• October 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September, 2026

PSC hindi magbabago ang suporta kay Eala matapos irepresenta ang bansa sa Asian Games

Posted on: September 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NATITIYAK ng Philippine Sports Commission (PSC) na kanilang tutulungan si Pinay tennis star Alex Eala.

Kasunod ito sa sanctions na kaniyang posibleng kaharapin mula sa Women’s Tennis Association (WTA) dahil sa pagpili nito na maglaro sa 20th Asian Games sa Japan kaysa sa China Open.

Sinabi ni PSC chairman Patrick Gregorio, na malinaw na ang laban na ito ni Eala ay para sa bayan.

Dagdag pa nito na marapat na tularan ang Pinay tennis star dahil sa mas pinili nito na irepresenta ang bansa.

Una ng inanunsiyo ng WTA na papatawan nila si Eala ng hanggang $10,000 kung hindi maglalaro ito sa China Open na isang mandatory sa WTA 1000 event para sa kababaihan at ATP 500 tournament naman para sa mga kalalakihan.

Target kasi ng Pinay tennis star na makakuha ng gintong medalya sa Asian Games dahil sa huling paglaban niya sa Asian Games noong 2023 sa China ay nakapag-uwi lamang ito ng bronze medal.

MONTHLY FINANCIAL SUPPORT PARA SA MGA OPERATOR NG MODERN JEEPNEY MAGSISIMULA NGAYONG LINGGO

Posted on: September 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGLABAS ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mga panuntunan para sa pagbibigay ng tulong sa mga Transport Service Entities (TSEs) na nahihirapang bayaran ang buwanang amortization ng kanilang mga modern jeep.

Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua Jr., magsisimula ngayong linggo ang programa ng ayuda. Layunin ng mga panuntunan na maging malinaw, mabilis at maayos ang proseso upang agad na makarating ang tulong sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Layunin ng PTMP na higit pang pagandahin at gawing moderno ang sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa upang makasabay sa pamantayan ng mga maunlad na bansa, kabilang ang pagbibigay ng mas maayos na serbisyo at mas makakalikasang operasyon.

Marami sa mga nasa sektor ng transportasyon ang sumuporta sa programa at nakakuha ng mga modern jeep sa pamamagitan ng loan program na may subsidiya mula sa pambansang pamahalaan.

“Patunay ang programang ito na ang administrasyong PBBM ay maagap at sensitibo sa mga suliraning kinakaharap ng sektor ng pampublikong transportasyon. Kami sa LTFRB ay nakatuon sa maayos na pagpapatupad nito,” ani Acting Chairman Pua.

“Batid namin ang pangangailangang magbigay ng tulong pinansyal sa mga kwalipikadong TSEs dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang gastusing operasyonal na nakaaapekto sa pagpapatuloy ng kanilang serbisyo,” dagdag niya.

Layunin ng programa na maiwasan ang foreclosure at loan default sa pamamagitan ng direktang suportang pinansyal para sa buwanang obligasyon sa utang, at matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo para sa mga commuter.

Saklaw ng programa ang mga modernong jeepney at UV Express sa buong bansa, gayundin ang mga modernong bus sa Metro Manila. Maaaring gamitin ang ayuda para sa hanggang tatlong buwan ng amortization o gastusing operasyonal.

Makakatanggap ng ₱20,000 bawat unit kada buwan ang mga kwalipikadong operator na may atraso, natitirang loan obligation, o nasa panganib na hindi makabayad. Maaari itong gamitin sa mga gastusin tulad ng gasolina, maintenance at spare parts, upa sa garahe at terminal, at utilities.

Kabilang sa mga kwalipikasyon ang pagkakaroon ng Certificate of Public Convenience (CPC), kawalan ng nakabinbing legal na kaso, at walang rekord ng malubhang paglabag sa road safety. (PAUL JOHN REYES)

ILIs, dengue, at leptospirosis sa Maynila; tumaas

Posted on: September 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INIULAT ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang patuloy na pagtaas ng mga naitatalang kaso ng influenza-like illnesses (ILIs), dengue at leptospirosis sa lungsod ng Maynila.

Batay sa Daily W.I.L.D. Disease Update ng Manila Health Department (MHD) na ibinahagi ni Domagoso sa kanyang social media account, nitong Martes, Setyembre 15 lamang ay nakapagtala ang lungsod ng 90 bagong kaso ng ILIs.

Dahil dito, umakyat na sa 1,635 ang total ILI cases sa lungsod ngayong taon o mula Enero 1 hanggang Set­yembre 15, 2026.

Nakapagtala rin ang MHD ng 74 bagong kaso ng dengue na mayroon na ngayong 3,001 total cases habang nasa 33 naman ang bagong leptospirosis cases na naitala ng lungsod na mayroon na ngayong 1,320 total cases.

