2 kelot, dinampot sa pagdadala ng baril sa Caloocan
- Published on September 12, 2026
- by Francis Paolo Torres
SHOOT sa rehas ang dalawang armadong kelot matapos maaresto ng pulisya sa operation sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan City.
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, habang nagpapatrulya ang mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth sa Bo. San Lazaro, Brgy., 187 nang maaktuhan nila ang 24-anyos na si alyas “Totoy” na pinaglalaruan ang hawak na baril dakong alas-2:15 ng Huwebes ng madaling araw.
Gayunman, nang mapansin ng suspek ang presensya ng kapulisan ay kumaripas ito ng takbo para tumaks subalit, hinabol siya ng mga ito hanggang sa makorner saka kinumpiska ang dala nitong isang kalibre .38 revolver na karagado ng tatlong bala.
Nang hanapan siya ng kaukulang mga dokumentong nagpapahintulot sa kanya na magmay-ari at magdala ng baril ay walang naipakita ang suspek na dahilan upang posasan siya ng mga pulis.
Nauna rito, inaresto naman ng mga tauhan ng Sangandaan Police Sub-Station na nagsasagawa ng operation ang 24-anyos rin na kelot na residente ng Barangay 12 nang matiyempuhang may bitbit umanong baril habang pagala-gala sa nasabing lugar.
Nasamsam sa suspek ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala habang wala rin siyang naipakita na kaukulang mga dokumento hinggil sa ligaledad ng dala niyang baril.
Ayon sa pulisya, sinampahan na nila ang mga suspek ng kasong paglabag sa Section 28 ng R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Caloocan City Prosecutor’s Office.
(Richard Mesa)