• October 19, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September, 2026

ISKO NANAWAGAN NA MAGSUOT NG MASK DULOT NG TOXIC HAZE

Posted on: September 2nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NANAWAGAN si Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso sa mga Manileño na mag-mask dahil sa toxic haze mula sa sunog sa kagubatan ng Indonesia na lumukob sa kabisera ng Pilipinas kasunod ng babala tungkol sa mabilis na paglala ng kalidad ng hangin sa lungsod dahil sa transboundary haze na dulot ng patuloy na sunog sa kagubatan at lupain sa Kalimantan, Indonesia.

Sa kanyang Facebook account na “Talk to the People”, sinabi ng Alkalde na nakapagtala ng nakababahalang reading ang mga air quality monitoring machines ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila bandang alas 6 ng umaga.

Tatlong istasyon sa Puregold Tayuman, Anda Circle, at San Sebastian Residences ang nakapagtala ng “Very Unhealthy” na Air Quality Index o AQI, habang dalawang istasyon sa Sta. Ana Hospital at Rajah Sulayman Park ay “Unhealthy for Sensitive Groups”.

Ayon ito sa datos din ng DENR-Environmental Management Bureau o DENR-EMB.

Ang real-time monitoring station ng DENR-EMB sa Mehan Garden, Manila City ay nakapagtala ng AQI na 231, na “Acutely Unhealthy”, kaya kabilang ang Maynila sa pinakagrabe ang epekto sa Metro Manila.

Para sa mga Manileño, mahigpit na nagpaalala ang alkalde lalo na sa mga may pre-existing health conditions, senior citizens, buntis, at mga estudyante, na magsuot ng mask sa tuwing lalabas.

Inirerekomenda rin niya na magdoble ng mask dahil sa tindi ng polusyon sa hangin. 

Pinayuhan din ni Mayor Isko ang mga residente na kung walang mahalagang gagawin sa labas ay manatili na lang sa loob ng bahay at isara ang mga bintana para hindi makapasok ang kontaminadong hangin na maaaring makaapekto sa respiratory system. 

Ipinaliwanag ni Domagoso na ang haze ay dulot ng malalaking sunog sa Kalimantan at Sumatra, Indonesia, na ang makapal na usok ay itinutulak papunta sa Pilipinas ng umiiral na hangin.

Tiniyak ng Alkalde na naka-full alert ang Manila Health Department o MHD at ang pitong district hospitals ng lungsod sakaling dumami ang mga pasyenteng apektado ng masamang kalidad ng hangin. 

Binanggit din ng Alkalde na nadagdagan pa ang problema sa kalusugan ng lungsod dahil kasabay nito ang pagtaas ng kaso ng leptospirosis dulot ng monsoon rains.

Inatasan na ni Mayor Isko ang Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department o MCDRRMD at Department of Environment and Public Services o DEPS na ipagpatuloy ang pag-monitor sa direksyon ng hangin at datos ng kalidad ng hangin, at magbabahagi ng updates sa publiko sa buong araw. (Gene Adsuara)

NHA AT GLOBE, NAGTURO NG DIGITAL LITERACY SKILLS SA MGA SENIOR CITIZEN NG VALENZUELA

Posted on: September 2nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MATAGUMPAY na inilunsad ng National Housing Authority (NHA), sa pamamagitan ng Community Support Services Department (CSSD) sa pamumuno ni OIC Department Manager Maricris G. Maninit, at sa pakikipagtulungan ng Globe Telecom ang isang learning initiative na nakatuon na matulungan ang mga nakatatanda na magkaroon ng kaalaman sa digital transformation at digital literacy. 

Nasa 80 senior citizens ang dumalo sa pilot implementation nito sa Disiplina Village, Bignay, Valenzuela City, na pinangunahan nina NHA-North Sector Officer-in-Charge Engr. Wenson O. Reyes at Malabon/Navotas/Valenzuela Office District Manager Ms. Mishella T. Cruz, kasama ang ilang kawani ng Globe Telecom at Community Support Services Department ng ahensya.

Ang programa–na tinatawag na #SeniorDigizen ay naglalayong turuan ang mga senior citizens mula sa iba’t ibang resettlement sites ng NHA tungkol sa ligtas, responsable, at kapaki-pakinabang na paggamit ng makabagong teknolohiya, pati na rin ang pagprotekta sa kanilang sarili laban sa mga online scam, phishing, at iba pang uri ng digital fraud.

