-67 taong gulang sa gitna ng malakas na pagbuhos ng ulan at mataas na pagbaha dulot ng Habagat.

Sa kabilang dako, ikinalungkot naman ni Castro ang insidente ng pagnanakaw sa mga mahahalagang piyesa ng pumping stations sa Metro Manila, nagresulta ng pagkabigo ng pumping stations na gumana sa gitna ngn malakas na pag-ulan.

“Dahil sa mga ninakaw na mahahalagang piyesa ng pumping stations hindi sila gagana. Gagastos tayo ulit para sa mga replacement na ito. Paano kung walang makuha agad na replacement? Hindi agad maiaayos ang mga ito na magdudulot na naman ng mabagal na paghupa ng baha,” ang tinuran ni Castro.

“Huwag tayo maging makasarili. Buhay, kalusugan, at ari-arian ang maaapektuhan dahil sa mga pagnanakaw na ito. Huwag ninyong isabotahe ang mga proyekto ng Pangulo. Magtulungan po tayo,” aniya pa rin.

Samantala, nagbabala naman si Castro sa lahat ng mga gumagawa ng pananabotahe na ito, tiniyak ni Castro na ang mga ito ay hahabulin ng batas. 

“Papanagutin po namin kayo dahil buhay at kabuhayan ang maaaring maapektuhan ng inyong mga makasariling gawain,” diing pahayag ni Castro. (DARIS JOSE)

Pagbilao, nagdiwang ng Ika-296 na Anibersaryo at Papag at Bilao Festival

Posted on: September 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PAGBILAO, Quezon — Masiglang ipinagdiwang ng bayang ito ang kanilang ika-296 na Araw ng Pagbilao kasabay ng taunang Papag at Bilao Festival sa Patio de Pagbilao.

Sinimulan ang selebrasyon sa pamamagitan ng isang banal na misa noong ika-29 ng Agosto, na inihandog din para sa kapistahan ng patron ng bayan na si Sta. Catalina.

Sa naging panayam sa programa, ibinida ng lokal na pamahalaan ang mga isinagawang pagbabago sa bayan at ang pangunahing pangarap na maiangat ang Pagbilao bilang isang ganap na lungsod. Isa sa mga ipinagmamalaking programa ay ang Heart Program, kasama na ang patuloy na pagpapalakas ng mga livelihood project para sa kanilang mga pangunahing produkto—ang papag at bilao. Binigyang-diin na malaki ang gampanin ng mga ito sa bawat tahanan: ang papag bilang higaan at ang bilao bilang sisidlan ng bigas at mga pagkain. Layunin din nitong patuloy na mapanatili at mapahalagahan ang kultura at tradisyon ng mga Pagbilawin.

Nagpatuloy ang kasiyahan sa ikalawang bahagi ng programa sa pamamagitan ng makulay na parada ng bayan. Sinundan ito ng mga patimpalak na nagpakita ng galing at sining ng mga lokal na residente, kabilang ang kompetisyon sa street dancing, pagandahan ng mga karosa, at ang pagpapakita ng kariktan ng mga kandidata at muse.
(Yvonne Bagang/ Boy Morales Sr.)

Ang National Heroes Day ay hindi lamang araw ng paggunita kundi araw ng pagpapaalala kung sino tayo bilang mga Pilipino -Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III

Posted on: September 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAS maunlad at matatag na Pilipinas ay hindi lamang itinatayo ng mga lider kundi mga Pilipinong may malasakit at paninindigan-Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III.

Ito ang mensahe ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III sa pagdiriwang ng National Heroes Day nitong Lunes kung saan nanawagan din ang Speaker na bigyan karangalan ang ating mga bayani.

“Ngayong National Heroes Day, alalahanin natin ang mga bayani ng ating nakaraan at higit sa lahat mahalin natin ang ating bayan at kapwa upang lalo pang pagtibayin ang Pilipinas na kanilang ipinaglaban,” sabi ni Dy.

Aniya, ang National Heroes Day ay hindi lamang araw ng paggunita kundi araw ng pagpapaalala kung sino tayo bilang mga Pilipino. 

“Ang ating mga bayani ay nag-iwan sa atin ng isang mahalagang pamana: ang paniniwalang may mga bagay na higit na mahalaga kaysa sa sarili—ang bayan, ang kapwa, at ang kinabukasan ng susunod na henerasyon,” sabi ni Dy.

Sinabi ni Dy na nakaatang ngayon sa kasalukuyang henerasyon ng mga Pilipino ang responsibilidad na ituloy ang pamana ng ating mga bayani.

“Ngayon, tayo naman ang may pananagutan na ipagpatuloy ang pamana na iyon,” sabi ni Dy. (VINA de GUZMAN)

Paggamit ng social media, nagiging merkado ng illegal na droga

Posted on: September 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGBABALA ang isang mambabatas sa paggamit ng social media na aniya’y nagiging merkado ng ilegal na droga.

 Ayon kay Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos, nagiging popular ang paggamit ng Messenger at Viber sa pakikipag transakyon sa drug dealers at criminal groups.

“Technically, all social media platforms prohibit the sale of drugs, but teens know how to find a drug dealer on social media. Drug enforcement units have found evidence that drug activity is rampant across major platforms, particularly Messenger and Viber in the Philippines,” sinabi ni Santos.

Aniya, pinaka popular magbenta ng shabu, kasunod ay marijuana at cocaine. Natututo na rin ang mga drug dealers at mga sindikato sa paggamit ng teknolohiya.

