• October 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June 9th, 2026

Nasa ‘Pinas para i-promote ang edukasyon at turismo… ZHANG na mas kilalang ‘Linda Walker’, mainit na tinanggap ng mga fans (ni: ROHN ROMULO) 

Posted on: June 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NASA Maynila na ang Chinese actress na si Zhang Yingfei, ang bida sa likod ng viral na karakter na Linda Walker sa hit na micro-drama na “The Heiress Who Won with Brains” na sinubaybayan ng mga Pinoy.

Halos hatinggabi na noong Hunyo 8, nang dumating sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport si Zhang na lulan ng Air China. 

Para ito sa isang multi-day visit na nakatuon sa cultural exchange at educational outreach na “Linda Walker Visits The Philippines to Promote Education for a Better Future.”

Mainit ngang tinanggap si Zhang ng mga opisyal ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) at ng ilang tagahangang Pinoy upang masilayan ang aktres na mula sa China. Na nagkaroon ng konting kaguluhan sa arrival hall dahil sa sumalubong na fans at media para i-cover ang kanyang pagdating ng bansa, kaya idinaan na lang ito sa VIP exit.

Nasa ‘Pinas nga si Zhang dahil sa imbitasyon ng FFCCCII bilang bahagi ng isang programa para isulong ang kahusayan sa edukasyon, pagpapahalaga sa kultura at mas matibay na ugnayan ng mga tao sa pagitan ng Pilipinas at China. 

Kinaumagahan, nagkaroon ng courtesy call si Zhang kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa Manila City Hall.

Kasunod nito, nagkaroon ng pagkakataon si Zhang na libutin at literal na naglakad sa mga makasaysayang distrito sa Binondo na kung saan pinuntahan nila ang arko sa oldest Chinatown in the world (432 years) at nag-tour din ang grupo sa historic Intramuros.

Ayon pa sa mga organizer na ang pagbisita ay naglalayong ipakita ang kasaysayan, kultura at turismo ng Pilipinas habang binibigyan ang aktres ng pagkakataong maranasan ang mayamang tradisyon ng bansa. 

Ang isa pang malaking highlight ng pagbisita ang pagtatagpo nila ng Education Secretary na si Juan Edgardo “Sonny” Angara at Quezon City Mayor Joy Belmonte kasama ang mga pinuno ng FFCCCII para sa isang outreach program sa Quezon City High School ngayong araw, Hunyo 9.

Infairness, maganda at matangkad in person si Zhang, na kakaiba sa hitsura sa hit vertical series.

Turning 22 na sa siya sa June 13 at balitang magkakaroon ng birthday asalto sa magaganap na meet-and-greet sa SM North EDSA.

Sa panahon ng kaganapan, ang mga mag-aaral ay makakatanggap ng mga gamit sa paaralan at pang-araw-araw na pangangailangan, habang si Zhang ay inaasahang magbabahagi ng isang inspirational na mensahe na naghihikayat sa mga kabataan na ituloy ang edukasyon, magtiyaga sa mga hamon at magsikap para sa kanilang mga pangarap. 

Sinabi ng mga organizer na lalahok din ang aktres sa serye ng mga panayam sa media sa kanyang pananatili, na tinatalakay ang kahalagahan ng edukasyon, pag-unlad ng kabataan at pagkakaibigan sa kultura sa pagitan ng mga kalapit na bansa sa Asya. 

Ang pagbisita ni Zhang sa bansa ay magtatapos sa isang meet-and-greet sa Hunyo 10 sa 3 p.m.  sa Atrium, Level 4, Annex Building ng SM North EDSA sa Quezon City.  

Libre ito at bukas sa mga mag-aaral, tagapagturo, grupo ng kabataan, tagahanga at miyembro ng publiko sa first-come, first-served basis. 

Ang “The Heiress Who Won with Brains” ay naging isa sa pinakapinapanood na serye ng micro-drama sa mga social media platform, kasama ang paglalarawan ni Zhang sa matalino at determinadong si Linda Walker na nakakuha ng malaking international followers. 

