• October 3, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 16th, 2026

PBBM, nais matiyak na may sapat at balanseng suporta sa mga maaapektuhan ng bagong tensyon sa Middle East- Malakanyang

Posted on: July 16th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAIS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na matiyak na walang Pilipinong maiiwan at hindi mabibigyan ng suporta ang mga sektor na maaapektuhan ng panibagong tensyon sa Middle East, ayon sa Malakanyang.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na pinag-aaralan na ng pamahalaan ang mga posibleng hakbang upang matulungan ang mga apektadong sektor, kabilang ang transportasyon, habang pinananatiling balanse ang epekto nito sa buong ekonomiya.

“Sa ngayon ay nakausap natin mismo si Secretary Banoy (Giovanne Lopez), at siya naman ay inaatasan na pag-aralan ang sitwasyon at kailangan na balansehin ang mga pangyayari dahil kapag tumaas ang presyo ng pamasahe, definitely ay tataas din ang mga presyo ng ibang mga produkto,” ani Castro.

“Ang nais ng Pangulo ay walang maiwan, kailangan matulungan ang lahat sa tamang pamamaraan at sa balanseng pamamaraan. So, inaaral ito ngayon according to Secretary Banoy Lopez,” dagdag ni Castro.

Tinanong din si Castro kung bukas ang Pangulo sa posibilidad ng dagdag-pasahe matapos humiling ang ilang transport group ng fare adjustment dahil sa panibagong pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

“Isinabay din natin ang tanong na ganiyan dahil nga nakikita natin sa news. At muli, binanggit din ni Secretary Banoy Lopez na kasabay ito sa pag-aaralan sa ngayon para tama ang ating pagbibigay ng ayuda sa ating mga kababayan sa transport sector para hindi sila maiwan.Pero tuloy pa rin ang pagtulong din natin sa mga kababayan natin na mga consumers,” ani Castro.

Samantala, wala pang ibinigay na bagong detalye ang Malacañang kaugnay ng pagpupulong ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Committee, kabilang ang usapin sa posibleng pagsuspinde o pagtanggal ng excise tax sa diesel at gasolina. 

(DARIS JOSE)

Bagkus may kinalaman na sa national security…Kaso ni VP Sara, hindi isang ordinaryong grave threats- Malakanyang

Posted on: July 16th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINABI ng Malakanyang na ang alegasyon laban kay Vice President Sara Duterte ay hindi lamang ordinaryong grave threats case.

Iginiit ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang usapin ay may kinalaman na sa national security dahil ang di umano’y puntirya rito ay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Sa katunayan, binasura ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang argumento ng depensa 

na ang kontrobersiyal na pahayag ni VP Sara sa kanyang November 2024 livestream ay tugon lang sa mga tanong at hindi pagbabanta.

“Kung ito ay hindi threats, ano pa ba ang maaari nating i-define sa salitang threats? So, ang ganitong klase na pagresponde ay normal at dapat na i-justify at i-tolerate?” ayon kay Castro.

Sinabi pa ni Castro na ang reklamo ay hindi dapat itrato bilang isang ordinary grave threats case dahil hindi simpleng tao ang pinag-uusapan dito.

“Hindi ito simpleng grave threats na maaaring isampa diyan sa korte. Hindi involved dito ang simpleng tao. Ang pinag-uusapan po natin dito ay Pangulo. Ito ay isyu about national security,” anito.

Pinalagan din ni Castro ang argumento ng depensa na ang naging pahayag ni VP Sara ay hindi naman nakadirekta kina Pangulong Marcos, kay Unang Ginang Lisa at dating House Speaker dahil hindi naman present ang mga ito habang isinasagawa ang livestream.

“Hindi ito lihim, lahat ng tao halos nakapanood, hindi lang sa Pilipinas kung hindi sa buong mundo,” ang pahayag ni Castro.

Sa ilalim aniya ng batas ukol sa grave threats, “the offense is consummated once the threatened party becomes aware of the threat.”

“Ang grave threats, alam ng bawat Pilipino ay nako-consummate kapag iyong taong binanatan ay nalaman ito… Hindi ito simpleng grave threats. Ito ay mayroong kaugnayan sa national security ng ating bansa,” anito.

Bukod dito, hindi naman aniya itinanggi ng kampo ni VP Sara ang naging pahayag nito, subalit binibigyang katuwiran lamang ang kanyang mga sinabi.

