• August 26, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 26th, 2026

P250 million confidential funds, agad hiningi ng OVP matapos maluklok si VP Sara Duterte

Posted on: August 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KAAGAD humingi si Vice President Sara Duterte ng confidential funds matapos siyang maluklok, ayon sa House prosecution panel nitong Martes.

Sinabi ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng House prosecution, kagya’t humiling si Duterte ng confidential funds kahit na alam niya na wala ang nasabing pondo sa panunungkulan ni dating bise presidente Leni Robredo at walang kaukulang supporting plan kung saan at papaano gagamitin ang pondo.

Ani Adiong, naipakita ng prosecution ang “timeline” ng request sa P250 million confidential funds at paano ginamit ang naunang P125 million ng nasabing pondo. 

Nailarawan ito ni Lemuel Ortonio, Office of the Vice President (OVP) Assistant Secretary and Assistant Chief of Staff na tumestigo sa impeachment trial hearing sa Senado.

Sa direct examination ni prosecution counsel Atty. Mae Divinagracia, kinumpirma ni Ortonio na ang OVP ay walang confidential funds nung naluklok si Duterte noong July 2022. Ani Ordonio, wala silang record na may confidential funds si Robredo bago maupo si Duterte sa OVP. 

Matapos ang dalawang buwan sa panunungkulan, pinirmahan ni Duterte noong Aug. 22, 2022 ang isang sulat na humihingi ng P250 million confidential funds sa Department of Budget and Management (DBM). 

Sa nasabing pagdinig sa Senado, kinumpirma ni Ortonio ang pirma ni Duterte sa request at sinabi na ang halaga ng hiniling na pondo ay nasa diskresyon ng pangalawang pangulo.

Kinumpirma din ni Ordonio na ang mga funding request ay walang computation, projection at Physical and Financial Plan (PFP). 

Hinanap ng DBM ang supporting plan noong Sept. 15, ani Ortonio, at naisumite ito sa DBM matapos ang apat na araw. 

“Mas nauna po ‘yung request ng P250 million for the confidential funds prior to the plan requested by DBM to be submitted,” sinabi ni Adiong. 

“So baliktad po ang nangyari. Nauna muna ‘yung request ng pera, tsaka po pinagplanuhan paano gamitin ang pera,” dagdag ng kongresista.

Ayon naman kay prosecution legal spokesperson at counsel Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., dapat mauna ang plano kung papaano gagamitin ang pondo saka hihilingin kung magkano ang gagastusin.

“Hindi dapat mauna ‘yung numero na hihingin mo, tapos saka ka lang gagawa ng plano kung paano ubusin yung P125 million,” sinabi ni Tolosa. 

Nakakuha ang OVP ng P125 million, kalahati sa naunang hinihiling nito na P250 million noong December 2022. Ang nasabing pondo ay naubos mula Dec. 21 hanggang 31, o 11 araw lamang.

“Ano ba ang basehan ng P250 million para sa confidential funds?” tanong ni Adiong. “Was there already an operational plan on August 22? Was there a contemporaneous document identifying the confidential operations and calculating their requirements? O hinugot lang ba sa hangin ang P250 million?” (VINA de GUZMAN)

PBBM, hangad ang mas maraming pribadong ospital na mauugnay sa mas abot-kayang healthcare

Posted on: August 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa higit na pagtutulungan sa pagitan ng government at private hospitals upang matiyak ang mas malawak na access sa abot-kayang healthcare.

Sinaksihan ni Pangulong Marcos ang pagtinta sa memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at St. Luke’s Medical Center–Global City naglalayong palakasin ang implementasyon ng PhilHealth benefits.

“Ito ay para hindi na matatakot ang mga nagkakasakit na pumunta sa private hospital dahil wala silang pambayad. Ito’y napakalaking bagay at simula lang siguro ito,” ang sinabi ng Pangulo sa panayam ng mga mamamahayag matapos ang signing ceremony.

“Nag-umpisa tayo sa St. Luke’s at paparamihin pa natin ‘yan para lahat na talaga ng ating mga facilities, healthcare facilities, ay kasama na sa mga programa natin,” aniya pa rin

Sa ilalim ng MOA, sinabi ng Pangulo na kapit-bisig ang PhilHealth at St. Luke’s na palakasin ang implementasyon ng ‘no co-payment policy’ o mas kilala rin bilang ‘no balance billing policy’.

Ang polisiya ay nagbibigay katiyakan na ang kuwalipikadong miyembro ng PhilHealth ay makakapag-avail ng libreng basic ward accommodations sa St. Luke’s.