Samantala, mayroon ding nairekord na isang kaso ng severe acute respiratory infection (SARI) na may 389 total cases na habang wala namang naitalang mga bagong kaso ng mga sakit na COVID-19 na mayroon pa ring 93 total cases ngayong taon, typhoid fever na may 74 total cases na at cholera na may apat pa ring kabuuang kaso.

PBBM, isinusulong ang pagtaas ng PhilHealth benefits para mabawasan ang gastusin sa pagpapagamot ng mga Pilipino

Posted on: September 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISINUSULONG ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapalakas ng health assistance para sa mga pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng panukalang PhP74.45-bilyong pondo para sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa 2027.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) na kabilang sa panukalang pondo ang P19 bilyon para sa pagpapahusay ng mga benepisyo ng PhilHealth.

Ito ay bilang bahagi ng mga hakbang ng pamahalaan upang makatulong na mabawasan ang bigat ng gastusing medikal ng mga Pilipino.

“Dahil batid ni Pangulong Marcos Jr. ang bigat ng medical expenses para sa mga pamilyang Pilipino. Ang panukalang pondo ay gagamitin sa pagpapaganda ng benefits ng PhilHealth. Kabilang din ang priority health needs gaya ng mental health and severe malnutrition,” ang pahayag ni Castro.

Sinabi pa ni Undersecretary Castro na kabilang din sa alokasyon ang premium subsidies mula sa national government para sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng PhilHealth, na inaasahang aabot sa 11 milyon pagsapit ng 2027.

Ang panukalang dagdag na pondo para sa kalusugan ay kasabay ng patuloy na pagpapatupad ng pamahalaan ng mga programa upang mabawasan ang out-of-pocket expenses ng mga pasyente.

Sa isinagawang Handog ng Pangulo noong Setyembre 14, sinabi ni Castro na personal na nagtungo si Health Secretary Edwin Mercado sa Philippine General Hospital (PGH) upang saksihan ang paghahatid ng libreng serbisyong pangkalusugan sa mga pasyente.

Bukod dito, nakatanggap din ng tulong ang mga pasyente sa pamamagitan ng Zero Balance Billing, mga benepisyo ng PhilHealth, at Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program.

Nakinabang sa mga naturang programa ang mga pasyente sa 84 na hospitals na pinatatakbo ng Department of Health at 44 na local government unit hospitals. 

(DARIS JOSE)

‘Sink or swim’ ipapaubaya ng prosekusyon ang pinagtatalunang komputasyon sa mga senator-judges para ma-convict si VP Sara

Posted on: September 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAGING 16 boto o ibang numero para ma-convict si Vice President Sara Z. Duterte, sinabi ng House prosecution na pagtutunan nila ng pansin ang pagpapalakas ng kaso para makakuha ng kinakailangan na two-thirds vote sa Senate impeachment court.

Sinabi ni House impeachment prosecutor Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores na ipapaubaya ng prosekusyon ang pinagtatalunang komputasyon sa mga senator-judges.

“Ang amin lang is, like, we stick to the principle that we will sink or swim with the evidence that we will be presenting before the impeachment court,” ani Flores.

Nilinaw ng prosekusyon ang kanilang posisyon matapos na dinggin ng impeachment court ang magkakaibang interpretasyon mula sa apat na retiradong Supreme Court justices kung dapat na manatili ang 16 boto na kinakailangan para sa hatol kay Duterte.

Hiningan ng senate impeachment court ng kanilang pananaw o interpreteasyon sina retired Chief Justices Hilario Davide Jr., Artemio Panganiban at Reynato Puno at retired Associate Justice Adolfo Azcuna kung maaaring mabago ang kinakailangang bilang sa botohan.

“Sa akin dito, walang validation doon. Kasi ever since, we’ve always relied on the Senate, kung anong decision nila in terms of the threshold,” pahayag ni Flores.

Inihayag naman ni House impeachment team spokesperson Rep. Zia Alonto Adiong na irerespeto ng prosekusyon ang determinasyon na gagawin ng impeachment court kung papaano iko-compute ang two-thirds requirement ng boto.

“We will again rely on the Senate’s decision, and we will comply on the Senate’s decision as so far as how they would go about the requirement ng two-thirds vote,” ani Alonto Adiong.

“Whether it’s 16, 14, or 13, we’re really just focused on presenting the evidence,” pahayag naman ni Flores.

