• August 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July, 2026

Dahil sa rally sa EDSA: Pagdalo ni PBBM sa FOCAP Presidential Luncheon, kinansela

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAKANSELA ang pagdalo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) Presidential Luncheon sa Makati City araw ng Martes, Hunyo 30 dahil mas pinili ng Pangulo na i-monitor ang sitwasyon sa Edsa kung saan nag-rally ang Iglesia ni Cristo sa EDSA White Plains.

“Nagmo-monitor po ang Pangulo sa ngayon sa kasalukuyang sitwasyon. Patuloy na inaalam ang nangyayari sa mga kababayan natin na naantala sa paglalakbay at pagtatrabaho dahil sa nangyayari sa Edsa,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

“Minomonitor din niya ang kapakanan ng ibang kababayan na naiipit sa gitna ng Edsa pati na rin ang pagsasagawa ng mga kapulisan ng kanilang mandato na magbigay proteksyon at seguridad sa mga inosente nating kababayan,” aniya pa rin.

Sa kabilang dako, nag-lockdown na sa 2 gates ng Malakanyang, ang Arlegui at Solano gates. Ang JP Laurel gate lang ang nakabukas. Sinasabing alas-6:00 ng umaga ni-lockdown ang dalawang nasabing gates. (DARIS JOSE)

Malakanyang, walang nakikitang banta mula sa emergency EDSA rally ng INC

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINDI nakikita ng Malakanyang na banta sa administrasyong Marcos ang ’emergency rally’ ng Iglesia ni Cristo (INC) sa EDSA People Power Monument.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na iginagalang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang karapatan ng publiko sa freedom of expression at peaceful assembly subalit hindi nito kinukunsinti ang pang-aabuso.

“Wala pong nakikitang threat dahil alam naman po ng Pangulo na ang kanyang ginagawa ay para sa taumbayan. Kung meron lang pong ibang interes o interes ng ibang grupo, interes ng iilang tao, hindi po siya dapat maging hadlang sa pagpapatupad ng Pangulo at ng administrasyong ito ng batas,” ang sinabi ni Castro.

Idinagdag pa ni Castro na nananatiling nakapokus ang Pangulo sa pagpapatupad ng batas at pagsusulong ng mga programa para sa kapakanan ng mamamayang Filipino sa kabila ng nagpapatuloy na pagtitipon.

Tinatayang may 15,500 protesters ang nagtipon-tipon sa People Power Monument sa Quezon City, araw ng Martes at nagdulot ito ng sobrang pagbagal ng trapiko sa buong Edsa . Nananawagan ang mga ito ng ‘accountability at transparency.’  

(Daris Jose)

“Dapat ang Barangay Ilapit sa Tao!” – Kap. Bryan Gonzales-Año, Nanguna sa mga Proyekto sa Brgy. 38

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

CALOOCAN CITY — “Dapat ang Barangay ilapit sa Tao!” Ito ang mariing pahayag ni Barangay Chairman Bryan Gonzales-Año ng Barangay 38, Zone 4, Distrito 2, sa kanyang patuloy na paghahatid ng tapat at may-pusong paglilingkod sa kanyang mga kabarangay.

Ayon kay Kapitan Año, ang pamamahala ay dapat suklian ng maayos na serbisyo dahil ang tiwala ng mamamayan ang nagluklok sa kanya sa posisyon. Dahil dito, agad niyang tinutugunan ang bawat pangangailangan ng pamayanan sa abot ng kanyang makakaya sa pamamagitan ng mga sumusunod na programa:

Kaligtasan at Emergency Response

Mini-Ambulance at Rescue Vehicles: Ito ang naging pangunahing proyekto ng kapitan upang matiyak na may agarang sasakyan ang mga residente sa oras ng medikal na emergency.

Oplan Galugad at Police Visibility: Isinasagawa ito tuwing ikatlong linggo upang mapanatili ang kapayapaan at maiwasan ang anumang kaguluhan.

CCTV at Road Lighting: Nagdagdag ng mga Closed-Circuit Television (CCTV) cameras at naglagay ng mga ilaw sa bawat kalsada at eskinita para sa seguridad ng publiko.

Public Address System: Nagkabit ng mga speaker sa komunidad para sa mabilisang pagpapakalat ng mahahalagang anunsyo.

Planong Fire Hydrants: Kasalukuyan nang inihahanda ang paglalagay ng mga fire hydrant sa barangay upang mabilis na maapula ang sunog sakaling magkaroon ng insidente.

Kalinisan at Kalikasan (Clean and Green)

HAPAG Program: Isang inisyatibo ng DILG at lokal na pamahalaan kung saan nagtatanim ang barangay ng iba’t ibang uri ng gulay para sa sapat na nutrisyon ng komunidad.