Sinabi naman ni PhilHealth Acting President at CEO Beverly Lorraine Ho na ang bagong kasunduan ay magbibigay pahintulot sa mga kuwalipikadong miyembro ng PhilHealth na nangangailangan ng specialized treatment na makapag- avail ng piling serbisyo sa St. Luke’s.

“Tinutulungan po tayo ng St. Luke’s para mas makapag-serve ng maraming patients na hindi po sila kailangan magdagdag bayad,” ayon kay Ho.

Winika pa ni Pangulong Marcos na nagpahatid ng mahalagang mensahe ang St. Luke’s sa pamamagitan ng pagsama sa kasunduan at pagtulong na mapalawig ang healthcare access para sa mga PhilHealth members.

“For our healthcare system, it means bringing together the strengths of the public and private sectors to better serve more Filipinos,” ayon sa Pangulo. ( DARIS JOSE)

Kuwestiyonableng CIF recipients, nagpapakita kung bakit dapat itong busisiin, alisin

Posted on: August 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INIHAYAG ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago na ang lumabas na mga bagong pangalan na tumanggap umano ng confidential funds sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay nagpapakita na kailangan busisiin at buwagin na ang confidential and intelligence funds (CIF) sa panukalang 2027 national budget.

Sa ginanap na pagdinig nitong Lunes, lumutang ang ilang pangalan na tumanggap umano ng OVP confidential funds na kinabibilangan ng mga pangalang Antonio Pagong, Timon Andrew Pusa, Don Piang, May Pamana, Shane Ngitingit, at Xuniso P. Belat. Nakatanggap umano ang mga ito ng mula ₱100,000 hanggang ₱250,000 para sa impormasyon, supplies, at iba pang confidential operations.

Sinabi ni Elago na ang mga kuwestiyonableng pangalan na kahalintulad din sa mga lumabas na unang panagan sa kontrobersiyal na confidential funds, katulad ng isang “Mary Grace Piattos,” ay nagbibigay kuwestiyon sa kredibilidad at pananagutan ng secret fund disbursements.

“Mula ‘Mary Grace Piattos’ hanggang sa mga bagong kuwestiyonableng pangalan na lumilitaw ngayon, paulit-ulit ang problema sa confidential funds. Kung kuwestiyonable ang pangalan, kuwestiyonable ang transaksyon. Kung kuwestiyonable ang transaksyon, bakit dapat pagkatiwalaan ang confidential funds? Hindi dapat gawing lisensya ang pagiging ‘confidential’ para gastusin ang pera ng taumbayan nang walang malinaw na pananagutan,” ani Elago.

Sa panukalang 2027 National Expenditure Program, naglaan ng ₱4.55 billion para sa confidential at intelligence funds sa Office of the President, na kinabibilangan ng ₱2.25 billion na confidential funds at ₱2.30 billion na intelligence funds. Nirerepresenta nito ang nasa 42% ng total na ₱10.773 billion na panukalang CIF sa national government.

“Kung may ganitong mga kuwestiyonableng pangalan at transaksyon sa confidential funds, lalo nating dapat busisiin ang mas malaking pondong ilalaan sa Office of the President. Walang dapat maging exempted sa transparency at accountability, lalo na ang pinakamataas na tanggapan ng gobyerno,” pahayag nito.

“Dapat i-abolish ang CIF at ilaan ang pera ng bayan sa batayang serbisyo. Sa halip na pondong mahirap busisiin, gamitin ito para sa kalusugan, edukasyon, pabahay, agrikultura at iba pang batayang serbisyo na kulang na kulang ngayon,” pagtatapos ni Elago. (VINA de GUZMAN)

PBBM, suportado ang homegrown EV production, simula sa e-trikes

Posted on: August 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MULING isinulong ng gobyerno ang pag-develop sa locally manufactured electric vehicles (EVs), sabay sabing ang agarang layunin ay mag-produce ng all-Filipino electric tricycle bago pa sa huli ay palawigin ito sa electric jeepneys.

Binisita ni Pangulong Marcos ang automotive parts manufacturer MD Juan Enterprises, Inc. sa Caloocan City para i-assess ang pasilidad ng kumpanya at idetermina ang karagdagang suporta at equipment na kakailanganin para magawa ang lokal na produksyon ng electric vehicles.

Ang MD Juan Enterprises, isang benepisaryo ng e-mobility program ng Department of Science and Technology (DOST) ay kilala para sa pagmamanupaktura ng machine-pressed metal parts at restoration kits para sa vintage, military, at civilian jeeps.

Winika pa ni Pangulong Marcos na tinutukoy ng gobyerno ang gaps sa umiiral na kakayahan ng kompanya at tukuyin kung paano makatutulong ang DOST at iba pang national government agencies.