Nagbigay ng mga aralin ang mga kawani ng Globe Telecom tungkol sa Smartphone 101, Cybersecurity and Safety, at Guide to GlobeOne App and GCash, bilang tatlong modules. 

Kung maaalala, pumirma ang NHA at G-Xchange Inc. ng isang Memorandum of Agreement noong Oktubre 2025, hudyat ng pagsasama ng GCash app bilang pinakabagong e-payment channel ng ahensya, na nagpapahintulot sa mga benepisyaryo ng pabahay na bayaran ang kanilang buwanang amortisasyon sa pinaka-mabilis at pinaka-episyenteng pamamaraan. 

Sa ilalim ng kanyang direktiba, ipinahayag ni NHA General Manager Joeben A. Tai ang kanyang suporta sa pagsasagawa ng kaganapan, habang binibigyang-diin ang pakinabang nito para sa mga nakakatanda, maging sa mismong ahensya–sa pamamagitan ng pagpapabuti ng collection efficiency gamit ang GCash at ilan pang Globe-related applications. 

Ang partnership na ito sa pagitan ng NHA at Globe Telecom ay alinsunod sa NHA Memorandum Circular No. 2016-088 na nagsasaad ng kahalagahan ng networking sa pagbibigay ng mga oportunidad sa mga benepisyaryo ng pabahay at mga homeowner associations (HOAs) ng ahensya.

Ayon sa ulat ng NHA, ipapagpapatuloy pa nito ang paglulunsad ng programa sa iba pang project sites ng ahensya, upang mas marami pang senior citizens ang matulugan. (PAUL JOHN REYES)

Trapik sa NLEX inabot ng 7-km

Posted on: September 2nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAPERWISYO nitong Lunes ang mga motorista at commuters matapos umabot sa pitong kilome­tro ang haba ng trapiko sa bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX), partikular sa bayan ng San Simon, Pampanga, dahil sa pagbaha dulot ng habagat.

Ayon sa NLEX Corporation, nagkabuhol-buhol ang daloy ng sasakyan mula sa Candaba Viaduct, Tulaoc, hanggang sa southbound lane ng San Simon interchange.

Pansamantalang isinara ang isang seksiyon ng NLEX at ang Libtong Exit sa Meycauayan, Bulacan.

Ang dating 40 minutong biyahe ay tumagal ng hanggang 5 oras.

Kapwa apektado ang northbound at southbound lanes ng NLEX.

“Motorists approaching San Simon NB entry may take the San Simon Exit and re-enter NLEX via the San Simon entry as an alternative route to avoid the flooded section,” anang advisory.

“Motorists approaching San Simon SB may take the San Simon Exit and re-enter NLEX via the San Simon Southbound Entry as an alternative route to avoid the flooded section,” dagdag pa ng NLEX.

May mga U-turn slots bago ang Tulaoc Overpass at San Simon Interchange para sa mga nais bumalik sa northbound lane.

Naka-deploy ang mga patrol officers ng NLEX upang umasiste sa mga motorista at pangasiwaan ang matinding sitwasyon ng trapiko.

Nakakuha ng sampung nominasyon ang ‘Quezon’…Bida ng ‘ImPerfect’ na sina KRYSTEL at EARL, parehong nominado sa 49th Gawad Urian (ni: ROHN ROMULO) 

Posted on: September 2nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAKUHA ng historical drama  na “Quezon” ang pinakamaraming nominasyon mula sa Manunuri ng Pelikulang Pilipino para sa 49th Gawad Urian. 

Sampu ang nakuha ng pelikulang pinagbidahan ni Jericho Rosales, samantalang parehong walo ang ipinagkaloob sa “Cinemartyrs” at “Sunshine.”

Pito namang nominasyon para sa “Bar Boys: After School.”

Tiglima ang “Bloom Where You Are Planted” at “Manila’s Finest.”

Nakakuha naman ng apat na nominasyon ng “Habang Nilalamon ng Hydra ang Kasaysayan”, habang tigtatatlo ang “Republika ng Pipolipinas”, “Raging (Rumaragasa)”, “Child No. 92: Anak ni Boy Kana”, at “Magellan.’

Narito ang mga nominado sa top six categories… 

Maglalaban-laban para sa Best Film  ang Bar Boys: After School, Bloom Where You Are Planted, Cinemartyrs, Quezon, at Sunshine.

Sa Best Director nominated sina Noni Abao para sa Bloom Where You Are Planted, Sari Dalena para sa Cinemartyrs, Antoinette Jadaone para sa Sunshine, Kip Oebanda para Bar Boys: After School, at Jerrold Tarog para sa Quezon.

