HINDI papayag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na mawala sa PIlipinas ang kontrol sa Bajo de Masinloc sa gitna ng mga alalahanin ukol sa pagpapadala ng Tsina ng floating structures sa pinagtatalunang bahura.
“Hindi po hahayaan ng Pangulo na mangyari po iyan,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro nang hingan ng komento ukol sa pangamba ng publiko sa posibilidad na mabura o mawala sa Pilipinas ang kontrol sa Bajo de Masinloc o mas kilala rin bilang Scarborough Shoal,
“Alam po natin ano ang totoong stance ng Pangulo pagdating sa interes ng mga Pilipino at interes natin dito sa ating West Philippine Sea,” aniya pa rin.
Aniya pa, batid naman ng Pangulo ang mga nangyayari, at nananatili aniyang malinaw ang paninindigan ng Pangulo na unahin ang paggamit ng diplomatiko at legal na hakbang sa pagharap sa ganitong klaseng sitwasyon.
Sinabi pa rin ni Castro na nakapaghain na ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng diplomatic protest laban sa floating movable platforms na ipinadala ng Tsina sa Bajo de Masinloc.
“So, tuloy pa rin po ang ating paninindigan kung ano ang ating karapatan at ano ang dapat nating ipaglaban,” ang winika nito.
Nauna rito, naghain ng Pilipinas ng diplomatic protest laban sa China dahil sa nakitang floating platform sa Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea.
Ayon sa Deparment of Foreign Affairs (DFA), na kanilang ginawa lamang ang nararapat sa pamamagitan ng paghahain ng diplomatic protest.
Hindi na ibinahagi pa ng DFA ang ilang mga detalye sa pagiging confidential ng mga ito.
Sinabi naman ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for WPS Rear Admiral Jay Tarriela, na ang mga floating platform ay unang nadiskubre sa pamamagitan ng satellite imagery and maritime domain awareness operations na kanilang isinagawa noong Mayo.
Dagdag pa nito na mayroong nasa 30 square meters ang deck area at tinatayang mayroong laki ito ng lima hanggang pitong metro ang haba ng mga ito.
Nakita umano ang ilang mga Chinese sa platform noong Mayo 30.
Noong Mayo 31 din ang nasabing platform ay mas lumalim pa sa Bajo de Masinloc na ito ay tinutulungan umano ng barko ng China.
(Daris Jose)