“Kaya tinitingnan namin ang mga facilities, ano yung nandito na, ano na yung mga kulang, ano pa yung mga kulang na susuportahan ng ating DOST, ng national government para makapagawa na tayo ng electric vehicle dito sa Pilipinas,” ayon kay Pangulong Marcos.

Aniya, ang pag-develop ng domestic EV manufacturing industry ay makatutulong na mabawasan ang pagsandal ng bansa sa imported petroleum products habang sinusuportahan ang mas matatag na sektor ng transportasyon.

Aniya pa, ang locally made na EVs ay maaari ring makatulong na makapagbigay ng mas ‘sustainable livelihood opportunities’ para sa transport workers.

Sinabi pa ni Pangulong Marcos na ang susunod na hakbang ay magbibigay ng karagdagang equipment na kakailanganin para sa EV production.

“And together with our technical consultants, I believe that we will soon be seeing a Filipino electric vehicle tricycle. At maybe down the road, makagawa na tayo ng jeepney,” aniya pa rin.

Samantala, pino-promote ng administrasyon ang e-mobility bilang bahagi ng pagsisikap na gawing modernisado ang transportasyon, bawasan ang fossil fuel dependence, at i-develop ang local manufacturing capabilities. ( DARIS JOSE)

Matibay na sistema ng pagsubaybay sa mga nahatulan kaugnay sa kontrobersiya sa flood control projects, panawagan ng mambabatas 

Posted on: August 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISANG mambabatas ang nanawagan ng mas matibay na sistema ng pagsubaybay sa mga nahatulan at nasentensiyahan kaugnay sa kontrobersiya sa flood control projects.

Ayon kay Akbayan partylist Rep. Chel Diokno, walang ahensiya ng gobyerno ang nagsusubaybay sa mga kriminal na nahatulan at kung naisilbi nila ang kanilang sentensya.

“Hindi kaya ng DOJ ‘yan, hindi kaya ng Ombudsman, hindi kaya ng NBP [New Bilibid Prison] or ng…DILG [Dept. of Interior and Local Government]…. Shouldn’t there be a consolidated effort by our government [to do this?]…Sayang naman ‘yung milyon-milyon na ginagastos niyo pang-prosecute… kung hindi naman pala nakukulong [ang nasentensyahan], hindi ba?” tanong ni Diokno kay Justice Secretary Fredderick Vida sa isang pagdinig sa Kamara. 

Ani Diokno, may mga pag-aaral sa mga kaso sa Sandiganbayan na sampu lamang sa 110 mga nahatulan ng graft and corruption ay aktuwal na nakakulong at sinisilbihan ang kanilang sentensya.

 “I completely agree po,” sagot naman ni Vida sa isinagawang pagdinig. “A particular directive or legal framework should be brought out…From our end which I have initiated…is basically to monitor ‘yung mga sinampahan namin ng kaso. Alin ‘yung mga naka-archive doon dahil at large ‘yung mga akusado. That’s something we can look within the DOJ.” 

Kasabay nito, hiniling ni Diokno sa DOJ na magbigay ng hiwalay na datos sa kanilang prosecutorial success rate (PSR) for graft and corruption cases. Aniya, dapat malaman ng publiko ang status ng mga kaso.

Samantala, nanawagan si Diokno kay Vida na siguruhing mababawi ang lahat ng pondo mula sa apat na state witnesses kaugnay sa mga kaso ng flood control projects.

Mula sa P841 million na naisoli sa gobyerno, P500 million nito ay galing kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Roberto Bernardo, P181 million kay dating Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara, P140 million kay dating DPWH National Capital Region (NCR) Director Gerald Opulencia, at P20 million mula kay Sally Santos, isang private contractor.

“Pag may nakita ho tayo sa apat na ‘to, sa kanilang apat na indibidwal na walang disclosure o may itinago sa atin, pwede pa ho natin silang habulin doon,” tugon ni Vida. (VINA de GUZMAN)

Suporta sa middle class, pag- iibayuhin ng administrasyon sa nalalabing higit isang taon na lang nito sa termino-Recto

Posted on: August 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Sinabi ni Executive Secretary Ralph Recto, gagawin nila ito kasabay ng pagsisikap na hindi na muling babalik sa kahirapan ang mga nakaahon na, at dadami ang makakaahon pa. 

Gagawin aniya ito sa pamamagitan ng mga programang magpapabilis high-impact infrastructure projects na lilikha ng trabaho, magpapalakas sa lokal na ekonomiya, makapagpapabawas sa logistics costs at hihikayat nang mas marami pang investments.

