• October 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

526.546-million budget ng Dangerous Drugs Board (DDB) sa taong 2027, malaking tulong sa kampanya laban sa illegal na droga

MALAKING tulong sa kampanya laban sa illegal na droga ang ₱526.546-million budget ng Dangerous Drugs Board (DDB) sa taong 2027. 

Ayon kay House Committee on Appropriations Vice Chairperson at Marikina City Rep. Marcelino Teodoro, ang nasabing proposed budget ng DDB ay makatulong din sa mga hakbang ng gobyerno para maiwasan ang drug abuse, tustusan ang rehabilitation at tulungan maibalik ang mga mga nabiktima sa kanilang pamilya at komunidad.

“May magulang na hindi naghahanap ng huhulihin. Ang hinahanap niya ay tulong para sa anak niya,” sinabi ni Teodoro.

Sa proposed budget nito sa taong 2027, ₱169.182 million ay ilalaan sa Drug Abuse Prevention and Control Program, kabilang ang ₱111.694 million para sa policy formulation, surveys, research and studies; ₱32.845 million for advocacy and information programs; at ₱24.643 million para sa capacity building. 

Ipinaliwanag ni Teodoro na ang mga investments sa research and policy ay makakatulong sa gobyerno kung saan ang treatment at community-based programs ay kinakailangan, kung saan dapat pagtibayin ang prevention efforts at iba pa.

“Kung hindi natin alam kung nasaan ang problema, paano natin malalaman kung saan ilalagay ang pera? Kung hindi natin alam kung aling programa ang gumagana, baka taon-taon lang tayong gumagastos dahil nakasanayan na. That is why data matters,” sinabi ni Teodoro. 

 “Doon dapat makita ang halaga ng pondo: umaabot ang serbisyo. Kung may nanay sa probinsiya na gustong ipagamot ang anak niya, dapat may malinaw siyang mapupuntahan. Kung natapos ang rehab, dapat may support sa pagbalik sa komunidad,” dagdag ng kongresista. 

(VINA de GUZMAN)