De-clogging at Clean-Up Drive: Regular na Road Clearing at paglilinis ng mga estero at kanal tuwing Sabado upang maiwasan ang pagbaha, lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.

Serbisyong Panlipunan at Kagalingan

Para sa Senior Citizens: May palagiang nakalaang iba’t ibang uri ng gamot para sa kanilang kalusugan.

Scholarship at Insentibo: May programa para sa mga mag-aaral, kung saan binibigyan ng insentibo ang mga may matataas na marka bilang pagkilala sa kanilang pagsisikap.

Tulong sa PWDs: Madalas na nag-aabot ng personal na panggastos si Kapitan Bryan mula sa sarili niyang bulsa para sa mga Persons with Disabilities (PWDs).

Lubos ang pasasalamat ni Kapitan Año sa kanyang mga kabarangay dahil sa kanilang pagkakaisa at pakikipagtulungan upang mapanatili ang kalinisan, kaayusan, at katahimikan. Nagpaabot din siya ng pasasalamat kay Mayor Along Malapitan para sa mga patuloy na tulong at suportang ibinababa ng lungsod sa kanilang barangay.

Muling pinatunayan ni Kapitan Bryan Gonzales-Año na sa tamang pamamahala, ang gobyerno ay tunay na nararamdaman ng bawat mamamayan. ( Sonny Asignacion)

US E-Waste itigil nang itapon sa Pilipinas

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINAIIMBESTIGAHAN ng Kabataan Partylist, Makabayan Bloc kasama ang environmental groups ang illegal shipments ng 235 containers ng hazardous electronic at plastic waste mula sa United States sa Subic Bay Freeport Zone.

“Ginawa na nga tayong military playground at firing range ng US sa Balikatan Exercises at Tomahawk Missile Launching. Ngayon, gagawin pa tayong basurahan, tambakan ng e-waste at plastik nila,” ayon kay House Assistant Minority Leader at Kabataan Partylist Rep. Atty. Renee Co.

Ang shipments, na nagsimula mula Marso 2025 ay naglalaman umano ng toxic materials tulad ng lead, mercury, cadmium, chromium, PCBs, beryllium, at asbestos na mapanganib sa kalusugan at sa kalikasan.

Iginiit ng Kabataan Partylist na nilabag ng illegal importation ang Republic Act No. 6969 at binuwag nito ang obligasyon ng Pilipinas sa ilalim ng Basel Convention on hazardous waste control, kung saan signatory ang bansa simula 1994

“The Bureau of Customs claims it cannot act due to a court ruling treating Subic Bay as a separate customs territory. This legal gray area is being exploited to circumvent our environmental laws,” ani Co.

“Ang karapatan ng bawat Pilipino sa ligtas na kapaligiran at malusog na kalikasan ay hindi dapat isakripisyo para sa interes ng dayuhan. Clearly, this is both a national sovereignty issue and an environmental defense issue,” dagdag ni Co.

Sa House Resolution 1164, hiniling ng Kabataan na agad magsagawa ng imbestigasyon sa naturang 235 containers ng e-waste at plastic waste; panagutin ang kawalang aksyon ng government agencies, pagbalik sa lahat ng illegal hazardous waste shipments, palakasin ang enforcement mechanisms upang hindi na maulit ang ganitong uri ng importations at ibasura ang kasunduan na magkokompromiso sa soberenya at kaligtasan ng kapaligiran.

“Hindi papayag ang kabataan na tambakan ang ating kapiligaran at dumihan ang ating kinabukasan. Lahat ng sangkot sa maruming kalakaran, dapat managot,” pagtatapos ni Co.

(Vina de Guzman)

2 riders, sugatan sa bumagsak na poste ng ilaw sa Navotas

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SUGATAN ang dalawang riders nang mahagip ng kawad ng kuryen mula sa bumagsak na poste ng Meralco ang kanilang motorsiklo sa Navotas City, Lunes ng gabi.

Sa ulat, nangyari ang insidente dakong alas-7:28 ng gabi sa Marala Bridge patungong Honorio Lopez Blvd matapos unang bumagsak ang isang malaking pribadong poste at nahagip ang mga kawad ng kuryente na dahilan ng pagbagsak ng poste ng Meralco.

Kaagad namang nagresponde sa lugar ang mga tauhan ng Navotas City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), kasama ang kapulisan, City Traffic and Parking Management Office (CTPMO) at Bureau of Fire Protection (BFP) upang asistihan at madala sa pagamutan ang nasugatang riders saka i-cordon ang lugar.

Naglabas din ng abiso ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas sa mga motorista na maghanap muna ng alternatibong daan at mag-ingat sa pagbiyahe habang pinaalalahanan din ang mga pedestrians na iwasang magdaan sa lugar.

