• July 28, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 28th, 2026

Romualdez: Handa akong patunayan ang aking inosente

Posted on: July 28th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IGINIIT ni dating speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez na handa siyang sumunod sa tamang proseso at patunayan na wala siyang nilabag na batas.

Ayon kay Romualdez, bagama’t masakit para sa kanilang pamilya ang naging pahayag ng Pangulo, iginagalang niya ito at nilinaw na hindi siya kailanman humingi ng anumang pabor o espesyal na pagtrato.

“Ang tama ay ang sumunod sa proseso at hayaan ang ebidensya ang magsalita. Naninindigan akong wala akong ginawang anumang labag sa batas at handa akong patunayan ito,” ani Romualdez.

Reaksyon ito ni Romualdez kasunod ng naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) kahapon kaugnay sa paghahain ng kaso laban sa ilang opisyal ng gobyerno kaugnay sa kontrobersiyal na flood control scandal, kung saan nabanggit ang kanyang pinsan na dating speaker ng Kamara.

(VINA de GUZMAN)

2027 national budget, tuloy ang deliberasyon ng Kamara sa kabila ng impeachment trial 

Posted on: July 28th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TULOY ang magiging deliberasyon ng Kamara sa panukalang 2027 national budget sa kabila ng nagaganap na impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte sa senado.

Ang paniniguro ay ginawa ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos kahapon habang naghahanda sa inaasahang isusumiteng National Expenditure Program (NEP).

“Wala naman ‘yung impeachment sa Lower House. We will continue doing our job. So to answer your question, I don’t think it will affect, at least I can only speak on behalf of the Lower House. It will not affect what we have to do and what needs to be done,” pahayag ni Marcos sa isang ambush interview.

Sa ilalim ng taunang proseso ng budget, isusumite ng ehekutibo ang NEP sa kongreso bilang basehan para sa General Appropriations Bill (GAB), kung saan rerebyuhin ito ng House Committee on Appropriations bago magsagawa ng agency-level hearings.

“As you know, the budget is the single most important piece of legislation for both the House and the Senate,” pahayag ni Marcos.

Sinabi pa ng majority leader na inaasahan na isusumite ng Marcos administration ang panukalang badyet ngayong darating na Agosto.

“You are right, now we are expecting the NEP to be turned over sometime next month, hopefully not too late, but hopefully the NEP turnover will be sometime in August. Then we can proceed with the budget briefings,” paliwanang ni Marcos.

(VINA de GUZMAN)

Security ni PBBM, nananatili sa ‘maximum level’ matapos ang pagsabog malapit sa DOJ

Posted on: July 28th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINABI ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro. na mananatiling nasa “maximum level” ang security ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., matapos ang pagsabog malapit sa Department of Justice (DOJ).

Sa isang ambush interview bago pa ang pang-5 State of the Nation Address (SONA), inilarawan ni Castro ang insidente bilang “alarming.”

“Yung operasyon na ‘yan, ibibigay ko na lamang sa security saka sa mga kapulisan at hindi ko puwedeng pangunahan kung anong mga balak nila. Pero siyempre kung ano man ang nangyayari dito, alarming ‘yun,” ayon kay Castro.

“Kung wala namang mga Pilipino manggugulo, sana mas asensado na sana ang Pilipinas,” aniya pa rin.

HIndi pa masabi ni Castro kung mayroong anumang adjustments sa security ng Chief Executive.

Maging anuman, binigyang diin ni Castro na ang security nG Pangulo ay mananatili sa “maximum level.”

“Kahit may pagsabog o walang pagsabog, dapat ang proteksyon sa Pangulo ay to the maximum level. Alam naman natin ‘yan,”diing pahayag pa ni Pagulong Marcos.

At nang tanungin si Castro nakababahala ba ang insidente, tinuran nito na “Hindi kami nagkausap ng Pangulo but definitely, ‘yung mga kapulisan natin dapat mas matindi ang pag-iingat at seguridad.”