Giit ni Recto na hindi magpapahinga ang gobyerno sa gitna ng mithiing makamit ang target para sa mga Filipino na nasa middle class at hindi na bumalik pa ang may 6.5 na mga Filipino na naialis na sa kahirapan.

Bumagsak nang malaki ang antas ng kahirapan mula 15.5% noong 2023 sa 9.7% noong 2025, na nagbawas sa bilang ng mga mahihirap na Pilipino mula 17.5 milyon na naging 11 milyon—tatlong taon na mas maaga sa target nitong maibaba sa single-digit ang poverty rate pagsapit ng 2028. (DARIS JOSE)

Rapist na wanted sa Valenzuela, nalambat sa Camarines Sur

Posted on: August 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGWAKAS na ang maligayang araw ng isang lalaki na akusado sa kasong Rape sa Lungsod ng Valenzuela matapos matunton ng pulisya sa kanyang hideout sa lalawigan ng Camarines Sur.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, ang 42-anyos na akusado ay nakatala bilang No. 2 sa Top Ten Most Wanted Person ng Valenzuela City Police Station.

Ikinasa ng mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang manhunt operation laban sa akusado kasunod ng natanggap na impormasyon na nagtatago umano ito sa lalawigan ng Camarines Sur.

Sa koordinasyon sa Presentacion Municipal Police Station at Regional Intelligence Unit, matagumpay na naisilbi sa akusado ng mga operatiba ng Station Intelligence Section ng Valenzuela ang warrant of arrest nang makorner sa kanyang hideout sa Barangay Bitaogan, Presentacion, Camarines Sur dakong ala-1:45 ng madaling araw.

Ang warrant of arrest ay para sa kasong Rape na inisyu ng Regional Trial Court ng Valenzuela City na walang inirekomendang piyansa.

Pansamantalang nasa kustodiya ng Presentacion Municipal Police Station ang akusado habang hinihintay ang utos ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Valenzuela City Jail. (Richard Mesa)

Bangkay ng scavenger, natagpuan sa silong ng bahay sa Malabon 

Posted on: August 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NADISKUBRE ang nagsimula nang maagnas na bangkay ng 45-anyos na scavenger habang bahagyang nakalubog sa baha sa silong ng isang bahay sa Malabon City, Lunes ng gabi.

Sa ulat, nakalanghap ng masangsang na amoy si alyas “Merryann”, 40, na nagmumula sa silong ng kanilang bahay sa Phase 4, Flovihomes, Brgy. Tonsuya at nang kanyang tignan at nadiskubre ang bangkay ng biktima na si alyas “Raffy” dakong alas-7:30 ng gabi.

Batay sa report ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nakausap pa ng ina ni alyas Merryann na si Aling Adelfa ang biktima noong Sabado ng tanghali at ipinakiusap na limasin ang baha sa silong ng kanilang bahay.

Sa pag-aakalang hindi sumunod ang biktima, pinuntahan ito ni Aling Adelfa sa kanilang bahay ng sumunod na araw upang ulitin ang pakiusap na limasin ang baha sa kanila subalit, hindi niya natagpuan ang binata at hindi rin mahanap ng 70-anyos niyang ina.

Sa ginawa namang pagpo-proseso sa bangkay ng biktima nina P/Maj. Sonny Boy Tepace ng NPD-Scene of the Crime Operative (SOCO), wala silang nakitang palatandaan na biktima ng karahasan ang nasawi bagama’t hihintayin pa nila ang resulta ng isasagawang awtopsiya sa bangkay para malaman ang sanhi ng kanyang kamatayan. 

(Richard Mesa)

Mga produktong gawa sa pamamagitan ng force labor, i-ban

Posted on: August 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISINUSULONG ni Albay Rep. Raymond Adrian E. Salceda ang agarang pagpasa sa panukalang batas na magbabawal sa importation at bentahe ng produktong gawa mula sa forced labor.

Sinabi ng mambabatas sa House Bill No. 10848 na ang isyu ay hindi lamang dapat kaugnay sa taripa at trade relations kundi sa commitment ng Pilipinas sa human dignity at fair labor.

Nakasaad sa panukalang “An Act Prohibiting the Trade of Goods Produced Wholly or in Part with Forced Labor and Providing Penalties Therefor,” na magkaroon nang mabilis at permanenteng statutory prohibition laban sa pagpasok ng mga forced-labor goods sa Philippine market.

“This is not simply about avoiding tariffs or protecting our exports. May kaakibat ito na usaping moral kapag pinahihintulutan nating makapasok sa ating merkado ang mga produktong ginawa sa pamamagitan ng forced labor at pagsasamantala. Kapag binibili at kinakalakal natin ang mga produktong ito, nagiging bahagi ng ating supply chain ang pagdurusa ng ibang tao.” ani Salceda.