Sa Best Actress, kakalabanin naman ni Krystel Go para sa I’mPerfect sina Nour Hooshmand para sa Cinemartyrs, EJ Jallorina para sa Dreamboi, Odette Khan para sa Bar Boys: After School, Maris Racal para sa Sunshine, Rissey Reyes-Robinson para sa Paglilitis, Ruby Ruiz para sa Tigkiliwi, at Geraldine Villamil para sa Republika ng Pipolipinas.

Matindi rin ang tunggalian sa Best Supporting Actress nominees na kinabibilangan nina Dolly de Leon para sa Habang Nilalamon ng Hydra ang Kasaysayan, Alessandra de Rossi para sa Republika ng Pipolipinas, Elora Españo para sa Lakambini: Gregoria de Jesus, Jennica Garcia para sa Sunshine, Gina Pareño para sa Lakambini: Gregoria de Jesus, Rochelle Pangilinan para sa Child No. 82, at Eula Valdez para sa Paglilitis.

Sa Best Actor category pasok sina Earl Jonathan Amaba para sa I’mPerfect, Jomari Angeles para sa Some Nights I Feel Like Walking, Carlo Aquino para sa Bar Boys: After School, Elijah Canlas para sa Rumaragasa, Julian Paul Larroder para sa Tigkiliwi, Jojit Lorenzo para sa Habang Nilalamon ng Hydra ang Kasaysayan, Miguel Odron para sa Some Nights I Feel Like Walking, at Jericho Rosales para sa Quezon. 

Marami naman ang nakapansin na nalaglag sa mga nominado ng Best Actor si Vice Ganda para sa Call Me Mother, kaya naman naging usap-usapan agad ito ng netizens. 

Sina Will Ashley para sa Bar Boys: After School, Amado Babon para sa Magellan, Rico Blanco para sa Manila’s Finest, Joshua Garcia para sa Meet, Greet, Bye, Enrique Gil para sa Manila’s Finest, Iain Glen para sa Quezon, at Nanding Josef para sa Habang Nilalamon ng Hydra ang mga nakakuha ang nominasyon para sa Best Supporting Actor.

Ang Gawad Urian ay taunang parangal mula sa Manunuri ng Pelikulang Pilipino para kilalanin ang outstanding achievements sa Filipino cinema.Gaganapin ang awards night ng 49th Gawad Urian sa Oktubre sa De La Salle University, Taft Ave., Manila.

***

SOBRANG saya at proud ang premyadong aktres at producer na si Sylvia Sanchez dahil nakakuha ng dalawang top category nominations sa 49th Gawad Urian ang “I’mPerfect” na mula sa Nathan Studios.

Sa kanyang Facebook post, labis nga ang pasasalamat ng aktres…”Thank you, Gawad Urian, for this recognition. 

“Malaking bagay sa amin na ma-nominate sina Krystel Go for Best Actress and Earl Amaba for Best Actor. More than inclusion, this is a recognition of their raw talent, hard work, and heart as artists.

“Beyond disability and labels, Krystel and Earl remind us that what truly matters is the talent, passion, and truth they bring to their craft.

“Proud and grateful. Congratulations, Krystel and Earl!

Gamit ang mga hashtags na #imperfect #gawadurian #inclusivitymatters #beyondrecognition at #nathanangels.

Maraming nagulat na pina-manage muna ni Vincent kay Chris… BEA, nananatili pa ring tahimik after na mag-resign ang dating manager (ni: REY PINEDA) 

Posted on: September 2nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ANG mga huling araw ng Agosto, 2026 ay isa sa mga pinaka-maintrigang panahon sa buhay ng aktres na si Bea Alonzo.

Dahil matapos mag-resign ang manager nitong si Shirley Kuan, ‘di na ito narinig magsalita.

Samantala, sa panig ni Shirley, napilitan itong maglabas ng sama ng loob, dahil siya ang ititnuturong dahilan upang makansela ang dapat sanang kasalang naganap sa Spain noon nina Bea at Vincent Co.

Ang ugat ng pagre-resign ni Shirley ay ang pananatiling tahimik ni Bea, at ni hindi man lang daw nito nakuhang maipagtanggol ang dating manager.

Sa kabilang banda, nananatili pa rin tahimik si Bea sa isyu.

Ikinagulat ng lahat ng bigla na lamang lumitaw sa eksena si Chris Cahilig.

