Kuwestiyonableng CIF recipients, nagpapakita kung bakit dapat itong busisiin, alisin
- Published on August 26, 2026
- by Francis Paolo Torres
INIHAYAG ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago na ang lumabas na mga bagong pangalan na tumanggap umano ng confidential funds sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay nagpapakita na kailangan busisiin at buwagin na ang confidential and intelligence funds (CIF) sa panukalang 2027 national budget.
Sa ginanap na pagdinig nitong Lunes, lumutang ang ilang pangalan na tumanggap umano ng OVP confidential funds na kinabibilangan ng mga pangalang Antonio Pagong, Timon Andrew Pusa, Don Piang, May Pamana, Shane Ngitingit, at Xuniso P. Belat. Nakatanggap umano ang mga ito ng mula ₱100,000 hanggang ₱250,000 para sa impormasyon, supplies, at iba pang confidential operations.
Sinabi ni Elago na ang mga kuwestiyonableng pangalan na kahalintulad din sa mga lumabas na unang panagan sa kontrobersiyal na confidential funds, katulad ng isang “Mary Grace Piattos,” ay nagbibigay kuwestiyon sa kredibilidad at pananagutan ng secret fund disbursements.
“Mula ‘Mary Grace Piattos’ hanggang sa mga bagong kuwestiyonableng pangalan na lumilitaw ngayon, paulit-ulit ang problema sa confidential funds. Kung kuwestiyonable ang pangalan, kuwestiyonable ang transaksyon. Kung kuwestiyonable ang transaksyon, bakit dapat pagkatiwalaan ang confidential funds? Hindi dapat gawing lisensya ang pagiging ‘confidential’ para gastusin ang pera ng taumbayan nang walang malinaw na pananagutan,” ani Elago.
Sa panukalang 2027 National Expenditure Program, naglaan ng ₱4.55 billion para sa confidential at intelligence funds sa Office of the President, na kinabibilangan ng ₱2.25 billion na confidential funds at ₱2.30 billion na intelligence funds. Nirerepresenta nito ang nasa 42% ng total na ₱10.773 billion na panukalang CIF sa national government.
“Kung may ganitong mga kuwestiyonableng pangalan at transaksyon sa confidential funds, lalo nating dapat busisiin ang mas malaking pondong ilalaan sa Office of the President. Walang dapat maging exempted sa transparency at accountability, lalo na ang pinakamataas na tanggapan ng gobyerno,” pahayag nito.
“Dapat i-abolish ang CIF at ilaan ang pera ng bayan sa batayang serbisyo. Sa halip na pondong mahirap busisiin, gamitin ito para sa kalusugan, edukasyon, pabahay, agrikultura at iba pang batayang serbisyo na kulang na kulang ngayon,” pagtatapos ni Elago. (VINA de GUZMAN)