(VINA de GUZMAN)

Sa kanyang ikalawang taon sa ikalawang termino..MAYOR ALONG, PATULOY NA ISINUSULONG ANG PAG-UNLAD NG CALOOCAN

Posted on: September 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SA PAGPASOK ng ikalawang taon ng kanyang second term bilang alkalde ng Caloocan, patuloy na isinusulong ni Mayor Dale Gonzalo “Along” R. Malapitan ang pangako ng kanyang administrasyon sa pagtugon sa serbisyo-publiko, inklusibong pag-unlad, at mga programang direktang tumutugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan.

Sa kanyang State of the City Address, sinabi ni Malapitan na ang nakalipas na taon ay nakatuon hindi lamang sa pagpapanatili ng mga programang nagdulot na ng positibong epekto, kundi pati na rin sa pagpapalakas ng mga serbisyo at paglulunsad ng mga inisyatibong tumutugon sa nagbabagong pangangailangan ng lungsod.

“Isang taon na ang lumipas mula nang muli nating tanggapin ang responsibilidad na mamuno sa ating lungsod. Mas lalo nating nararamdaman ang bigat ng tiwalang ibinigay sa atin ng ating mga kababayan, kaya patuloy tayong kumikilos upang mapabuti ang serbisyo at buhay ng bawat Batang Kankaloo,” ani Mayor Along.

Sa nakalipas na taon, patuloy na inuna ng pamahalaang lungsod ang pangangalagang pangkalusugan, edukasyon, proteksyong panlipunan, kabuhayan at trabaho, kapayapaan at kaayusan, imprastraktura, mga programa sa kapaligiran at mahusay na paghahatid ng mga pangunahing serbisyo ng gobyerno.

Patuloy din na inilalapit ng administrasyon ang mga serbisyo sa mga komunidad sa pamamagitan ng mga inisyatibo na direktang nagbibigay ng tulong sa mga residente, lalo na sa mga higit na nangangailangan ng suporta ng gobyerno.

Para kay Malapitan, ang ikalawang termino ay isang pagkakataon upang palakasin ang pundasyong naitatag noong kanyang unang termino habang tumutugon sa mga bagong hamong kinakaharap ng lungsod.

Binigyang-diin din ng alkalde na ang pag-unlad ng Caloocan ay hindi lamang masusukat sa imprastraktura at pisikal na pag-unlad, kundi pati na rin sa pagiging madaling makuha ng mga serbisyo ng gobyerno at mga oportunidad na ibinibigay sa mga mamamayan nito.

Pinasalamatan din niya ang mga empleyado ng pamahalaang lungsod, mga opisyal ng barangay, mga pinuno ng komunidad, at iba pang mga kasosyo sa pagtulong na gawing konkretong serbisyo para sa mga residente ang mga programa ng administrasyon.

“Sa sama-sama nating pagsisikap, natutulungan natin ang bawat isa, dahil kapag umuunlad ang ating mga kababayan, umuunlad ang Caloocan” diin ng alkalde. (Richard Mesa)

526.546-million budget ng Dangerous Drugs Board (DDB) sa taong 2027, malaking tulong sa kampanya laban sa illegal na droga

Posted on: September 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MALAKING tulong sa kampanya laban sa illegal na droga ang ₱526.546-million budget ng Dangerous Drugs Board (DDB) sa taong 2027. 

Ayon kay House Committee on Appropriations Vice Chairperson at Marikina City Rep. Marcelino Teodoro, ang nasabing proposed budget ng DDB ay makatulong din sa mga hakbang ng gobyerno para maiwasan ang drug abuse, tustusan ang rehabilitation at tulungan maibalik ang mga mga nabiktima sa kanilang pamilya at komunidad.

“May magulang na hindi naghahanap ng huhulihin. Ang hinahanap niya ay tulong para sa anak niya,” sinabi ni Teodoro.

Sa proposed budget nito sa taong 2027, ₱169.182 million ay ilalaan sa Drug Abuse Prevention and Control Program, kabilang ang ₱111.694 million para sa policy formulation, surveys, research and studies; ₱32.845 million for advocacy and information programs; at ₱24.643 million para sa capacity building. 

Ipinaliwanag ni Teodoro na ang mga investments sa research and policy ay makakatulong sa gobyerno kung saan ang treatment at community-based programs ay kinakailangan, kung saan dapat pagtibayin ang prevention efforts at iba pa.

“Kung hindi natin alam kung nasaan ang problema, paano natin malalaman kung saan ilalagay ang pera? Kung hindi natin alam kung aling programa ang gumagana, baka taon-taon lang tayong gumagastos dahil nakasanayan na. That is why data matters,” sinabi ni Teodoro. 

 “Doon dapat makita ang halaga ng pondo: umaabot ang serbisyo. Kung may nanay sa probinsiya na gustong ipagamot ang anak niya, dapat may malinaw siyang mapupuntahan. Kung natapos ang rehab, dapat may support sa pagbalik sa komunidad,” dagdag ng kongresista. 

