• September 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August, 2026

12 TIMBOG SA ANTI-FIXING OPERATION SA PASAY; DALAWANG OPISYAL NG LTO NA SANGKOT SIBAK SA PUWESTO AT SASAMPAHAN NG KASO

Posted on: August 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BILANG bahagi ng 7-Point Reform Agenda ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao mula nang mamuno sa ahensya, patuloy na pinaigting ng LTO ang kampanya laban sa fixing matapos maaresto ang 12 indibidwal, kabilang ang dalawang opisyal ng LTO Pasay District Office, sa isang anti-fixing entrapment operation sa Pasay City noong Agosto 14, 2026.

Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng LTO Law Enforcement Service–Field Enforcement Division (LES-FED), Philippine Coast Guard (PCG), at Philippine National Police (PNP), kabilang ang mga tauhan ng Pasay City Police Station at Sub-Station 8, sa ilalim ng pangangasiwa nina PBGEN Allan C. Nobleza (Ret.), Director ng LES; PBGEN Antonio P. Bartolome (Ret.); PBGEN Celso P. Bael (Ret.); at PCOL Ephraim A. Arcilla (Ret.).

Ang lahat ng nahuli ay sasailalim sa kaukulang imbestigasyon at proseso para sa pagsasampa ng mga kaso laban sa mga mapatunayang sangkot sa illegal fixing activities. Kabilang sa mga isinailalim sa imbestigasyon ang kawani ng LTO Pasay District Office, na agad na inatasang alisin sa puwesto ni Asec. Lacanilao habang isinasagawa ang kaukulang administratibong proseso.

Titiyakin ng LTO na ang sinumang mapatunayang sangkot sa fixing ay haharap sa kaukulang pananagutan at hindi makapagtutuloy sa ilegal na gawain sa loob ng ahensya.

“Hindi kami magbubulag-bulagan sa ganitong gawain. Alam namin kung paano kumikilos ang mga fixer, kabilang ang mga empleyado ng LTO na maaaring nasasangkot dito, at patuloy naming palalawakin ang operasyon para matukoy ang mga taong nasa likod nito. Hindi titigil ang LTO hangga’t hindi natutukoy at nalilinis ang mga ganitong kalakaran sa ating mga tanggapan,” pahayag ni Asec. Lacanilao.

Sa laban kontra fixing, patuloy na paiigtingin ng LTO ang mga operasyon nito, sa pakikipagtulungan sa iba pang law enforcement agencies, upang matukoy, mapanagot, at maparusahan alinsunod sa batas ang mga sangkot sa ilegal na transaksyon at mapanatili ang malinis, maayos, at tapat na serbisyo ng ahensya.

Hinihikayat naman ng LTO ang publiko na huwag makipagtransaksyon sa mga fixer at agad i-report ang anumang kahina-hinalang gawain o alok ng ilegal na serbisyo sa pamamagitan ng opisyal na Facebook page na Ireport Mo Kay LTO Chief o sa website na https://ireportmokayltochief.ph/ upang agad na maisagawa ang kaukulang beripikasyon, imbestigasyon, at aksyon ng ahensya. 

(PAUL JOHN REYES)

SSS nagbukas ng Emergency Loan Program

Posted on: August 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BINUKSAN na ng Social Security System (SSS) ang Emergency Loan Program (ELP) para sa mga miyembrong naapektuhan ng bagyong Maymay at Habagat.

Layunin ng programa na magbigay ng agarang tulong pinansyal sa mga miyembro ng SSS na naapektuhan ng ka­lamidad.

Ayon kay SSS President and Chief Executive Officer Robert Joseph M. de Claro, nananatiling bukas ang ELP para sa lahat ng kwalipikadong miyembro sa buong bansa. Aniya, bahagi ang programa ng patuloy na pangako ng SSS na magbigay ng suporta sa mga miyembrong nangangailangan, lalo na sa panahon ng hindi inaasahang pangyayari.

Sa ilalim ng ELP, ibi­naba ang kinakailangang bilang ng buwanang kontribusyon mula 36 buwan sa 18 buwan, basta’t may hindi bababa sa anim na naitalang hulog ang miyembro sa loob ng nakalipas na 12 buwan.

Kwalipikadong mag-apply ang mga self-employed, voluntary, non-working spouse, at land-based OFW members kung mayroon silang hindi bababa sa anim na buwang kontribus­yon sa ilalim ng kanilang kasalukuyang membership type bago ang buwan ng aplikasyon.

Maaaring makahiram ang kwalipikadong miyembro ng hanggang P20,000 na may 7 porsiyentong interes kada taon. Babayaran ito sa loob ng 30 buwan, kabilang ang anim na buwang moratorium kung saan walang kailangang bayaran at walang ipapataw na multa.

