PBBM, suportado ang homegrown EV production, simula sa e-trikes
- Published on August 26, 2026
- by Francis Paolo Torres
MULING isinulong ng gobyerno ang pag-develop sa locally manufactured electric vehicles (EVs), sabay sabing ang agarang layunin ay mag-produce ng all-Filipino electric tricycle bago pa sa huli ay palawigin ito sa electric jeepneys.
Binisita ni Pangulong Marcos ang automotive parts manufacturer MD Juan Enterprises, Inc. sa Caloocan City para i-assess ang pasilidad ng kumpanya at idetermina ang karagdagang suporta at equipment na kakailanganin para magawa ang lokal na produksyon ng electric vehicles.
Ang MD Juan Enterprises, isang benepisaryo ng e-mobility program ng Department of Science and Technology (DOST) ay kilala para sa pagmamanupaktura ng machine-pressed metal parts at restoration kits para sa vintage, military, at civilian jeeps.
Winika pa ni Pangulong Marcos na tinutukoy ng gobyerno ang gaps sa umiiral na kakayahan ng kompanya at tukuyin kung paano makatutulong ang DOST at iba pang national government agencies.
“Kaya tinitingnan namin ang mga facilities, ano yung nandito na, ano na yung mga kulang, ano pa yung mga kulang na susuportahan ng ating DOST, ng national government para makapagawa na tayo ng electric vehicle dito sa Pilipinas,” ayon kay Pangulong Marcos.
Aniya, ang pag-develop ng domestic EV manufacturing industry ay makatutulong na mabawasan ang pagsandal ng bansa sa imported petroleum products habang sinusuportahan ang mas matatag na sektor ng transportasyon.
Aniya pa, ang locally made na EVs ay maaari ring makatulong na makapagbigay ng mas ‘sustainable livelihood opportunities’ para sa transport workers.
Sinabi pa ni Pangulong Marcos na ang susunod na hakbang ay magbibigay ng karagdagang equipment na kakailanganin para sa EV production.
“And together with our technical consultants, I believe that we will soon be seeing a Filipino electric vehicle tricycle. At maybe down the road, makagawa na tayo ng jeepney,” aniya pa rin.
Samantala, pino-promote ng administrasyon ang e-mobility bilang bahagi ng pagsisikap na gawing modernisado ang transportasyon, bawasan ang fossil fuel dependence, at i-develop ang local manufacturing capabilities. ( DARIS JOSE)