Winika ni Castro, pasan ngayon ng depensa ang patunayan ang pagbibigay-katwiran sa mga naging pahayag ni VP Sara kabilang na ang pahayag nito ay nag-ugat mula sa pagtrato ni dating undersecretary Zuleika Lopez ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

“Ang burden of evidence ay nagsi-shift sa tao na umamin na siya ay magpapapatay,” ayon kay Castro.

Idinagdag pa ni Castro na hindi naipresenta ng prosekusyon ang karagdagang ebidensiya dahil, inamin naman na ni VP na sinabi niya ang mga pahayag na ito.

“Dapat sila ang magpatunay ng justifiable reasons nila kung bakit nila ito ginawa at sinabi,” ang tinuran ni Castro. (DARIS JOSE)

Pang-hapong klase sa Malabon NHS, sinuspinde dahil sa natanggap na pagbabanta

Posted on: July 16th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IPINAG-UTOS ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon ang pagsuspinde sa pang-hapong klase sa Malabon National High School, kasunod ng natanggap na pagbabanta sa pamamagitan ng social media hinggil sa umano’y magaganap na pagpatay sa mga estudyante sa naturang paaralan.

Sa kalatas na inilabas mula sa tanggapan ni Mayor Jeannie Sandoval, pinayagan na nilang umuwi ang mga mag-aaral sa naturang paaralan, bilang pag-iingat upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.

Pasado alas-8;45 ng umaga nang i-post sa FB page ng isang nagpakilalang Bela Asx ang umano’y magaganap na pagpatay sa mga estudyate mula Grade 7 hanggang Grade 12 na magsisimula ng alas-2:30 ng hapon sa pamamagitan ng pamamaril at wala silang pake kung mahuli man sila.

Kaagad nakipag-ugnayan ang pamahalaang lungsod kay Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission at kay Northern Police District (NPD) Director Benliner Capili na rumesponde naman agad sa loob at paligid ng paaralan upang tiyakin ang seguridad habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon kaugnay sa kumalat na pagbabanta.

Nanawagan naman ang lokal na pamahalaan sa publiko na manatiling kalmado, umiwas sa pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon, at umasa lamang sa mga opisyal na anunsyo.

Tinitiyak din ng mga awtoridad na ang sinumang mapatutunayang responsable ay pananagutin at sasailalim sa buong saklaw ng umiiral na batas.

“Ang kaligtasan ng ating mga mag-aaral ay nananatiling pangunahing prayoridad,” pahayag ng tanggapan ng alkalde. 

(Richard Mesa)

JOSEPH SY, IBABALIK NA SA BI DETENTION FACILITY

Posted on: July 16th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAIBABALIK na sa detention facility ng ahensya si Joseph Sy sa loob ng linggong ito matapos ideklara ng kanyang mga attending physician na maaari na siyang ma-discharge mula sa ospital.

Nasa kustodiya ng BI si Sy kaugnay ng deportation proceedings na isinagawa ng Bureau matapos ang imbestigasyon sa umano’y pagkuha nito ng mga dokumento para sa pagkama-mamayang Pilipino.

Patuloy na dinidinig sa hukuman ang kaso kasunod ng naging desisyon ng Court of Appeals, na kasalukuyang nire-review ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga legal na remedyo na pinapahintulutan ng batas.

Ayon kay BI Commissioner Joel Viado, pinayagan lamang ang pananatili ni Sy sa ospital dahil sa konsiderasyon at sa pangangailangang medikal habang siya ay nasa kustodiya ng pamahalaan.

“Ang pansamantalang pananatili ni G. Sy sa ospital ay pinahintulutan dahil sa medikal na pangangailangan. Ngayong pinatunayan na ng kanyang mga attending physician na maaari na siyang ma-discharge, wala na ang medikal na batayan para sa kanyang patuloy na pananatili sa ospital,” ani Viado.

Binigyang-diin ng Commissioner na nananatili si Sy sa legal na kustodiya ng Bureau habang hinihintay ang pinal na resolusyon ng kanyang kaso.

“Ang planong pagbabalik kay G. Sy sa detention facility ng BI ay isang hakbang na administratibo at kaugnay ng kustodiya, at hindi dapat ipakahulugan na may epekto ito sa patuloy na pagdinig ng kaso sa hukuman,” dagdag ni Viado.

Sinabi rin niya na iginagalang ng Bureau ang proseso ng hudikatura at patuloy nitong pinag-aaralan at isinusulong ang mga naaangkop na legal na hakbang na pinahihintulutan ng batas.

“Hangga’t hindi pa tuluyang nareresolba ang kaso, patuloy na gagampanan ng Bureau ang mandato nito alinsunod sa umiiral na mga batas at itinatag na mga legal na proseso,” aniya.

