• October 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September 12th, 2026

2 kelot, dinampot sa pagdadala ng baril sa Caloocan

Posted on: September 12th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SHOOT sa rehas ang dalawang armadong kelot matapos maaresto ng pulisya sa operation sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan City.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, habang nagpapatrulya ang mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth sa Bo. San Lazaro, Brgy., 187 nang maaktuhan nila ang 24-anyos na si alyas “Totoy” na pinaglalaruan ang hawak na baril dakong alas-2:15 ng Huwebes ng madaling araw.

Gayunman, nang mapansin ng suspek ang presensya ng kapulisan ay kumaripas ito ng takbo para tumaks subalit, hinabol siya ng mga ito hanggang sa makorner saka kinumpiska ang dala nitong isang kalibre .38 revolver na karagado ng tatlong bala.

Nang hanapan siya ng kaukulang mga dokumentong nagpapahintulot sa kanya na magmay-ari at magdala ng baril ay walang naipakita ang suspek na dahilan upang posasan siya ng mga pulis.

Nauna rito, inaresto naman ng mga tauhan ng Sangandaan Police Sub-Station na nagsasagawa ng operation ang 24-anyos rin na kelot na residente ng Barangay 12 nang matiyempuhang may bitbit umanong baril habang pagala-gala sa nasabing lugar.

Nasamsam sa suspek ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala habang wala rin siyang naipakita na kaukulang mga dokumento hinggil sa ligaledad ng dala niyang baril.

Ayon sa pulisya, sinampahan na nila ang mga suspek ng kasong paglabag sa Section 28 ng R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Caloocan City Prosecutor’s Office.

 (Richard Mesa)

Jeepney driver, kasama pinaulanan ng bala sa Malabon, kritikal

Posted on: September 12th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NASA kritikal na kalagayan ang isang jeepney driver at kanyang kasama nang tambangan at paulanan ng bala ng dalawang hindi pa kilalang mga suspek habang pumapasada sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Ginagamot sa San Lorenzoe Ruiz Hospital sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si alyas “Jerome” 30, ng Gov. Pascual St Brgy. Tinajeros habang sa Valenzuela Medical Center naman inoobserbahan ang jeepney driver na si alyas “Sherwin”, 37, ng Lapu-Lapu St, Brgy. 77, Caloocan sanhi ng tama ng bala sa tiyan na tumagos sa kanang bahagi ng kili-kili.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD ) Director P/BGen. Benliner Capili, sakay ang mga biktima ng pinapasadang jeepney habang tinatahak ang kahabaan ng M.H. Del Pilar St., Brgy Tinajeros, nang parahin sila ng dalawang suspek sa tapat ng K-BBQ & Milk Tea bago pinaulanan ng bala.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek patungong Kaingin St. sa naturan ding barangay habang kapwa naman na isinugod ang mga biktima sa nasabing mga pagamutan.

Nakuha ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa crime scene ang anim na basyo ng bala at isang depormadong bala ng hindi pa tinukoy na kalibre ng baril.

Iniutos na ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission sa kanyang mga tauhan ang masusing imbestigasyon para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek habang inaalam pa ang motibo sa pananambang. (Richard Mesa)

LTFRB, PINAIIGTING ANG MODERNISASYON NG PUBLIC TRANSPORTATION; NAGBUKAS NG 500 TAXI SLOTS PARA SA MGA ELECTRIC VEHICLE

Posted on: September 12th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGBUKAS ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ng 500 taxi slots na eksklusibo para sa electric vehicles (EVs) sa Bicol Region at Palawan bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng modernisasyon ng pampublikong transportasyon.

Nauna nang inaprubahan ng LTFRB ang humigit-kumulang 8,000 Transport Network Vehicle Service (TNVS) slots na eksklusibo rin para sa EVs, partikular ang Plug-In Hybrid Electric Vehicles (PHEVs) at Battery Electric Vehicles (BEVs). Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua, Jr., alinsunod ang mga hakbang na ito sa batas na nagtataguyod sa paggamit ng electric vehicles sa pampublikong transportasyon.

Nagpahayag din ng suporta si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa electrification ng sektor ng transportasyon. Sa kanyang State of the Nation Address (SONA), sinabi niyang nais niyang makita na 50 porsiyento ng mga sasakyang bumibiyahe sa mga kalsada ay electric vehicles.

“Hindi lamang ito tungkol sa pagsunod sa batas at pagpapabuti ng ating sistema ng pampublikong transportasyon. Tungkol din ito sa pagtataguyod ng makakalikasan, maaasahan at komportableng paglalakbay para sa ating mga kababayan,” ani Acting Chairman Pua.