Nauna rito, napaulat na may isang homemade bomb ang sumabog malapit sa entrance ng Department of Justice (DOJ), bago naman natagpuan ang isang hinihinalang bomba malapit sa gusali ng Senado.

Ayon sa mga awtoridad, nangyari ang pagsabog pasado alas-12 ng hatinggabi nitong Lunes, July 27.

Wala namang naiulat na nasugatan sa insidente.

Ilang oras matapos ang pagsabog, isang kahina-hinalang bagay na pinaghihinalaang bomba ang nakita sa kalsada malapit sa Senado, bago maganap ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos.

Sa mga larawang lumabas sa media, makikita ang nabasag na windshield ng isang sasakyan at mga kalat na pinaniniwalaang dulot ng pagsabog.

Samantala, ayon sa ulat ng pulisya, dakong alas-8:30 ng umaga nang mapansin ng isang tow truck driver ang hinihinalang bomba sa kalsadang katabi ng Senado. ( DARIS JOSE)

Para walang overpricing: Bawat proyekto at nakalaang pondo, binabantayan ng gobyerno-PBBM

Posted on: July 28th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BANTAY-SARADO ang bawat proyekto at ang nakalaang pondo sa Transparency Portal, Integrity Chain, at katuwang na mga Civil Society Organization.

Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kanyang pang-limang State Of the Nation Address (SONA), araw ng Lunes, Hulyo 27, Para walang overpricing, sinigurado natin na ang mga materyales ay ayon sa presyo sa merkado.

Ayon sa Pangulo, mula nang tumama sa bansa ang epekto ng giyera sa Gitnang Silangan ay agad siyang nagdeklara ng State of National Energy Emergency.

“Iisa ang ating misyon: UPLIFT — ang iahon ang ating nahihirapang mga mamamayan,” ayon sa Pangulo.

“Ang lahat ng mga ahensiya ay inatasang magtipid, at pagtuunang mabuti ang mga programa na mas mahalaga sa pagtugon sa mga epekto ng krisis,” aniya pa rin.

Sinabi pa rin ng Pangulo na ang pera ng taumbayan na muntik mapunta sa bulsa ng mga tiwaling opisyal, ay naisalba na niya.

At sa halip aniya ay nagamit ito sa mabuti, at para sa tunay na kapakanan ng mamamayan.

“Mataas ang tiwala at kumpiyansa natin sa mga lokal na pamahalaan. Ito ay paghahanda na rin para sa mas marami at mas malawak na serbisyo para sa kanilang mga nasasakupan,” aniya pa rin.

 (DARIS JOSE)

Dawit sa flood control projects: PBBM, tuluyan nang nilaglag ang pinsan na si Cong. Romualdez

Posted on: July 28th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TULUYAN nang nilaglag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kanyang pinsan na si dating House Speaker Martin Romualdez.

Sa kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA), araw ng Lunes, Hulyo 27, sa kauna-unahang pagkakataon ay sinabi ng Pangulo na dumating na siya sa punto na ayon sa Ombudsman ay malapit na ang paghain ng patong-patong na kaso laban sa dating Speaker na ang kanyang tinutukoy ay ang kanyang pinsan na si Romualdez.

Si Romualdez ay sinasabing di umano’y nakinabang sa umano’y katiwalian sa paggamit ng pondong inilaan sa mga flood control projects.

“Masakit man sa akin ito ngunit kailangan nating gawin ang tama,” aniya pa rin.

“Hindi ako Pangulo ng aking pamilya. Hindi ako Pangulo ng aking kaibigan. Ako ay Pangulo ng Pilipinas at ang tungkulin ko ay sa inyo: ang aking mga kapwa Pilipino” pagtiyak nito.

Nauna rito, sinabi ng Pangulo na isang taon na ang nakalipas mula noong ilantad niya ang katiwalian na nadiskubre na mga flood control projects.

At gaya aniya ng kanyang ipinangako ay nagsagawa siya ng ma malawakan at malalimang imbestigasyon, na walang pagkiling kahit kaninoman.