Tiniyak din ni Viado na nananatiling prayoridad ng Bureau ang kapakanan ng lahat ng mga taong nasa kustodiya nito.

“Kung mangailangan si G. Sy ng karagdagang medikal na atensyon anumang oras, titiyakin ng Bureau na maibibigay sa kanya ang angkop na pangangalagang medikal alinsunod sa makataong pamantayan at umiiral na mga regulasyon,” aniya.

Muling iginiit ng Bureau of Immigration ang pangako nitong itaguyod ang rule of law, igalang ang due process, at tapat na gampanan ang mandato nito habang hinihintay ang pinal na resolusyon ng kaso. (Gene Adsuara)

“No disconnection policy” na pinalalawig ng Energy Regulatory Commission’s (ERC) ay temporary measure lamang

Posted on: July 16th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ANG sinasabing “no disconnection policy” na pinalalawig ng Energy Regulatory Commission’s (ERC) ay temporary measure lamang at hindi tugon sa walang habas na pagtaas ng singil ng kuryente, ayon kay Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago nitong Miyerkules.

“Band-aid solution lang ang pagpapalawig ng no disconnection policy. Na-de-delay lang ang problema pero hindi ito nalulutas. Sa huli, kailangan pa ring bayaran ng mga konsumer ang mga sobra-sobrang singil na ipinapataw sa kanila,” sinabi ni Elago. 

Ginawa ni Elago ang pahayag matapos mapaulat ng kinokonsidera ng ERC ang pagpapalawig ng ‘no disconnection policy’ lampas ng July 31 sa gitna ng mga reklamo hinggil sa sobrang taas ng singil sa kuryente.

“Hindi naman nabubura ang utang. Naiipon lang ito habang patuloy na tumataas ang singil sa kuryente. Maraming pamilya na ang hirap pagkasyahin ang kanilang kita para sa pagkain, upa, at iba pang pangunahing pangangailangan. Hindi makatarungang ipagpaliban lang ang pasanin sa halip na bawasan o tanggalin ito,” dagdag ng kongresista.

Nitong July 13, naghain ang Gabriela Women’s Party ng House Resolution 1189 na pinaiimbestigahan ang mga ulat na overbilling, incorrect meter readings at mataas na singil ng kuryente ng Manila Electric Company (Meralco) at tila pinababayaan ng ERC na protektahan ang mga consumers nito.

Nanawagan si Elago sa ERC na gamitin ang kanilang kapangyarihan at atasan ang Meralco na tugunan ang mga reklamo ng mga customers nito.

“Ang tunay na proteksyon sa mga konsyumer ay hindi ang pagpapalawig ng ‘no disconnection policy.’ Ang mahalagang hakbang tungo sa tunay na pagresolba ng problema ay ang pagpigil sa labis na singil at pagtiyak na hindi pinapasan ng taumbayan ang tubo ng malalaking pribadong kumpanya. Dapat mas paigtingin ng gobyerno ang regulasyon sa power sector at tiyaking napapanagot ang mga pribadong power utility. Ang kuryente ay batayang serbisyo at hindi negosyo,” sinabi ni Elago. ( Vina de Guzman)

Paglalatag ng digital infrastructure sa buong bansa para makapaghatid ng mga serbisyong kapaki-pakinabang, hangarin ni PBBM

Posted on: July 16th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HANGARIN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglalatag ng digital infrastructure sa buong bansa para makapaghatid ng mga serbisyong kapaki-pakinabang at mas maginhawang buhay para sa bawat Pilipino.

Ito ang mensahe ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III nang pinasinayaan niya ang paglulunsad ng GovNet Ilagan sa Ilagan, Isabela nitong Martes.

Binigyan diin ni Dy ang kahalagahan ng digital transformation na tulad ng GovNet initiatives ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na mas mabilis na paraan para maserbisyuhan ang publiko.

“Ang paglulunsad ng GovNet Ilagan ay hindi lamang po tungkol sa pagkakaroon ng internet o fiber optic cables. Ito po ay daan tungo sa mas mahusay na pamamahala—dahil kapag konektado ang ating mga ahensya, mas mabilis ang koordinasyon, mas epektibo ang serbisyo, at mas gumagaan ang buhay ng ating mga kababayan. Ito po ang tunay na layunin ng digital transformation,” sinabi ni Dy.

Ayon kay Dy, ang mga inisyatibo tulad ng GovNet ay pundasyon para sa isang tunay na Digital Pilipinas. 

“We are laying the groundwork for a digitally empowered nation,” sabi ni Dy.

