• November 8, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 31st, 2026

Babaeng naglalakad, binoga sa ulo sa Navotas 

Posted on: August 31st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HUMANDUSAY ang duguang katawan ng isang hindi pa kilalang bebot nang malapitang barilin sa ulo ng isang armadong suspek sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naglalakad ang biktima sa kahabaan ng Leongson St. Brgy. San Roque dakong alas-11:10 ng gabi nang lapitan ng suspek na nakilala sa alyas “Kadyo” at pinutukan sa ulo ang bebot.

Dead-on-the-spot ang biktima habang mabilis namang tumakas ang suspek patungo sa hindi matukoy na direksyon matapos ang insidente.

Iniutos na ni Northern Police District (NPD) P/BGen. Benliner Capili kay Navotas police chief P/Col. Renante Pinuela ang pagtugis sa suspek na nakasuot ng itim na sando at basketball shorts na nakilala ng isang testigo.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng biktima na dayo lang umano sa lugar at ang motibo sa pamamaslang.

 (Richard Mesa)

2 miyembro ng fraternity na naghagis ng granada sa aparttelle sa Caloocan, tinutugis 

Posted on: August 31st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SUGATAN ang 55-anyos na kahera matapos hagisan ng granada ng dalawang miyembro ng fraternity ang pinagtatrabahuan niyang apartelle sa Caloocan City.

Patuloy namang tinutugis ng mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth ang mga suspek na sina alyas “Tugu” at alyas “Bodoy Liit”, 26, matapos positibo silang kinilala ng nakasaksi na kawani ng Fhiolan Apartelle na nasa kanto ng M.H. Del Pilar at 2nd Avenue, Brgy. 120.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, alas-2:30 ng madaling araw nang dumating ang mga suspek na sakay ng isang motorsiklo at inihagis ang dalang granada sa parking lot na malapit sa harap ng apartelle bago mabilis na tumakas.

Tinamaan ng sharpnel ang daliri sa kaliwang kamay ng kaherang si alyas “Bhesy” na isinigod kaagad sa pagamutan habang apat na nakaparadang sasakyan din sa parking lot ang nahagip ng sharpnel.

Bago ang insidente, napagalaman na pinagbabato muna ng bote ng mga suspek ang apartelle kaya inatasan ng may-ari nito na si alyas “Aniceto” ang mga kawani na maging mapagbantay.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, “frat war” ang motibo sa insidente dahil miyembro ng Tau Gamma Phi Fraternity si alyas Aniceto habang miyembro naman ng kalabang Magic 5 Fraternity ang mga suspek.

Ayon sa pulisya, noong nakaraang buwan ay pinagbabato rin ng bote ng mga suspek ang firetruck na pag-aari ni alyas Aniceto sa J. Theodoro St. Brgy. 120. (Richard Mesa)

7 ospital ng Maynila naka-Code White Alert

Posted on: August 31st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BILANG paghahanda sa posibleng pagdami ng mga emergency ­cases bunsod ng patuloy na malakas na pag-ulan at Red Rainfall Warning sa Metro Manila, inilagay na ng Manila LGU sa Code White Alert ang pitong ospital na kanilang pinatatakbo.

Kabilang sa mga ospital na nasa Code White Alert ang Gat Andres Bonifacio Medical Center, Ospital ng Tondo, Justice Jose Abad Santos General Hospital, Mayor Ramon Bagatsing Ge­neral Hospital, Ospital ng Maynila Medical Center, Sta. Ana Hospital, at President Corazon C. Aquino General Hospital sa Baseco.

Sa ilalim ng alerto, naka-standby nang 24/7 ang mga doktor, nurse, medical personnel, emergency response teams, at operations centers upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa anumang insidente.

Kasabay nito, itinaas din ang kahandaan ng mga evacuation center, district welfare offices ng Manila Department of Social Welfare, at mga health center sa buong lungsod.

Nanawagan ang lokal na pamahalaan sa mga residente na manatiling alerto, unahin ang kaligtasan, at agad makipag-ugnayan sa mga awtoridad kung mangangailangan ng tulong sa panahon ng masamang panahon.