Masusi aniya niyang sinuri at sinundan kung saan itinuturo ang ebidensya. 

“Lahat ng kailangang gawin ay ginawa natin upang matunton ang puno’t dulo,” ayon kay Pangulong Marcos sa kanyang Ulat sa Bayan.

Sinabi pa ng Pangulo, kaakibat ng mga naisampang mga kaso, tiniyak ng pamahalaan na mababawi mula sa mga nagsabwatan ang nakuha nilang pera ng taumbayan.

Gayundin, pinigilan aniya niya ang paglabas ng pera ng bayan na ipambabayad pa dapat sa mga depektibo, peke, o guni-guning mga proyekto, at mapupunta lamang sa mga bulsa ng mga tiwaling kontraktor at opisyal.

“Halos dalawampu’t limang bilyong piso ang halaga ng nabawi, “frozen,” at napreserbang mga pera at ari- arian ng mga akusado. Ang mahigit walong daang milyong piso dito ay agad nating naibalik sa Treasury.

Lahat ng mababawi mula sa mga sangkot na tiwali ay agad ibabalik sa kaban ng bayan,” aniya pa rin.

“Ipinapaubaya na natin ang pag-uusig sa Ombudsman at sa ating mga pinalakas na National Prosecution Service.

Nananalig din tayo sa makatarungang hatol ng hukuman. Makakaasa kayo na ang gulong ng hustisya ay tumatakbo,” anito.  

(DARIS JOSE)

Ads July 28, 2026

Posted on: July 28th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PBBM, binati ang INC sa pagdiriwang ng kanilang ika-112 anibersaryo

Posted on: July 28th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BINATI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Iglesia ni Cristo (INC) sa pagdiriwang ng ika-112 anibersaryo nito.

Kinilala niya ang mahigit isang siglo ng pagtataguyod ng pananampalataya, disiplina, at paglilingkod sa komunidad.

Sa kanyang mensahe, tiniyak ng Pangulo na “Ang pamahalaan ay kaisa ng mga organisasyong nagpapatatag sa pamilya, nagtataguyod ng kapayapaan, at nagpapalawak ng malasakit sa buong bansa.”

“Ipinapaabot ko ang aking taos-pusong pagbati sa Iglesia ni Cristo sa pagdiriwang ng ika-112 anibersaryo nito. Sa loob nang mahigit isang siglo, nagsilbing gabay ang INC sa isang komunidad na nakabatay sa pananampalataya, disiplina, at sama-samang pananagutan,” pahayag ng Pangulo.

“Mula sa simpleng simula, lumago ang INC bilang isang relihiyosong institusyon na umabot sa mga komunidad sa iba’t ibang panig ng mundo. Ipinapaalala ng inyong patuloy na paglilingkod na ang buhay na nakabatay sa debosyon at integridad ay nagpapatibay sa moral na pundasyon ng lipunan,”, diin ng Pangulo.

“Nawa’y muling pagtibayin ng anibersaryong ito ang banal na misyon na nagpapatatag sa inyong Simbahan sa paglipas ng mga henerasyon. Habang kayo ay nagtitipon upang magpasalamat, nawa’y lalo pang tumibay ang inyong paninindigan na isabuhay ang inyong pananampalataya sa pamamagitan ng pagtulong sa nangangailangan, pagdamay sa napapagod, at pagtataguyod ng pagkakaisa saan man kayo naglilingkod,” diin ng Punong Ehekutibo.

Hinikayat din ng Pangulo ang mga miyembro ng INC na patuloy na makiisa sa pagbubuo ng Bagong Pilipinas.

“Sa ganitong diwa, hinihikayat ko ang bawat miyembro ng INC na manatiling matatag na katuwang sa pagbuo ng bansa, kung saan ang pananampalataya ay ipinapakita sa pamamagitan ng paglilingkod at ang pagiging mabuting mamamayan ay naipapakita sa tunay na malasakit sa kapwa,” ayon sa Pangulo.