Idinagdag ni Dy ang papel ng ginagampanan ng House of Representatives na suportahan ang digital transformation ng bansa sa pamamagitan ng pagbabalangkas ng mga batas tulad ng eBayad Bill, isa sa priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC). 

“Our goal is to help build the foundations of a truly modern government—one where Bagong Pilipinas evolves into a Digital Pilipinas, where government services are faster, more transparent, and more accessible to every Filipino,” sabi ni Dy. 

“Sapagkat ang digital transformation ay hindi lamang nagdadala ng innovation. Ito rin po ay mahalagang instrumento para sa accountability, responsibility, at public trust,” dagdag ng kongresista. 

(Vina de Guzman)

LTFRB, MAS PINADALI AT INALIS ANG ABALA SA TRANSAKSYON SA FRANCHISE RENEWAL SA MGA TNVS SA ILALIM NG ATOC

Posted on: July 16th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

LALO pang pinasimple ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng paggabay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Z. Lopez, ang proseso ng pag-renew ng prangkisa para sa mga sasakyang ginagamit sa ride-hailing services.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, bahagi ito ng pagpapatupad ng Memorandum Circular No. 2026-049, na nagpapalawig sa limang taon ng bisa ng Certificate of Public Convenience (CPC) ng mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) sa pamamagitan ng Authority to Operate Certificate (ATOC).

“Patuloy nating isinasakatuparan ang utos ni Pangulong Marcos na humanap ng mga paraan upang mapadali ang mga transaksyon para sa ating mga kliyente, partikular ang mga operator at drayber ng mga pampublikong sasakyan. Kaugnay nito, nais naming ipabatid sa sektor ng TNVS na hindi na nila kailangang magsumite ng aplikasyon para sa renewal o motion for conversion sa ilalim ng ATOC,” ani Chairman Vigor.

Sa advisory na inilabas noong Hulyo 14, sinabi ng LTFRB na ang lahat ng CPC ng mga TNVS na nananatiling valid at umiiral sa oras ng pag-effect ng Circular ay ituturing na awtomatikong na-convert bilang ATOC, nang hindi na kinakailangang magsumite ng aplikasyon para sa renewal o motion for conversion.

Ayon pa kay Chairman Vigor, saklaw din nito ang mga CPC ng mga awtorisadong yunit na gumagamit ng non-internal combustion engine (non-ICE) na teknolohiya.

“Nais naming ipabatid sa mga operator na ang kanilang CPC na kabilang sa nasabing klasipikasyon at malapit nang mag-expire ay hindi na kinakailangang i-renew, sapagkat ito ay awtomatikong na-convert bilang ATOC alinsunod sa Section 14(a),” nakasaad sa advisory.

Ipinaliwanag din ni Chairman Vigor na kung nais ng isang operator na makakuha ng pormal na kopya ng na-convert na ATOC, maaari siyang magsumite ng Manifestation sa Legal Division ng Board o sa Legal Section ng Regional Franchising and Regulatory Office (RFRO) na may hurisdiksyon sa kanilang lugar. Wala ring filing fee para rito.

Nilinaw din ng LTFRB na hindi saklaw ng awtomatikong conversion ang mga CPC na nag-expire na at may nakabinbing aplikasyon para sa renewal, o yaong nakansela, nabawi, nasuspinde, o hindi na valid bago magkabisa ang Memorandum Circular No. 2026-049. (PAUL JOHN REYES)

SWS: Satisfaction ni Pangulong Marcos nakabawi

Posted on: July 16th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAKABAWI ang public satisfaction rating ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa ikalawang bahagi ng 2026, mula sa record-low score noong Marso.

Sa resulta ng isang non-commissioned survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) mula Hunyo 20-29, lumilitaw na nasa 38% ng mga adult Filipinos ang ‘satisfied’ o kuntento sa performance ng Pangulo, habang 45% ang ‘dissatisfied’ o hindi kuntento habang 17% ‘undecided.’

Nangangahulugan ito ng net satisfaction rating na -7, o paghusay mula sa dating -15 noong Marso 2026, na pinakamababang rating na kanyang natanggap simula nang manungkulan sa puwesto noong Hunyo 2022.

Ang pinakahuling grado ng Pangulo ay nagpapakita ng eight-point increase mula 33% hanggang 38% at pagbaba ng dissatisfaction mula 49% hanggang 45%.

Sa kabila nito, ipinunto ng SWS na nananatili pa ring nasa negatibo ang rating ni Pang. Marcos, na nagpapakita na mas marami pa rin ang mga respondents na hindi kuntento sa kanyang performance.

Ads July 16, 2026

Posted on: July 16th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments