• June 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June 11th, 2026

Malakanyang, patuloy sa paglikha ng de-kalidad na trabaho sa gitna ng pagtaas ng bilang ng mga may trabaho — Malakanyang

Posted on: June 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PATULOY ang pamahalaan sa paglikha ng de-kalidad at produktibong trabaho para sa mga Pilipino kahit tumaas ng antas ng employment sa bansa noong Abril 2026.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na batay sa datos na inilahad ni Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan umabot na sa 48.89 milyon ang kabuuang bilang ng mga may trabaho noong Abril 2026, kung saan 62.3 porsiyento nito ay mula sa sektor ng serbisyo.

“Ang total employment ay tumaas sa 48.89 million noong Abril 2026, kung saan ang services sector ang may pinakamalaking bahagi na 62.3 porsiyento. 

Marami mang hamon sa ating ekonomiya, hindi sumusuko ang mga Pilipino at patuloy ang interventions ng pamahalaan, tulad ng paglikha ng de-kalidad at produktibong trabaho, paghikayat sa investments, at pagbibigay ng livelihood sa mga nawawalan ng trabaho at bumalik na OFWs na naging maganda ang resulta,” diin ni Castro.

“Bagama’t tumaas ang employment rate, patuloy pa rin ang ating gobyerno sa paglikha ng de-kalidad na trabaho at pagbibigay ng mga proyektong pangkabuhayan sa ating mga kababayan,” dagdag niya.

Ayon kay Castro, ang positibong datos sa employment ay sumasalamin sa katatagan ng mga manggagawang Pilipino at sa patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na lumikha ng de-kalidad na trabaho, makahikayat ng mga pamumuhunan, at makapagbigay ng tulong pangkabuhayan sa mga nawalan ng trabaho at mga nagbalik na overseas Filipino workers (OFWs).

Binanggit din ni Castro ang pahayag ni Department of Labor and Employment Secretary Francis Tolentino, na nagbigay-diin sa patuloy na pagtutok ng administrasyon sa paglikha ng trabaho, social protection, at pagpapabuti ng mga serbisyong pampubliko.

“Ayon naman po kay Secretary Francis Tolentino, ang gobyerno ay patuloy na gumaganap at nakatuon sa agenda ng trabaho, social protection, at pagpapabuti ng mga serbisyong pampubliko,” ani Castro.

Binigyang-diin din ni Castro ang layunin ng administrasyon na higit pang palakasin ang kakayahan ng mga manggagawang Pilipino upang maging mas competitive at magkaroon ng malinaw na landas mula edukasyon patungo sa hanapbuhay.

“Pinapalakas ng gobyerno ang kakayahan ng mga manggagawa upang maging mas makipagkumpetensya at bumuo ng malinaw na landas mula edukasyon patungo sa hanapbuhay,” ani Castro.

Dagdag pa ni Castro, magpapatuloy ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programang magbibigay sa mga manggagawa ng mga kasanayang kailangan upang makasabay sa mabilis na pagbabago ng labor market at mapalawak ang access sa mga oportunidad sa trabaho para sa mas maraming Pilipino.

“Dapat tayong maging positibo dahil hindi tumitigil ang gobyerno sa pagtatrabaho, lalo na ang Pangulo na patuloy na nagsisikap upang maibigay ang kinakailangang kakayahan at oportunidad sa ating mga kababayan,” pagtatapos ni Castro.  

(DARIS JOSE)

PBBM, nagpahayag ng kasiyahan sa 2 bagong QC school buildings, nangako ng nationwide rollout

Posted on: June 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGPAHAYAG ng kasiyahan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mabilis na pagkakayari ng dalawang bagong school buildings sa Quezon City.

Nangako ang Pangulo na magtatayo pa ng mas maraming silid-aralan sa buong bansa para mabigyan ang mga mag-aaral ng mas kaaya-ayang learning environment.

Inihayag ng Pangulo ang kanyang commitment sa isinagawang pag-inspeksyon sa ‘newly completed school buildings’ sa San Francisco High School sa Quezon City.

Para sa Pangulo ang maagang pagkakayari ng proyekto ay dahil na rin sa pangako ng administrasyon na tiyakin ang ‘transparent at masinop na paggamit ng pondo na inilaan para sa konstruksyon ng mga bagong silid-aralan.

Sinabi pa ng Pangulo na ang bagong learning facilities, kabilang na ang four-story, 60-classroom building, ay nakumpleto sa loob lamang ng 8 buwan.

