LTFRB, SINIMULAN NA ANG DELIBERASYON SA MGA PETISYON PARA SA TAAS PASAHE
- Published on August 1, 2026
- by Francis Paolo Torres
SINIMULAN na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ang pagtalakay sa mga petisyon para sa taas-pasahe na inihain ng limang pangunahing transport group dahil sa patuloy na pagtaas ng gastusin sa operasyon bunsod ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Kasabay ng nagpapatuloy na deliberasyon, tiniyak ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II na isasaalang-alang ang mga pananaw ng iba’t ibang stakeholder bago maglabas ng pinal na desisyon hinggil sa mga kahilingan para sa fare adjustment.
“Sinusuri na natin ang lahat ng nakabinbing petisyon para sa taas-pasahe. Alinsunod sa direktiba ni Secretary Banoy, kailangan nating makabuo ng rekomendasyon sa lalong madaling panahon,” ani Chairman Vigor.
Saklaw ng mga petisyon ang mga pampasaherong jeepney, bus, UV Express, taxi, at motorcycle taxi. Ang mga naghain nito ay ang Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), Metro Comet Transport Service Cooperative, UV Express National Alliance of the Philippines, United Transportation Coalition of the Philippines, at Manibela.
Ayon kay Chairman Vigor, layunin ng LTFRB na makabuo ng mga fare adjustment na makatarungan para sa sektor ng pampublikong transportasyon habang isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga commuter at iba pang stakeholder.
Nauna nang inatasan ni Secretary Banoy ang LTFRB na muling kalkulahin ang nararapat na fare adjustment batay sa mga nakabinbing petisyon, partikular ang mga inihain ng Manibela at PISTON. Sa halip na magpatupad ng pansamantalang fare adjustment, target ng LTFRB na maglabas ng pinal na resolusyon sa lalong madaling panahon.
Isasaalang-alang sa deliberasyon ang iba’t ibang salik, kabilang ang epekto ng inflation at kakayahan ng mga commuter na makabayad ng anumang magiging fare adjustment. Bilang bahagi ng proseso, kokonsultahin din ang iba pang stakeholder at mga kaukulang ahensya ng pamahalaan bago isumite ang rekomendasyon sa DOTr.
“Tinitiyak namin sa publiko na ang bawat hakbang ng LTFRB ay magbibigay-balanse sa pangangailangan ng sektor ng pampublikong transportasyon at sa kapakanan ng mga commuter at ng sambayanan,” ani Chairman Vigor.
(PAUL JOHN REYES)