• September 1, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June 26th, 2026

Suporta sa Bayan Desk (SBD), higit 3,592 requests at nakapagpalabas ng P171,498,700 tulong ang Kamara

Posted on: June 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SA loob lamang ng 50 araw matapos buksan ang pinto sa mga nangangailangang Pinoy, ang Suporta sa Bayan Desk (SBD), naaprubahan ng Kamara ang 3,592 requests at pagpapalabas ng P171,498,700 tulong.

Base sa SBD accomplishment report mula Marso 18 hanggang Hunyo 22, 2026, naipropseso ng SBD ang nasa total na 3,738 requests – 3,103 na walk-in constituents at 635 endorsed ng mga mambabatas na may 3,592 o 96% approval.

Sa naturang mga panahon, nakapagsilbi ang SBD ng average na 72 kliyente kada araw, na may naaprubahang pondo na nasa P175,814,200, kung saan nasa P171,498,700 ang nai-release sa mga recipients.

Sinabi ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na “every single one of those 3,592 approvals is a Filipino family that didn’t have to go home empty-handed, patients who can now afford their medicines, their dialysis, their operation. Kapag may lumalapit sa gobyerno na nangangailangan ng tulong, hindi dapat sila pinapahirapan. Ang gusto natin ay mas mabilis, mas maayos, at mas makataong serbisyo. Ito ang layunin ng Suporta sa Bayan Desk.”

“When we established the Suporta sa Bayan Desk, we said this House would be a House of the People — ‘Alagang Kongreso’ — and in 50 days, PHP 171 million in real help was delivered to many of our kababayan who are in need. That is what public service looks like,” dagdag nito.

Inilunsad nitong Marso 17, 2026 at sinimulan ang operasyon ng Marso 18 sa ilalim ng liderato nina Speaker Dy at Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos, ang SBD ay nagsisilbing one-stop facilitation center.

Tinutulungan nito ang mga aplikante na makumpleto ang mga documentary requirements bago mai-endorso ang kanilang requests sa mga partner agencies tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH).

Pinapurihan naman ni Majority Leader Marcos ang 96% approval rate nito na isang patunay na maaaring magsilbing frontline partner ang kamara sa social services.

“A 96-percent approval rate is not just a statistic — it is a guarantee that when someone who needs help enters the doors of SBD, they leave with a fighting chance. The achievement of SBD in its first 50 days of operation underscores the solid commitment of the House of Representatives to making government aid faster, more compassionate, and more accessible to our people,” dagdag nito.

Sa unang buwan ng operasyon nitong Marso, nakapagsilbi ang SBD sa may 507 kliyente; 1,138 noong April; 1,008 noong Mayo; at 939 sa unang 22 araw ng Hunyo.

Malaking bahagi ng approved requests na nasa 2,376 ay naproseso sa pamamagitan ng Department of Health (DOH), habang ang natitirang 1,216 ay nailapit naman sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). (Vina de Guzman)

Mga kaso ng karahasan sa paaralan, isolated incidents – DepEd

Posted on: June 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IGINIIT ng Department of Education (DepEd) na nananatiling mga isolated cases ang pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City at iba pang kamakailang insidente ng karahasan sa mga paaralan.

Ayon kay DepEd Undersecretary Malcolm Garma, hindi minamaliit ng ahensya ang mga pangyayari, ngunit wala pang indikasyon na laganap o malawakan ang ganitong uri ng karahasan sa mga eskwelahan.

Gayunpaman, kinilala niya ang pangangailangang mas higpitan ang pagpapatupad ng mga school safety measures at palakasin ang koordinasyon sa mga magulang at komunidad.

Matapos ang Tacloban shooting na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng dalawampu pa, sinabi ng DepEd na nire-review na nito ang pagpapatupad ng mga polisiya sa seguridad sa paaralan.

Kabilang sa mga hakbang ang paggamit ng CCTV cameras, paglalagay ng security guards, random bag inspections, at metal detectors sa mga paaralan.

Binanggit din ng DepEd na mayroon nang umiiral na guidelines sa school safety sa ilalim ng DepEd Order No. 6, Series of 2026, ngunit ang hamon ngayon ay kung gaano ito kahigpit na naipatutupad sa bawat paaralan.