Sinabi pa ng mambabatas na sa kabila na nagpatupad ang Executive Branch ng isang inter-agency mechanism para mag-imbestiga sa mga imported goods na pinaghihinalaang gawa sa pamamagitan ng forced labor ay kailangang mayroong kaakibat na batas para sa mas malinaw at matagalang legal na basehan.

“Administrative action is an important first step, but we need a law that leaves no ambiguity: the Philippines will not be a market for goods produced by modern-day slavery. This should remain our policy regardless of changes in administrations or international trade conditions,” pahayag ni Salceda.

Sa ilalim ng panukala, ang importasyon ng produktong gawa ng buo o bahagi ng forced labor ay ipagbabawal. Kapag naging ganap na batas, bibigyang awtorisasyon nito ang Bureau of Customs na huwag isama o i-forfeit ang naturang produkto, magpatawa ng kaukulang multa at parusa at magkaroon ng permanent inteengr-agency coordination for para sa implemensyon at pagpapatupad.

(VINA de GUZMAN)

PNP, PINAPAALALAHANAN ANG PUBLIKO TUNGKOL SA LARAWANG GAWA NG AI NA NAKASUOT NG UNIPORME NG PULISYA

Posted on: August 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINAPAALALAHANAN ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na maging responsable sa paggawa o pagbabahagi ng mga larawang gawa ng AI na naglalarawan ng mga sibilyan na nakasuot ng uniporme ng pulisya, lalo na kapag ang naturang nilalaman ay nai-post sa social media at maaaring mapagkamalang nagpapakita ng mga aktwal na miyembro ng organisasyon ng pulisya.

Habang patuloy na ginagawang mas makatotohanan ng artificial intelligence ang paglikha ng larawan at video, kinikilala ng PNP ang potensyal nito habang hinihikayat ang mga gumagamit na maging transparent kapag ang nilalaman ay digital na nabuo o binago. Ang malinaw na pagkilala sa mga naturang imahe ay makakatulong na maiwasan ang kalituhan, protektahan ang integridad ng uniporme ng pulisya, at maiwasan ang paglikha ng impresyon na ang isang sibilyan ay isang aktwal na opisyal ng pulisya.

“AI is a useful tool, pero kailangan pa rin nating maging maingat sa kung ano ang ipinapakita at ipinapakalat natin online. Kapag police uniform ang gamit sa isang generated image, dapat malinaw na hindi ito tunay na police personnel. Simple lang ang punto—enjoy the technology, but do it responsibly,” sabi ni Police General Nartatez.

Dagdag pa niya, ang uniporme ng pulisya ay may mas malalim na kahulugan para sa mga nagsusuot nito, na kumakatawan hindi lamang sa kanilang propesyon kundi pati na rin sa tungkulin at tiwalang ipinagkatiwala sa kanila ng publiko.

“Para sa aming mga pulis, ang uniporme ay hindi lang simpleng kasuotan. Kapag isinuot mo ito, dala mo ang isang tungkulin at responsibilidad sa taong-bayan. Kaya mahalaga na hindi ito magagamit sa paraang maaaring magbigay ng maling pagkakakilanlan o impresyon sa publiko,” dagdag pa ni Police General Nartatez.

Ipinapaalala rin ng PNP sa publiko na ang hindi awtorisadong paggamit ng mga uniporme o insignia ng pulisya, kabilang ang mga nilalamang nabuo ng AI na naka-post online, ay maaaring may mga legal na implikasyon sa ilalim ng Artikulo 179 ng Revised Penal Code, o Iligal na Paggamit ng mga Uniporme o Insignia, kaugnay ng Section 6 ng Republic Act No. 10175, na kilala rin bilang Cybercrime Prevention Act. Bagama’t ang paggamit ng mga umuusbong na teknolohiya ng AI ay maaaring may kasamang iba’t ibang mga pangyayari, ang hindi malinaw na paglalagay ng label o pagsisiwalat na ang isang imahe ay nabuo ng AI ay maaaring maglantad sa isang tao sa posibleng pananagutan, depende sa kung paano nilikha, ipinakita, at ginamit ang nilalaman.

Ang paalala ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng PNP na palakasin ang mga operasyon ng pulisya at kaligtasan ng publiko sa ilalim ng Focused Agenda nito, partikular ang Enhanced Managing Police Operations, habang sinasabayan ang mga umuusbong na hamong dulot ng mabilis na pag-unlad ng mga digital na teknolohiya. (PAUL JOHN REYES)