“From 10 classrooms, we now have 60. Times six. Meron na tayong 60 classrooms kaya mas naging maluwag ang schedule, mas naging maluwag ang physical location ng mga bata, which is conducive to better learning,” ayon kay Pangulong Marcos matapos ang inspeksyon.

“So, I’m very, very happy to come here. I’m a little bit surprised, I must say. I do not think that maybe in the last 30 years, that we have seen such a building, a four-story 60-classroom building built in eight months, and which we’re all very happy about that we’re all very proud, and it should demonstrate very clearly what can be achieved when something is used properly,” aniya pa rin.

Ang isang bagong school buildings ay itinayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH), habang ang iba naman ay pinondohan ng SM Supermalls.

Dahil dito, pinasalamatan ni Pangulong Marcos ang DPWH, ang Department of Education, Quezon City government, at private sector partners para sa pagtulong na masiguro ang mabilis na pagkakayari ng proyekto.

“We’re working together. Makita naman talaga ninyo,” ang tinuran ni Pangulong Marcos.

“Basta’t pumasok sa proyekto ng tama ay ganito ang ating nagagawa. Patuloy nating gagawin iyan at patuloy nating titiyakin na ang pondo ng pamahalaan ay napupunta sa mga proyektong ganito,” aniya pa rin.

Aniya pa, ipagpapatuloy ng gobyerno na tiyakin na ang public funds ay gagastahin lamang sa mga proyekto na direktang mapakikinabangan ng mga mamamayan.

Ani Pangulong Marcos, ang mga gusali ay mayroong fire sprinkler system na awtomatikong matututop at mapipigil ang sunog.

Ang proyekto ay nakompleto sa loob lamang ng apat na buwan bago ang itinakdang iskedyul, nakahanay ito sa direktiba ng Pangulo na madaliin ang konstruksyon ng mga bagong pasilidad, pinalitan ang fire-damaged structure.

Matatandaang nangyari ang sunog noong June 15, 2025, nagresulta ng matinding pinsala sa old two-story building kung saan ang silid-aralan ay ganap na hindi magagamit.

Ang DPWH-built four-story Dao building ang ipinalit sa fire-damaged structure at ngayon at ngayon ay mayroong 36 classrooms, habang ang SM-funded Henry Sy Sr. Hall pinalitan ang lumang Narra Building at nagdagag ng 24 na silid-aralan.

Samantala, ang San Francisco High School, isa sa pinakamalaking public secondary schools isa bansa, nagsisilbi sa 6,800 mag-aaral. ( DARIS JOSE)

SPECIAL ELECTION SA DASMARINAS CAVITE

Posted on: June 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

GAGANAPIN ang special elections sa nag-iisang legislative district ng Dasmariñas , City Cavite sa August 29,2026 kasunod ng pagpapatalsik ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kay dating Rep. Kiko Barzaga, sinabi ng Commission on Elections (Comelec) nitong Miyerkules.

Nauna nang sinabi ni Comelec chairperson George Erwin Garcia na dapat magsagawa ng special elections nang hindi mas maaga sa 60 araw ngunit hindi lalampas sa 90 araw matapos mabakante ang puwesto.

Si Barzaga ay pinatalsik noong Hunyo 2 dahil sa kanyang “disruptive” at “disorderly behavior.”

Sinabi rin ni Garcia na magkakaroon ng coordinated meeting ang poll body sa Huwebes kasama ang mga security forces, opisyal ng Dasmariñas, Cavite, at mga ahensya ng gobyerno na kasangkot sa pagsasagawa ng espesyal na halalan.

Samantala sinabi ni Garcia na sumulat na siya sa Pangulo para sa karagdagang pondo at umaasa na makakuha mula sa contingency fund .

Idinagdag ni Garcia na hiniling niya sa finance department ng Comelec na maghanap ng savings o magmungkahi ng realignment mula sa kasalukuyang badyet.

Muli niyang iginiit na kakailanganin ng poll body ang partikular na halaga dahil mayroong higit sa 437,000 rehistradong mga botante sa distrito, na mangangailangan ng karagdagang materyales sa halalan at honoraria para sa mga guro na magsisilbing electoral board members sa araw ng halalan.

Ayon kay Garcia , ito ay isang hamon para sa Comelec ngunit aniya ang kakulangan ng pondo ay hindi isang dahilan upang hindi isagawa ang halalan dahil sinabi ng Korte Suprema na ang Comelec ay dapat maghanap ng badyet para sa espesyal na halalan.

Matatandaan na huling pagkakataon na nagsagawa ng espesyal na botohan ang poll body ay noong Marso 14, 2026 matapos mamatay si dating Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop noong 2025.