(VINA de GUZMAN)

Barko ng Atienza Interisland Ferries Inc. dapat pagbawalang bumiyahe para mapanagot sa trahedya ng MV June Aster

Posted on: September 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINIKAYAT ni Akbayan Partylist Rep. Dadah Kiram Ismula ang Department of Transportation (DOTr) at Maritime Industry Authority (MARINA) na pagbawalang umalis o bumiyahe pansamantala ang lahat ng barko ng Atienza Interisland Ferries Inc. habang nagsasagawa ng independent investigation sa naganap na sunog sa MV June Aster na ikinasawi ng 76 katao sa may Coron, Palawan.

Ikinalungkot ng mambabatas na ang trahedya ay ikalawang major maritime disaster ngayon taon pa lamang, matapos ang sunog sa Aleson Shipping Lines’ M/V Trisha Kerstin 3.

Sinabi pa ni Ismula na hindi sapat na tinutulungan lang ng DOTr at MARINA na maproseso ang insurance claims ng mga pamilya habang patuloy na pumalaot ang ibang barko ng kumpanya.

“Atienza Interisland Ferries Inc must be made to answer these questions: Was the MV June Aster truly seaworthy? What caused the explosion that triggered this tragic fire?” pagtatanong nito.

Tinuligsa rin ng mambabatas ang paninisi lamang sa ship personnel habang inaabsuwelto umano ang corporate shipowners.

“Bakit ang kapitan lang ang hinahanapan ng accountability dito? Atienza Shipping Lines must be compelled to explain what caused the explosion and prove their strict compliance with maritime safety standards and crew emergency training. Hindi pwedeng hugas-kamay ang kumpanya kapag may trahedya,” dagdag nito.

Nanawagan din si Ismula sa gobyerno na maglaan ng agarang legal counsel sa mga survivors at pamilya ng 76 casualties upang masiguro na mapoprotektahan sila habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Nagbabala si Ismula sa nakagawian umano ng ilang shipping lines na nag-aalok ng cash assistance kapalit ng liability waivers.

“The government must protect the grieving families to make sure they are not being pressured into signing quit claims in exchange for meager settlements. We need to ensure they have the legal backing to seek full justice and hold the right people accountable,” pagtatapos nito.

(VINA de GUZMAN)

HOLD DEPARTURE ORDER LABAN KINA ROMUALDEZ AT 3 IBA PA, KINUMPIRMA NG BI

Posted on: September 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KINUMPIRMA ng Bureau of  Immigration (BI ang implementasyon ng Hold Departure Order (HDO) na inisyu ng Sandiganbayan laban kay dating Speaker Martin Romuladez, Felicito Cristobal Guevarra, dating Congressman Elizaldy “Zaldy” Co, at Joselyn Serenio.

Base sa huling immigration records, sina Romualdez at Guevarra ay nananatili sa Pilipinas habang si Co at Serenio ay kasalukuyang nasa labas na ng bansa. Ang dalawang indibidwal ay nakaalis na ng Pilipinas bago pa man ang issuance ng kanilang HDO.

Ang BI ay ipagpapatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng HDO at isasagawa ang nararapat na immigration measures na aayon sa kanilang mandato.

Gayunman. hindi maaaring ibunyag ng BI ang espesipikong travel details at iba pang personal na impormasyon hinggil sa mga indibidwal, alinsunod sa Data Privacy Act of 2012 at iba pang applicable laws.

 (Gene Adsuara)

Political blogger RJ Nieto, nakasungkit ng posisyon sa Malakanyang

Posted on: September 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang blogger na si Joseph “RJ” Nieto, mas kilala sa social media bilang “Thinking Pinoy”, bilang assistant secretary sa Office of the Cabinet Secretary.

Ang appointment paper ni Nieto ay pinirmahan ni Executive Secretary Ralph Recto, noong Setyembre 1, 2026.

Ang Office of the Cabinet Secretary ay pinamumunuan ni Secretary Benhur Abalos.

Sa isang social media post, sinabi ni Nieto na masaya siya para sa oportunidad na magsilbi sa gobyerno, bagaman nakararamdam siya ng kaunting pagkatakot.

“I am truly grateful for the opportunity to serve the Filipino people, but I am also aware that this is a difficult time for the country,” ayon kay Nieto.

Si Nieto ay naging prominenteng political commentator noong 2015 sa pamamagitan ng kanyang Thinking Pinoy blog, humakot ng malaking following sa social media, kung saan niya pino-post ang kanyang political commentary at current events.

 (DARIS JOSE)