• October 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September, 2026

Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte, pinadadalo sa impeachment trial ng kapatid na si VP Sara

Posted on: September 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGLABAS ang Senate impeachment court nitong Miyerkules ng subpoena kay Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte, na nag-aatas sa kanya na dumalo sa impeachment trial ng kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte.

Isa si Duterte sa mga ipina-subpoena na dumalo sa September 23, kabilang na si Gerardo del Rosario, director ng company registration and monitoring department ng Securities and Exchange Commission (SEC).

Nagpalabas din ng subpoena ad testificandum duces tecum para kina Atty. Ariel Ronquillo at Rendell Sopeña para sa September 21 hanggang 23 na pagdinig.

Kasalukuyang tinatalakay ng impeachment court ang Article II ng Articles of Impeachment, kaugnay sa umano’y unexplained wealth ng vice president.

Sinabi ng House prosecution panel na maaaring magsalita ang Davao City mayor ukol sa Gencorp Industries, Inc., isang kumpanyang may kaugnayan sa kanyang kapatid.

Nais malaman ng prosekusyon kung nagkaroon ng anumang usapin ang naturang kumpanya sa city government ng Davao. (VINA de GUZMAN)

SEN PADILLA, PINADALHAN NG SUBPOENA

Posted on: September 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KINUMPIRMA ng Department of Justice (DOJ) na pinadalhan na ng subpoena si Senator Robin Padilla kaugnay sa umano’y pagpapatakas sa kapwa nito Senador.

Ayon sa DOJ,naipadala na sa Senado angga subpoena para kay Sen.Padilla at Lt. Col. Jean Alla Yasin Robles. Pinatatawag ng DOJ si Padilla at Robles kaugnay sa nakabinbing reklamong paglabag sa Presidential Decree 1829 o Obstruction of Justice, dahil sa pagtulong umano kay Senator Ronald dela Rosa, habang kasagsagan ng putukan sa Senado noong May 13.

Itinakda ang unang preliminary investigation sa September 25 at kasunod naman sa October 9 na idaraos sa DoJ.  

(Gene Adsuara)

Sen. Hontiveros, NBI Director Matibag, at iba pang opisyal, dumalo sa Liga ng mga Barangay Inter-Province Congress sa Calamba

Posted on: September 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

LUNGSOD NG CALAMBA — Personal na binisita ni Senador Risa Hontiveros ang Pamahalaang Lungsod ng Calamba upang dumalo bilang panauhin sa Liga ng mga Barangay Inter-Province Consultation and Congress 2026 na ginanap sa Jose Rizal Coliseum noong Miyerkules, Setyembre 9.

Malugod siyang tinanggap ni Mayor Roseller “Ross” H. Rizal sa pagtitipong dinaluhan ng mga opisyal at kawani mula sa mga lalawigan ng Laguna, Rizal, at Quezon. Kabilang din sa mga dumalo sa mahalagang kaganapan sina NBI Director Melvin A. Matibag, Board Member Lorenzo Zuniga Jr., at DILG Regional Director Ariel O. Iglesia, CESO III, kasama ang iba pang mga lokal at pambansang opisyal.

Sa kanyang pagharap sa mga Barangay Health Workers (BHWs) ng lungsod, pinasalamatan ni Hontiveros — na Chairperson din ng Senate Committee on Health at pangunahing may-akda ng Magna Carta of Barangay Health Workers — ang dedikasyon at sakripisyo ng mga BHW sa pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan. Ipinahayag din niya ang buong suporta sa pagbubukas ng Calamba City Public Hospital na magbibigay ng mas malawak at abot-kayang serbisyong medikal sa mga residente.

Sa gitna naman ng mga usapin sa termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) pati na ang mga direksyon sa susunod na halalan, hinikayat ni Hontiveros ang mga lider ng barangay na unahin ang serbisyo sa komunidad at huwag hayaang maputol o maapektuhan ng mga usaping pulitikal ang paglilingkod sa taumbayan.