Ang mga organizer ay nagpahayag ng pag-asa na ang kanyang pagbisita sa Pilipinas ay magbabago sa online na paghanga sa makabuluhang personal na pakikipag-ugnayan, na magbibigay-daan sa mga kabataan na makakuha ng inspirasyon mula sa mga tema ng pagsusumikap, pag-aaral at tiyaga na nag-ambag sa katanyagan ng serye. 

Ang programa ay inorganisa ng FFCCCII sa tulong ng Chinese Embassy.  Sinabi ng FFCCCII na itinatampok din ng pagbisita ang matagal nang pangako nito sa edukasyon sa pamamagitan ng proyekto nito sa “Operation Barrio Schools”, na nakatulong sa pagbibigay ng libu-libong mga gusali ng paaralan para sa mga estudyante ng pampublikong paaralan sa buong bansa. 

Anyway, para sa mga kabataand Pinoy, si ‘Linda Walker’ ay hindi lang basta fictional character dahil naging simbolo na rin siya sa pag-asa.

Para maprotektahan ang mga tao sa paligid niya…JILLIAN, mas gustong maging private ang kanyang lovelife (ni: ROMMEL GONZALES) 

Posted on: June 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAGANDA, talented, sikat, single at good catch, kaya naman hindi maiwasan na i-link si Jillian Ward sa ilang male personalities, the latest ay ang bagong Sparkle GMA Artist Center artist na si Kobie Brown.

At sa latest guesting ni Jillian sa “Fast Talk with Boy Abunda” ang tungkol sa kanyang lovelife ang naitanong.

Lahad ng Star of the New Gen…

“Gusto ko rin po maprotektahan yung mga tao sa paligid ko, whether family ko yun or friends ko, or loved ones.

“Gusto ko na maging private siya para mas ma-cherish ko yung mga connections ko, relationships ko with people.

“And I want to protect their privacy, lahat ng mga tao around me.”

Nagbigay naman ng payo kay Jillian ang kasabay niya na mag-guest at kasama niyang hurado sa “The Clash Teens” na si Christian Bautista tungkol sa love.

“From the onset pa lang na magde-date or whatever, sana maging honest na siya at ikaw sa isa’t isa.

“’Yung talagang wala nang best foot forward. Ito ako, ito siya, how will we make this work,” saad ni Christian.

Sina Jillian, Christian at  JL ng BGYO ang bumubuo sa panel of judges ng “The Clash Teens.”***

DAHIL nahihiya ay pilit itinago ni Sean Lucas ang kilig at excitement niya na makatrabaho si Heart Evangelista sa “The People Have Spoken”.

“Nakikita niyo ba I’m trying to act so cool about it, di ba? I’m trying to pretend that I’m fine, ganoon na, ‘Hindi. This is all normal,’” kuwento ni Sean sa Kapuso Showbiz News.

“Tsaka kanina nung nag-i-spiels siya tapos binabangit niya yung pangalan ko medyo kinikilig ako. ‘Parang, ‘Ano ba, tigilan mo na Heart, bukambibig mo na ako. Ganoon (crossed fingers meaning close na) na tayo,” very happy na kuwento ni Sean.

“Nung first meeting namin, it was a screen test for ‘The People Have Spoken.”

“Tapos pumasok ako sa dressing room na I said ‘Hi!’ Sabi niya, ‘Hello,’ ganun-ganun, ‘Congratulations.’ 

“Then I walked out of the room and I was like, (halos isubo ang kamao na tila kinikilig.) I literally did that!

“And then, kunwari lang, cool lang ako. Tapos mamaya ulit magkikita dapat kami. ‘O tinatawag na kayo.’ Sabi ko (muling tago ng kaniyang tuwa), ‘Hello po! So happy to work with you!’

