• September 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August, 2026

Taasan ang annual income tax exemption ng mga manggagawa mula P250,000 hanggang P500,000, isinusulong 

Posted on: August 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ILANG mambabatas ng Akbayan Reform Bloc ang nagtutulak na taasan ang annual income tax exemption ng mga manggagawa mula sa kasalukuyang P250,000 hanggang P500,000.

“Filipinos are being strangled by the high cost of living. Hindi lang mga minimum wage earners kundi pati mga middle-income professionals ang namomroblema tuwing petsa de peligro. Expanding the coverage of the income tax exemption is a welcome respite for millions of Filipino employees and working professionals,” sabi ni Akbayan Rep. Perci Cendaña.

Sa inihaing House Bill 10440 nila Cendaña, mas mataas ang hinahabol sa tax exemption nito kaysa sa itinutulak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na P350,000.

“Kung malawak naman ang suporta sana hindi na ito paabutin pa ng susunod na taon. If the President can certify the measure urgent, then the House leadership will act on the bill ASAP. Kung papalarin bago mag Pasko pasado na ang batas at pagdating ng Enero ng sunod na taon, in-effect na ang income tax exemption,” sinabi ni Cendaña. 

Bukod kay Cendaña, kabilang sina Rep. Chel Diokno, Rep. Dadah Kiram Ismula, and Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao sa naghain ng HB 10440.

Ayon kay Diokno, ang pagtaas ng threshold sa income tax exemption ay napakahalaga at napapanahong tulong sa mga manggagawa at kanilang mga pamilya sa harap ng mataas na presyo ng bilihin at serbisyo, kuryente, at produktong petrolyo.

 “Sa pamamagitan nito, lalaki ang kanilang maiuuwing kita para sa pamilya at madadagdagan ang pantustos sa kanilang mga pangangailangan,” dagdag ng kongresista.

Sa inihaing panukala, mababago ang babayaran na income taxes, depende sa income brackets. Sa unang bracket, walang babayaran na buwis sa mga sumasahod o kumikita ng di hihigit sa P500,000.

Samantala, ang mga sumasahod o kumikita ng mahigit P500,000 subalit hindi hihigit sa P715,000 ay magbabayad ng 15 porsiyento sa sobra ng P500,000.

Doon naman sa mga sumasahod o kumikita ng mahigit P715,000 subalit hindi hihigit sa P1.3 million ay magbabayad ng P32,000 + 20 percent ng sumobra sa P715,000. 

Doon sa mga sumasahod o kumikita ng mahigit P1.3 million na hindi hihigit sa P3 million ay magbabayad ng P145,000 na buwis plus 25 percent ng excess sa mahigit P1.3 Million. Maging ang annual income na mahigit P3 million pero hindi humihigit sa P11.6 million ay magbabayad ng P580,000 + 30 percent ng sumobra sa P3 million. 

At doon sa mga sumasahod o kumikita ng P11.6 million annually ay pagbabayarin ng P3.15 million na buwis + 35 percent ng excess over P11.6 million.

 (VINA de GUZMAN)

9 NA DAYUHAN, INARESTO NG BI SA OPERASYON LABAN SA MGA ILIGAL NA DAYUHAN

Posted on: August 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang siyam na dayuhan sa isinagawang operasyon sa isang condominium complex sa Pasay City.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Bureau’s Fugitive Search Unit (FSU) sa pakikipag-ugnayan sa Southern Manila District Field Unit ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at CIDG Regional Field Unit–National Capital Region (NCR).

Batay sa ulat ni FSU Chief Rendel Ryan Sy nagsagawa ng operasyon ang mga operatiba ng BI sa tatlong condominium unit sa Sunrise Drive, Barangay 76, Pasay City matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga awtoridad ng Tsina tungkol sa isang Chinese national na umano’y sangkot sa pagpapatakbo ng isang iligal na online gambling hub na nakabase sa isang residential unit.

