• July 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kagawaran para sa mga katutubo, isinusulong ng mambabatas

ISINUSULONG ng isang mambabatas ang paglikha ng isang bagong departamento ng gobyerno na eksklusibong tututok sa kapakanan, karapatan, at pag-unlad ng mga Indigenous Peoples sa bansa.

Sa ilalim ng House Bill No. 9808 o ang panukalang “Department of Indigenous Cultural Communities and Indigenous Peoples Act,” layunin ni Nueva Vizcaya Rep. Timothy Joseph “Tim” Cayton na gawing isang ganap na departamento ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) upang magkaroon ng mas malakas na kapangyarihan, mas malaking pondo, at direktang representasyon sa pambansang pamahalaan.

Nakapaloob sa panukala na sa kabila ng halos tatlong dekada mula nang maisabatas ang Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA), marami pa ring hamon ang kinakaharap ng mga katutubo kabilang ang mabagal na pagproseso ng mga usapin sa lupang ninuno, kakulangan sa serbisyo, at limitadong representasyon sa paggawa ng mga polisiya.

Sa ilalim ng kagawarang ito, magkakaroon ng mas maayos na koordinasyon ng mga programa para sa mga IP, mas matibay na proteksyon sa kanilang mga karapatan, at mas mabilis na pagresolba sa mga usaping may kaugnayan sa kanilang mga komunidad at ancestral domains.

Kasama rin sa panukala ang pagpapalakas ng proseso ng Free and Prior Informed Consent (FPIC), pagtatatag ng Indigenous Peoples’ Adjudication Board para sa mga sigalot na may kinalaman sa mga karapatan ng mga IP, at paglikha ng Indigenous Peoples’ Community Development Trust Fund upang suportahan ang mga proyekto at pangangailangan ng mga komunidad.

“Hindi lamang pagkilala sa kanilang karapatan ang kailangan. Dapat mayroon silang direktang kinatawan sa pinakamataas na antas ng gobyerno upang matiyak na naririnig at napapangalagaan ang kanilang mga interes,” ayon sa mambabatas.

Para kay Cayton, ang panukala ay isang hakbang tungo sa mas inklusibo, makatarungan, at makataong pamahalaan na tunay na kumikilala sa mahalagang papel ng mga katutubo sa kasaysayan, kultura, at kinabukasan ng bansa. (Vina de Guzman)