Pansamantalang isinara sa daloy ng trapiko ang naturang tulay upang bigyang-daan ang mabilis na pagkukumpuni ng Meralco sa natumbang poste at pagbabalik ng supply ng kuryente sa mga apektadong lugar. (Richard Mesa)

BABAE, PATAY SA PAGTAWID NG KALSADA SA TONDO

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NASAWI ang isang 45-anyos na babae matapos siyang mabangga ng isang rumaragasang motorsiklo habang tumatawid sa Southbound lane ng Delpan Flyover sa Barangay 20, Tondo, Maynila, bandang alas-11:30 ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Cynthia Lamar y Burawis ng Parola Compound, Tondo, Manila. Agad siyang isinugod sa Gat Andres Bonifacio Medical Memorial Center ngunit idineklara siyang dead on arrival ng mga doktor. Samantala, kinilala ang rider ng motorsiklo na si Gervin Efsali y Dilasa, 26, vendor ng Bakod Bayan, Cabanatuan City, NUeva Ecija, ay nasa kustodiya na ng pulisya.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, bigla umanong tumawid ang biktima sa kalsada nang mabangga siya ng isang Yamaha Sniper 155 na motorsiklo. Dahil sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon siya ng ilang metro at nagtamo ng mga matitinding pinsala na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Inilipat na sa Manila District Traffic Enforcement Unit ang kaso para sa mas malalim na imbestigasyon. (Gene Adsuara)

PAGKAKABIT NG CCTV, INOOBLIGA SA MAYNILA

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

OBLIGADO nang maglagay ng mga closed circuit television (CCTV) camera ang lahat ng 897 barangay sa Lungsod ng Maynila bilang hakbang na mahadlangan at masugpo ang krimen sa kanilang mga lugar.

Sa ilalim ng City Ordinance No. 9152, Series of 2026 na inakda ni 1st District Councilor Rosalino “Jhun” Ibay, ang bawat barangay, maliit man o malaki, ay inaatasang maglagay hindi bababa sa 10 CCTV sa mga lugar na madalas kaganapan ng krimen.

Sa panayam ng Manila City Hall Press Club (MCHPC) kay Councilor Ibay, Chairman ng Committee on Peace and Order and Public Safety, kaagad aniyang nilagdaan ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang ordinansa nang maipasa ito ng mayorya ng Sangguniang Panlungsod dahil malaki ang maututulong nito para sa seguridad ng bawat komunidad

Sinabi ni Konsehal Ibay na ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) na nakakasakop sa kani-kanilang barangay ang makakatuwang ng barangay sa paglalagay ng mga CCTV sa istratehikong lugar na madalas kaganapan ng krimen.

May katapat namang kaparusahan mula sa pagkakasuspinde hanggang sa pagkakasibak sa tungkulin ang sinumang Kabesa ng barangay na hindi tatalima sa ordinansa lalu na’t ang magbebenepisyo rito ay ang taumbayan, higit ang kanilang mamamayan. (Gene Adsuara)

National Cyber Security Center, itatayo sa Valenzuela

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINANGUNAHAN ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela, kamasama ang Department of Information and Communications Technology (DICT) Cybersecurity Bureau at Korea International Cooperation Agency (KOICA) ang isinagawang groundbreaking ceremony para sa proyekto ng “Establishment of the National Cyber Security Center for Enhancing the Cyber Crisis Response Capabilities in the Philippines,” na ginanap sa DICT Valenzuela Compound.

Nanguna sa kaganapan sina Mayor WES Gatchalian, DICT Secretary Henry Aguda, Ambassador of the Republic of Korea to the Philippines H.E. Lee Sang-hwa, at KOICA Vice President Lee Yun-young, kasama ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at partner na institusyon.

Ang proyekto, ay isang pinagsamang inisyatiba sa pagitan ng Republika ng Pilipinas at Republika ng Korea sa pamamagitan ng KOICA na naglalayong palakasin ang information security management, linangin ang isang bagong henerasyon ng mga dalubhasang propesyonal sa cybersecurity, at pagbutihin ang pakikipagtulungan ng dalawang bansa sa larangan ng cybersecurity.

Kabilang sa mga pangunahing bahagi ng proyekto ay ang pagtatatag ng isang Information Security Management System (ISMS), pagtatayo ng isang state-of-the-art na National Cyber Security Center (NCSC) main center sa DICT Valenzuela Campus at backup center sa Ilocos Norte, pagbuo ng isang national cybersecurity system para sa cyber threat monitoring at information sharing, capacity-building programs, at ang pagpapatupad ng P-Security education cybersecurity.

Ipapatupad ang proyekto sa loob ng limang taon na may aktibong partisipasyon ng mga organisasyong Critical Information Infrastructure, ahensya ng gobyerno, local government units, at pribadong sektor.

