• September 1, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June 26th, 2026

 Rep. Erice: Liberal Party hindi makikipag-alyansa sa Marcos Administration

Posted on: June 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINABI ni Caloocan Second District Representative Edgar “Egay” Erice na ang anumang panukala para sa Liberal Party na pumasok sa isang political alliance sa administrasyong Marcos ay hindi naaayon sa mga pangunahing prinsipyo ng partido maliban na lang kung tutugunan muna ng administrasyon ang inilarawan niyang pinakamalaking diumano’y iskandalo sa katiwalian sa kasaysayan ng Philippine national budget at infrastructure program.

“The Liberal Party has always stood for transparency, accountability, and good governance. We cannot abandon these principles for the sake of political convenience,” ani Erice.

Ayon kay Erice, hindi pa rin nasasagot ang mga seryosong katanungan hinggil sa umano’y malakihang manipulasyon sa badyet na kinasasangkutan ng flood control at iba pang proyektong pang-imprastraktura, na pinaniniwalaan niyang nagresulta sa pagkawala ng trilyong piso sa pondo ng publiko sa pamamagitan ng mga ghost project, substandard infrastructure, at kuwestiyonableng budget reallocations.

“What makes this issue even more compelling is that President Ferdinand Marcos Jr. himself was the first to publicly raise concerns about irregularities in flood control projects. He promised to determine the truth and hold accountable those responsible. Unfortunately, despite those commitments, the Filipino people have yet to see a comprehensive accounting of what actually happened or who has been held responsible,” dagdag niya.

Sa halip na ganap na transparency, sinabi ni Erice na nasaksihan ng publiko ang pag-aaway sa pulitika, pagturo ng daliri, at mga pagsisikap na, sa kanyang pananaw, ay nagpapahina sa tiwala ng publiko sa mga demokratikong institusyon, kabilang ang Kongreso.

Nagpahayag din siya ng pagkabahala sa inilarawan niyang paggamit ng mga institusyon ng gobyerno para sugpuin ang hindi pagsang-ayon.

“There is a growing perception that institutions such as the Ombudsman and the National Bureau of Investigation have been used not only to conceal the truth but also to harass critics of the administration. Whether these concerns are justified can only be answered through independent, impartial, and credible investigations,” giit niya.

Binigyang-diin ni Erice na ang pagkakakilanlan ng Liberal Party ay palaging nakaugat sa pagtatanggol sa demokrasya at panuntunan ng batas. (Richard Mesa)

SOUTH KOREAN NA TAKAS SA KULUNGAN, INARESTO NG BI

Posted on: June 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INARESTO ng Fugitive Search Unit (FSU) ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean na pinaghahanap dahil sa pagtakas mula sa isang kulungan sa Leyte.

Kinilala ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang suspek na si Gim Sihun, 31 taong gulang na inaresto sa kahabaan ng Doña Julia Vargas Avenue sa Lungsod ng Mandaluyong.

Isinagawa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Philippine National Police Intelligence Group (PNP-IG).

Natapos sa pag-aresto kay Gim ang tatlong taong pagtugis sa kanya matapos siyang makatakas mula sa kustodiya ng Sub-Provincial Jail sa Barangay Loyonsawang, Abuyog, Leyte noong 2023.

Bago siya muling madakip, kabilang siya sa sampung pangunahing Koreanong pugante na prayoridad na hinahanap ng pamahalaan ng South Korea.

May umiiral na warrant of arrest laban sa kanya na inilabas ng Seoul Central District Court dahil sa kasong pandaraya (fraud), isang paglabag sa batas kriminal ng South Korea.

Saklaw din siya ng isang summary deportation order na inilabas noong 2020, kung saan siya ay idineklarang isang hindi kanais-nais na dayuhan (undesirable alien) dahil sa kanyang pagiging pugante.

 (Gene Adsuara)

P408K shabu, nasamsam sa HVI drug suspect sa Valenzuela

Posted on: June 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UMABOT sa mahigit P.4 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa isang drug suspect na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos maaresto ng pulisya sa buy bust operation sa Valenzuela City, Huwebes ng umaga.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Jospeh Talento ang suspek na si alyas “Junie”, 42, ng 3rd Avenue, Brgy., 120, Caloocan City.

Ayon kay Col. Talento, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA nang magawang makipagtransaksyon kay alyas Junie ng isa sa mga operatiba.

Nang matanggap ang signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur buyer na hudyat na positibo na ang transaksyon, kaagad lumapit ang back-up na operatiba at inaresto ang suspek dakong alas-6:35 ng umaga sa Karuhatan Public Cemetery sa Padrigal St., Brgy., Karuhatan.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 60 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P408,000, buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at pitong P1,000 boodle money, coin purse at P250 cash.