Ang anak ni Acop na si Philip Conrad o “Bong” ay nahalal matapos makakuha ng 60,051 sa 82,796 na boto. (Gene Adsuara)

PBBM sa pagbisita sa GenSan, tiyakin ang ‘structural integrity’ ng mga ospital

Posted on: June 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PERSONAL na ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ilang public facilities sa General Santos City kung saan inatasan niya ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na iprayoridad ang ‘structural assessments’ ng mga health facilities na napinsala ng magnitude 7.8 earthquake na tumama sa Mindanao.

Binisita ng Pangulo ang St. Elizabeth Hospital para i-assess ang lawak ng pinsala at idetermina ang agarang pangangailangan ng pasyente at healthcare workers.

Ipinag-utos ng Pangulo sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na bilisan ang structural integrity assessments ng mga ospital at iba pang health facilities upang masiguro ang kaligtasan ng publiko at mapadali ang ligtas ng pagbabalik ng mga pasyente.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), binigyang diin ni Pangulong Marcos ang pangangailangan na iprayoridad ang ebalwasyon ng medical facilities habang nagpapatuloy ang ‘rehabilitation and relief operations’ sa mga komunidad na tinamaan ng malakas na pagyanig.

Sa kabilang dako, umabot na sa 45 ang mga nasawi mula sa malakas na lindol na tumama sa Sarangani.

Maliban sa pag-inspeksyon ng Pangulo sa ospital, binisita rin ng Chief Executive ang nagpapatuloy na distribusyon ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa General Santos City Oval Plaza.

Gayundin, binisita ng Pangulo ang Romana C. Acharon Central Elementary School at General Santos National High School para i- assess ang epekto ng lindol sa educational facilities.

Isinagawa ang inspeksyon habang nagpapatuloy ang mga ahensiya ng pamahalaan sa ginagawa nitong ‘damage assessments at recovery efforts’ sa mga apektadong lugar. ( DARIS JOSE)

₱100-M tulong sa GenSan at ayuda sa mga biktima ng lindol, personal iniabot ni PBBM

Posted on: June 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PERSONAL na inabot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang P100 milyon na tulong pinansiyal kay General Santos City Mayor Lorelie Pacquiao nang magtungo Miyerkoles ang Pangulo sa Mindanao.

Ang nasabing pondo ay para magamit sa pagpapaayos sa General Santos City Hall.

Ayon kay Pangulong Marcos, galing ang pondo sa Local Government Support Fund.

Inanunsiyo din ng Pangulo na ang lahat ng pamilya na namatayan ay makakatanggap din ng tig P50,000 na ayuda.

Base sa pinakahuling talaan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, umaabot sa 45 indibidwal na ang naiulat na nasawi dahil sa lindol.

Bibigyan din ng pinansyal na ayuda ni Pangulong Marcos ang local government ng Sarangani at South Cotabato para sa pag-aayos sa mga nasirang imprastraktura.

Gayunman, walang tinukoy na halaga ang Pangulo. Kukunin aniya ang pondo sa LGSF.

( DARIS JOSE)

Sahod ng nurse, itaas sa P50,000, isinusulong ng mga mambabatas 

Posted on: June 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISINUSULONG ng mga mambabatas ang P50,000 entry-level salary, at siguruhin ang ligtas na nurse-to-patient ratios upang maprotektahan ang healthcare workers at publiko.

Inihain ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, kasama sina Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Jane Elago at Kabataan Party-list Rep. Renee Louise Co ang House Bill 9841 o Comprehensive Nursing Law of 2026 na nagsusulong na i-overhaul ang nursing sector sa pamamagitan ng pagtugon sa systemic exploitation, mandatong P50,000 entry-level salary, at masiguro ang nurse-to-patient ratios.

“The current system is built on the exploitation of our nurses. We export some of the world’s best healthcare professionals while our own hospitals are severely understaffed and our communities lack basic care. This bill is a decisive step towards correcting this injustice and building a health system that truly serves the Filipino people,” ani Tinio.

Isinusulong sa panukala ang pagbasura sa Republic Act No. 9173 o Philippine Nursing Act of 2002 at tugunan ang mga isyu sa ‘nursing crisis: poverty-level wages, precarious employment, and dangerous working conditions.

“There is no place for contractualization and job insecurity in our hospitals. This bill mandates direct hiring and security of tenure for all nurses, in both the public and private sectors,” paliwanag ni Tinio.

Kabilang sa panukala ang dagdag sahod tulad ng pagkakaroon ng minimum entry-level salary na P50,000 (Salary Grade 15) para sa nurses sa public sector.

