• July 31, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 31st, 2026

Draymond Green muling pumirma ng isang taon na kontrata sa Warriors

Posted on: July 31st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MULING pumirma ng isang taong kontrata sa Golden State Warriors si Draymond Green.

Ayon sa koponan na sumang-ayon si Green sa kontrata na nagkakahalaga ng $27.7 milyon.

Ang nasabing kontrata ay napirmahan na sana noon ni Green bago ang usapan na kukunin sana ng Warriors si LeBron James.

Ito ang pang-15 season ni Green sa Warriors at kapag nakapaglaro ito sa 51 games ay makakasama na niya si Stephen Curry bilang natatanging manlalaro sa franchise history na lalabas ng 1,000 contest.

Tanging sina Green, Curry at coach Steve Kerr ang natitirang indibidwal sa Warriors noong nakuha nila ang apat na kampeonato.

Huling nagkampeon ang Warriors ay noong 2022.

Alex Eala, pasok na sa quarterfinals ng DC Open

Posted on: July 31st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PASOK na sa quarterfinals ng Mubadala DC Open ang Filipina tennis star na si Alex Eala matapos talunin ang defending champion na si Leylah Fernandez ng Canada, 6-2, 7-6 (7-1).

Matapos dominahin ang unang set, nakabawi si Eala mula sa 1-5 deficit sa second set bago tuluyang maipanalo ang laro sa loob ng isang oras at 53 minutes

Ayon kay Eala, naging mahirap ang laban dahil magaling ang kanyang kalaban na si Fernandez, ngunit ipinagmamalaki niya ang pagiging kalmado sa laro.

“I think I had definitely some tough moments in that match and credit to Leylah, she put me in some really tough positions. I’m super proud of how I fought and how I stayed in there,” ani Eala.

Dagdag pa niya, naging susi sa kaniyang tagumpay ang pagiging matiyaga sa paghahanap ng paraan para bumawi kahit lumayo ang agwat nito sa kalagitnaan ng laban.

Hidilyn Diaz magsasagawa ng world-class weightlifting competition sa bansa

Posted on: July 31st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HANDANG- HANDA na ang kauna-unahang Olympic gold medalist weightlifter na si Hidilyn Diaz na isagawa ang world-class weightlifting competition sa bansa.

Ang “HD LiftOff” ay opisyal na gaganapin sa susunod na buwan kung ito ay pangungunahan nina Diaz at asawa nitong coach na si Julius Naranjo.

Layon ng nasabing torneo ay mas lalong makilala ang ang sports na weightlifting sa bansa.

Sinabi ni Diaz na napapanahon na para isagawa ang kumpetisyon matapos ang limang taon noong nakamit niya ang unang gintong medalya.

Gaganapin ang kumpetisyon sa darating na Agosto 15-16 sa lungsod ng Makati.

alaking kawalan sa power industry kung tatanggalin ang system loss charges, hindi kapani-paniwala.

Posted on: July 31st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINDI kapani- paniwala, ito ang naging reaksyon ni Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago sa pahayag ng Meralco na malaking kawalan sa power industry kung tatanggalin ang system loss charges, gaya ng panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na alisin ito.

“Hindi kapani-paniwala na isang kumpanyang kumita ng ₱26.5 bilyon sa loob lamang ng anim na buwan ang magsasabing hindi nito kayang akuin ang system loss charges. Kung may dapat magbayad, hindi ang mga konsyumer kundi ang mga korporasyong patuloy na kumikita ng bilyon-bilyong piso mula sa isang batayang serbisyo,” sinabi ni Elago.

Aniya, sa simula pa lang, hindi na dapat ipinapasa sa mga konsyumer ang system loss charges. 

“Hindi kasalanan ng mga mamamayan ang pagkawala ng kuryente sa transmission at distribution. Hindi sila dapat ang pinagbabayad sa gastos na bahagi ng operasyon ng mga power utility,” dagdag ni Elago.

Ayon kay Elago, ang posisyon ng Meralco ay nagpapatibay lamang ang pangangailangan na amiyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA). 

“Lumalabas ngayon kung bakit hindi sapat ang simpleng pag-amyenda sa EPIRA. Hangga’t nananatili ang batas na nagbibigay-prayoridad sa tubo ng malalaking power corporations, patuloy ding maipapasa sa mga konsyumer ang iba’t ibang singilin para proteksyunan ang kanilang napakalaking kita,” sabi ni Elago.

