• October 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB, PINAIIGTING ANG MODERNISASYON NG PUBLIC TRANSPORTATION; NAGBUKAS NG 500 TAXI SLOTS PARA SA MGA ELECTRIC VEHICLE

NAGBUKAS ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ng 500 taxi slots na eksklusibo para sa electric vehicles (EVs) sa Bicol Region at Palawan bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng modernisasyon ng pampublikong transportasyon.

Nauna nang inaprubahan ng LTFRB ang humigit-kumulang 8,000 Transport Network Vehicle Service (TNVS) slots na eksklusibo rin para sa EVs, partikular ang Plug-In Hybrid Electric Vehicles (PHEVs) at Battery Electric Vehicles (BEVs). Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua, Jr., alinsunod ang mga hakbang na ito sa batas na nagtataguyod sa paggamit ng electric vehicles sa pampublikong transportasyon.

Nagpahayag din ng suporta si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa electrification ng sektor ng transportasyon. Sa kanyang State of the Nation Address (SONA), sinabi niyang nais niyang makita na 50 porsiyento ng mga sasakyang bumibiyahe sa mga kalsada ay electric vehicles.

“Hindi lamang ito tungkol sa pagsunod sa batas at pagpapabuti ng ating sistema ng pampublikong transportasyon. Tungkol din ito sa pagtataguyod ng makakalikasan, maaasahan at komportableng paglalakbay para sa ating mga kababayan,” ani Acting Chairman Pua.

Sa ilalim ng LTFRB Memorandum Circular No. 2026-085, naglaan ang LTFRB ng 400 EV taxi slots sa Bicol Regionmatapos matukoy sa isinagawang pagsusuri ang pangangailangang dagdagan ang mga taxi upang suportahan ang mga aktibidad pang-ekonomiya at turismo sa lugar.

Kasabay nito, binawi ang naunang desisyon na magbukas ng 100 regular taxi slots upang bigyang-daan ang karagdagang EV taxi slots sa rehiyon.

Samantala, sa ilalim ng LTFRB Memorandum No. 2026-089, nagbukas ang ahensya ng 100 EV taxi slots sa Palawan, na isa rin sa mga pangunahing destinasyong panturista sa bansa. Layunin nitong suportahan ang malinis na transportasyon, napapanatiling turismo at abot-kayang mobility para sa mga mananakay.

Sa pagbubukas ng 500 EV taxi slots, itinakda ng LTFRB ang mga sumusunod:

• Bukas ang aplikasyon sa mga Pilipinong mamamayan at domestic juridical entities na itinatag sa ilalim ng batas ng Pilipinas at pangunahing layunin ang pagbibigay ng serbisyo sa transportasyon. Maaari ring mag-aplay ang mga dayuhang mamamayan, korporasyon at entity alinsunod sa Memorandum Circular No. 2024-041;

• Hindi bababa sa 15 units ang maaaring isama sa bawat aplikasyon. Hindi papayagan ang partial compliance;

• Tanging mga brand-new EV units na kasalukuyang taon ang modelo o modelo ng nakaraang taon mula sa petsa ng aplikasyon ang tatanggapin;

• Kailangang isumite ang kumpletong legal, technical at financial documentary requirements na nakasaad sa umiiral na LTFRB Citizen’s Charter at mga kaugnay na Board issuance; at

• Bibigyang-prayoridad ang mga aplikanteng may available na EV units. Ang mga wala pang available na units ay maaaring magsumite ng undertaking, kasama ang commitment mula sa manufacturer o dealer na magiging available ang mga unit sa loob ng 90 araw.

Ayon kay Acting Chairman Pua, maaaring ihain ang aplikasyon sa pamamagitan ng opisyal na digital platform ng LTFRB o manual filing sa mga Regional Office nito. Ang mga aplikasyon na matatanggap sa Central Office ay ieendorso sa kinauukulang Regional Office para sa pagproseso.

Magsisimula ang pagtanggap ng mga aplikasyon matapos mailathala sa mga pahayagan ang dalawang memorandum.

Hinimok naman niya ang mga interesadong aplikante na makipag-ugnayan sa mga Regional Office ng LTFRB para sa karagdagang impormasyon at gabay. 

(PAUL JOHN REYES)