Natuklasan ng mga cybersecurity experts na ginagamit ng mga extremist at terrorist groups ang mga popular na online games at social media platforms para makapag recruit.

Tinukoy ni Santos ang grupong 764 na umano’y nakapag-recruit ng mga ilang kabataan online, kabilang ‘yung suspek sa naganap na pamamaril sa isang eskuwelahan sa Tacloban City kamakailan. 

“Social media has made it possible for drug dealers to operate in plain sight. They can use coded words, images, emojis and seemingly harmless posts to advertise illegal drugs while trying to evade the platforms’ detection systems,” sinabi ni Santos. 

“The danger is not simply that children may see illegal drugs online. The greater danger is that the platform can become the place where they are introduced to the drug dealer, persuaded to try drugs and eventually pulled into a criminal network,” dagdag ni Santos.

Nanawagan si Santos sa Kamara at sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na palakasin at pag-ibayuhin ang kampanya laban sa ilegal na droga at pangalagaan ang mga kabataan sa paggamit ng social media platforms. 

“The drug trade has evolved. Our laws, enforcement strategies and digital safeguards must evolve with it. We cannot fight a 21st-century drug problem using yesterday’s tools,” sinabi ni Santos. 

(VINA de GUZMAN)

BILANG NG PASYENTE NG LEPTOSPIROSIS, BUMABA

Posted on: September 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BUMABA na ang bilang ng mga pasyente na may leptospirosis sa San Lazaro Hospital matapos makarekober ang ilan sa kanila. 

Base sa datos ng ospital, gumaling ang nasa 30 Leptospirosis patient at napauwi na makaraan masiguro na ligtas na sila sa naturang sakit. 

Sa kabila nito, 24 na bagong pasyente ang na-admit, dahilan upang umabot sa 164 ang kasalukuyang nakatala na in-patient sa ospital. 

Inaasahang naman ni Dr. David Suplico ang medical chief ng San Lazaro Hospital, na bababa pa ang kaso ng nagkasakit ng leptospirosis. 

Nabatid na base sa kanilang pag-aaral, ang incubation period ng leptospirosis ay isa hanggang 30 araw kung saan ang pagtaas ng kaso nito ay loob ng dalawang linggo pagbaha pero unti-unti ng nababawasan ang mga pasyente. 

Muli naman pinapayuhan ang lahat na maiging iwasan lumusong sa baha para hindi magkasakit ng leptospirosis at huwag rin balewalain ang sakit lalo na’t maaari ito mauwi sa pagkamatay. (Gene Adsuara)

Kelot, binaril ng magkapatid sa Malabon, malubha

Posted on: September 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NASA kritikal na kalagayan ang 33-anyos na kelot nang pagbabarilin ng magkapatid na kanyang kapitbahay habang patungo sa isang tindahan sa Malabon City, Lunes ng madaling araw.

Inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong dalawang tama ng bala sa dibdib ang biktimang si alyas “Paul”, residente ng Katarungan St. Brgy. Muzon ng lungsod.

Patuloy namang tinutugis ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission ang mga suspek na sina alyas “Melvin” at alyas “Harold”, kapwa nasa hustong gulang.

Sa inisyal na ulat na tinanggap ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, bibili sana ng sigarilyo sa kalapit na tindahan sa Katarungan St. ang biktima dakong alas-4:20 ng madaling araw nang tambangan at pagbabarilin ni alyas Melvin na noon ay nag-aabang na pala sa kanya sa naturang lugar.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng isang Honda Click na motorsiklo patungong Ilang-Ilang St., Brgy. Concepcion habang isinugod naman ang biktima sa Malabon Hospital and Medical Center bago inilipat sa TMC.

Lumabas sa imbestigasyon nina P/MSg Michael Oben at P/SSg Bengie Nalogoc na matagal ng may alitan ang biktima at magkapatid kaugnay sa isinampang kasong Grave Threat ng dalawa laban sa kapitbahay sa Malabon Regional Trial Court (RTC). (Richard Mesa)

Batang lalaki na nahulog sa ilog sa Valenzuela, nalunod 

Posted on: September 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NASAWI ang 11-anyos na batang lalaki matapos malunod makaraang mahulog sa ilog nang tangayin ng malakas na alon ng tubig-baha dulot ng pagdaan ng malaking trak sa Valenzuela City.

Sa ulat Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, dakong alas-2:45 ng Sabado ng hapon nang maganap ang insidente sa ilog sa R. Jacinto St. malapit sa Bahay Kalinga, Brgy. Canumay West.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon, nakatambay ang biktima, kasama ang kanyang 13-anyos na kaibigan sa maliit na tulay sa naturang lugar nang dumaan ang isang malaking trak sa binabahang lugar na lumikha ng malakas na alon kaya tumalsik ang bata patungong ilog.

Tinangka namang sagipin ng kanyang kaibigan ang biktima na agad tumalon sa ilog subalit, tinangay na ng malakas na agos ng tubig ang bata.

Kaagad namang nagsagawa ng paghahanap at pagsagip ang mga tauhan ng barangay at Valenzuela City Disaster Risk Reduction and Management Office (VCDRRMO) hanggang makita nila ang lumulutang na katawan ng bata sa ilog sa may Raminel Subtivision, T. Santiago St. Brgy. Veinte Reales pasado alas-3:10 ng hapon.

Isinugod pa ng mga tauhan ng VCDRRMO ang bata sa pagamutan subalit idineklarang dead-on-arrival ng attending physician. (Richard Mesa)