Nanawagan si Elago sa Kongreso na amiyendahan ang EPIRA sa lalong madaling panahon. “We urge lawmakers to fast-track the EPIRA amendments while working toward the law’s eventual repeal,” pahayag ng kongresista. (VINA de GUZMAN)

Malakanyang, nagbabala laban sa scam at disinformation tungkol sa pondo ng OP

Posted on: July 31st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGBABALA ang Malakanyang sa mga local government unit (LGU) na maging mapagmatyag laban sa mga scam at disinformation na may kaugnayan sa Local Government Support Fund (LGSF) at Socio-Civic Projects Fund (SCPF).

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na walang sinisingil ang Office of the President na anumang bayad o fees ang pamahalaan sa mga benepisyaryong LGU upang makuha ang kanilang inilaan na pondo.

“Mag-ingat sa scam at disinformation tungkol sa LGSF at SCPF ng Office of the President. Hinding hindi maniningil ng kabayaran o anumang fees ang gobyerno sa mga LGU beneficiaries upang makuha ang kanilang budget,” ayon kay Castro.

Ang LGSF sa ilalim ng Support and Capital Projects Fund (SCPF) ay tulong-pinansyal mula sa pambansang pamahalaan na ipinagkakaloob sa mga lokal na komunidad at barangay, kabilang ang tig-P200,000 na alokasyon para sa bawat lungsod at munisipalidad sa ilalim ng programang Bawat Bayan Makikinabang, na hinahati para sa mga proyektong pangkaunlaran at pangkaligtasan ng barangay at sa scholarship ng mga mag-aaral.

Sa harap nito, hinimok ni Castro ang mga opisyal ng LGU na mag-ingat sa mga indibidwal na humihingi ng personal na impormasyon o naniningil kapalit ng pagpapalabas ng kanilang pondo, at iginiit na mga awtorisadong kinatawan lamang ng pamahalaan ang dapat nilang kausapin.

Sinabi ni Castro na nagbabala rin ang Office of the President na maaaring gamitin ng mga scammer ang makukuhang impormasyon upang mailihis o maagaw ang pondong nakalaan para sa mga LGU.

Dahil dito, hinihikayat ni Castro ang mga opisyal ng LGU at ang publiko na agad iulat sa Office of the President ang anumang kahina-hinalang aktibidad o mapanlinlang na gawain upang agad itong maaksyunan at maprotektahan ang mga benepisyaryo.

“Kapag may ganyan po na mga problema, isangguni lamang po ninyo, ipagbigay alam po ninyo mismo sa amin, sa aming opisina, para po ito ay makontrol at mahinto ang ganitong mga klase ng pang-aabuso,” pagtatapos ni Castro. ( DARIS JOSE)

Wala kasing kuwenta: Malakanyang, ipinagkibit-balikat ang sinabi ni VP Sara laban sa ICC 

Posted on: July 31st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

“WALANG basehan, walang saysay, useless at nonsense!”

Ganito kung ilarawan ng Malakanyang ang panibagong patutsada ni Vice President Sara Duterte na tuta di umano nina dating senador Antonio Trillanes IV, at Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang International Criminal Court (ICC).

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na ang sinasabi pa rin ni VP Sara na sinusuportahan ni Pangulong Marcos ang ICC bilang kapalit ng pagkakadakip kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte ay walang basehan.

Matatandaang, dinakip ng ICC si Digong Duterte na ama ni VP Sara dahil umano’y naging paglabag nito sa crimes against humanity sa implementasyon ng programang Oplan Tokhang o War on Drugs noong nakaraang administrasyon.

“Ang lahat po halos ng sinasabi ng Bise Presidente sa ngayon ay walang basehan, walang saysay, useless at nonsense. Maaaring ito ay kaniyang nasasabi out of frustration dahil ang kaniyang ama ngayon ay nililitis sa ICC,” ayon kay Castro.

Sa pahayag ni VP Sara sa naging pagdalo niya sa ikinasang “Free Duterte” rally ng Filipino community (FilCom) sa The Hague, Netherlands, noong Miyerkules, Hulyo 29, 2026, hinambing niya sina Trillanes at PBBM bilang mga traydor daw sa Pilipinas at sa mga Pilipino.

“How do we characterize Trillanes and Marcos in relation to [the] ICC? Yes, they are traitors to the Filipino and to the country. But more than that, ang ICC ay tuta ni Trillanes at ni Marcos,” pagsisimula niya.

Dagdag pa niya, “Because the ICC has no other case except for the case of President Rodridgo Duterte. And they found Marcos, Trillanes, and money in the Philippine case.”

Binigyang diin naman ni Castro na ang kaso sa ICC ni Digong Duteret ay matagal nanng sinimulan bago pa naging Pangulo ng bansa si Marcos Jr.

