• June 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mayor Jeannie, tiniyak sa Malabueños na nakahanda ang LGU sa pagsisimula ng tag-ulan

TINIYAK ni Mayor Jeannie Sandoval sa mga Malabueño na ganap na nakahanda ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon na tumugon sa mga emerhensiya at protektahan ang mga residente sa pagsisimula ng tag-ulan.

“Ang kaligtasan ng bawat tahanang Malabueño ang ating pangunahing prayoridad. Marami na ang kalamidad na dumaan sa ating lungsod ang ating napagtagumpayan ng nagkakaisa. At ngayong panahon na naman po ng tag-ulan, ating ipagpapatuloy ang bayanihan at malaksakit sa ating mga kababayan. Nakaantabay ang ating mga emergency response teams at patuloy nating pinaghahandaan ang anumang epekto ng masamang panahon upang matiyak ang mabilis at maayos na pagtugon sa pangangailangan ng ating mga mamamayan,” aniya.

Ayon sa Malabon Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), pinaigting ng lungsod ang mga pagsisikap nito sa paghahanda, kabilang ang patuloy na pagsubaybay sa mga abiso sa lagay ng panahon, pagtataya ng baha, at impormasyon sa peligro upang suportahan ang napapanahong at matalinong paggawa ng desisyon. Ang Malabon Command and Communication Center ay aktibo bilang sentro ng command post para sa mga hakbang sa pagtugon sa kalamidad.

Binigyang-diin ni Mayor Sandoval na ang lahat ng response clusters at concerned offices ay itinuro upang tiyakin ang kahandaan ng mga mapagkukunan, pasilidad, at tauhan. Kabilang dito ang pag-iimbak ng mga pagkain at hindi pagkain, inspeksyon ng mga kritikal na pasilidad, at pagpapanatili ng kahandaan sa pagpapatakbo sa Emergency Operations Center (EOC).

Operating din ang 40 pumping stations sa iba’t ibang barangay na makakatulong sa pagpigil sa pagbaha, at regular din ang paglilinis sa mga kalsada at daluyan ng tubig para maiwasan ang pagbabara ng mga drainage system.

Naglagay din ng health monitoring protocols upang makatulong na maiwasan at matugunan ang mga sakit na karaniwang nauugnay sa tag-ulan, kabilang ang dengue, leptospirosis, pagtatae, at impeksyon sa paghinga

Hinikayat naman ni City Administrator Dr. Alexander Rosete ang lahat ng residente na manatiling may kaalaman sa pamamagitan ng mga opisyal na payo, maghanda ng mga emergency go-bag, at makipagtulungan sa mga awtoridad sa panahon ng mga emerhensiya.

“Disaster preparedness is a shared responsibility. Kung ang pamahalaan, mga komunidad, at tahanan ay patuloy na magtutulungan, mas nagiging handa at matatag tayo sa pagharap sa hamon ng kalamidad at sakuna. Mas mabuti pong tayo ay handa at nakikiisa sa inisyatiba ng pamahalaan dahil para po ito sa kapakanan ng bawat mamamayan,” dagdag niya. 

(Richard Mesa)