• October 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September 26th, 2026

Para mailigtas siya mula sa death row…Paglaya ni Veloso, resulta ng pakikibaka ng mga OFW groups at mga Pilipinong walang sawang nanindigan 

Posted on: September 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IKINAGALAK ng ilang mambabatas ang absolute pardon na ibinigay ni Pangulong Bongbong Marcos kay Mary Jane Veloso, isang OFW na nakulong sa Indonesia ng 16 na taon matapos mahatulan bilang drug courier.

“Nakikiisa tayo sa pamilya Veloso sa kanilang pagdiriwang. Sa dulo ng kanilang mahabang paghihintay, sa wakas makakauwi na si Mary Jane,” sinabi ni Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña. 

Ayon kay Cendaña, ang paglaya ni Veloso ay resulta ng pakikibaka ng mga OFW groups, migrant rights advocates, at mga Pilipinong walang sawang nanindigan para mailigtas siya mula sa death row. 

Ayon naman kay Gabriela Women’s Partylist Rep. Sarah Elago, hindi kusang-loob na dumating ang kalayaan ni Veloso.

“Pinaglaban ito ng kanyang pamilya, mga migranteng Pilipino, taong simbahan, human rights defenders, women’s groups, lawyers, at mamamayang patuloy na nanindigan kahit ilang taon nang tila walang kasiguruhan ang kanyang paglaya,” sinabi ni Elago.

Aniya, matagal nang dapat pinalaya si Veloso. “Matagal na rin nating iginiit na siya ay biktima ng human trafficking at pagsasamantala, hindi kriminal na dapat parusahan.”

Sumang ayon si Elago kay Cendaña na ang paglaya ni Veloso ay pagkilala “sa mahabang laban upang itama ang isang matinding kawalan ng hustisya.”

Nakapiit si Veloso ng 16 na taon matapos siyang maaresto at mahulihan ng 2.6 kilos ng heroin sa Adisutjipto International Airport sa Yogjakarta, Indonesia noong April 25, 2010.

Sa gitna ng apila ng kampo ni Veloso na biktima lang siya at ginamit bilang drug mule, sinintensiyahan siya ng bitay ng District Court of Justice sa Yogjakarta noong October 11, 2010.

Hindi natuloy ang bitay ni Veloso at na-commute ang sentensiya matapos ang apila ni dating Pangulo Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III.

Noong December 2024, pinayagan ng Indonesian government na ilipat si Veloso sa kustodiya ng Philippine government, kung saan siya ikinulong sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City.

 (VINA de GUZMAN)

Nang babaan ang voting threshold…Walang naganap na “grave abuse of discretion” sa naging desisyon ng Senado ayon sa mambabatas 

Posted on: September 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MATIBAY ang batayan ng naging desisyon ng Senate impeachment court na babaan ang voting threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon kay Atty. Benjamin Tolosa Jr., tagapagsalita at legal counsel ng House prosecution team.

Sa ginanap na press briefing nitong Biyernes, iginiit ni Tolosa na walang naganap na “grave abuse of discretion” sa naging desisyon ng Senado.

“Maliwanag na it stands on solid legal grounds itong kanilang naging ruling,” sagot ni Tolosa.

“Wala pong grave abuse of discretion,” dagdag naman ni House prosecutor Manila Rep. Joel Chua.

Ginawa nila Tolosa at Chua ang mga pahayag matapos maghain ng petisyon si dating Executive Secretary Vic Rodriguez sa Supreme Court na kinukwestiyon ang desisyon ng Senate impeachment court noong Sept. 23 na babaan ang voting threshold.

Hiniling ni Rodriguez sa SC na atasan ang Senado na ibalik ang naunang interpretasyon na 16 na boto ang kailangan para sa impeachment ni Duterte, base sa two-thirds ng lahat ng 24 na miyembro ng Senado na nakasaad sa Konstitusyon. Humiling din si Rodriguez ng Temporary Restraining Order.

Naghain ng hiwalay na petition for certiorari ang isang abugado, Ernesto Francisco, na humihiling sa SC na resolbahin muna ang constitutional issue.

Sa isinagawang ruling ng Senate impeachment court, ang two-thirds requirement sa ilalim ng Saligang Batas ay hindi binago. Nakatutok ang isyu kung ilan sa mga kasalukuyang senador ang maaring bumoto dahil apat sa kanila ay hindi magampanan ang kanilang papel bilang senator-judges.

Sabi ni Tolosa, saklaw ng SC kung may naganap na grave abuse of discretion. “Sabi nga nila, mahirap sabihin na itong decision na ito ay produkto lamang ng kapritso, or arbitrarily made, dahil klaro, talagang pinag-isipan nang mabuti ang decision na ito, pinakinggan ang magkabilang panig sa kanilang mga opinion, pati dito sa mga disinterested persons.” 

Sinabi naman ni Chua na malinaw sa Saligang Batas na binibigyan ng wide latitude ang impeachment court, ang Senado, para gumawa ng sarili nilang rules. 

“But of course, at the end of the day, it will still be the Supreme Court who will determine if they should even look into that matter,” dagdag ni Tolosa. (VINA de GUZMAN)

28-anyos na tulak, isinelda sa P374K droga sa Valenzuela

Posted on: September 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HIMAS-REHAS ang isang hinihinalang tulak ng droga na itinuturing bilang High-Value Individual (HVI) nang maaresto sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, Biyernes ng madaling araw.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek na si alyas “Moymoy”, 28, ng Brgy., Wawang Polo.

Ayon kay Col. Talento, unang nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng ‎ Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa pagbebenta umano ng suspek ng shabu sa kanilang lugar at kalapit na mga barangay.