Ayon dito lumilitaw na isinama siya sa team ni Bea ang magsisilbi bilang isang interim manager/agent.

Hindi raw napulot si Chris sa kung saan.

Ito rin daw ang nagsisilbing public relations specialist ng Puregold, na pag-aari ng pamilya ni Vincent.

Bale si Chris na raw ang matutuloy ng nabiting trabaho ni Shirley. Tulad ng mga pending na projects, mga ongoing projects, at mga inquiries tungkol sa career ng aktres.

Sa kabila ng biglaang pagpapalit ng manager ni Bea, binanggit nitong si Chris sa kanyang interview na hindi pa sila nagkikita ni Bea. 

At wala pa naman daw silang napag-uusapan tungkol sa mangyayaring pagma-manage nito.

Hindi ba’t maliwanag na may kinalaman si Vincent sa nangyaring transition?

Nangangahulugan din ba na pinanghimasukan ng negosyante ang career ni Bea?

Ang tanong lang ay kung bakit nito kinailangang manghimasok?

Hindi ba’t sobrang busy ito sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo?

May oras pa ba ito para sa ganitong bagay? O sadyang binigyan ng oras ang panghihimasok sa career ng aktres.

Isa pang tanong, ano ang motibo?

***

SA isang interview kay Heath Jornales ni Boy Abunda para sa Fast Talk With Boy Abunda, halatang naalangan ang kator sa tanong.

Tinanong kasi ito na kung liligawan si Caprice Cayetano ng isa nitong kaibigan ano ang magiging reaksyon nito.  

Sumagot ito na okay lang sa kanya at susuporta siya., na halatang nag-iba ang tono ng boses.

Sa naturang interview, kasama rin bukod kina Heath at Caprice ay ang ama ng una ang aktor at fight director na si Michael Roy Jornales.

Tinanong ito kung okay lang sa kanya ang pagiging close ng anak niya at ng dating co-star na maaaring ma-develop sa ligawan.

Ayon sa aktor, mas okay kung magpo-focus muna sila sa kanilang career at goals, dahil mga bata pa sila.

Si Heath ay 17 years old pa lang.

Nabuo ang team up ng dalawa at nakilala bilang CapEath sa ‘Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0’,  nung panahong sila ay nasa loob ng Bahay ni Kuya.

Itinanghal si Caprice bilang Kapuso Big Winner, samantalang natapos naman si Heath bilang Kapuso Second Big Placer.

Ads September 2, 2026

Posted on: September 2nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Tim Cone lubos ang pasasalamat sa pinakitang galing ni Kai Sotto para talunin ang Jordan at Iran

Posted on: September 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

LABIS ang pasalamat ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone kay Kai Sotto matapos na magwagi sila sa dalawang laro sa fourth window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers.

Ginawa ni Cone ang pahayag matapos ang panalo nila kontra sa Iran sa score na 68-56.

Ayon kay Cone na kung wala ang seven-foot-three na si Sotto ay malamang hindi nila matatalo ang Jordan at Iran.

Naging malaking tulong kasi Sotto para mahabol ang 13-points na kalamangan ng Iran.

Nagtala ito ng 13 points, 16 rebounds at tatlong assists ganun ang hindi makalimutang block niya sa manlalaro na Iran para makuha ang 82-81 na panalo.

Dagdag pa ni Cone na malaki ang kontribusyon ni Sotto lalo na at hindi nila nakasama si Justin Brownlee.

Sa buwan pa ng Nobyembre ang susunod na laban ng Gilas kung saan makakaharap muli nila ang Jordan at Syria.

Novak Djokovic nabigo sa unang round ng US Open

Posted on: September 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NABIGO sa unang round ng US Open si Novak Djokovic. Hindi ito nakaporma kay Mariano Navone ng Argentina sa score na 7-6 (5), 5-7, 4-6, 6-2, 6-1.

Umabot sa apat na oras at 36 minuto an glaro ng dalawa.

Itinuturing din na ito ang pinakamahabang opening match sa Grand Slam sa career ni Djokovic at pinakamaagang pagkatalo sa loob ng dalawang dekada.

Mula pa kasi noong 2006 ay hindi pa ito natatalo sa unang round ng US Opening .

Nagtala si Djokovic ng 70 unforced errors kung saan nag-medical timeout ito sa pagitan ng fourth at fifth sets.

Maagang nakalamang ang Serbian world number 4 sa laro subalit hindi naman nagpatinag ang 25-anyos na Argentinian tennis player.

