• October 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Nang babaan ang voting threshold…Walang naganap na “grave abuse of discretion” sa naging desisyon ng Senado ayon sa mambabatas 

MATIBAY ang batayan ng naging desisyon ng Senate impeachment court na babaan ang voting threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon kay Atty. Benjamin Tolosa Jr., tagapagsalita at legal counsel ng House prosecution team.

Sa ginanap na press briefing nitong Biyernes, iginiit ni Tolosa na walang naganap na “grave abuse of discretion” sa naging desisyon ng Senado.

“Maliwanag na it stands on solid legal grounds itong kanilang naging ruling,” sagot ni Tolosa.

“Wala pong grave abuse of discretion,” dagdag naman ni House prosecutor Manila Rep. Joel Chua.

Ginawa nila Tolosa at Chua ang mga pahayag matapos maghain ng petisyon si dating Executive Secretary Vic Rodriguez sa Supreme Court na kinukwestiyon ang desisyon ng Senate impeachment court noong Sept. 23 na babaan ang voting threshold.

Hiniling ni Rodriguez sa SC na atasan ang Senado na ibalik ang naunang interpretasyon na 16 na boto ang kailangan para sa impeachment ni Duterte, base sa two-thirds ng lahat ng 24 na miyembro ng Senado na nakasaad sa Konstitusyon. Humiling din si Rodriguez ng Temporary Restraining Order.

Naghain ng hiwalay na petition for certiorari ang isang abugado, Ernesto Francisco, na humihiling sa SC na resolbahin muna ang constitutional issue.

Sa isinagawang ruling ng Senate impeachment court, ang two-thirds requirement sa ilalim ng Saligang Batas ay hindi binago. Nakatutok ang isyu kung ilan sa mga kasalukuyang senador ang maaring bumoto dahil apat sa kanila ay hindi magampanan ang kanilang papel bilang senator-judges.

Sabi ni Tolosa, saklaw ng SC kung may naganap na grave abuse of discretion. “Sabi nga nila, mahirap sabihin na itong decision na ito ay produkto lamang ng kapritso, or arbitrarily made, dahil klaro, talagang pinag-isipan nang mabuti ang decision na ito, pinakinggan ang magkabilang panig sa kanilang mga opinion, pati dito sa mga disinterested persons.” 

Sinabi naman ni Chua na malinaw sa Saligang Batas na binibigyan ng wide latitude ang impeachment court, ang Senado, para gumawa ng sarili nilang rules. 

“But of course, at the end of the day, it will still be the Supreme Court who will determine if they should even look into that matter,” dagdag ni Tolosa. (VINA de GUZMAN)