Gobyerno naglaan ng P45.67-B NDRRMF sa 2027 para pagaanin ang El Niño, disasters- DBM

Posted on: August 31st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGLAAN ang gobyerno ng P45.67 bilyon para sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program (NEP) para magsilbi bilang fiscal buffer para sa El Niño at iba pang kalamidad.

Ang panukalang NDRRMF para sa 2027, sinasabing14.68% na mas mataas kaysa sa alokasyon ngayong taon, naglalayon na palakasin ang ‘disaster preparedness at resilience’ ng bansa, ang sinabi ni Budget Acting Secretary Kim Robert de Leon sa isinagawang presentasyon ng 2027 NEP sa Senate Finance Committee, araw ng Huwebes.

Winika ni De Leon na ang panukalang budget ay gagamitin kapag ang umiiral na government resources, gaya ng available badget ng Department of Agriculture (DA) upang masiguro na ang pagkain at water security ay hindi mauubos.

“But we also have on standby the NDRRM Fund for any possible shortfall that may arise if the regular funding sources under DA would not be enough,” ayon kay De leon, sabay sabing ang pondo para sa kasalukuyang taon ay maaaring gamitin para palakasin ang kakayahan ng gobyerno na maghanda para at pagtugon sa epekto ng kalamidad, sakuna at extreme weather events.

“The existing Risk Resiliency Program, which contains comprehensive data on climate and disaster risks, is crucial in determining the specific amount needed for government interventions to cushion the impact of El Niño,” ang tinuran ni De Leon.

Siya, gayunpaman, tiniyak sa publilko na ang gobyerno ay nakahanda para sa posibleng epekto ng El Niño, tinukoy ang pagpapagana sa government interventions sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) framework para tulungan ang sektor ng agrikultura na maghanda ng mas maaga para sa potensiyal na pagkagambala sanhi ng phenomenon.

Samantala, sinabi ni De Leon na nagbigay ang gobyerno ng karagdagang pondo para sa agricultural inputs, kabilang na ang suporta para sa fertilizer at fuel requirements ng mga magsasaka, bilang bahagi ng pagsisikap na tulungan ang sektor na mag- adjust sa nagbabagong weather conditions at panahon ng pagtatanim.

Idinagdag pa niya na ginagamit ng National Food Authority ang umiiral na badget nito para sa rice buffer stocking, habang ang available na resources ng Department of Public Works and Highways ay maaaring gamitin para sa pagkukumpuni at rehabilitasyon ng napinsalang rainwater collection facilities.

Walang interes ang prosecution na humingi ng subpoena sa impeachment court na ipatawag si Lachica bilang testigo

Posted on: August 31st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINDI na kailangan ng prosecution na ipatawag si Col. Raymund Dante Lachica, chief security officer ni Vice President Sara Z. Duterte, bilang testigo sa impeachment trial, ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng House prosecution panel.

“With or without Lachica being presented by either of the sides, especially from the prosecution panel, we have already established the fact that there was misuse, and the one who ordered the transfer of these funds, again leading to the misuse of the confidential funds, is the Vice President,” sinabi ni Adiong.

 “And the accountability for such violations is also going towards the direction of the Vice President, being the head of the agency. We have already established that fact,” dagdag ng dating kongresista.

Ayon kay Adiong, wala nang interes ang prosecution na humingi ng subpoena sa impeachment court na ipatawag si Lachica bilang testigo nito at sapat na ang mga testimonya ng mga naunang testigo, sina dating Office of the Vice President (OVP) special disbursing officer (SDO) Gina Acosta at OVP Assistant Secretary and Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio.

Naunang tumestigo si Acosta na nagsabing si Duterte ang nag utos sa kanya na ibigay ang apat na P125-million tranches sa P500 million in confidential funds kay Lachica, hepe ng Vice Presidential Security and Protection Group.

Sa panig naman ni Ortonio, sinabi niya na sina Duterte at Lachica lamang ang nakakaalam kung saan at papaano gagamitin ang pondo.

Pinasinungalingan naman ni Adiong ang mga paratang na “hilaw” ang ebidensiya ng prosecution at makukumpleto lamang ito kung gagamitin si Lachica bilang hostile witness.