Samantala, nagpapatuloy ang pagbibigay ng psychosocial support sa mga biktima, guro, at mag-aaral na naapektuhan ng insidente sa Tacloban. (DARIS JOSE)

Mary Grace Piattos bilang testigo sa impeachment trial: Strategy nila ‘yan- Malakanyang

Posted on: June 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINABI ng Malakanyang na ‘strategy’ ng prosecution team ng Kamara de Representantes kung itutuloy nito na ipresenta ang isang “Mary Grace Piattos” bilang testigo sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito’y sa kabila ng sinabi ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa imbestigasyon ng Kamara na wala silang mga rekord ng kapanganakan, kamatayan o anumang iba pang pagkakakilanlan ng taong nagngangalang “Mary Grace Piattos.”

“Strategy po nila ‘yun. Strategy nila. Pero kung ayon sa PSA ay walang Mary Grace Piattos, so baka mahirapan silang makita kung sino ‘yung Mary Grace Piattos,” ang sinabi ni Castro.

Unang naging prominente ang pangalang Mary Grace Piattos sa pagsisiyasat ng House Committee on Good Government and Public Accountability noong 2024 tungkol sa paggamit ng pondo ng Office of the Vice President at ng Department of Education. Batay sa ipinakitang mga acknowledgement receipt sa paggamit ng confidential fund disbursements isa siya sa mga nakatanggap ng confidential funds mula sa mga opisina ng bise presidente.

Ayon sa pre-trial brief, haharap si Piattos bilang testigo para sa Article 1 ng reklamo na nag-aakusa kay Duterte ng paglabag sa Konstitusyon, graft and corruption, at pagtataksil sa tiwala ng publiko dahil sa maling paggamit umano ng P612.5 milyong halaga ng confidential funds.

Noong Pebrero, sinabi ng kampo ni VP Sara na handa silang ipaliwanag ang paggamit ng mga alyas para sa mga confidential funds, tulad ng “Mary Grace Piattos.”

Samantala, sina Xiaomi Ocho, Kokoy Villamin, Milky Secuya at iba pa, ang iba pang mga pangalan ding lumabas sa acknowledgement receipts. ( DARIS JOSE)

Malalaking pelikula at bituin, nominado sa ‘The 9th Eddys’…ANGELICA, BARBIE, KRYSTEL, JERICHO, DINGDONG at VICE GANDA, ilan lang sa maglalaban-laban (ni: ROHN ROMULO) 

Posted on: June 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINIMULAN ng The Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) ang kalagitnaan ng taong 2026 sa pamamagitan ng paglalantad ng mga nominado sa The Entertainment Editors’ Choice o mas kilala bilang The Eddys.

Sa ika-9 nitong edisyon, isinagawa ang pag-aanunsiyo ng mga nominado sa labing-apat na kategorya kahapon, ika-25 ng Hunyo sa Luxent Hotel sa Quezon City, kung saan live itong napanood sa PlayTime Entertainment YouTube channel. 

Ang naturang kaganapan ang nagsilbing pagbubukas ng nalalapit na pinakamaningning na gabi ng parangal sa ika-5 ng Hulyo sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom sa Newport World Resorts, Pasay City.

Pitong natatangi at mahusay na binusising mga pelikula na umakit sa mga manonood ang maglalaban-laban para sa Best Picture. 

Kasama rito ang Bar Boys: After School, Eraserheads: Combo on the Run, I’m Perfect, Journeyman, Quezon, Sunshine, at UnMarry.

Magtutunggali naman para sa Best Director sina Sigrid Andrea Bernardo (I’m Perfect), Antoinette Jadaone (Sunshine), Jeffrey Jeturian (UnMarry), Christian Paolo Lat at Dominic Lat (Journeyman), Kip Oebanda (Bar Boys: After School), Jerrold Tarog (Quezon), at Maria Diane Ventura (Eraserheads: Combo on the Run).

Sa Best Actress award, maglalaban-laban sina Mylene Dizon (Habang Nilalamon ng Hydra ang Kasaysayan), Barbie Forteza (Kontrabida Academy), Krystel Go (I’m Perfect), Angelica Panganiban (UnMarry), Maris Racal (Sunshine), at Charo Santos (Only We Know).

Mainit din ang labanan sa kategoryang Best Actor nina Carlo Aquino (Bar Boys: After School), Dingdong Dantes (Only We Know), Joshua Garcia (Meet, Greet & Bye), Jericho Rosales (Quezon), JC Santos (Journeyman), at Vice Ganda (Call Me Mother).

Para sa Best Supporting Actress, nominado sina Susan Africa (How To Get Away From My Toxic Family), Eugene Domingo (UnMarry), Jennica Garcia (Sunshine), Odette Khan (Boys: After School), Rochelle Pangilinan (Child No. 82), at Sylvia Sanchez (I’m Perfect).