Gayundin ang pagkakaroon ng ligtas na nurse-to-patient ratios, tulad ng 1:6 para sa maayos na sitwasyon sa general wards at 1:1 sa intensive care units. Layon nitong maresolba ang naging kaugalian na isang nurse na mag-aruga sa 40 hanggang 60 pasyente.

Sinabi ni Tinio na mahigit sa 316,000 Filipino nurses ang nag-abroad, habang nasa 124,999 ang unemployed, underemployed, o umalis sa nasabing propesyon. Sa mga employed locally, 106,694 ang nasa private hospitals na tumatanggap ng minimum wage.

“It is unjust that the nurses who cared for us during the pandemic continue to be paid wages that cannot sustain a family. It is time to recognize their sacrifice and provide true justice,” dagdag ni Tinio.

(Vina de Guzman)

DHSUD, ipinag-utos ang housing loan moratorium sa quake-hit Mindanao

Posted on: June 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INATASAN ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling ang mga key shelter agencies (KSAs) na simulan ang pagpapatupad ng moratorium sa housing amortization para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Alinsunod aniya ito sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agarang maghatid ng tulong sa mga naapektuhan ng magnitude 7.8 earthquake na tumama sa ilang bahagi ng Mindanao.

Ani Aliling, inatasan niya ang KSAs ng departamento gaya ng Pag-IBIG Fund, National Housing Authority (NHA), Social Housing Finance Corporation (SHFC), and National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC)— na magsagawa na kinakailangang hakbang para sa pagpapatupad ng moratorium on housing loan amortization para sa mga kuwapikadong apektadong benepisaryo.

Ia-anunsyo naman sa madaling panahon ang alituntunin ng bawat KSAs sa implementasyon ng moratorium at sakop nito.

Maliban sa moratorium on housing amortization, agad namang magde-deploy ang Pag-IBIG Fund at NHA ng teams para tulungan ang mga biktima ng lindol.

Dalawang Pag-IBIG on Wheels Mobile Branches ang idedeploy sa General Santos City at Dipolog City para tulungan ang mga aepktadong miyembro, habang ang NHA teams ay dineploy para magsagawa ng ground assessments para agad na iproseso ang emergency shelter assistance.

““Sa panahon ng sakuna, importanteng mabawasan ang alalahanin ng ating mga kababayan. Ang prayoridad ay ang kanilang kaligtasan,” ang sinabi ni Aliling.

Sa kabilang dako, inatasan naman ni Aliling ang Regional Offices na i- activate ang kanilang shelter clusters upang matiyak ang kahandaan at mapabilis ang agarang paghahatid ng shelter-related interventions kapag ang situwasyon ay nangailangan ng karagdagang mga hakbang sa pagtugon.

Ang panawagan ay para sa mahigpit na koordinasyon kasama ang local government units, the Office of Civil Defense (OCD), the National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), at iba pang ahensiya na i-assess ang pinsala sa mga bahay at tukuyin ang mga pamilya na nangangailangan ng agarang shelter assistance.

Inatasan din ni Aliling ang DHSUD Regional Office XII na magsagawa ng mabilis na ground assessment ng apektadong komunidad, partikular sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity.

“Patuloy tayong nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno upang matiyak na agad nating matugunan ang pangangailangan lalo na sa aspeto ng pabahay nang mga pamilyang apektado ng lindol,” aniya pa rin.

 ( DARIS JOSE)

8 wanted persons, nabitag ng NPD sa manhunt ops

Posted on: June 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

WALONG wanted na indibidwal kabilang ang tatlong most wanted persons ang nalambat sa manhunt operation na isinagawa ng Northern Police District (NPD) units at police stations sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan City.

Sa ulat ng tanggapan ni NPD Acting Director P/BGen. Benliner Capili, naaresto ng mga operatiba ng Caloocan Police Warrant and Subpoena Section ang 65-anyos na lolo na residente ng Brgy., 133, ng lungsod na akusado sa kasong Murder.

Isinilbi sa kanya ang arrest warrant na inisyu ng Regional Trial Court Branch 123, Caloocan City, para sa kasong Murder na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Dinampot naman ng mga operatiba ng DID-IOS North ang 39-anyos na lalaki na residente ng Brgy., Bagong Silang at akusado sa Attempted Murder sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court Branch 126, Caloocan City, na may inirekomendang piyansa na P120,000 para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Isang 44-anyos naman na lalaking car tint installer at residente ng Brgy., 185 ang dinakip ng mga operatiba ng NPD-DSOU sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court Branch 123, Caloocan City para service of sentence dahil sa paglabag sa Republic Act 9165.

Sa ilalim ng Responsive and Dynamic Law Enforcement and Public Safety Services, pinatitibay ng NPD ang pangako nitong pangalagaan ang mga komunidad, pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, at paghahatid ng maagap, mahusay, at maaasahang serbisyo ng pulisya sa publiko. (Richard Mesa)

Pondo ng gobyerno para sa Brigada Eskwela, pinapabusisi ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno

Posted on: June 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAIS ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno na pabusisiin kung sapat ang pondo ng gobyerno para sa Brigada Eskwela at iba pang aktibidades sa paaralan.

Ang pahayag ng mambabatas ay kasunod ng ulat na patuloy ang public school teachers sa paggastos ng sariling pera para sa preparasyon ng classrooms para sa pagbubukas ng klase.

Sa House Resolution No. 1102, nanawagan si Diokno sa House Committee on Basic Education and Culture at iba pang kaukulang komite na imbestigahan, in aid of legislation, ang napa-ulat na out-of-pocket expenses ng mga guro para sa classroom repairs, facility maintenance, sanitation improvements, at iba pang school preparation activities. 

Ayon kay Diokno, nakapaloob sa 1987 Constitution ang mandato sa estado na suportahan ng sapat ang edukasyon, kabilang na ang pagbibigay proteksyon sa mga guro mula sa financial burdens.

“Despite existing DepEd memoranda, reports have documented instances of school teachers spending personal funds for classroom repairs, facility maintenance, sanitation improvements, and other Brigada Eskwela activities in preparation for the opening of classes,” ani Diokno. 

Sa kabila na maraming guro ang boluntaryong gumagamit ng sariling pera para tumulongsa kanilang mga estudyante, sinabi ni DepEd Secretary Sonny Angara na hindi inaasahan o nire-require ang mga ito na gamitin sariling pera para sa mga school readiness activities. 

“There is a need, therefore, for a congressional inquiry to determine whether existing appropriations, funding mechanisms, and accountability systems are sufficient to ensure that public schools are adequately prepared for the opening of classes without requiring teachers to shoulder costs that properly belong to the State,” pahayag ni Diokno.

Kabilang sa pinabubusisi ang lawak at dalas ng personal na paggastos ng mga guro para sa Brigada Eskwela at iba pang kaugnay na school readiness activities, ma-assess ang dalas at paggamit ng maintenance and operating funds, at rebyuhin ang implementation ng polisiya na nagbabawal sa paggamit ng personal funds ng teachers para sa school operational requirements.

Kasama ni Diokno na naghain ng resolusyon sina Akbayan Party-list Reps. Percival “Perci” Cendaña at Dadah Kiram Ismula, at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao. ( DARIS JOSE)

MOVABLE FLOATING PLATFORM, MAMATAAN SA BAJO DE MASINLOC

Posted on: June 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAMATAAN ang isang movable floating platform sa karagatan sakop ng Bajo de Masinloc ayon sa National Task Force for the West Phillipine Sea.

Sinabi ni WPS Rear Admiral Jay Tarriela na ang natukoy na istraktura ay isang data gathering object para sa marine science research dahil sa mga presensya ng Chinese vessels.

Ayon kay Tarriela, bukod sa floating platform ay may mga boya rin at antenna na pawang hindi pa malinaw kung para saan.

Sinabi naman ni National Maritime Council spokesperson Usec Alexander Lopez, na iligal ang anumang ginagawa ng China sa Bajo de Masinloc dahil ito ay nasa layo lamang na 119 nautical miles mula sa palauig,Zambales at sakop ito ng exclusive economic zone ng bansa.

Sa ngayon , patuloy aniya ang monitoring habang nagpahayag naman si DFA Deputy Asec Rogelio Villanueva Jr ng pag-aaalala sa nasabing istraktura .

Ayon kay Villanueva, ang presensya ng istraktura ay malinaw na paglabag sa soberenya ng Pilipinas kaya naman nagsasagawa na sila ng angkop na diplomatikong aksyon at diplomatikong protesta laban sa Republic of China.

Sa panig naman ng Armed Forces of the Philippines for WPS, sinabi ni RADM spokesperson Roy Vincent T. Trinidad PN na para sa inter-agency ng gobyrno ay patuloy silang nakikipag-ugnayan sa kanilang allies upang maisakatuparan ang kanilang mandato.

Samantala, sinabi rin ni Tarriela na nakaranas din ng pangha-harrass ang sasakyang panghipapawid ng BFAR at PCG na nagsagawa ng maritime domain awareness flight. (Gene Adsuara)