Sa isinagawang operasyon, nadatnan ng mga operatiba ang siyam na dayuhan na umano’y sangkot sa mga iligal na aktibidad ng online gambling sa loob ng mga unit.

Kabilang sa mga naaresto ang walong Chinese nationals na may edad 20 hanggang 30 at isang 33-anyos na Vietnamese national.

Napag-alaman din na ilan sa kanila ay overstaying na habang ang iba ay walang rekord ng pagpasok sa database. 

(Gene Adsuara)

3 arestado sa droga sa Valenzuela

Posted on: August 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng limang indibidwal kabilang ang tatlong drug suspects matapos maaresto ng pulisya sa anti-criminality operation sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela.

Sa ulat, nnagsasagawa ng Anti-Criminality Campaign Operation ang mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 1 nang maaktuhan nila ang dalawang lalaki na nagsusugal umano ng ‘lucky 9’ sa Francisco Compound, Brgy., Paso De Blas dakong alas-10:40 ng Huwebes ng gabi.

Nakumpiska sa kanila ang P300 bet money, gamit na baraha at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha umano kay alyas “Cardo”, 51, driver ng Brgy., Canumay West.    

Nauna rito, pasado alas-6 ng gabi nang matiklo ng mga operatiba ng Police Sub-Station 4 ang dalawang construction worker habang naglalaro umano ng sugal na ‘dice game’ sa Pinagpala St., Sitio Pinalagad, Barangay Malinta.

Nasamsam sa dalawa ang P300 bet monet, dice cube at isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nakumpiska umano kay alyas “John”, 39, ng Brgy., Malinta.

Alas-4:15 nagsasagawa ng hapon nang mahuli sa akto ng mga operatiba ng Police Sub-Station 7 ang 22-anyos na obrero na si alyas “Joseph” na sumisinghot umano ng shabu sa loob ng isang barong barong sa Blk 3, Lot 8, Galas St., Brgy., Bignay. Nakuha sa kanya ang ilang drug parapernalya at isang bukas na plastic sachet na may bahid ng shabu.

Pinaalalahanan naman ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang publiko na makipagtulungan sa pulisya sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa pamamagitan ng maagap na pagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga taong may kahina-hinalang aktibidad. (Richard Mesa)

LTFRB, SINIMULAN NA ANG DELIBERASYON SA MGA PETISYON PARA SA TAAS PASAHE

Posted on: August 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINIMULAN na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ang pagtalakay sa mga petisyon para sa taas-pasahe na inihain ng limang pangunahing transport group dahil sa patuloy na pagtaas ng gastusin sa operasyon bunsod ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Kasabay ng nagpapatuloy na deliberasyon, tiniyak ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II na isasaalang-alang ang mga pananaw ng iba’t ibang stakeholder bago maglabas ng pinal na desisyon hinggil sa mga kahilingan para sa fare adjustment.

“Sinusuri na natin ang lahat ng nakabinbing petisyon para sa taas-pasahe. Alinsunod sa direktiba ni Secretary Banoy, kailangan nating makabuo ng rekomendasyon sa lalong madaling panahon,” ani Chairman Vigor.

Saklaw ng mga petisyon ang mga pampasaherong jeepney, bus, UV Express, taxi, at motorcycle taxi. Ang mga naghain nito ay ang Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), Metro Comet Transport Service Cooperative, UV Express National Alliance of the Philippines, United Transportation Coalition of the Philippines, at Manibela.

Ayon kay Chairman Vigor, layunin ng LTFRB na makabuo ng mga fare adjustment na makatarungan para sa sektor ng pampublikong transportasyon habang isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga commuter at iba pang stakeholder.

Nauna nang inatasan ni Secretary Banoy ang LTFRB na muling kalkulahin ang nararapat na fare adjustment batay sa mga nakabinbing petisyon, partikular ang mga inihain ng Manibela at PISTON. Sa halip na magpatupad ng pansamantalang fare adjustment, target ng LTFRB na maglabas ng pinal na resolusyon sa lalong madaling panahon.