“Ang kaso na naisampa kay dating Pangulong Duterte ay noong taon pang 2017 habang si Pangulong Marcos Jr. noon ay isang ordinaryo at pribadong mamamayan lang. Hindi ito kasalanan ni Pangulong Marcos Jr. Tumutupad lang ang Pangulo sa batas,” aniya pa rin.

Aniya pa, ang responsibilidad para sa kaso ay nakabatay sa sariling aksyon at pag-amin ng dating Pangulo.

Sinabi pa ni Castro na maaaring frustrated o dismayado na si VP Sara kaya’t kung anu-ano na lamang ang sinasabi nito sa ICC lalo pa’t ang ICC ay “an impartial court” na hindi maaaring maimpluwensiyahan o matakot ninuman. (DARIS JOSE)

Excise tax reforms, masusing pinag-aaralan para i-offset ang P66-B revenue loss

Posted on: July 31st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINAG-AARALAN ng gobyerno ang posibleng reporma sa excise at health taxes para i-offset ang P66 billion na maaaring mawala na revenue ng gobyerno mula sa panukalang tax relief package ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na patuloy na sinusuring mabuti ng Department of Finance (DOF) ang tax measures na maaaring makatulong na mabawi ang revenue losses habang tinitiyak na ang investment climate ng bansa ay nananatiling nakahihikayat.

“Sa ngayon po ay pinag-aaralan na po ng DOF ‘yung mga tax measure at ang posible na maaaring magkaroon ng pagbabago o reporma ay ‘yung excise and health tax cases… na maaaring mag-offset sa maaaring mawala na revenue ng gobyerno na nagkakahalaga nga ng P66 billion,” ayon kay Castro.

Para sa gobyerno ay mahalaga ang projected revenue loss dahil maaari itong magamit para pondohan ang iba’t ibang proyekto at programa ng pamahalaan.

“Ina-assure po ng gobyerno at ng pamahalaan na lahat po ng measures ay dadaan sa pag-aaral para hindi po naman masyadong maapektuhan din iyong ibang mga investors natin at mas maganda ang maidulot nito sa ating mga kababayan,” aniya pa rin.

Winika ni Castro na ang mas mataas na buwis sa mga produktong gaya ng vaping products, sugary drinks at single-use plastics ay kasama sa mga batas na kinokonsidera na i-offset ang posibleng revenue losses.

Sinabi ni Castro na hanggang ngayon ay hindi pa rin nai-estimate ng gobyerno kung magkano ang malilikhang buwis sa bawat panukalang tax measure, sabay sabing ang panukala ay nananatiling sumasailalim sa masusing ebalwasyon.

“Lahat ng proposal kasi pag-aaralan dahil ito nga ay nabanggit ng Pangulo na nais niya talaga na matulungan especially ‘yung mga middle income,” ang sinabi ni Castro.

“Lahat po ito ay gagawin para po maipasang mabilis itong mga tax laws na nais ng Pangulo,” anito.

Nito lamang Lunes, Hulyo 27, nanawagan si Pangulong Marcos sa Kongreso na magpasa ng batas na magbibigay ng mas mataas na tax exemption sa mga indibidwal at mag-aalis ng corporate income tax para sa maliliit na negosyo.

Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng tax relief measures upang masiguro ang patuloy na progreso ng middle class sa gitna ng epekto ng krisis.

Ayon kay Marcos, sa pamamagitan ng mga repormang ito ay magkakaroon ng mas malaking paglago, kita, at equity advancement para sa pangmatagalang socio-economic sustainability.

Hinikayat din ng Pangulo ang Kongreso na magpasa ng batas na magbibigay ng income tax exemption sa mga manggagawang kumikita ng hindi hihigit sa P350,000 kada taon, kasama ang pag-aayos ng iba pang income brackets.

Dagdag pa rito, iminungkahi ni Marcos na huwag nang ipataw ang minimum corporate income tax sa maliliit na negosyo.

Umapela rin siya na mabigyan ng tax amnesty ang mga hindi nakapagbayad ng income taxes, estate taxes, donor taxes, at value-added tax (VAT). ( DARIS JOSE)

Lalaki na armado ng dalawang baril, timbog sa Malabon

Posted on: July 31st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SA kulungan ang bagsak ng isang lalaki na armado ng dalawang baril habang pagala-gala sa lansangan nang masakote ng rumespondeng mga pulis sa Malabon City.

Nahaharap sa kasong paglabag Republic Act No. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) ang suspek na si alyas “Boy”, 42, residente ng Brgy., Tonsuya ng lungsod.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nakatanggap ng report ang mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission hinggil sa isang lalaki na armado umano ng baril habang pagala-gala sa Brgy., Tonsuya.