Ito ang unang five-set victory ni Navone habang pang-43 na five set panalo sana ni Djokovic.

Jessica Pegula, umusad sa 2nd round ng US Open matapos padapain si Ruse

Posted on: September 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MABILIS na pinadapa ng World No. 3 na si Jessica Pegula ang Romanian tennis star na si Elena-Gabriela Ruse sa kanilang unang laban sa US Open upang siguruhin ang kaniyang puwesto sa ikalawang round ng torneo.

Hindi na pinatagal ng American tennis champion ang duwelo laban sa WTA No. 51 nang tapusin niya ito sa loob lamang ng dalawang set, 6-3, 6-2.

Hindi na nakabangon pa ang Romanian player bunsod ng ipinamalas na bilis at liksi ni Pegula na agad na humawak ng kontrol sa buong laro.

Sa kabila ng kaniyang mataas na puwesto sa WTA rankings, patuloy pa ring hinahanap ni Pegula ang kaniyang kauna-unahang Grand Slam title—isang layunin na inaasahan niyang makakamtan sa taong ito.

Malakanyang, dinipensahan ang honorary degree ni PBBM mula PLM

Posted on: September 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NIRESBAKAN ng Malakanyang ang mga nagkukuwestiyon sa honorary Doctor of Laws degree na kamakailan lamang ay ipinagkaloob kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM).

Sa isang video message, ipinaliwanag ni Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang “honoris causa” ay isang honorary degree na ipinagkakaloob sa isang tao na nakamit ang high-ranking position o nakagawa ng makabuluhang kontribusyon sa komunidad o bansa.

“Marami kasi ang hindi nakakaunawa marahil ng katagang honoris causa. Ang mga tumutuligsa rito ay mga taong kung hindi man mapagmataas, ay mga kumakalaban sa Pangulo—the usual obstructionists at destabilizers, o ‘yung mga sumasakay lang sa nakikita sa social media, pero hindi nauunawaan ang totoong issue,” ayon kay Castro.

“Ang titulong honoris causa ay isang honorary degree. Ito ay isang pagkilala o parangal para sa taong mataas ang naabot na posisyon, may mga mahahalagang naiambag sa komunidad o mga nagawa para sa bansa,” aniya pa rin.

Binigyang diin ni Castro na ang honorary degree ay hindi nakukuha sa pamamagitan ng traditional education, sa pamamagitan ng pagpasok sa law school, o pagpasa sa Bar examinations.

Binigyang diin din ni Castro ang pangangailangan na linawin ang bagay na ito para sa mga indibiduwal na inililigaw ng iba sa pamamagitan ng ‘fake news o sheer arrogance.’

Natanggap ng Pangulo ang pinakamataas na honorary degree na ipinagkaloob ng PLM— isang Doctor of Laws, Honoris Causa—sa isinagawang 58th commencement exercises, araw ng Huwebes, Agosto 27.

Sinabi ng Pangulo na tinanggap niya ang parangal na “with gratitude, mindful of the responsibility that comes with it.”

Ayon kay Castro, hindi dapat kalimutan ng mga Filipino ang mga pagkilos ng Pangulo ay upang mabigyan ng pagkilala, lalo na ang pagpapanatili sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.

“Ang pagpaputol ng 300-meter floating barrier na inilagay ng China Coast Guard sa Scarborough Shoal noong September 2023 para harangin ang ating mangingisda na makapasok at makapangisda sa traditional fishing lagoon ay isang gawain ng isang matapat na leader,” aniya pa rin.

Tinuran pa ni Castro na ginagalang ng Pangulo ang buhay ng tao at due process, at paglaban kontra sa pag-abuso sa kapangyarihan. Binigyang diin ni Castro mismong si Pangulong Marcos ang nagpasimula ng mga pagsisiyasat sa usapin ng korapsyon.

Tiniyak ng Pangulo na ang bansa ay hindi mawawalan ng fuel supplies sa gitna ng krisis sa Gitnang Silangan at naka-secure ng fertilizer supplies para protektahan ang mga magsasaka.

“Ang masagip ang isang kababayan mula sa death row, sentensyang pinataw ng ibang bansa; pagsagip sa 17 OFW sa Qatar sa kasong illegal assembly, at sa 24 Filipinos na nakadetained sa Eastern Siberia sa Russia. Ito ay nagawa ng Pangulo dahil sa maganda niyang relasyon sa leaders ng Qatar at Russia,” aniya pa rin. ( DARIS JOSE)