Isasaalang-alang sa deliberasyon ang iba’t ibang salik, kabilang ang epekto ng inflation at kakayahan ng mga commuter na makabayad ng anumang magiging fare adjustment. Bilang bahagi ng proseso, kokonsultahin din ang iba pang stakeholder at mga kaukulang ahensya ng pamahalaan bago isumite ang rekomendasyon sa DOTr.

“Tinitiyak namin sa publiko na ang bawat hakbang ng LTFRB ay magbibigay-balanse sa pangangailangan ng sektor ng pampublikong transportasyon at sa kapakanan ng mga commuter at ng sambayanan,” ani Chairman Vigor.

 (PAUL JOHN REYES)

P85 minimum wage increase pinigil ng korte

Posted on: August 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGPALABAS ng kautusan ang Pasig City Regional Trial Court ng status quo ante order na nagsusupinde sa pagpapatupad ng P85 na dagdag sa daily minimum wage ng mga mang­gagawa sa pribadong sektor sa Metro Manila.

Sa 2-pahinang kautusan na may petsang Hulyo 24, 2026 at isinapubliko nitong Hulyo 30, bahagyang pinagbigyan ni Pasig RTC Executive Judge Achilles Bulauitan ang petisyong inihain ng Readycon Trading and Construction Corp., at R-II Builders Inc.

Kinumpirma naman ni Labor Acting Secretary Francis Tolentino na nagsabing kahit ikinalulungkot niya ay igagalang at susunod sa kautusan ng korte.

Nabatid na ang kautusan ng korte ay nauna bago pa ang paglalabas ng Department of Labor and Employment noong Hulyo 25 ng unang­ araw ng pagpapatupad ng first tranche ng bagong minimum wage hike na P85 sa daily minimum wage sa National Capital Region (NCR).

Bago ang wage order ay nasa P695 ang wage rate kada araw sa NCR.

Samantala, nakabitin pa umano ang petition for TRO dahil hindi pa ito naira-raffle.

Ads August 1, 2026

Posted on: August 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Labis ang papasalamat dahil matagumpay ang fashion show… CHARO, gustong makilala ni MARIAN at si CLAUDINE ang choice sa life story (ni:  ROHN ROMULO) 

Posted on: August 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BAGO ang bonggang-bongga and star-studded na Maddox Iconic Runway: Diamond Jewelry Fashion Show 2026 ay humarap muna sa entertainment media ang CEO at tinagurian na Queen of Diamonds na si Ms. Charo Cordial, na aminadong kinakabahan dahil hindi pa siya sanay.

Ilan nga sa natanong sa kanya, kung sakaling gagawin ang success story niya, sinong aktres ang gusto niyang gumanap?

“Si Ms. Claudine Barretto, alam nyo po kasi dati, nanonood ako ng mga serye niya tulad ng ‘Mula Sa Puso’.  At isa ako sa batang na pinapangarap na makita lang siya before,” sagot niya.

At dahil nga tungkol sa diamonds ang fashion show, may naghahanap kung bakit daw wala si Diamond Star Maricel Soriano.  Paliwanag niya, marami pa raw wala sa show tulad ni Ai-Ai delas Alas na nasa Amerika.  Si Maricel naman ay hindi available that night.

Aminado naman na may isang aktres na gusto niyang makilala…

“Gusto ko talagang makilala si Ms. Marian Rivera, kasi ang ganda-ganda niya,” tila may kilig pang pahayag ni Ms. Charo.

Anyway, nagsama-sama ang mga celebrities na rumampa na kung saan suot-suot ang mga nakakalulang diamond collections ng Maddox Jewelry.

Si Ms. Korina Sanchez-Roxas ang nagpakilala kay Ms Charo Cordial na nagbigay ng kanyang pasasalamat sa celebrities na nanood at sumuporta. 

