Nakakuha ng sampung nominasyon ang ‘Quezon’…Bida ng ‘ImPerfect’ na sina KRYSTEL at EARL, parehong nominado sa 49th Gawad Urian (ni: ROHN ROMULO)
- Published on September 2, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAKUHA ng historical drama na “Quezon” ang pinakamaraming nominasyon mula sa Manunuri ng Pelikulang Pilipino para sa 49th Gawad Urian.
Sampu ang nakuha ng pelikulang pinagbidahan ni Jericho Rosales, samantalang parehong walo ang ipinagkaloob sa “Cinemartyrs” at “Sunshine.”
Pito namang nominasyon para sa “Bar Boys: After School.”
Tiglima ang “Bloom Where You Are Planted” at “Manila’s Finest.”
Nakakuha naman ng apat na nominasyon ng “Habang Nilalamon ng Hydra ang Kasaysayan”, habang tigtatatlo ang “Republika ng Pipolipinas”, “Raging (Rumaragasa)”, “Child No. 92: Anak ni Boy Kana”, at “Magellan.’
Narito ang mga nominado sa top six categories…
Maglalaban-laban para sa Best Film ang Bar Boys: After School, Bloom Where You Are Planted, Cinemartyrs, Quezon, at Sunshine.
Sa Best Director nominated sina Noni Abao para sa Bloom Where You Are Planted, Sari Dalena para sa Cinemartyrs, Antoinette Jadaone para sa Sunshine, Kip Oebanda para Bar Boys: After School, at Jerrold Tarog para sa Quezon.
Sa Best Actress, kakalabanin naman ni Krystel Go para sa I’mPerfect sina Nour Hooshmand para sa Cinemartyrs, EJ Jallorina para sa Dreamboi, Odette Khan para sa Bar Boys: After School, Maris Racal para sa Sunshine, Rissey Reyes-Robinson para sa Paglilitis, Ruby Ruiz para sa Tigkiliwi, at Geraldine Villamil para sa Republika ng Pipolipinas.
Matindi rin ang tunggalian sa Best Supporting Actress nominees na kinabibilangan nina Dolly de Leon para sa Habang Nilalamon ng Hydra ang Kasaysayan, Alessandra de Rossi para sa Republika ng Pipolipinas, Elora Españo para sa Lakambini: Gregoria de Jesus, Jennica Garcia para sa Sunshine, Gina Pareño para sa Lakambini: Gregoria de Jesus, Rochelle Pangilinan para sa Child No. 82, at Eula Valdez para sa Paglilitis.
Sa Best Actor category pasok sina Earl Jonathan Amaba para sa I’mPerfect, Jomari Angeles para sa Some Nights I Feel Like Walking, Carlo Aquino para sa Bar Boys: After School, Elijah Canlas para sa Rumaragasa, Julian Paul Larroder para sa Tigkiliwi, Jojit Lorenzo para sa Habang Nilalamon ng Hydra ang Kasaysayan, Miguel Odron para sa Some Nights I Feel Like Walking, at Jericho Rosales para sa Quezon.
Marami naman ang nakapansin na nalaglag sa mga nominado ng Best Actor si Vice Ganda para sa Call Me Mother, kaya naman naging usap-usapan agad ito ng netizens.
Sina Will Ashley para sa Bar Boys: After School, Amado Babon para sa Magellan, Rico Blanco para sa Manila’s Finest, Joshua Garcia para sa Meet, Greet, Bye, Enrique Gil para sa Manila’s Finest, Iain Glen para sa Quezon, at Nanding Josef para sa Habang Nilalamon ng Hydra ang mga nakakuha ang nominasyon para sa Best Supporting Actor.
Ang Gawad Urian ay taunang parangal mula sa Manunuri ng Pelikulang Pilipino para kilalanin ang outstanding achievements sa Filipino cinema.Gaganapin ang awards night ng 49th Gawad Urian sa Oktubre sa De La Salle University, Taft Ave., Manila.
***
SOBRANG saya at proud ang premyadong aktres at producer na si Sylvia Sanchez dahil nakakuha ng dalawang top category nominations sa 49th Gawad Urian ang “I’mPerfect” na mula sa Nathan Studios.
Sa kanyang Facebook post, labis nga ang pasasalamat ng aktres…”Thank you, Gawad Urian, for this recognition.
“Malaking bagay sa amin na ma-nominate sina Krystel Go for Best Actress and Earl Amaba for Best Actor. More than inclusion, this is a recognition of their raw talent, hard work, and heart as artists.
“Beyond disability and labels, Krystel and Earl remind us that what truly matters is the talent, passion, and truth they bring to their craft.
“Proud and grateful. Congratulations, Krystel and Earl!
Gamit ang mga hashtags na #imperfect #gawadurian #inclusivitymatters #beyondrecognition at #nathanangels.