Nang magawang makipagtransaksyon sa suspek ng isa sa mga operatiba ng SDEU, agad bumuo ng team si P/Lt. Sherwin Dascil bago ikinasa ang buy bust operation laban kay alyas Moymoy sa koordinasyon sa PDEA.

Hindi na nakapalag ang suspek nang dambahin ng mga operatiba ng SDEU makaraang bintahan umano ng P8,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer dakong alas-3:30 ng madaling araw sa Kabesang Imo St., corner Langka St., Brgy. Balangkas.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 55 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P374,000.00, buy bust money na isang tunay na P500 bill at walong P1,000 boodle money, sling bag, P150 cash at isang motorsiklo na gamit umano nito sa pagdedeliber ng droga.

Ani SDEU investigator PSSg Cris Paul Collo, kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isasampa nila laban sa suspek sa piskalya ng Valenzuela City. (Richard Mesa)

LTO CHIEF, NAGPATUPAD NG MAHIGPIT NA ROAD ENFORCEMENT OPERATION SA PUERTO PRINCESA

Posted on: September 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UMABOT sa 46 Temporary Operator’s Permits (TOPs) ang inisyu sa isinagawang operasyon sa Malvar Road, Puerto Princesa City noong Setyembre 21, 2026, dahil sa mga paglabag sa Republic Act No. 4136 at iba pang paglabag sa umiiral na batas at regulasyon ng ahensya. Ito ay dahil sa patuloy na pagpapaigting ng road enforcement ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng pamumuno ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao.

Isinagawa ang operasyon katuwang ang Law Enforcement Service (LES) ng LTO Region 4B. Kabilang sa mga nahuli ang 10 motorsiklo na ginagamit bilang habal-habal. Ang 5 nito ay isinailalim sa technical impoundment, habang 5 naman ang pisikal na na-impound.

Natukoy rin ang iba pang paglabag, kabilang ang paggamit ng hindi rehistradong sasakyan, pagmamaneho nang walang balidong lisensya, paggamit ng sasakyang may sirang piyesa, reckless driving, hindi pagsusuot ng helmet at seatbelt, overloading, at pagsakay ng higit sa pinapayagang bilang ng pasahero sa motorsiklo.

Bukod dito, may mga nahuli rin dahil sa paglabag kaugnay ng paggamit ng plaka, kabilang ang paggamit ng improvised plate nang walang kaukulang authorization mula sa LTO, paglalagay ng hindi pinahihintulutang pantakip, at hindi pagkakabit ng opisyal na plaka.

“Hindi lang isang uri ng paglabag ang tinututukan natin. Mula sa colorum na operasyon hanggang sa pagmamaneho nang walang lisensya, hindi rehistradong sasakyan at iba pang paglabag sa batas-trapiko, bawat isa ay may kaukulang aksyon,” saad ni Asec. Lacanilao.

“Kung hindi kayang sumunod sa batas, hindi kami magdadalawang-isip na suspendihin o bawiin ang lisensya at i-impound ang sasakyan, alinsunod sa batas. Gusto ko na malinaw sa lahat na seryoso ang LTO sa pagpapatupad ng batas sa kalsada,” dagdag ni Asec. Lacanilao.

Patuloy naman ang LTO sa pagpapaigting ng mga operasyon laban sa colorum at iba pang paglabag sa batas-trapiko bilang bahagi ng pagtupad ng ahensya sa 7-Point Agenda ni Assistant Secretary Lacanilao, na naglalayong makapaghatid sa publiko ng maayos na serbisyo at matiyak ang ligtas na kalsada at mga disiplinadong motorista. (PAUL JOHN REYES)

PNP: Emergency alert sa iskul ikakalat

Posted on: September 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PLANO ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapatupad ng nationwide emergency alert system para mapabilis ang pag-uulat, koordinasyon at pagtugon sa mga insidente kasunod ng sunud-sunod na pamamaril sa mga paaralan.

Ayon kay PNP chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., nais ng PNP na palawakin ang B.E.S.T. (Build Partnership. Early Detection. Swift Alert. Tactical Response) School Alert and Rapid Response System na binuo ng Police Regional Office 4A (Calabarzon).

Layunin ng sistema na mapadali ang agarang pag-uulat at pagbabahagi ng impormasyon sa pagitan ng mga paaralan, pulisya at iba pang concerned agencies kapag may emergency o security incident.

Sa ilalim ng pilot implementation sa Calabarzon, nasa 155 paaralan ang nakatakdang gumamit ng aplikasyon bilang bahagi ng organisadong alert at response mechanism. 

Sinabi ni Nartatez na mahalaga ang paggamit ng makabagong teknolohiya upang mapahusay ang kakayahan ng mga awtoridad na tumugon sa mga nagbabagong banta sa seguridad sa mga paaralan.

Tinitingnan din ng PNP ang pakikipag-ugnayan sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa karagdagang pagpapaunlad at pagpapanatili ng platform sakaling palawakin ito sa buong bansa.

Ang hakbang ay bahagi ng mga pagsisikap na palakasin ang public safety at emergency preparedness sa mga paaralan kasunod ng mga naitalang insidente ng karahasan.

Ngayong taon, tatlong pamamaril sa mga paaralan ang nangyari – San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 22 na ikinasawi ng 3 katao, Ateneo de Zamboanga University noong Agosto 18 na ikinamatay ng 2 katao at Setyembre 18 sa Banga National High School sa South Cotabato na 3 ang namatay.

Ads September 26, 2026

Posted on: September 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments