• June 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June 11th, 2026

Mayor Jeannie, tiniyak sa Malabueños na nakahanda ang LGU sa pagsisimula ng tag-ulan

Posted on: June 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINIYAK ni Mayor Jeannie Sandoval sa mga Malabueño na ganap na nakahanda ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon na tumugon sa mga emerhensiya at protektahan ang mga residente sa pagsisimula ng tag-ulan.

“Ang kaligtasan ng bawat tahanang Malabueño ang ating pangunahing prayoridad. Marami na ang kalamidad na dumaan sa ating lungsod ang ating napagtagumpayan ng nagkakaisa. At ngayong panahon na naman po ng tag-ulan, ating ipagpapatuloy ang bayanihan at malaksakit sa ating mga kababayan. Nakaantabay ang ating mga emergency response teams at patuloy nating pinaghahandaan ang anumang epekto ng masamang panahon upang matiyak ang mabilis at maayos na pagtugon sa pangangailangan ng ating mga mamamayan,” aniya.

Ayon sa Malabon Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), pinaigting ng lungsod ang mga pagsisikap nito sa paghahanda, kabilang ang patuloy na pagsubaybay sa mga abiso sa lagay ng panahon, pagtataya ng baha, at impormasyon sa peligro upang suportahan ang napapanahong at matalinong paggawa ng desisyon. Ang Malabon Command and Communication Center ay aktibo bilang sentro ng command post para sa mga hakbang sa pagtugon sa kalamidad.

Binigyang-diin ni Mayor Sandoval na ang lahat ng response clusters at concerned offices ay itinuro upang tiyakin ang kahandaan ng mga mapagkukunan, pasilidad, at tauhan. Kabilang dito ang pag-iimbak ng mga pagkain at hindi pagkain, inspeksyon ng mga kritikal na pasilidad, at pagpapanatili ng kahandaan sa pagpapatakbo sa Emergency Operations Center (EOC).

Operating din ang 40 pumping stations sa iba’t ibang barangay na makakatulong sa pagpigil sa pagbaha, at regular din ang paglilinis sa mga kalsada at daluyan ng tubig para maiwasan ang pagbabara ng mga drainage system.

Naglagay din ng health monitoring protocols upang makatulong na maiwasan at matugunan ang mga sakit na karaniwang nauugnay sa tag-ulan, kabilang ang dengue, leptospirosis, pagtatae, at impeksyon sa paghinga

Hinikayat naman ni City Administrator Dr. Alexander Rosete ang lahat ng residente na manatiling may kaalaman sa pamamagitan ng mga opisyal na payo, maghanda ng mga emergency go-bag, at makipagtulungan sa mga awtoridad sa panahon ng mga emerhensiya.

“Disaster preparedness is a shared responsibility. Kung ang pamahalaan, mga komunidad, at tahanan ay patuloy na magtutulungan, mas nagiging handa at matatag tayo sa pagharap sa hamon ng kalamidad at sakuna. Mas mabuti pong tayo ay handa at nakikiisa sa inisyatiba ng pamahalaan dahil para po ito sa kapakanan ng bawat mamamayan,” dagdag niya. 

(Richard Mesa)

VIRAL SUV NA MAY MULTIPLE TRAFFIC VIOLATIONS INISYUHAN NG SCO NG LTO; SASAKYAN INALARMA, LISENSYA SUSPENDIDO 

Posted on: June 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MULING ipinakita ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng direktiba ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, ang maagap nitong pagtugon sa mga insidenteng may kaugnay sa kaligtasan sa lansangan dahil naglabas ang ahensya ng Show Cause Order (SCO) laban sa rehistradong may-ari at driver ng isang sasakyan matapos itong masangkot sa isang viral na video na nagpapakita ng umano’y iba’t ibang paglabag sa batas-trapiko.

Batay sa viral video na in-upload ng “Silinyador PH,” makikita ang isang sasakyan na umano’y nakagawa ng ilang paglabag sa batas-trapiko, kabilang ang paglipat ng lane nang walang paggamit ng signal light, pagpasok at pananatili sa yellow box intersection, at hindi pagsunod sa traffic signal.

Kaya naman, inatasan ng Intelligence and Investigation Division (IID) ang may-ari at driver ng sasakyan na magsumite ng kanilang paliwanag at humarap sa itinakdang pagdinig upang sagutin ang mga alegasyon laban sa kanila.

“Ang mga ganitong insidente ay hindi katanggap-tanggap dahil delikado ito at naglalagay sa panganib sa mga motorista at iba pang gumagamit ng kalsada. Kaya’t agad kaming umaksyon upang maiwasan ang posibleng aksidente at mapanatili ang disiplina at kaligtasan sa kalsada,” ani Lacanilao.

Kasama sa mga posibleng paglabag na maaaring kaharapin ng driver ay ang Reckless Driving, Signals on Starting, Stopping, or Turning, at Disregarding Traffic Signs. Maaari rin siyang maharap sa pagsususpinde o pagbawi ng lisensya dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.

Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, ipinag-utos ng LTO ang pansamantalang pagsuspinde sa lisensya ng sangkot na driver sa loob ng siyamnapung (90) araw bilang preventive suspension, at kinakailangan ang pagsasauli o pag-surrender ng lisensya. Isinailalim din sa alarm status ang sasakyan.

Binigyang-diin ng LTO na patuloy nitong mino-monitor ang mga ulat at reklamong nakakarating sa ahensya, kabilang ang mga insidenteng naibabahagi sa social media, upang matiyak ang pananagutan ng mga lumalabag sa batas-trapiko. Tiniyak din ahensya na mabibigyan ng sapat na pagkakataon ang mga sangkot na maipaliwanag ang kanilang panig alinsunod sa isinagawang imbestigasyon.

 (PAUL JOHN REYES)

School zone, ‘wag gawing parking areas – MMDA

Posted on: June 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGPAALALA si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Special Operations Group–Strike Force (SOG-SF) Chief Gabriel Go sa publiko na ang mga school zones ay hindi parking areas.

Ang paalala ay ginawa ni Go sa kanyang pagdalo sa monthly “MACHRA Balitaan” ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) nitong Martes, kasunod na rin nang pagsisimula na rin ng pasukan sa bansa.

Kasabay nito, nagbabala rin si Go sa publiko na hindi kukunsintihin ng MMDA ang mga moto­rista na gagamitin bilang parking o waiting area ang bisinidad ng mga paaralan.

Hinikayat din ni Go ang mga school authorities na kaagad na isumbong sa MMDA, kung may lalabag sa nasabing patakaran. Maaari aniyang ipaabot sa kanila ang anumang reklamo, sa pamamagitan ng kanilang 24/7 hotline, 136 o sa Presidential Action Center 8888, gayundin sa Facebook page o Twitter account.

Tinukoy pa ni Go ang Republic Act 4136, na nagbabawal sa pagparada sa ilang lugar na maaaring magdulot ng abala, gaya ng mga hydrants, pedestrian c­rossings o mga street corners at iba pa.

“No parking zone ang paligid ng mga eskwelahan… di pupuwedeng me nakaparada. It’s actually a daily routine (clearing) na talagang pinaiigting po namin,” ani Go. 

“Our way of addressing the “Balik-Eskwela” is to provide continous mobility ng mga sasakyan na dapat ginagamit ang kalsada para mapabilis ang biyahe… ang mga sidewalks ay dapat gina­gamit ng mga estudyante at senior and anyone, as long as you’re a pedestrian…. not just sidewalk but safe sidewalk,” paliwanag ni Go.

Alex Eala, pasok sa Round of 16 matapos talunin si Zhang Shuai sa London

Posted on: June 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PATULOY ang magandang kampanya ni Filipina tennis star Alex Eala matapos niyang talunin si Zhang Shuai ng China sa straight sets, 6-3, 6-2, sa Round of 32 ng WTA 500 HSBC Championships sa London.

Kasunod ito ng kanyang naunang tagumpay sa Birmingham Open, kung saan nakamit niya ang kanyang unang grass-court title.

Sa laban kontra Zhang Shuai, nakulelat si Eala matapos makuha ng beteranong kalaban ang maagang 2-0 lead. Ngunit agad siyang bumawi at nakapuntos ng sunod-sunod na laro para makuha ang unang set, 6-3.

Sa ikalawang set, tuluyang kinontrol ng 19-anyos na Pinay ang laban at hindi na pinakawalan ang momentum hanggang sa makuha ang panalo, 6-2.

Dahil sa panalo, umusad si Eala sa Round of 16 kung saan makakatapat niya si Iva Jovic ng United States, na maaalalang tumalo sa kanya sa French Open noong nakaraang buwan.

Si Jovic ay seeded number 6 sa torneo, kaya inaasahang magiging mahirap na laban para sa Filipina tennis star.

Initial findings ng 2 nalunod na Ateneo student-athletes, malakas na alon ang tinitingnan —PNP

Posted on: June 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KINUMPIRMA ng Philippine National Police Regional Office 3 (PNP PRO 3) sa kanilang initial findings na ”strong currents” o malakas na alon ang isa sa tinitingnan dahilan kung bakit nalunod ang dalawang basketball student-athletes ng Ateneo de Manila University sa lalawigan ng Aurora.

Kinilala ang mga nasawi na sina Rene Baterbonia at Divine Adili, na parehong miyembro ng Ateneo basketball program.

Ayon sa unibersidad, nasawi ang dalawa matapos ang insidente habang nasa isang team-building activity.

Dinala pa sa pagamutan ang dalawang biktima, ngunit idineklara silang dead on arrival ng mga doktor.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP PRO 3, natukoy na naliligo umano ang mga biktima nang tangayin sila ng malakas na alon dahilan para dalhin sila sa masmalalim na bahagi ng tubig.

Dinala pa sa pagamutan ang dalawang biktima, ngunit idineklara silang dead on arrival ng mga doktor.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente, habang nananawagan sila sa publiko na iwasan ang haka-haka at hintayin ang pinal na resulta ng imbestigasyon.

Nagpaalala rin ang PNP sa mga turista na maging maingat sa mga aktibidad sa dagat, lalo na sa mga lugar na may malalakas na alon, at sumunod sa mga safety advisories.

Nagpaabot din ng pakikiramay ang PNP PRO 3 sa pamilya at mga mahal sa buhay ng mga biktima.

Si Baterbonia ay nakatakda sanang maglaro bilang rookie sa UAAP Season 89, habang si ang Nigerian national na si Adili ay naglaro naman sa UAAP Season 88 bilang isang import player.