Ani SDEU investigator PMSg Ana Liza Antonio, nakatakdang sampahan nila ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) sa Valenzuela City Prosecutor’s Office sa pamamagitan ngInquest Proceedings. (Richard Mesa)

ILLEGAL FUEL SCHEME SA NAVOTAS CITY NASUGPO NG PNP, ₱12-M HALAGA NG PETROLEUM PRODUCTS NAKUMPISKA, 10 ARESTADO

Posted on: June 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MATAGUMPAY na nasugpo ng Philippine National Police (PNP), sa pamamagitan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang umano’y ilegal na aktibidad ng kalakalan ng petrolyo sa Lungsod ng Navotas noong gabi ng Hunyo 22, 2026, na nagresulta sa pag-aresto sa 10 indibidwal at pagkumpiska ng humigit-kumulang ₱12-M halaga ng mga produktong petrolyo, kagamitan, at mga transport assets.

Ang operasyon ay isinagawa ng mga tauhan ng CIDG National Capital Region Field Unit sa pakikipagtulungan ng mga maritime police unit. Naharang ng mga awtoridad ang isang oil tanker at mga kaugnay na kagamitan na umano’y ginagamit sa isang unauthorized fuel transfer scheme na karaniwang tinutukoy bilang “paihi,” na nakakaapekto sa mga lehitimong operasyon ng kalakalan at nagdudulot ng mga panganib sa kaligtasan ng publiko at sa kapaligiran.

Nakumpiska sa operasyon ang malaking bulto ng pinaghihinalaang diesel fuel, transport vehicles, motorized boats, siphoning equipment, at operational buy-bust money.

Ang mga naarestong indibidwal na pawang mga nasa hustong gulang na may edad 20 hanggang 58, kasalukuyan silang nasa ilalim ng kustodiya ng CIDG para sa dokumentasyon at pagsasampa ng mga kaukulang kaso.

Ang operasyon ay naaayon sa Focused Agenda ng PNP sa Enhanced Managing Police Operations, na tumatarget sa mga organisado at ilegal na aktibidad na sumisira sa kapakanan ng publiko, katatagan ng ekonomiya, at pangangalaga sa kapaligiran. Sinusuportahan din nito ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang mga aksyong pagpapatupad laban sa mga iligal na kalakalan at iba pang aktibidad na nakakasira sa regulated industries.

Pinuri ni PNP Chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang mga operating unit para sa matagumpay na operasyon.

“Hindi lamang ito usapin ng paglabag sa batas. Kapag may iligal na kalakalan ng produktong petrolyo, naaapektuhan ang kabuhayan, kaligtasan, at tiwala ng publiko. Kaya patuloy nating paiigtingin ang ating mga operasyon laban sa mga gawaing nagpapahina sa kaayusan at patas na kalakalan sa ating bansa,” sabi ni PGen Nartatez.

Binigyang-diin pa niya na ang lahat ng operasyon ng pulisya ay nananatiling nakabatay sa propesyonalismo at paggalang sa karapatang pantao.

“Patuloy nating ipatutupad ang batas nang may integridad, malinaw na proseso, at paggalang sa karapatan ng bawat isa. Ang mahalaga ay napapanagot ang mga lumalabag habang nananatiling tapat tayo sa ating tungkulin bilang lingkod-bayan,” dagdag pa ni PNP Chief Nartatez. 

(PAUL JOHN REYES)

Isko nilagdaan ‘Manila Safe Schools Initiative’

Posted on: June 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NILAGDAAN ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang Executive Order No. 29, Series of 2026, na lumilikha sa “Manila Safe Schools Initiative” upang palakasin ang seguridad sa mga paaralan at maiwasan ang mga insidente ng karahasan.

Sa kanyang State of the City Address (SOCA), sinabi ni Domagoso na layunin ng programa na sugpuin ang mga ilegal na baril, agad aksyunan ang mga banta ng karahasan, at ihanda ang mga paaralan sa anumang emerhensiya.

“Hindi hihintayin ng Maynila na magkaroon ng trahedya bago kumilos,” ani Domagoso.

Sa ilalim ng kautusan, bubuuin ang Manila School and Community Safety Task Force na ma­ngunguna sa pagpapatupad ng mga hakbang para sa school safety, threat assessment, at emergency preparedness.

Inatasan din ang Manila Police District na paigtingin ang kampanya laban sa mga ilegal na baril at bumuo ng Threat Monitoring and Assessment Desk, habang ang Schools Division Office-Manila ay magtatatag ng School Safety and Threat Assessment Teams sa bawat distrito.

Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng programa na matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at komunidad sa pamamagitan ng maagap na pag-iwas sa karahasan at mas mahusay na paghahanda sa anumang banta o sakuna.

5-time champion na Brazil, abante na sa Round of 32

Posted on: June 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINATUNAYAN ng five-time champion na Brazil ang kanilang dominasyon sa football field matapos talunin ang Scotland sa laban ngayong Hunyo 25, sa iskor na 3-0.

Ang panalo ng Brazil ay nagsilbing selyo upang makuha nila ang pinakamataas na puwesto sa Group C.

