Longest running FM radio drama in Metro Manila…’Barangay Love Stories’ ni Papa DUDUT sa TV, mala-‘Lovingly Yours, Helen’ (ni: ROHN ROMULO)
- Published on August 31, 2026
- by Francis Paolo Torres
ISA ngang magandang balita para sa avid listeners ng ‘Barangay Love Stories’ ni Papa Dudut sa Barangay LS 97.1 dahil ngayong September ay mapapanood na rin ito sa telebisyon.
Ang mga kuwentong sa radyo at podcast lamang tumatatak sa isip at puso ng mga nakikinig ay mapapanood na rin sa GMA-7 simula sa September 12, 4PM, na papalit sa timeslot ng ‘Wish Ko Lang.’
Tiyak mas mapapalapit na sa mas maraming Kapuso ang mga kuwentong puno ng buhay, pag-ibig, at pag-asa dahil ang ‘Barangay Love Stories’, nasa TV na rin.
Paalala nga ni Papa Dudut: ‘Ano man ang kuwento ng puso mo, may handang makinig sa’yo.’
Ayon pa sa multi-awarded radio host/DJ parang ‘Lovingly Yours, Helen’ ni Ms. Helen Vela ang magiging atake ng ‘Barangay Love Stories’ sa TV. Kaabang-abang ang first episode na kung saan sina Shuvee Etrata at Anthony Constantino ang gaganap sa kakaibang istorya ng pag-ibig na kanilang letter sender.
Kuwento pa ng sikat na radio personality tungkol sa kanyang show, “larawan ng buhay ng isang Pilipino ang programang ‘Bgy. Love Stories’ na nagsimula noong 2009 at hanggang ngayon, 17 years, we are the longest running FM radio drama in Metro Manila, sa aking paniniwala at pagkakaalam.
“Pero kung sa buong Pilipinas na yun, magiging masaya ako.”
Dagdag pa niya, “ang listeners ko kasi, ‘pag napapakinggan nila si Papa Dudut, nararamdaman at nakikita ang sarili nila sa mga kuwentong sini-share ko sa radio.
Palagi nilang nasasabi na sarili nila na ‘ako ‘yun eh!’
“Yung simplicity of the program, genuine at pang-araw-araw na buhay na tao, kaya maraming nakaka-relate. Yun siguro ang dahilan kung bakit siya number one.”
Ni-reveal ni Papa Dudut na isa raw sa dapat na abangan sa TV version ng programa ay ang kuwento ng kanyang minamahal na magulang.
“Yes, pinaka-special yun sa akin, at isa sa pinag-usapan, ako ang nagsulat ng kuwento ng magulang ko, matagal na.
“Yun nanay ko na maagang nabiyuda, may dalawang anak, hanggang makapag-asawa uli siya at magka-anak.”
Masyado raw makulay ang punum-puno ng pagsubok ang kuwento ng kanyang ama’t-ina. At sa pagtagal ng kanyang programa, posible rin niyang ibahagi ang kanyang sariling kuwento sa mga Kapuso.
Super excited nga si Papa Dudut sa pag-ere ng first TV program niya, pero aminado na rin na may kaba kung paano ito tatanggapin ng mga televiewers. At tulad ng kanyang radio program, wish niya na mag-number one din ito tubing Sabado ng hapon.
Samantala, naikuwento rin ni Papa Dudut sa aming tsikahan na gumastos sila ng 7 million pesos para magkaroon ng anak na kambal na lalaki at babae.
Pandemic pa subukan na nila ng kanyang misis na Jem na masundan ang kanilang panganay, pero may PCOS ang asawa at sinabihan ng doktor na hindi na magkakaanak uli, na labis nilang ikinalungkot.
Nagkaiyakan pa aw ang mag-asawa pero hindi sila basta-basta sumuko.
Pag-amin pa ni Papa Dudut, na kahit wala silang pera noon, inilaban talaga na magkaanak ng anak sa pamamagitan IVF procedure, umabot daw sila sa 7th to 8th embryo bago nabuo ang kambal. Dahil alam niyang hindi sila pababayaan ng Diyos.
April 2, 2024 nang isilang ni Mama Jem ang kanilang kambal, after ng 11 days na na-prolong bago sila lumabas sa sinapupunan ng ina.
Ilang linggo rin na-incubator ang twins, bago nila nakarga ang mga anak. At ngayon nga ay 2 years old na sila at parehong active and healthy.
May isa pa raw silang natitirang embryo na nakalagak and hopefully next year ay planuhin nila ng magkaroon pa ng isang anak.
Kuwento pa ni Papa Dudut, marami na silang nabiling properties at pinag-iisipang negosyo na eventually ay ipamamana sa kanilang mga anak pagdating ng tamang panahon.