Maglalaban-laban sa Best Supporting Actor sina Lucas Andalio (Call Me Mother), Will Ashley (Bar Boys: After School), Rico Blanco (Manila’s Finest), Richard Quan (How To Get Away From My Toxic Family), Tom Rodriguez (UnMarry) at Zac Sibug (UnMarry).

Narito ang kabuuan ng mga nominado sa bawat kategorya.

Best Screenplay:

Kip Oebanda, Carlo E. Catu and Zig Dulay (Bar Boys: After School)

Dustin Celestino (Habang Nilalamon ng Hydra ang Kasaysayan)

Sigrid Andrea Bernardo (I’m Perfect)

Chris Martinez (Kontrabida Academy)

Jerrold Tarog at Rody Vera (Quezon)

Chris Martinez at Therese Cayaba (UnMarry)

Best Cinematography:

Hilarion Banks and Dominic Dycaico (Eraserheads: Combo on the Run)

Ber Cruz (Kontrabida Academy)

Pong Ignacio (Quezon)

Moises M.M. Zee (Salvageland)

Pao Orendain (Sunshine)

Best Visual Effects:

Sonny Burgos at Jaye Jacinto (Eraserheads: Combo on the Run)

Jericho Layson and Hanns Scheewe (Habang Nilalamon ng Hydra ang Kasaysayan)

Mylav Einah Infante (I’m Perfect) 

Anthony Lyant (Magellan)

Bien Michael Caralian, Vincent Cheng, Jimmy dela Cruz and Santelmo Studio (Shake, Rattle & Roll: Evil Origins) 

Post Bandits Inc. (Sunshine)

The Post Office (Quezon)

Best Musical Score:

Teresa Barrozo (Kontrabida Academy)

Frederik Sandoval and Emerzon Texon (Manila’s Finest)

Jerrold Tarog (Quezon)

Jose Antonio Buencamino (Salvageland) 

Jose Antonio Buencamino, Mikhail Ali Hooshmand and Paulo Almaden (Shake, Rattle & Roll: Evil Origins)

Rico Blanco (Sunshine)

Best Production Design:

Melvin A. Lacerna (Journeyman)

Veronica San Antonio and Larissa Casingal (Kontrabida Academy)

Lav Diaz, Isabel Garcia and Allen Alzola (Magellan)

Digo Ricio (Manila’s Finest)

Monica Sebial (Quezon)

Carmela Danao (Salvageland)

Best Sound:

Jason Abell (Eraserheads: Combo on the Run)

Lamberto Casas Jr. and Kevin Padilla (Journeyman)

Roy Santos and Neil Diokno (Manila’s Finest)

Immanuel Verona and Fatima Salim (Quezon)

Ditoy Aguila (Shake, Rattle & Roll: Evil Origins)

Best Editing:

Chuck Gutierrez (Bar Boys: After School)

Chuck Gutierrez and Hilarion Banks (Eraserheads: Combo on the Run)

Aaron Alegre and Mark Cyril Bautista (Journeyman)

Jerrold Tarog (Quezon)

Benjamin Gonzales Tolentino (Sunshine)

Benjo Ferrer (UnMarry)

Best Movie Theme Song:

“Batas ng Api” (Kontrabida Academy)

“Jack en Poy” (Quezon)

“Kumpas” (Meet, Greet & Bye)

“Sandalan” (Manila’s Finest)

“Tala” (Call Me Mother)

Samantala, sina Concert Queen Pops Fernandez at TV host-brodkaster na si Kim Atienza ang magsisilbing hosts sa maningning na gabi ng parangal. 

Taun-taong inoorganisa ng SPEEd, ang The Eddys ay isa sa mga pinakarespetadong award-giving bodies na naglalayong kilalanin ang kadakilaan at galing sa paglikha ng pelikulang Pilipino.

Dumating sa ginanap na nominees reveal kahapon ang singer na si Isha Ponti na naghandog ng dalawang awitin, si Shira Tweg na mula sa upcoming thriller film na Mantsa, ang Playtime host na si Sam Acosta na nagbasa ng major awards nominees, at ang kapatid ni Konsehal Alfred Vargas na si QC 5th District Congressman PM Vargas.

Ang 9th Entertainment Editors’ Choice ay handog ng Society of Phil. Entertainment Editors katuwang ang Newport World Resorts, PlayTime Entertainment, at Echo Jham Productions; kasama ang Gold Sponsors Globe Telecom at Unilab Inc.; Silver Sponsors SoundCheck Inc. at Puregold CinePanalo Film Festival; at Major Sponsors: Luxent Hotel, RS Francisco, Beautéderm Corporation,  PlayaLolita Beach Resort, Hotel and Restaurant.