Kaagad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Police Sub-Station 5 subalit, nang mapansin ng suspek ang kanilang presensya ay agad itong nagtangkang tumakas.

Hinabol siya ng mga pulis hanggang makorner at nakumpiska sa kanya ang isang caliber .45 pistol na kargado ng walong bala at isang revolver na kargado ng anim na bala.

Nang hanapan ng mga pulis ang suspek ng kaukulang mga dokumento hinggil sa ligaledad ng nasabing mga baril ay wala siyang naipakita na dahilan upang posasan siya.

Binigyang-diin ni Gen. Capili na nananatiling matatag ang NPD sa kanilang dedikasyon sa maagap na pagpapatupad ng batas at walang humpay na kampanya laban sa iligal na baril at criminal activities upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng komunidad na kanilang pinaglilingkuran. 

(Richard Mesa)

55-anyos na tulak, huli sa akto sa P238K droga sa Valenzuela

Posted on: July 31st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BINITBIT sa selda ang 55-anyos na hinihinalang tulak ng iligal na droga matapos makuhanan ng mahigit P.2 milyong halaga ng shabu nang maaresto sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, Miyerkules ng gabi.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek bilang si alyas “Joel”, (SLI/PUSHER) at residente ng Brgy., Bignay.

Ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela Police sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA kasunod ng kanilang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ni alyas Joel.

Nang matanggap ang signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur-buyer na positibo na ang transaksyon, kaagad lumapit ang back-up na operatiba at sinunggaban ang suspek dakong ala-1:20 ng madaling araw sa Galas Street Beside Valenzuela View, Barangay Bignay.

Nasamsam sa suspek ang humigi’t kumulang 35 grams ng suspected shabu na may standard drug price na P238,000.00, buy bust money na isang tunay na P500 bill at walong pirasong P1,000 boodle money, P200 cash at itim na coin purse.

Ayon kay SDEU Police Investigator PSSg Cris Paul Collo, inihahanda na nila ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) laban sa suspek sa pamamagitan ng Inquest Proceedings sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.

Pinuri naman ni NPD Director Capili ang operating team sa kanilang pagsisikap na tugisin ang mga indibidwal na sangkot sa pagpapakalat ng iligal na droga.

Muli rin niyang pinagtibay ang hindi natitinag na pangako ng NPD sa pagpapatuloy ng mga agresibo at intelligence-driven operations laban sa iligal na droga bilang suporta sa kampanya ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas na panatilihing ligtas at walang droga ang mga komunidad. (Richard Mesa)

Malalimang imbestigasyon hinggil sa tumataas na bilang ng insidente ng karahasan sa mga paaralan

Posted on: July 31st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISANG mambabatas ang nanawagan ng malalimang imbestigasyon hinggil sa tumataas na bilang ng insidente ng karahasan sa mga paaralan sa bansa.

Ginawa ni CIBAC Rep. Bro. Eddie Villanueva ang panawagan matapos ang insidente ng pag atake ng isang estudyante at ng kanyang kapatid sa isang guro sa Elizalde National High School sa Davao de Oro kamakailan.

Nanawagan din si Villanueva na rebisahin ng Department of Education (DepEd) ang ilang kaukulang ahensiya ng gobyerno ang implementasyon ng Good Manners and Right Conduct (GMRC) and Values Education Act.

“The recent incidents of violence in our schools are deeply alarming. Schools should be places of learning, character formation, and safety—not places where teachers fear being assaulted or students become victims of violence. These incidents compel us to seriously examine whether the values we seek to instill through GMRC are truly taking root in the lives of our young people,” sabi ni Villanueva. 

Ayon kay Villanueva, principal author ng GMRC and Values Education Act of 2020, ang implementasyon ng nasabing batas ay hindi lamang sa paaralan.

“GMRC begins long before a child enters the classroom. The home is the first school, and parents are the first teachers of respect, discipline, responsibility, and compassion. Schools reinforce these values, but families must lay the foundation. If we want to address the growing culture of violence, we must strengthen not only our educational system but also the partnership among parents, schools, churches, communities, and government. Values formation is a whole-of-society responsibility,” sabi ni Villanueva. 

“Pag-ibayuhin natin ang ating paggabay at pag-aruga sa ating kabataan. Magkakasama tayong lahat sa misyong ito: ang pamahalaan, pamilya, paaralan, simbahan, industriya, at komunidad. Tatayo ang paaralan bilang pangalawang tahanan para sa kanila,” dagdag ng kongresista. 

(VINA de GUZMAN)