Bilang pagtatapos, sinabi ng Pangulo, “May this celebration also inspire renewed reflection on your calling as we continue building the pillars of our Bagong Pilipinas. Mabuhay ang INC!”

“Nawa’y magsilbi rin ang pagdiriwang na ito bilang inspirasyon upang pag-isipang muli ang inyong misyon habang patuloy nating itinatayo ang matibay na pundasyon ng Bagong Pilipinas. Mabuhay ang INC!,” ang winika ng Pangulo. 

LTFRB, PINAG-AARALAN NA PALAWIGIN AT DAGDAGAN ANG FUEL DISCOUNT DULOT NG SITWASYON SA MIDDLE EAST

Posted on: July 28th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINAG-AARALAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ang mga posibleng hakbang upang mabawasan ang epekto ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng sitwasyon sa Middle East.

Bukod sa pagrerepaso at muling pagkalkula ng nararapat na fare adjustment batay sa mga nakabinbing petisyon, sinabi ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II na pinag-uusapan din ang pagpapanatili, pagpapalawak, at posibleng pagtaas ng kasalukuyang fuel discount bilang alternatibong tulong sa sektor ng pampublikong transportasyon.

“Isinasaalang-alang namin ang lahat ng salik sa pagrerepaso at muling pagkalkula ng pamasahe, lalo na’t nananatiling hindi tiyak at pabago-bago ang sitwasyon sa Middle East,” ani Chairman Vigor.

Kabilang sa mga panukalang pinag-aaralan ang pagpapalawak at pagtaas ng umiiral na ₱10 kada litrong fuel discount upang makatulong sa pag-ibsan ng dagdag na gastusin sa operasyon ng mga PUV. Sa kasalukuyan, saklaw nito ang mga pampasaherong jeepney at UV Express.

Mahigit 87,000 PUV na ang nakinabang sa naturang fuel discount, habang mahigit 143,000 PUV na ang nakatala sa sistema batay sa pinakahuling datos.

“Pinag-aaralan namin ang panukalang ito bilang isa sa mga opsyon habang nagpapatuloy ang mga talakayan at pampublikong konsultasyon sa mga stakeholder sa iba’t ibang panig ng bansa,” dagdag ni Chairman Vigor.

Ayon kay Chairman Vigor, bagama’t may mga nagsusulong ng pagpapalawak ng fuel discount upang maiwasan ang dagdag na pasanin sa mga commuter at mabawasan ang epekto ng anumang taas-pasahe sa inflation, mangangailangan naman ito ng malaking pondo mula sa pamahalaan.

“Sa gitna ng kawalang-katiyakan sa sitwasyon sa Middle East, ang pagpapalawak at pagtaas ng fuel discount ay isa sa mga pinakamakatwiran at praktikal na hakbang na isinasama sa aming mga pagtalakay,” ani Chairman Vigor.

Nauna nang tiniyak ng LTFRB na bibilisan nito ang pagtalakay sa mga nakabinbing petisyon sa taas-pasahe alinsunod sa direktiba ni Secretary Banoy, isang pangakong muling iginiit ni Chairman Vigor sa kanyang pakikipagpulong sa iba’t ibang transport groups. (PAUL JOHN REYES)

2 durugista, laglag sa P210K tobats sa Caloocan

Posted on: July 28th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NASAMSAM sa dalawang durugista kabilang ang isang High-Value Individual (HVI) ang mahigit P.2 milyong halaga ng shabu kasunod ng pagkakaaresto sa kanila isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, sinabi ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth na ang mga suspek ay 36-anyos na driver, (HVI) ng Brgy., 185 at 30-anyos na mekaniko, (SLI) ng Brgy., 186.

Ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan Police sa pangunguna ni P/Lt. Restie Mables ang buy bust operation laban sa HVI suspect, sa koordinasyon sa PDEA.

Matapos umanong tanggapin ng suspek ang marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba, kasama ang mekanino na umano’y kanyang parokyano sa Barangay 185.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 30.9 grams ng suspected shabu na may standard drug price na ₱210,120.00, at buy-bust money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)