 “Buo naman po ‘yung storya na nakuha po natin kay Ms. Gina Acosta at saka kay Mr. Ortonio. Merong misuse ba? Yes, may misuse. Pangalawa, sino ‘yung nag-utos na it would lead to the misuse of the confidential funds? Ang Bise Presidente,” sabi ni Adiong.

“Now, those two areas were already been established, with or without the testimony of Colonel Lachica,” dagdag ni Adiong. 

(VINA de GUZMAN)

Longest running FM radio drama in Metro Manila…’Barangay Love Stories’ ni Papa DUDUT sa TV, mala-‘Lovingly Yours, Helen’ (ni: ROHN ROMULO) 

Posted on: August 31st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISA ngang magandang balita para sa avid listeners ng ‘Barangay Love Stories’ ni Papa Dudut sa Barangay LS 97.1 dahil ngayong September ay mapapanood na rin ito sa telebisyon.

Ang mga kuwentong sa radyo at podcast lamang tumatatak sa isip at puso ng mga nakikinig ay mapapanood na rin sa GMA-7 simula sa September 12, 4PM, na papalit sa timeslot ng ‘Wish Ko Lang.’

Tiyak mas mapapalapit na sa mas maraming Kapuso ang mga kuwentong puno ng buhay, pag-ibig, at pag-asa dahil ang ‘Barangay Love Stories’, nasa TV na rin.

Paalala nga ni Papa Dudut: ‘Ano man ang kuwento ng puso mo, may handang makinig sa’yo.’

Ayon pa sa multi-awarded radio host/DJ parang ‘Lovingly Yours, Helen’ ni Ms. Helen Vela ang magiging atake ng ‘Barangay Love Stories’ sa TV.  Kaabang-abang ang first episode na kung saan sina Shuvee Etrata at Anthony Constantino ang gaganap sa kakaibang istorya ng pag-ibig na kanilang letter sender.

Kuwento pa ng sikat na radio personality tungkol sa kanyang show, “larawan ng buhay ng isang Pilipino ang programang ‘Bgy. Love Stories’ na nagsimula noong 2009 at hanggang ngayon, 17 years, we are the longest running FM radio drama in Metro Manila, sa aking paniniwala at pagkakaalam.

“Pero kung sa buong Pilipinas na yun, magiging masaya ako.”

Dagdag pa niya, “ang listeners ko kasi, ‘pag napapakinggan nila si Papa Dudut, nararamdaman at nakikita ang sarili nila sa mga kuwentong sini-share ko sa radio.

Palagi nilang nasasabi na sarili nila na ‘ako ‘yun eh!’

“Yung simplicity of the program, genuine at pang-araw-araw na buhay na tao, kaya maraming nakaka-relate.  Yun siguro ang dahilan kung bakit siya number one.”

Ni-reveal ni Papa Dudut na isa raw sa dapat na abangan sa TV version ng programa ay ang kuwento ng kanyang minamahal na magulang.

“Yes, pinaka-special yun sa akin, at isa sa pinag-usapan, ako ang nagsulat ng kuwento ng magulang ko, matagal na.

“Yun nanay ko na maagang nabiyuda, may dalawang anak, hanggang makapag-asawa uli siya at magka-anak.”

Masyado raw makulay ang punum-puno ng pagsubok ang kuwento ng kanyang ama’t-ina.  At sa pagtagal ng kanyang programa, posible rin niyang ibahagi ang kanyang sariling kuwento sa mga Kapuso.

Super excited nga si Papa Dudut sa pag-ere ng first TV program niya, pero aminado na rin na may kaba kung paano ito tatanggapin ng mga televiewers.  At tulad ng kanyang radio program, wish niya na mag-number one din ito tubing Sabado ng hapon.

Samantala, naikuwento rin ni Papa Dudut sa aming tsikahan na gumastos sila ng 7 million pesos para magkaroon ng anak na kambal na lalaki at babae.

Pandemic pa subukan na nila ng kanyang misis na Jem na masundan ang kanilang panganay, pero may PCOS ang asawa at sinabihan ng doktor na hindi na magkakaanak uli, na labis nilang ikinalungkot.

Nagkaiyakan pa aw ang mag-asawa pero hindi sila basta-basta sumuko. 