Nagpaabot ng pasasalamat si Mayor Ross Rizal sa pagbisita ng mga panauhin, at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtutulungan ng pambansa at lokal na pamahalaan para sa patuloy na pag-unlad ng mga health workers, opisyal ng barangay, at bawat Calambeño. 

(Jeremiah Solomon/ Boy Morales Sr.)

Top 6 most wanted person ng Eastern Samar, nakorner ng Maritime Police sa Baseco

Posted on: September 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAARESTO ng mga awtoridad ang tinaguriang Top 6 Most Wanted Person sa lalawigan ng Eastern Samar kasunod ng matagumpay na joint police operation sa Baseco Compound, Metro Manila, Martes ng hapon.

Pansamantalang nasa custody ng Northern NCR Maritime Police Station (MARPSTA) ang akusado na si alyas na “Jerald”, 50, habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman.

Ikinasa ng mga tauhan ng Northern NCR MARPSTA/MLET Baseco katuwang ang iba’t ibang yunit ng pulisya, kabilang ang NDIT-RIU NCR, Eastern Samar Provincial Intelligence Unit (ESPPO-PIU), Taft MPS, MPD, at ESHPT-RHPU8 HPG ang joint operation na nagresulta sa matagumpay na pagkakaaresto sa akusado dakong alas-3:45 ng hapon sa Baseco Compound.

Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi sa kanya ang warrant of arrest para sa kasong Qualified Rape sa ilalim ng Article 266-A ng Revised Penal Code (na inamyendahan ng R.A 8353).

Ang naturang warrant ay inisyu noong Setyembre 10, 2026 ni Hon. Elvie Picardo Lim, Acting Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 1, Borongan City, Eastern Samar na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan. (Richard Mesa)

Sa kanyang ikalawang taon sa ikalawang termino..MAYOR ALONG, PATULOY NA ISINUSULONG ANG PAG-UNLAD NG CALOOCAN

Posted on: September 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SA pagpasok ng ikalawang taon ng kanyang second term bilang alkalde ng Caloocan, patuloy na isinusulong ni Mayor Dale Gonzalo “Along” R. Malapitan ang pangako ng kanyang administrasyon sa pagtugon sa serbisyo-publiko, inklusibong pag-unlad, at mga programang direktang tumutugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan.

Sa kanyang State of the City Address, sinabi ni Malapitan na ang nakalipas na taon ay nakatuon hindi lamang sa pagpapanatili ng mga programang nagdulot na ng positibong epekto, kundi pati na rin sa pagpapalakas ng mga serbisyo at paglulunsad ng mga inisyatibong tumutugon sa nagbabagong pangangailangan ng lungsod.

“Isang taon na ang lumipas mula nang muli nating tanggapin ang responsibilidad na mamuno sa ating lungsod. Mas lalo nating nararamdaman ang bigat ng tiwalang ibinigay sa atin ng ating mga kababayan, kaya patuloy tayong kumikilos upang mapabuti ang serbisyo at buhay ng bawat Batang Kankaloo,” ani Mayor Along.

Sa nakalipas na taon, patuloy na inuna ng pamahalaang lungsod ang pangangalagang pangkalusugan, edukasyon, proteksyong panlipunan, kabuhayan at trabaho, kapayapaan at kaayusan, imprastraktura, mga programa sa kapaligiran at mahusay na paghahatid ng mga pangunahing serbisyo ng gobyerno.

Patuloy din na inilalapit ng administrasyon ang mga serbisyo sa mga komunidad sa pamamagitan ng mga inisyatibo na direktang nagbibigay ng tulong sa mga residente, lalo na sa mga higit na nangangailangan ng suporta ng gobyerno.

Para kay Malapitan, ang ikalawang termino ay isang pagkakataon upang palakasin ang pundasyong naitatag noong kanyang unang termino habang tumutugon sa mga bagong hamong kinakaharap ng lungsod.

Binigyang-diin din ng alkalde na ang pag-unlad ng Caloocan ay hindi lamang masusukat sa imprastraktura at pisikal na pag-unlad, kundi pati na rin sa pagiging madaling makuha ng mga serbisyo ng gobyerno at mga oportunidad na ibinibigay sa mga mamamayan nito.

