Rapist na wanted sa Valenzuela, nalambat sa Camarines Sur
- Published on August 26, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAGWAKAS na ang maligayang araw ng isang lalaki na akusado sa kasong Rape sa Lungsod ng Valenzuela matapos matunton ng pulisya sa kanyang hideout sa lalawigan ng Camarines Sur.
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, ang 42-anyos na akusado ay nakatala bilang No. 2 sa Top Ten Most Wanted Person ng Valenzuela City Police Station.
Ikinasa ng mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang manhunt operation laban sa akusado kasunod ng natanggap na impormasyon na nagtatago umano ito sa lalawigan ng Camarines Sur.
Sa koordinasyon sa Presentacion Municipal Police Station at Regional Intelligence Unit, matagumpay na naisilbi sa akusado ng mga operatiba ng Station Intelligence Section ng Valenzuela ang warrant of arrest nang makorner sa kanyang hideout sa Barangay Bitaogan, Presentacion, Camarines Sur dakong ala-1:45 ng madaling araw.
Ang warrant of arrest ay para sa kasong Rape na inisyu ng Regional Trial Court ng Valenzuela City na walang inirekomendang piyansa.
Pansamantalang nasa kustodiya ng Presentacion Municipal Police Station ang akusado habang hinihintay ang utos ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Valenzuela City Jail. (Richard Mesa)