Sa ilalim ng LTFRB Memorandum Circular No. 2026-085, naglaan ang LTFRB ng 400 EV taxi slots sa Bicol Regionmatapos matukoy sa isinagawang pagsusuri ang pangangailangang dagdagan ang mga taxi upang suportahan ang mga aktibidad pang-ekonomiya at turismo sa lugar.

Kasabay nito, binawi ang naunang desisyon na magbukas ng 100 regular taxi slots upang bigyang-daan ang karagdagang EV taxi slots sa rehiyon.

Samantala, sa ilalim ng LTFRB Memorandum No. 2026-089, nagbukas ang ahensya ng 100 EV taxi slots sa Palawan, na isa rin sa mga pangunahing destinasyong panturista sa bansa. Layunin nitong suportahan ang malinis na transportasyon, napapanatiling turismo at abot-kayang mobility para sa mga mananakay.

Sa pagbubukas ng 500 EV taxi slots, itinakda ng LTFRB ang mga sumusunod:

• Bukas ang aplikasyon sa mga Pilipinong mamamayan at domestic juridical entities na itinatag sa ilalim ng batas ng Pilipinas at pangunahing layunin ang pagbibigay ng serbisyo sa transportasyon. Maaari ring mag-aplay ang mga dayuhang mamamayan, korporasyon at entity alinsunod sa Memorandum Circular No. 2024-041;

• Hindi bababa sa 15 units ang maaaring isama sa bawat aplikasyon. Hindi papayagan ang partial compliance;

• Tanging mga brand-new EV units na kasalukuyang taon ang modelo o modelo ng nakaraang taon mula sa petsa ng aplikasyon ang tatanggapin;

• Kailangang isumite ang kumpletong legal, technical at financial documentary requirements na nakasaad sa umiiral na LTFRB Citizen’s Charter at mga kaugnay na Board issuance; at

• Bibigyang-prayoridad ang mga aplikanteng may available na EV units. Ang mga wala pang available na units ay maaaring magsumite ng undertaking, kasama ang commitment mula sa manufacturer o dealer na magiging available ang mga unit sa loob ng 90 araw.

Ayon kay Acting Chairman Pua, maaaring ihain ang aplikasyon sa pamamagitan ng opisyal na digital platform ng LTFRB o manual filing sa mga Regional Office nito. Ang mga aplikasyon na matatanggap sa Central Office ay ieendorso sa kinauukulang Regional Office para sa pagproseso.

Magsisimula ang pagtanggap ng mga aplikasyon matapos mailathala sa mga pahayagan ang dalawang memorandum.

Hinimok naman niya ang mga interesadong aplikante na makipag-ugnayan sa mga Regional Office ng LTFRB para sa karagdagang impormasyon at gabay. 

(PAUL JOHN REYES)

Higit 15K pulis ikakalat sa Sept. 21 anti-corruption rallies

Posted on: September 12th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAGPAPAKALAT ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng mahigit 15,000 pulis upang tiyakin ang seguridad sa mga nakatakdang anti-corruption rallies sa Metro Manila sa Setyembre 21.

Ayon kay NCRPO Director PBGen. Christopher Abrahano, inihahanda na ng kanilang hanay ang seguridad sa mga kilos-protesta habang iginagalang ang karapatan ng publiko na magpahayag ng saloobin.

Sinabi ni Abrahano na paiigtingin din nila ang koordinasyon sa iba’t ibang intelligence units upang matukoy ang posib­leng grupong maaaring magtangkang manggulo o sumingit sa mga lehitimong demons­trasyon.

Wala pa umanong natatanggap na impormas­yon ang NCRPO hinggil sa mga permit ng mga grupong magsasagawa ng rally na dapat sana’y ipinapaabot ng mga lokal na pamahalaan.

Nakipag-ugnayan na rin umano ang pulisya sa mga lider ng mga grupo upang magkaroon ng koordinasyon at maiwasan ang anumang kaguluhan.

Sa ngayon, sinabi ni Abrahano na wala pa silang namo-monitor na anumang banta sa seguridad kaugnay ng mga protesta, ngunit itataas pa rin nila ang alerto at ipatutupad ang mas mahigpit na pagbabantay.

Aniya, walang muna umanong leave ang mga pulis upang matiyak ang sapat na bilang ng personnel na magbabantay sa mga kalsada at lugar na pagdarausan ng mga pagkilos.

Ads September 12, 2026

Posted on: September 12th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments