Pagbilao, nagdiwang ng Ika-296 na Anibersaryo at Papag at Bilao Festival
- Published on September 1, 2026
- by Francis Paolo Torres
PAGBILAO, Quezon — Masiglang ipinagdiwang ng bayang ito ang kanilang ika-296 na Araw ng Pagbilao kasabay ng taunang Papag at Bilao Festival sa Patio de Pagbilao.
Sinimulan ang selebrasyon sa pamamagitan ng isang banal na misa noong ika-29 ng Agosto, na inihandog din para sa kapistahan ng patron ng bayan na si Sta. Catalina.
Sa naging panayam sa programa, ibinida ng lokal na pamahalaan ang mga isinagawang pagbabago sa bayan at ang pangunahing pangarap na maiangat ang Pagbilao bilang isang ganap na lungsod. Isa sa mga ipinagmamalaking programa ay ang Heart Program, kasama na ang patuloy na pagpapalakas ng mga livelihood project para sa kanilang mga pangunahing produkto—ang papag at bilao. Binigyang-diin na malaki ang gampanin ng mga ito sa bawat tahanan: ang papag bilang higaan at ang bilao bilang sisidlan ng bigas at mga pagkain. Layunin din nitong patuloy na mapanatili at mapahalagahan ang kultura at tradisyon ng mga Pagbilawin.
Nagpatuloy ang kasiyahan sa ikalawang bahagi ng programa sa pamamagitan ng makulay na parada ng bayan. Sinundan ito ng mga patimpalak na nagpakita ng galing at sining ng mga lokal na residente, kabilang ang kompetisyon sa street dancing, pagandahan ng mga karosa, at ang pagpapakita ng kariktan ng mga kandidata at muse.
(Yvonne Bagang/ Boy Morales Sr.)