Pitong minuto pa lamang sa unang bahagi ng laro ay agad nang nagpakitang-gilas ang pambato ng Real Madrid na si Vinícius Júnior, matapos samantalahin ang pagkakamali ng depensa ng Scotland para maitala ang unang goal, 1-0.

Bago matapos ang first-half stoppage time, muling umiskor si Vini Jr. para sa kanyang brace, dahilan upang lumaki ang kalamangan ng South American powerhouse sa 2-0.

Pagpasok ng ika-60 minuto sa ikalawang bahagi, tuluyan nang tinambakan ng Brazil ang Tartan Army nang ipasok ni Matheus Cunha ang ikatlo at huling goal ng laban, sa tulong ng isang assist mula sa kalabang koponan.

Dahil sa panalong ito, pasok na ang Brazil sa Round of 32 bilang Group C leader. Samantala, hawak ng Scotland ang 3 puntos at naghihintay kung makakapasok bilang isa sa mga best third-placed teams sa nagpapatuloy na World Cup.

Tandem na Eala-Williams, nalaglag sa Bad Homburg Open Doubles Quarterfinals

Posted on: June 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGTAPOS na ang kampanya nina Alexandra “Alex” Eala at dating world No. 1 Venus Williams sa doubles competition ng Bad Homburg Open matapos silang mabigo sa quarterfinals laban kina Tereza Mihalikova ng Slovakia at Olivia Nicholls ng Great Britain nitong Huwebes.

Naitala nina Mihalikova at Nicholls, na kapwa nasa ika-29 puwesto sa WTA doubles rankings, ang 6-3, 6-2 panalo sa loob lamang ng isang oras at 20 minuto upang umabante sa semifinals ng WTA 500 tournament.

Bago ang pagkatalo, umabot sa quarterfinals sina Eala at Williams matapos talunin sina Catherine Harrison at Alexandra Osborne sa iskor na 6-3, 6-4 noong Miyerkules.

Tuluyan ding nagwakas ang kampanya ni Eala sa torneo matapos siyang matalo kay Elise Mertens sa unang round ng singles competition.

Sa kabila ng talo sa Bad Homburg Open, nakatuon na ngayon ang pansin ni Eala sa nalalapit na Wimbledon Championships sa susunod na linggo.

Pormal na paglulunsad ng NavApp

Posted on: June 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINANGUNAHAN nina Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Tiangco ang pormal na paglulunsad ng NavApp—ang opisyal na digital gateway ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas na isang hakbang tungo sa mas mabilis, mas accessible, at mas responsive na serbisyo-publiko para sa lahat ng Navoteño, bilang bahagi ng pagwawakas na week-long selebrasyon ng ika-19th Navotas Cityhood Anniversary. (Richard Mesa)

PBBM, labis na ikinalungkot ang dalawang sunud-sunod na malalakas na lindol na tumama sa Venezuela

Posted on: June 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

LABIS na nalungkot si Pangulong Ferdiand Marcos Jr., sa dalawang sunud-sunod na malalakas na lindol na yumanig sa Venezuela, Hunyo 24, 2026.

“On behalf of the Filipino people, I extend our heartfelt sympathies,” ayon kay Pangulong Marcos.

Sinabi ni Pangulong Marcos, ang Pilipinas ay naninindigan sa pagkakaisa kasama ang 𝘝𝘦𝘯𝘦𝘻𝘶𝘦𝘭𝘢𝘯 people sa napakahirap na panahon at umaasa para sa ligtas at mabilis na pagbangon ng lahat ng komunidad na apektado.

Nauna rito, ayon sa United States Geological Survey, ang unang lindol ay may magnitude na 7.1 at kasunod ang mas malakas na 7.5 makalipas lamang ng isang minuto.

Ang episentro ay malapit sa Morón sa estado ng Carabobo at naramdaman hanggang sa kabisera na Caracas.

Maraming gusali ang gumuho kabilang ang ilang matataas na gusali sa Caracas at libo-libong residente ang nagtakbuhan palabas ng kanilang mga tahanan at opisina.

Nagbabala ang USGS na posibleng lumampas sa 10,000 ang bilang ng nasawi habang libo-libo ang sugatan at patuloy ang operasyon ng mga rescuers upang mailigtas ang mga na-trap sa guho.

Naapektuhan ang Maiquetía International Airport kung saan pansamantalang sinuspinde ang mga flight at nagkaroon ng malawak na pagkawala ng kuryente at komunikasyon sa iba’t ibang rehiyon.

Naglabas ng babala ang US Tsunami Warning System para sa ilang bahagi ng Caribbean ngunit kalaunan ay binawi.

Nanawagan si Interior Minister Diosdado Cabello sa publiko na umiwas sa mga gusaling nasira at mag-ingat sa posibleng aftershocks. Patuloy ang search and rescue operations sa Caracas at mga karatig-lalawigan upang mailigtas ang mga biktima. ( DARIS JOSE)