Pinasalamatan din niya ang mga empleyado ng pamahalaang lungsod, mga opisyal ng barangay, mga pinuno ng komunidad, at iba pang mga kasosyo sa pagtulong na gawing konkretong serbisyo para sa mga residente ang mga programa ng administrasyon.

“Sa sama-sama nating pagsisikap, natutulungan natin ang bawat isa, dahil kapag umuunlad ang ating mga kababayan, umuunlad ang Caloocan” diin ng alkalde. (Richard Mesa)

1st BATCH NG BUWANANG FINANCIAL ASSISTANCE PARA SA MGA OPERATOR NG MODERN PUV, INILABAS NA NG LTFRB

Posted on: September 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INILABAS na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng patnubay ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ang unang batch ng buwanang financial assistance para sa mga operator ng modern public utility vehicles (PUVs).

Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua, Jr., 16 tseke na nagkakahalaga ng P9.08 milyon ang inihanda at ipinamahagi sa 16 Transport Service Entities (TSEs) sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“Ito pa lamang ang unang batch ng financial assistance mula sa national government. May mga susunod pang ilalabas sa mga darating na araw para sa mga operator ng modern PUV na nahihirapang magbayad ng loan o makasabay sa tumataas na operational costs,” ani Acting Chairman Pua.

Bukod sa mga tseke, idedeposito rin ang ayuda sa mga account na isinumite ng mga TSE.

Ang assistance package ay inaprubahan ni Pangulong Marcos matapos ang kanyang pakikipagpulong kay Secretary Banoy, kasunod ng mga pangamba ng sektor ng modern PUV sa patuloy na pagtaas ng operational costs na nakaaapekto sa kanilang kakayahang bayaran ang loans para sa kanilang mga unit.

Batay sa guidelines ng LTFRB, ang mga rehistrado at accredited na TSE ay makatatanggap ng P20,000 buwan-buwan para sa amortization ng bawat modern PUV unit na nakuha mula nang magsimula ang programa hanggang sa maging epektibo ang kautusan.

Saklaw nito ang mga operator na tumalima sa Public Transportation Modernization Program (PTMP). Maaari ring gamitin ng mga operator na fully paid na ang kanilang units ang P20,000 ayuda para sa operational expenses.

Ang LTFRB ang nangangasiwa sa pagproseso ng mga aplikasyon. Ayon kay Acting Chairman Pua, may umiiral nang kautusan upang mapadali at mapabilis ang proseso at agad na maipagkaloob ang ayuda sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Magsisimula ngayong Setyembre ang buwanang assistance at ipagkakaloob sa loob ng tatlong buwan, o hanggang sa maubos ang pondong inilaan para rito.

Layunin ng programa na maiwasan ang foreclosure ng mga asset at credit default sa pamamagitan ng direktang cash flow support para sa buwanang loan obligations, habang natitiyak ang pagpapatuloy ng operasyon para sa mga commuter.

Saklaw ng ayuda ang modern jeepneys at UV Express sa buong bansa, gayundin ang modern buses na bumibiyahe sa Metro Manila.

Samantala, umiiral din ang P12 kada litro na fuel discount para sa passenger jeepney at UV Express operators sa buong bansa. Noong unang bahagi ng taon, inaprubahan din ni Pangulong Marcos ang P5,000 cash subsidy para sa mga PUV operator. 

(PAUL JOHN REYES)

Ads September 18, 2026

Posted on: September 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PhilHealth: Benepisyo magagamit kahit walang 24 oras sa ospital

Posted on: September 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINDI na kailangan ng mga miyembro ng PhilHealth na manatili ng 24-oras sa ospital upang ma­gamit ang kanilang benepisyo, batay sa PhilHealth Circular 2026-0013. Ayon sa state insurer, saklaw ng polisiya ang mga eligible inpatient admissions na wala pang 24-oras ang pananatili, basta’t ito ay medically necessary at suportado ng kumpletong clinical documentation.