Pag-amin pa ni Papa Dudut, na kahit wala silang pera noon, inilaban talaga na magkaanak ng anak sa pamamagitan IVF procedure, umabot daw sila sa 7th to 8th embryo bago nabuo ang kambal.  Dahil alam niyang hindi sila pababayaan ng Diyos.

April 2, 2024 nang isilang ni Mama Jem ang kanilang kambal, after ng 11 days na na-prolong bago sila lumabas sa sinapupunan ng ina.

Ilang linggo rin na-incubator ang twins, bago nila nakarga ang mga anak.  At ngayon nga ay 2 years old na sila at parehong active and healthy.

May isa pa raw silang natitirang embryo na nakalagak and hopefully next year ay planuhin nila ng magkaroon pa ng isang anak. 

Kuwento pa ni Papa Dudut, marami na silang nabiling properties at pinag-iisipang negosyo na eventually ay ipamamana sa kanilang mga anak pagdating ng tamang panahon.

May mga natuwa at nainis din sa kanyang viral post…PAULO, desididong iwan muna ang showbiz para sa kinababaliwang video games (ni: REY PINEDA) 

Posted on: August 31st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments


MAY ikinagulat ang mga fans at social media followers ni Paulo Avelino.

Kamakailan ay nag-post ang aktor na mula sa October 31, 2026, ipinatitigil niya ang lahat ng mga dapat niyang gawing projects. 

Kasama rito ang paglabas sa pelikula, teleserye pati na ang kanyang mga endorsements.

Marami ang nagtaka at agad nagbigay ng kani-kanilang opinyon. 

Isa na rito ang sinasabing pagbubuntis ng kanyang partner na si Kim Chiu.     

May kinalaman nga kaya ito sa sinasabi ng aktor na temporary leave niya mula sa showbiz?

Ayon pa sa post ni Paulo muli siyang masisilayan ng mga followers at fans niya sa March 2027 na.

Ang nakakaloka pa, hinamon pa nito ang mga sponsors na idemanda siya.

Mas lalong nagulantang ang mga fans nito, Samu’t saring konklusyon ang naglabasan.

Natigil lamang ang isyu dahil sa karagdagang post na ibinahagi ng aktor.

Ang dahilan, ilalabas na ang “Grand Theft Auto 6” at “Path of Exile 2” sa November 19, 2026 at December 11, 2026, ayon sa pagkakabanggit.

Ito pala ang kinahuhumalingan ni Paulo ang mga video games.

Buong akala ng kanyang mga fans ay totoong pansamantala itong namamaalam sa mga showbiz projects nito.

May mga natuwa, pero may mga nainis din sa biro ng aktor.

***  

KASAMA si Enchong Dee sa first day ng concert ni Yeng Constantino na “Biyaheng Bente” noong August 28, 2o26 sa Smart Araneta Coliseum.

Naimbitahan si Enchong dahil siya ang original na “chinito” sa music video na lumabas 13 years ago.

Kumbaga, isa ang aktor sa mga mahahalagang tao sa buhay ni Yeng sa music industry sa loob ng dalawangpung taon. Nakakatuwa.

Pero mas may nakatutuwang post itong si Enchong kamakailan lang.     

Nag-viral ang post nito ng ipakita na nasa isang ospital at nag-vlog.

Sa Bamungrad Hospital sa Bangkok ang location. 

Ayon kay Enchong gusto raw niyang masiguro na talagang healthy siya, sa edad niyang 37.

So, natapos ang check-up, napatunayan naman niyang healthy naman siya, though medyo mababa yata ang blood pressure.

Ang nakakatawa, binanggit nitong mas mura ang check-up sa nasabing best hospital daw sa Thailand.

Marami tuloy ang nagkomento, magkano ba ang airfare papuntang Bangkok?    Magkano ang hotel accommodation niya, pagkain at iba pang gastusin?

Nakatipid nga ba ito? E, hindi naman daw major illness ang ipinagamot. Regular check up lang.

Wala naman daw surgery na nangyari o kung anupamang malalang sakit na kinailangang sa isang popular na ospital magsadya.

Ano kaya ang ibang dahilan? May mga nagbiro tuloy na baka raw may ibang sekretong pinakonsulta si Enchong.

Nataon ba na nasa Thailand ang aktor o sadyang kapritso lang?