Holdaper, sugatan nang barilin ng biniktimang negosyante sa Caloocan

Posted on: August 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MALUBHANG nasugatan ang isa sa dalawang holdaper matapos barilin ng negosyanteng kanilang biniktima sa Caloocan City, Linggo ng umaga.

Mahigpit na binabantayan ng mga pulis ang 44-anyos na suspek habang ginagamot sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan matapos isugod ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth.

Nabawi rin ng pulisya sa suspek ang tinangay nilang gold necklace at bracelet na may kabuuang halagang P50,000.00, pati na ang isang kalibre .28 revolver, habang nakatakas naman ang kanyang kasabwat.

Sa ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Anthony Aberin, pauwi na ang 45-anyos na negosyante sakay ng motorsiklo matapos bumili sa isang grocery nang harangin ng mga suspek sa tapat ng Bagong Silang Public Market alas-5:30 ng umaga.

Nang papatakas na ang mga holdaper matapos matangay ang alahas ng negosyante, kaagad umanong binunot ng biktima ang kanyang lisensyadong kalibre .9mm pistol at pinaputukan ang isa sa mga suspek habang mabilis na nakatakas ang kanyang kasama.

“Those who use firearms to threaten and rob innocent citizens will meet the full and unyielding force of the law,” pahayag ni MGen. Aberin. (Richard Mesa)

Dahil sa patuloy na pagbuhos nang malakas na ulan: Malakanyang, ipinag-utos sa mga tanggapan ng gobyerno na magpatupad ng alternative work arrangements

Posted on: August 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INATASAN ng Malakanyang ang mga tanggapan ng gobyerno na lumipat at magpatupad ng wastong alternative work arrangements sa National Capital Region (NCR) at mga lalawigang gaya ng Zambales, Bataan, Bulacan, Pampanga, Tarlac, Nueva Ecija, Cavite, Batangas, Rizal, Laguna, Quezon, at Occidental Mindoro, simula alas-12:00 ng tanghali, araw ng Lunes, Agosto 17, 2026 at maging ngayong araw ng Martes, Aug 18.

Ito ang nakasaad sa MEMORANDUM CIRCULAR NO. 127, sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and

Management Council, at Heavy Rainfall Warnings na ipinalabas ng 

Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kaugnay ng patuloy na pagbuhos ng ulan na may kasamang Southwest Monsoon.

Nakasaad pa rin sa MC No. 127, na ang mga ahensiya na may kinalaman sa paghahatid ng pangunahin at serbisyong pangkalusugan, paghahanda/ pagtugon sa mga disaster at kalamidad, at/ o pagganap sa mahalagang sebisyo ay magpapatuloy ang operasyon at paghahatid ng kinakailangang serbisyo.

Sa kabilang dako, maliban na lamang kung ipag-uutos ng kani-kanilang Local Chief Executives, ang alternative learning modes para sa mga klase sa lahat sa pampubliko at pribadong eskuwelahan ay dapat na ipatupad sa mga nasabing lugar.

Ang localized cancellation o suspensyon ng klase at/ o trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa ibang lugar ay maaaring ipatupad ng kani-kanilang Local Chief Executives, alinsunod sa kaugnay na batas at rules and regulations.

Ang suspensyon ng trabaho o adopsyon ng alternative work arrangements sa pribadong sektor ay ipinauubaya na ng Malakanyang sa diskresyon ng namamahala rito.

Ang nasabing Circular ay kagyat na magiging epektibo. (DARIS JOSE)

Panukalang suspendihin ang Real Property Valuation and Assessment Reform Act (RPVARA), suportado ng mambabatas 

Posted on: August 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGPAKITA ng suporta si Marikina Rep. Miro Quimbo sa panukalang suspendihin ang Real Property Valuation and Assessment Reform Act (RPVARA) ng dalawang taon upang makabawi ang mga taxpayers sa biglaang pagtaas ng buwis at iba pang singil ng gobyerno.

Tinukoy ni Quimbo ang pinagtibay na bagong Schedules of Market Values and the general property assessments sa ilalim ng House Bill No. 10808 bilang tugon sa kahirapan sa ekonomiya.

“We can modernize our property valuation system without imposing sudden and excessive burdens on Filipino families, property owners, and businesses,” paliwanag ni Quimbo.

“Tax reform must not simply be about raising revenues. It must also be about making sure that government policy does not place an unreasonable burden on ordinary Filipinos,” dagdag ng kongresista.

Ang mga may akda ng HB 10808 ay sina South Cotabato Rep. Ferdinand Hernandez at Quezon City Rep. Jesus “Bong” Suntay. 