May matinding paliwanag ang taga-Meralco… Reklamo ni CACAI, tungkol sa lumubong electric bill may sagot na (ni: REY PINEDA) 

Posted on: June 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MARAMI talaga ang nagulat sa mga post ng ilang celebrities.

Kaugnay ito sa nga nagtaasan nilang Meralco bill.

Isa si Cacai Velasquez-Mitra na ‘di makapaniwala sa dumating niyang electric bill.

Ayon sa ipinost na resibo ni Cacai, umabot sa P94,355 ang nakonsumo nito sa loob lamang ng isang buwan.

Nakakagulat nga naman!

Sa ipinost nitong resibo may komento rin ang kapatid ng Asia’s songbird na si Regine Velasquez-Alcasid.

“Ayoko na sanang makisabay, pero mahimatay naman ako dito sa Meralco super conscious na nga ako sa gamit ng kuryente. 

“Bahay lang po kami hindi commercial building.”

Ano nga kaya ang nangyari sa Meralco?

Matatawag bang error sa billing section ng Meralco?

O kaya masasabi bang glitch ito sa kanilang system?

Hindi bale sana kung ilang lang puwede pa siguro matanggap na error o glitch sa system.  Kaya lang dami nilang nagrereklamo!

Sa advance technology ngayon, puwede pa sigurong mapalampas at i-consider na minsan unreliable din ang technology. Yan ay kung isa o dalawa lang ang nagrereklamo.

Pero kung marami na, teka!  Ibang usapan na yon!

Kapabayaan na yan sa parte ng departamento ng billing section ng Meralco!

Sa hirap nga naman nang buhay ngayon, dadagdag pa ba ang ganitong klaseng problema?

Sa rami ng empleyado niyo nangyayari pa ba ang ganito?

Tsaka nangyari na rin ang ganitong problema sa mga nakaraang taon!

Sabi nga ng ibang netizen, kapabayaan ba ito o matatawag nang katangahan? 

Samantala, naglabas ng opisyal na pahayag tungkol dito at ayon kay Meralco vice president and head of corporate communications Joe Zaldarriaga.

“Ms. Cacai’s account is classified as a high-load service and there was no unusual surge in her consumption, which is also reflected in the historical chart in her bill,” pahayag niya. 

“The increase in her electricity usage during the period in question is consistent with her seasonal consumption pattern. 

“The actual consumption remains within the normal range of her previous bills, both when compared with the preceding months and with the same period last year.”

Wala pang updates si Cacai tungkol sa June electric bill niya at sa napag-usapan nila ng Meralco. 

Trending topics sa social media platforms… CAPRICE at HEATH, nagpakilig agad sa pilot episode ng ‘You’re My Favorite Song’ (ni: ROMMEL GONZALES) 

Posted on: June 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SA pilot episode pa lang ng “You’re My Favorite Song” ay kinilig na nang husto ang fans nina Caprice Cayetano at Heath Jornales sa kanilang first-ever TV team-up kasama sina Marco Masa at Clifford.

Hindi pa man umeere sa telebisyon ang nasabing GMA Afternoon Prime romance-drama series ng CapEath ay maingay na ito sa social media. 

Marami na ang nakaabang sa magiging takbo ng kuwento nina Angel (Caprice), Miguel (Heath), Calix (Clifford), at Zion (Marco).

Naging trending topics nga rin sa social media platform na X ang official hashtag ng You’re My Favorite Song pilot episode na #YMFSPilotWeek at ‘ANGELs STORY BEGINS.’

Sa unang episode nitong Lunes (June 22), nakilala ng viewers si Angel Dimaculangan. Matalino at confident, matindi ang pagmamahal ni Angel sa kaniyang pamilya na kinabibilangan nina Mama Bebe (Katya Santos) at si Lolo Xavi (Boboy Garrovillo). 

Ipinakilala rin sa episode ang mga karakter nina Heath, Marco, at Clifford. Lead vocalist ng bandang Siklab si Miguel (Heath). Nag-krus ang landas nila ni Angel habang abala ito sa pagba-busking na suot ang isang mascot costume na teddy bear.

Samantala, pinakamatalinong estudyante ng buong Brighton Bay Academy si Calix (Clifford), na nakilala ni Angel dahil sa pagtatanggol ng huli kay Zion (Marco Masa).

Nagsisimula pa lang ang kuwento ng apat pero marami ng #feels ang viewers!

Mapapanood ang You’re My Favorite Song weekdays sa oras na 4:00 p.m. pagkatapos ng Kamao sa GMA Afternoon Prime. 

