• July 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kampo ni Eman Pacquiao, naghain ng reklamo sa Games and Amusement Board

NAGHAIN ng reklamo sa Games and Amusement Board (GAB) ang kampo ng boksingerong si Eman Bacosa Pacquiao laban sa kaniyang huling nakatunggali at sa referee na nangasiwa sa kanilang laban.

Dahil umano ito sa paulit-ulit at sinadyang “rabbit punches” o mga suntok sa likod ng ulo ni Eman na ipinagbabawal sa boksing.

Magugunitang si Rodelyn Perez ang huling nakaharap ni Eman noong Hunyo 21 para sa PBF Youth lightweight title na pinangunahan ng referee na si Jerold Tomeldan.

Nagwagi si Perez sa pamamagitan ng majority decision.

Ayon kay Joanna Rose Bacosa Dino, ina at manager ni Pacquiao, hindi umano aksidente ang naturang mga suntok.

“Normal sa nagkakainitan na fighters yung magkasakitan o sabihin na po natin na ma-rabbit punch, pero yung hindi po intentional. Yung ginawa kay Eman intentional kasi paulit-ulit po,” ani Dino.

Dagdag pa niya, mas mahalaga ang kalagayan ng kalusugan ng kaniyang anak kaysa sa naging resulta ng laban.

“Hindi na po ito usapin ng talo kami o panalo kami ang pinaka-concern ko po dito ay yung health ni Eman,” dagdag niya.