Hindi rin siya kinalimutang i-acknowledge ang entertainment press, bloggers, at influencers na nag-cover ng naturang successful event, na dinirek ng famous iconic fashion director na si Robby Carmona.

Narito ang mga rumampang celebrities ayon sa kani-kanilang grupo na kinabibilangan, na kung saan nagningning sila sa suot na Maddox diamond jewelry collections.

ICONS OF FORMS AND RADIANCE:

Ryza Cenon, Diego Loyzaga, AJ Raval & Aljur Abrenica, Kris Bernal, Edgar Allan Guzman, Polo Ravales, Sheree Bautista, Pancho Magno, Negi and Aubrey Miles & Troy Montero.

ICONS OF BRILLIANCE AND ELEGANCE:

Katrina Halili, Diana Zubiri, Katya Santos, James Blanco, Nadine Samonte, Daiana Menezes, Geneva Cruz, Giselle Sanchez, Jiana, Avery Cordial, and Ara Mina.

ICONS OF TIMELESSNESS:

Beauty Gonzales, Maureen Larrazabal, DJ Durano, Ynez Veneracion, Regine Tolentino, Jeric Raval, Gary Estrada, Alma Concepcion, Pokwang and Claudine Barretto

ICONS OF LEGACY:

Amy Austria, Jackie Lou Blanco, Yayo Aguila, Gardo Versoza, Epy Quizon, Eric Quizon

and Roderick Paulate & Carmi Martin.

Ilan sa mga artistang nakita naming nanood para sumuporta sa event ni Ms. Charo sina Nadia Montenegro at Ynna Asistio, Dennis Padilla, Anjo Yllana, Arlene Muhlach, Lovely Rivero, Rochelle Barrameda, at Kitkat.

Sa finale ng fashion nagpalit ng gown si Ms. Charo para rumampa at kasunod nito ay muling lumabas ang celebrities sa fashio show na nakaroon din ng photo-op kasama ang matagumpay at sikat na CEO ng Maddox Jewelry.

Anak na si Ynna, makikipag-collab sa Maddox Jewelry…NADIA, nag-react sa post ni BARON kasama si SOPHIA dahil ang ganda ng timing (ni: ROHN ROMULO)

Posted on: August 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISANG taon din palang tumira ang anak ni Nadia Montenegro na si Sophia Montenegro sa bahay ng aman nitong si Baron Geisler.

Pero pinabalik na ni Nadia si Sophia sa kanilang bahay, matapos malamang may mga personal na problema ang aktor.

Sa naging interview kay Nadia ng ilang members ng entertaiment press sa naganap na successful na “Maddox Iconic Runway: Diamond Jewelry Fashion Show 2026” noong July 30 sa EDSA Shangri-la Hotel…“For one year nandoon ‘yung anak ko sa kanya, then ‘yun medyo namomroblema na sila, may mga problems na sila sa family,” pahayag ni Nadia.

“Siyempre I pulled out my child, inalis ko ‘yung anak ko doon kasi ayoko naman maano rin, nag-aaral si Sophia. Mabuti nang maayos na muna nila mamaya nakakabigat din ‘yung anak ko, naiintindihan ko ‘yung mga ganon.” 

May problema daw ngayon ni Baron at ng asawa nitong si Jamie Evangelista, na nagsiwalat na bumabalik sa mga dati nitong bisyo. Na sinabihan na maghanap ng sponsors para sa pagpapa-rehab.“Na-pull out ko na si Sophia February pa. Matagal nang wala si Sophia sa kanya. Pero ‘yung relationship nilang mag-ama, secure naman ako dun,” panimula niya.

“Alam ko naman na hindi naman niya siguro i-dadamay ‘yung anak ko.

“‘Yun lang naman ang text ko sa kanya, ingatan mo si Sophia. Huwag mong idamay sa gulo niyo. At huwag mo siyang gagamitin sa mga, kung anu-anong mga problema. 

“So, very honest naman ako sa kanya, although hindi niya nga ako sinasagot,” pahayag pa ni Nadia.