Available rin ang episodes, highlights, at iba pang exclusive content nito sa GMANetwork.com at sa GMA Play, ang official video streaming app ng GMA Network. 

Ads June 26, 2026

Posted on: June 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

45 CRIMINAL CASE VS BBC BOYS, INIREKOMENDA

Posted on: June 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INIREKOMENDA ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng 44 criminal tax cases laban sa “BBC Boys” o “Bulacan Group of Contractors” kaugnay sa pinagsamang pananagutan sa buwis na nagkakahalaga ng P1.68 bilyon , sinabi ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Ayon sa BIR , natuklasan ng DOJ sa hiwalay na resolution na may sapat na batayan upang kasabay sina Jaypee De Leon Mendoza , Henry Alcantara , at Brice Ericsson Hernandez matapos na maabot na ideklara at iulat ang kanilang kita sa loob ng ilang taon.

Ang nasabing mga indibidwal ay nahaharap na sa tax evasion case kasunod ng lifestyle check kung saan natuklasan ng BIR na hindi tugma sa kanilang kita.

May sapat umanong batayan para kasabay sila sa paglabag sa Sections 254 at 255 ng National Internal Revenue Code.

Batay sa imbestigasyon ng BIR , sangkot ang mga ito sa underdeclaration ng kita, hindi paghahain ng tax returns at under reporting sa iba’t ibang taxable years.

Natuklasan din ang malaking discrepancy sa pagitan ng idineklara ng kita at actual na gastusin ng mga nasasangkot.

Kay Mendoza , 16 na kaso ang inirekomenda para sa taxable years 2021 hanggang 2024 na may kabilang na tax liabilities na nasa P179.79 milyon.

Samantala, 18 kaso naman ang haharapin ni Alcantara para sa taxable years 2022 hanggang 2024 na may tinatayang P913.83 milyon na liabilities.

Habang 10 kaso naman ang inirekomenda laban kay Hernandez para sa taxable years 2020 hanggang 2024 na may kabuuang halagang P593.78 milyon.

Bahagi umano ang pagsasampa ng kaso ng Pinagtibay na kampanya laban sa tax evasion, lalo na sa mga high-profile individuals na umano umiiwas sa temang pagbabantay ng buwis.

Sina Hernandez at Mendoza ay kasalukuyang nakadetine sa New Quezon City Jail.

Habang si Alcantara ay isinailalim sa Witness Protection Program. (Gene Adsuara)

2 timbog sa sugal, baril sa Caloocan

Posted on: June 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BAGSAK sa kulungan ang dalawang indibidwal kabilang ang isang bebot nang maaktuhan naglalaro ng illegal na sugal at makuhanan pa ng baril ang isa sa kanila sa Caloocan City.

Ayon kay Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth, ang mga suspek ay 26-anyos na lalaking construction worker ng Barangay 185, at 26-anyos na babaeng vendor ng Barangay Bagong Silang.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, sinabi ni Col. Goforth na nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation ang mga tauhan ng Police Sub-Station 14, na may kaugnayan sa Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) sa Brgy., 185 ng lungsod.

Dito naaktuhan ng mga pulis ang mga suspek na nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila.

Nakumpiska sa kanila ang bet money at gambling paraphernalia habang nang kapkapan, nakuha sa lalaking suspek ang ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng bala at walang kaukulang mga dokumento.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 (Illegal Gambling), habang karagdagan pa na kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang kakaharapin ng lalaking suspek. (Richard Mesa)

“Mary Grace Piattos” ipiprisintang testigo ng House Prosecution panel sa impeachment trial ni VP Sara 

Posted on: June 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISA si ” Mary Grace Piattos” sa ipiprisintang testigo ng House Prosecution panel sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kaugnay sa confidential funds.

Matatandaang lumabas ang pangalang Mary Grace Piattos sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability noong 2024 tungkol sa paggamit ng pondo ng Office of the Vice President at ng Department of Education.

Batay sa ipinakitang mga acknowledgement receipt sa paggamit ng confidential fund disbursements isa siya sa mga nakatanggap ng confidential funds mula sa mga opisina ng bise presidente.

Gayunpaman, sinabi ng Philippine Statistics Authority sa imbestigasyon ng Kamara na wala silang mga rekord ng kapanganakan, kamatayan o anumang iba pang pagkakakilanlan ng taong nagngangalang “Mary Grace Piattos.”

Samantala, hiniling din ng prosekusyon na buksan ang sealed box na nalalaman ng tax documents ni Duterte na isinumite ng Bureau of Internal Revenue noong pagdinig ng impeachment ng justice committee.

(Vina de Guzman)