Kabilang dito ang mga pasyenteng binawian ng buhay habang naka-confine nang wala pang 24-oras, gayundin ang mga interhospital o interfacility transfers na nangangaila­ngan ng pagpapatuloy ng pangangalaga bago matapos ang 24-hour admission. Nilinaw ng PhilHealth na ang mga pasyenteng dead on arrival o idineklarang patay nang hindi isinailalim sa anumang medical engagement ay hindi saklaw ng benepisyo.

Binigyang-diin din ng ahensya na hindi ito bagong package o case rate, kundi pagpapalawak ng entitlement para sa reimbursement ng umiiral na inpatient medical case rates. Ang coverage ay limitado sa mga kaso ng serious, severe, acute, o life-threatening conditions, gaya ng itinakda ng attending healthcare professional.

“It shall primarily apply to inpatient admissions involving serious, severe, acute, life-threatening, potentially life-threatening, or otherwise clinically significant medical or surgical conditions,” ayon sa PhilHealth.

Aby Maraño, nagretiro na sa professional volleyball matapos ang 22-taong karera

Posted on: September 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TULUYANG nagpaalam sa professional volleyball si Aby Maraño matapos ang 22 taon ng paglalaro, dala ang isang karerang puno ng tagumpay, hamon, sakripisyo, at pagmamahal sa sport.

Sa kanyang emosyonal na pahayag, sinabi ni Maraño na hindi naging madali ang desisyong tuldukan ang kanyang career bilang professional volleyball player. Gayunman, sa kabila ng sakit ng pamamaalam, nakaramdam siya ng kapayapaan dahil alam niyang naibigay na niya ang lahat sa larangang minahal niya nang mahigit dalawang dekada.

Ayon kay Maraño, matagal na niyang alam na darating ang panahon na kailangan niyang isara ang kabanata ng kanyang buhay bilang isang propesyunal na manlalaro.

“Hindi dahil hindi ko na mahal ang volleyball. Hindi dahil hindi ko na kayang maglaro. But because after 22 years, alam kong naibigay ko na ang lahat,” pahayag niya.

Binigyang-diin din ng volleyball star na wala na siyang hinahabol pa sa kanyang karera at wala siyang pinagsisisihan sa kanyang naging paglalakbay.

“BINUHOS KO LAHAT. LAHAT. LAHAT,” mariing saad ni Maraño.

Kawhi Leonard, balik na sa Toronto

Posted on: September 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BALIK na sa Toronto Raptors ang 2-time NBA champion na si Kawhi Leonard.

PITONG taon mula noong nabigyan niya ng championship ang Raptors (2019), pumayag ang ‘The Claw’ na bumalik sa naturang koponan, kung saan makakasama na niya ang mga bagitong players nito.

Maalalang kasunod ng matagumpay na 2019 Finals ay tuluyan ding umalis ang batikang forward upang maglaro sa ibang koponan. Gayonpaman, hindi ito pinalad na makakuha ng kampeonato, sa kabila ng ilang beses niyang pagpasok sa postseason.

Kapalit ni Kawhi sina Brandon Ingram, Gradey Dick, isang first-round draft pick, isang pick swap, at ilan pang second-round picks.

Bago lumipat sa Raptors si Kawhi, solidong performance na ang ipinakita ng koponan nitong nakalipas na season kung saan hinawakan nito ang 46-36 win-loss record, tangan ang .561 winning percentage.

Gayonpaman, hindi pa rin ito nakausad sa ikalawang elimination round matapos padapain ng Cleveland Cavaliers sa First Round sa Easten Conference.

Inaasahang makakatulong si Kawhi para patatagin ang solidong performance ng koponan, lalo na sa post season.

Hawak ng batikang forward ang dalawang Finals MVP, kasunod ng kaniyang 2014 title sa San Antonio Spurs at 2019 title. Ang 2019 title na ibinigay sa Toronto ang kauna-unahang championship para sa naturang koponan.