12 TIMBOG SA ANTI-FIXING OPERATION SA PASAY; DALAWANG OPISYAL NG LTO NA SANGKOT SIBAK SA PUWESTO AT SASAMPAHAN NG KASO
- Published on August 19, 2026
- by Francis Paolo Torres
BILANG bahagi ng 7-Point Reform Agenda ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao mula nang mamuno sa ahensya, patuloy na pinaigting ng LTO ang kampanya laban sa fixing matapos maaresto ang 12 indibidwal, kabilang ang dalawang opisyal ng LTO Pasay District Office, sa isang anti-fixing entrapment operation sa Pasay City noong Agosto 14, 2026.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng LTO Law Enforcement Service–Field Enforcement Division (LES-FED), Philippine Coast Guard (PCG), at Philippine National Police (PNP), kabilang ang mga tauhan ng Pasay City Police Station at Sub-Station 8, sa ilalim ng pangangasiwa nina PBGEN Allan C. Nobleza (Ret.), Director ng LES; PBGEN Antonio P. Bartolome (Ret.); PBGEN Celso P. Bael (Ret.); at PCOL Ephraim A. Arcilla (Ret.).
Ang lahat ng nahuli ay sasailalim sa kaukulang imbestigasyon at proseso para sa pagsasampa ng mga kaso laban sa mga mapatunayang sangkot sa illegal fixing activities. Kabilang sa mga isinailalim sa imbestigasyon ang kawani ng LTO Pasay District Office, na agad na inatasang alisin sa puwesto ni Asec. Lacanilao habang isinasagawa ang kaukulang administratibong proseso.
Titiyakin ng LTO na ang sinumang mapatunayang sangkot sa fixing ay haharap sa kaukulang pananagutan at hindi makapagtutuloy sa ilegal na gawain sa loob ng ahensya.
“Hindi kami magbubulag-bulagan sa ganitong gawain. Alam namin kung paano kumikilos ang mga fixer, kabilang ang mga empleyado ng LTO na maaaring nasasangkot dito, at patuloy naming palalawakin ang operasyon para matukoy ang mga taong nasa likod nito. Hindi titigil ang LTO hangga’t hindi natutukoy at nalilinis ang mga ganitong kalakaran sa ating mga tanggapan,” pahayag ni Asec. Lacanilao.
Sa laban kontra fixing, patuloy na paiigtingin ng LTO ang mga operasyon nito, sa pakikipagtulungan sa iba pang law enforcement agencies, upang matukoy, mapanagot, at maparusahan alinsunod sa batas ang mga sangkot sa ilegal na transaksyon at mapanatili ang malinis, maayos, at tapat na serbisyo ng ahensya.
Hinihikayat naman ng LTO ang publiko na huwag makipagtransaksyon sa mga fixer at agad i-report ang anumang kahina-hinalang gawain o alok ng ilegal na serbisyo sa pamamagitan ng opisyal na Facebook page na Ireport Mo Kay LTO Chief o sa website na https://ireportmokayltochief.ph/ upang agad na maisagawa ang kaukulang beripikasyon, imbestigasyon, at aksyon ng ahensya.
(PAUL JOHN REYES)