(VINA de GUZMAN)

Ads August 18, 2026

Posted on: August 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Hakot awards ang ‘Mag-iina’ at ‘Tayo Lang Ang Nakakaalam’…POKWANG at RUBY, waging Best Actress at si MARTIN ang Best Actor sa ’22nd Cinemalaya’ (ni: ROHN ROMULO) 

Posted on: August 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HUMAKOT ng awards ang “Mag-iina” at “Tayo Lang Ang Nakakaalam” sa 22nd Cinemalaya Independent Film Festival sa naganap na awards night nitong August 17, 2026, sa Shangri-La Plaza. 

Nakamit ng “Mag-iina” ang Best Film, Best Screenplay, Best Original Music Score at Best Director. Wagi rin si Lucas Andalio ng Best Supporting Actor na kung saan ka-tie niya si KD Omalin (Hand of God).

Nakuha naman ng “Tayo Lang Ang Nakakaalam” ang Best Sound, Best Cinematography and Best Ensemble Performance. Nanalo rin si Martin del Rosario ng Best Actor para sa mahusay pagganap sa naturang pelikila.

Sa Best Actress category, nag-tie sina Marrieta Subong a.k.a. Pokwang ng “2 Valid IDs” at Ruby Ruiz ng “Status: Rejected”.

Narito ang complete list ng mga nagwagi sa Cinemalaya 2026:

Best Feature-Length Film

Mag-iina by Giancarlo Abrahan

Best Short Film

Silkscreen by Rey Anthony Villaverde

Special Jury Prize (Feature-Length Film)

2 Valid IDs by Ma-an Asuncion Dagñalan

Special Jury Prize (Short Film)

Para-Paraan by Mae Chan Li

Best Director (Feature-Length Film)

Giancarlo Abrahan for Mag-iina

Best Director (Short Film)

Gabriela Serrano for Elenita Elaine Elena

Best Actress 

Marietta Subong (Pokwang) for 2 Valid IDs and Ruby Ruiz for Status: Rejected

Best Actor

Martin del Rosario for Tayo Lang Ang Nakakaalam

Best Ensemble Performance

Tayo Lang Ang Nakakaalam

NETPAC Jury Prize (Feature-Length Film)

Status: Rejected

NETPAC Jury Prize (Short Film)

The River Flows in Different Places

Best Supporting Actress

Bituin Escalante (A.Ni.Mal)

Best Supporting Actor

Lucas Andalio for Mag-iina and KD Omalin for Hand of God

Best Screenplay 

Guelan Varela Luarca for “Mag-iina”

Best Cinematography

Tayo Lang Ang Nakakaalam

Best Editing

A.Ni.Mal

Best Production Design

Mag-iina

Best Musical Score

Mag-iina

Best Sound: Tayo Lang Ang Nakakaalam

Audience Choice (Feature-Length Film)

2 Valid IDs

Audience Choice (Short Film)

Hoy! Hoy! Ingat

Isang ‘healing experience’ ang reunion project…HEART, thankful and happy na okay na ulit sila ni JOHN (ni: ROHN ROMULO) 

Posted on: August 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

LABIS-LABIS pasasalamat ng Kapuso actress at global fashion icon ni Heart Evangelista dahil nabigyan sila ni John Prats ng pagkakataon na muling magkatrabahosa isang bonggang collab pagkaraan nang mahigit na dalawang dekada.

Ayon kay Heart ang reunion project nila ng dating ka-loveteam at boyfriend na isang “healing experience.”“Nakakatawa kasi nakasama namin sila lumaki. Our loveteam ended abruptly. It’s just so nice na we couldn’t keep our love team forever but our friendship is now forever,” ayon sa naging panayam kay Heart.

“We’re giving them the fanservice that they deserve kasi they supported us and we laid the foundation and they’ve supported us for so many years when we were in our team.”

Dagdag pa niya, “I’m very, very thankful and happy that okay na ulit kami ni John and nagsasama kami and we’re very close and we’re a family.

“It was really healing. We promised each other that we will always be in each other’s  lives forever.”

Kaabang-abang daw ang pasabog na reunion project nila. 

“We are definitely working on something. And we’re very, very hands on. It’s very personal para sa amin.

“So hopefully, we will say what that is exactly,” pahayag pa ni Heart.

Pagbabalik-tanaw pa ni Heart sa muli nilang pagkikita ni John, “Nakita niya ako sa airport one time, pero hindi ko siya nakita. Pero yung nagsama talaga kami, over two decades na.

“Tinanggal kami as a love team. Kasi parang, I feel like personally din, hindi na rin kami okay. And we were so young to handle so much pressure.” 

Inamin din ni Heart na wala talaga silang “closure” ni John, “We never really got to talk about it. 