Nagmarka ang groundbreaking ceremony ng isang makabuluhang hakbang tungo sa pagpapahusay ng mga kakayahan sa pagtugon sa cyber crisis ng bansa at pagpapalakas ng imprastraktura ng cybersecurity ng Pilipinas. (Richard Mesa)

PASAWAY NA RIDER AGAD NA INISYUHAN NG SCO NG LTO; SASAKYAN INALARMA, LISENSYA SUSPENDIDO

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGLABAS ang Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order (SCO) laban sa rehistradong may-ari at rider ng isang Yamaha NMAX matapos itong masangkot sa isang insidente ng pag-counterflow na nakunan sa isang viral na video.

Sa video na ibinahagi ng Road Safety Advocates of the Philippines (RSAP), makikita ang rider, na may sakay na pasahero, na dumaan sa kabilang linya ng kalsada. Nang makasalubong ang isang SUV, nagsagawa ito ng biglaang maniobra at hinampas ang side mirror ng naturang sasakyan.

Lumilitaw rin sa video na ang motorsiklo ay may nakakabit na hindi awtorisadong blinker o accessories, na kabilang sa mga iniimbestigahang paglabag.

Bilang bahagi ng agarang aksyon ng ahensya, inaatasan ang rehistradong may-ari at ang rider na humarap sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Division (IID) sa itinakdang pagdinig, at magsumite ng kani-kanilang sinumpaang salaysay o paliwanag kaugnay ng mga posibleng paglabag.

Kabilang sa mga iniimbestigahang paglabag ang Reckless Driving for Unauthorized Accessories, Driving Against the Flow of Traffic, at Improper Person to Operate a Motor Vehicle.

Inalarma na rin ng ahensya ang motorsiklong sangkot sa insidente. Kasabay nito, preventively suspended sa loob ng 90 araw ang driver’s license ng rider habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, hindi kukunsintihin ng ahensya ang mga motorista na nagpapakita ng iresponsableng asal at naglalagay sa panganib sa kapwa gumagamit ng kalsada.

“Malinaw na paglabag sa batas trapiko ang counterflow, at lalong hindi katanggap-tanggap ang anumang uri ng paninira ng ari-arian, paggamit ng hindi awtorisadong accessories, at agresibong pag-uugali sa kalsada. Patuloy nating pananagutin ang mga lumalabag sa batas upang mapanatiling ligtas ang ating mga lansangan,” saad ni Assistant Secretary Lacanilao.

“Nawa’y magsilbi itong babala sa lahat ng motorista na ang anumang paglabag sa batas at paglalagay sa panganib ng kapwa ay may kaukulang pananagutan. Pairalin natin ang disiplina, paggalang, at responsableng pagmamaneho sa lahat ng oras,” dagdag pa niya.

Tiniyak naman ng LTO na isasagawa ang imbestigasyon alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon. Hinihikayat din ng ahensya ang publiko na patuloy na makiisa sa pagsusulong ng kaligtasan sa kalsada sa pamamagitan ng pag-uulat ng mga paglabag sa batas trapiko at pagpapanatili ng disiplina at responsableng pagmamaneho sa lahat ng oras.

 (PAUL JOHN REYES)

DepEd: Mandatory inspection sa school bags pinag-aaralan

Posted on: July 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINAG-AARALAN na ng Department of Education (DepEd) na gawin nang mandatory ang pagsasagawa ng bag inspections sa mga paaralan.

Ito ay kasunod na rin nang naganap na pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City, na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng maraming iba pa.

Sa kanyang pagdalo sa pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture, sinabi ni DepEd Assistant Secretary Roger Masapol na ang pag-iinspeksiyon ng mga bag ay dati nang isinasagawa sa random basis.

Gayunman, dahil aniya sa naganap na karahasan sa paaralan sa Tacloban City ay tini­tingnan nila kung gagawin na itong mandatory.

“Before kasi, bago ng Tacloban incident, random lang ang bag inspection sa mga schools natin. Ngayon tinitingnan namin baka gagawin na siyang mandatory,” ayon pa kay Masapol.

Kabilang aniya sa ikinukonsidera nila ay ang laki ng paaralan bago ipatupad ang polisiya.

Paliwanag niya, magiging isang malaking hamon ang mandatory inspections sa mga paaralang may mala­king populasyon ng mga estudyante.

Inihalimbawa pa niya ang Parañaque National High School may 14,000 na estudyante.

“…. medyo nightmare ang bag inspection. Kaya tinitingnan namin ang good combination ng security ­measures natin,” aniya.

Bukod dito, ilan pa sa mga pamamaraan na ikinukonsidera ng DepEd ay ang pagdaragdag ng entry at exit lanes sa mga gate ng mga paaralan upang mapabilis ang inspeksiyon.