Mensahe niya kay Baron, “I wish him well. Ayoko lang madamay si Sophia. Nahe-hurt din ‘yung bata kasi tatay niya ‘yon.”

Samantala, nag-react din si Nadia sa pagpo-post ni Baron sa social media recently ng litrato nila ni Sophia.

Bahagi ng caption ng aktor, “Mahal kita anak ng sobra! [red heart emoji]”

“Ang akin lang sana, maraming oras na sana ipinost ‘yung anak ko na magkatabi sila. Ganda lang ng timing. Ganda ng timing.

“‘Yung minsanan lang na moments nila na magkasama…kasi hindi lang naman ako, maraming makaka-misinterpret,” paniwala pa ni Nadia.

Kasama pala ni Nadia na nanood ng Maddox fashion show ang daughter na si Ynna Asistio bilang suporta sa Maddox owner na si Ms. Charo Cordial.

Ang negosyo rin ni Ynna ay diamonds, kaya soon ay magkakaroon sila ng collab at kaabang-abang ito.  

Napa-iyak habang pinapanood nila ang trailer…JAIRUS at NICOLE, tatlong taong hinintay ang seryeng ‘Our Yesterday’s Escape’ (ROMMEL GONZALES) 

Posted on: August 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NALUHA ang kanilang masugid na fans at supporters nang makitang umiyak sina Jairus Aquino at Nicole Omillo habang pinapanood ang trailer ng Viva One series nilang “Our Yesterday’s Escape”.

Ito ang final installment sa University Series ng Viva One na tatlong taon ang lumipas bago natupad.

“Mas naramdaman ko ang pressure and, I guess, we would be able to use that pressure to give these people a very good series to close,” pahayag ni Jairus.

“We’re just really happy na nandito kami ngayon, doing this last and final book, which is for us, the heaviest book kasi maraming elements.

“So kabado, but at the same time, we’re gonna use that as fuel to do everything; blood, sweat, and tears.

“Everything, gagawin talaga namin lahat.

“Sabi nga ni direk Gino [Santos], pinaghihirapan namin ito at totoong pinaghihirapan namin.”

Kaba naman raw ang nadarama ni Nicole sa una nilang pagbibida ni Jairus sa isang serye.

“Nakakakaba po na we’ve been doing it nga for a few years now, but it’s an honor to do this. Nakakakaba pero excited.

“Maybe we’re just really overwhelmed with the love and support we’re getting from everybody, especially we’re the last book.

“We’ve been waiting for this for almost three years.”

Ang “Our Yesterday’s Escape” ay magsisimula na sa Viva One sa August 29.

Nagbahagi rin si Nicole tungkol sa emosyonal na eksena nila ni Jairus sa Vivakarda Grand Concert  noong August 15 sa Araneta Coliseum.

“The Vivarkada concert happened on my birthday, August 15, and it was such a special day and to perform in Araneta Coliseum was also one of my dreams.

“I was able to do it at first time namin noon ni Jai na mag-perform or makita on stage o together.

“Kasi sa lahat ng series, lagi po kaming nagpa-pass by lang. Never po kaming nagtatagpo.

“So, when we were in that moment, sobrang naramdaman ko si Shan at Kierrai!”

Iyon ang mga karakter nila ni Jairus sa “Our Yesterday’s Escape.”

Samantala, nakakatutuwang pagmasdan ang anim na sikat na tandems ng Viva na sumuporta kina Jairus at Nicole dahil present sa grand launch ng Our Yesterday’s Escape sina Heaven Peralejo at Marco Gallo (The Rain in España); Krissha Viaje at Jerome Ponce (Safe Skies, Archer); Gab Lagman at Hyacinth Callado (Chasing in the Wild); Aubrey Caraan at Lance Carr (Avenues of the Diamond); Bea Binene at Wilbert Ross (Golden Scenery of Tomorrow) pati Francis Magundayao na 3rd party sa Our Yesterday’s Escape.