Lalaki na armado ng dalawang baril, timbog sa Malabon
- Published on July 31, 2026
- by Francis Paolo Torres
SA kulungan ang bagsak ng isang lalaki na armado ng dalawang baril habang pagala-gala sa lansangan nang masakote ng rumespondeng mga pulis sa Malabon City.
Nahaharap sa kasong paglabag Republic Act No. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) ang suspek na si alyas “Boy”, 42, residente ng Brgy., Tonsuya ng lungsod.
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nakatanggap ng report ang mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission hinggil sa isang lalaki na armado umano ng baril habang pagala-gala sa Brgy., Tonsuya.
Kaagad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Police Sub-Station 5 subalit, nang mapansin ng suspek ang kanilang presensya ay agad itong nagtangkang tumakas.
Hinabol siya ng mga pulis hanggang makorner at nakumpiska sa kanya ang isang caliber .45 pistol na kargado ng walong bala at isang revolver na kargado ng anim na bala.
Nang hanapan ng mga pulis ang suspek ng kaukulang mga dokumento hinggil sa ligaledad ng nasabing mga baril ay wala siyang naipakita na dahilan upang posasan siya.
Binigyang-diin ni Gen. Capili na nananatiling matatag ang NPD sa kanilang dedikasyon sa maagap na pagpapatupad ng batas at walang humpay na kampanya laban sa iligal na baril at criminal activities upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng komunidad na kanilang pinaglilingkuran.
(Richard Mesa)