“As in, from being together 24/7 everyday for like 5 to 6 years, to never seeing each other again.” 

Tungkol sa patuloy na pamba-bash sa parents niya…Anak nina CHESKA at DOUG na si KENDRA, naglabas na ng saloobin

Posted on: August 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGLABAS ng hinagpis sa Instagram si Kendra Kramer, panganay na anak ng celebrity couple na sina Chesca Garcia at Doug Kramer.

Laban ito sa mga netizen na patuloy na bina-bash ang kanyang mga magulang.     Nagsimula ito nung maglabas ng statement si Doug laban sa mga akusasyon sa diumano’y  “over-exposure” at “financial exploitation” ng mag-asawa sa kanilang mga anak.     

Ayon sa post ni Kendra, ang pagpasok niya sa mga commercials gigs ay sarili niyang kagustuhan.  Wala naman daw pumilit sa kanyang gawin ang mga ito.

Itinanggi nito na kontrolado ng kanyang mga magulang ang kanyang sariling buhay.     Lahat daw ng kanyang ginagawa ay dahil na rin sa kanyang pansariling kagustuhan.    Isang paraan din daw kasi ito para ma-overcome ng dalaga ang pagiging introvert nito.

Sa ngayon nga, kahit anong schedule nito, sa commercial man o maging sa mga  showbiz engagements, gusto raw nitong palaging kasama ang kanyang ama.

Mas komportable daw ito at mas nakakaramdam ng safety sa kanyang kapaligiran.

***

INALALA ng dating child actor na si CJ Ramos ang pagsagip sa kanya mula sa kumunoy na kanyang dating kinasadlakan.

Kamakailan lang ay nag-post ng picture si CJ kasama ang aktor/direktor na si Coco Martin.

Walong taon na raw ang nakakaraan ng sagipin siya ni Coco, mula nung lumabas siya ng kulungan dahil sa droga.

Lubos ang pagsisisi ng aktor sa mga maling naging desisyon sa buhay. 

At dahil nga sa “FPJ’s Ang Probinsyano”, nabigyan siyang muli ng pagkakataong maipakita ang kanyang talento sa pag-arte.

Kaya’t lubos ang pasasalamat ni CJ kay Coco.

Natapos man ang nasabing serye, nag-iwan naman ito ng alaala kay CJ na hanggang sa ngayon ay kanyang pinakikinabangan.

Ayon sa aktor nakuha nitong makabili ng sariling sasakyan na kanya ngayong nagagamit bilang pampasada.

Hindi na muling nilingon ni CJ ang madilim na kahapon na nagdulot sa kanya ng matinding problema at kontrobersiya.

Sa ngayon, masipag itong namamasada habang isa na rin content creator. 

Balik tanaw nga ni CJ sa tuwing makikita niya ang sasakyang kanyang nabili, naaalala niya ang kabutihang loob ni Coco.

Magiging parte na rin ng kanyang buhay ang pagbibigay sa kanya ng isang magandang simula sa para mga susunod pang kabanata ng kanyang buhay.

‘SiPons’ sinapawan nina Pagara, Progella sa Finals

Posted on: August 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAKAMIT nina Sofia Pagara at Khy Progella ang kauna-unahan nilang Futures title matapos gulatin sina Sisi Rondina at Bernadeth Pons, 21-18, 21-13, sa isang All-Filipino gold medal match ng FIVB World Beach Pro Tour Futures kahapon sa Busan, South Korea.

Kumpara kina Rondina at Pons, dumaan muna sina Pagara at Progella sa qualification round.

Winalis nina Pagara at Progella sina Mireille Smith at Lavinia Tyrrel ng Australia, 21-12, 21-17, at dinomina sina Harumi Sakai at Shion Tsubou­chi ng Japan, 21-10, 21-11, papasok sa main draw.

Sinibak ng Pinay tandem sina Japanese pair Paurine Emiri Oto at Takemi Nishibori, 21-12, 21-13, para sumampa sa semis

Pinatalsik naman nina Rondia at Pons sina Jana Milutinovic at Jazz Rayner ng Australia, 23-21, 21-19, sa semis.

Sa kanilang finals match ay nailusot nina Progella at Pagara ang 21-18 panalo sa first set bago hatawin ang malaking 18-10 lead sa second frame.

Mula rito ay hindi na nakabawi sina Rondina at Pons, inangkin ang kauna-unahang women’s beach volleyball gold sa nakaraang 33rd Southeast Asian Games sa Thailand noong Disyembre.

Ito ang ikalawang runner-up finish nina Rondina at Pons matapos sumegunda sa nakaraang AVC Beach Tour Pingtung Open noong Hulyo sa Chinese Taipei.