LTO CHIEF, NAGPATUPAD NG MAHIGPIT NA ROAD ENFORCEMENT OPERATION SA PUERTO PRINCESA
- Published on September 26, 2026
- by Francis Paolo Torres
UMABOT sa 46 Temporary Operator’s Permits (TOPs) ang inisyu sa isinagawang operasyon sa Malvar Road, Puerto Princesa City noong Setyembre 21, 2026, dahil sa mga paglabag sa Republic Act No. 4136 at iba pang paglabag sa umiiral na batas at regulasyon ng ahensya. Ito ay dahil sa patuloy na pagpapaigting ng road enforcement ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng pamumuno ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao.
Isinagawa ang operasyon katuwang ang Law Enforcement Service (LES) ng LTO Region 4B. Kabilang sa mga nahuli ang 10 motorsiklo na ginagamit bilang habal-habal. Ang 5 nito ay isinailalim sa technical impoundment, habang 5 naman ang pisikal na na-impound.
Natukoy rin ang iba pang paglabag, kabilang ang paggamit ng hindi rehistradong sasakyan, pagmamaneho nang walang balidong lisensya, paggamit ng sasakyang may sirang piyesa, reckless driving, hindi pagsusuot ng helmet at seatbelt, overloading, at pagsakay ng higit sa pinapayagang bilang ng pasahero sa motorsiklo.
Bukod dito, may mga nahuli rin dahil sa paglabag kaugnay ng paggamit ng plaka, kabilang ang paggamit ng improvised plate nang walang kaukulang authorization mula sa LTO, paglalagay ng hindi pinahihintulutang pantakip, at hindi pagkakabit ng opisyal na plaka.
“Hindi lang isang uri ng paglabag ang tinututukan natin. Mula sa colorum na operasyon hanggang sa pagmamaneho nang walang lisensya, hindi rehistradong sasakyan at iba pang paglabag sa batas-trapiko, bawat isa ay may kaukulang aksyon,” saad ni Asec. Lacanilao.
“Kung hindi kayang sumunod sa batas, hindi kami magdadalawang-isip na suspendihin o bawiin ang lisensya at i-impound ang sasakyan, alinsunod sa batas. Gusto ko na malinaw sa lahat na seryoso ang LTO sa pagpapatupad ng batas sa kalsada,” dagdag ni Asec. Lacanilao.
Patuloy naman ang LTO sa pagpapaigting ng mga operasyon laban sa colorum at iba pang paglabag sa batas-trapiko bilang bahagi ng pagtupad ng ahensya sa 7-Point Agenda ni Assistant Secretary Lacanilao, na naglalayong makapaghatid sa publiko ng maayos na serbisyo at matiyak ang ligtas na kalsada at mga disiplinadong motorista. (PAUL JOHN REYES)