“Ganun lang. Kasi dapat nonchalant tayo. Maintain natin yung ganun nating image. Hindi pasok sa branding yung tumitili tayo. But oh my God!”

Mula sa GMA Entertainment Group ang “The People Have Spoken” ay napapanood tuwing Sabado, 6:15 pm.

Sobrang grateful sa natanggap na opportunity… ANDREA, nakasungkit ng dalawang nominasyon sa ‘Star Awards For Music’ (ni: NONIE NICASIO) 

Posted on: June 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ANG singer na si Andrea Gutierrez na kilala rin bilang Bossa Nova Princess ay nakasungkit ng two nominations sa 17th PMPC Star Awards for Music na gaganapin sa Teatrino, Greenhills, sa June 25, 2026.

Ang kategorya na nominated siya ay sa New Female Recording Artist of the Year para sa “Naghihintay” at Christmas Song of the Year para sa kantang “Ngayong Pasko.”

Kinuha namin ang kanyang reaction tungkol dito.

Aniya, “Thankful po… I’m beyond grateful and honored to be nominated po at the PMPC Star Awards for Music. Being nominated with other singers is already a blessing na po.

“This nomination means a lot to me and super grateful for this opportunity.”

Ayon pa kay Andrea, “Both of my songs po were composed by Samuel Valdecantos.”

Naka-ilang single na siya? “I have two singles po, iyong ‘Naghihintay’ and ‘Mestizong Gwapo’ (latest), plus one Christmas song titled ‘Ngayong Pasko.’ I also revived ‘Walang Kapalit,’ which was personally given to me by Tito Rey Valera. 

“Iyong Mestizong Gwapo po is a fun and kilig song about having a crush on a guy who’s super charming and attractive. It’s about being captivated by that guy and na-eexperience mo yung excitement and kilig kapag may crush ka. Iyong song po is relatable siya because I think everyone has experienced that feeling at some point,” pakli pa ni Andrea. 

Aminado rin ang singer na magkahalo ang naramdaman niya nang bansagang Bossa Nova Princess.

Esplika niya, “Honestly po, nakakakaba pero sobrang grateful din po ako na may mga taong nakaka-appreciate ng music ko. Hindi ko po in-expect na matatawag ako as ‘Bossa Nova Princess,’ kaya sobrang happy po ako.

“For me, malaking compliment po siya, and it motivates me to keep growing as an artist and keep sharing my music with everyone.”

Paano siya nahilig sa ganitong tipo ng songs? 
“Before po, bumibirit po talaga ako since yun po yung genre na madalas kong kinakanta at pinanalo ko sa Asia’s Best Singing Competition Season 3. Then one time po, naka-duet ko si Tito Marco Sison sa song na ’Guilty’ during his concert po, and sabi po ng iba bagay din sa akin yung ganoong style.

“From there po, nag-start na ako sa jazz, hangga’t sa naging bossa nova na rin po yung madalas na requests sa akin,” sambit pa ni Andrea.

Ads June 9, 2026

Posted on: June 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Matapos ang malakas na lindol sa Gen San…MAYNILA, NAKA-HIGH ALERT STATUS

Posted on: June 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGTAAS ng High Alert Status ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila bilang precautionary and preparedness measure matapos ang malakas na lindol sa General Santos City.

Sinabi ni Manila Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso na bahagi ito ng nakagawiang paghahanda ng Manila LGU tuwing may malakas na lindol sa bansa, kahit malayo sa NCR. Inatasan ang din ng alkalde ang MCDRRMD na maghanda sakaling kailanganing magpadala ng response team sa GenSan at iba pang lugar na naapektuhan ng lindol.

Kasabay nito, ipinag-utos rin ni Mayor Isko ang agarang inspeksyon at monitoring sa mga lumang gusali, pampublikong paaralan, government buildings, at iba pang kritikal na pasilidad sa Maynila upang matiyak na ligtas ang mga ito sakaling magkaroon ng pagyanig.

Layunin nito na masiguro na handa, alerto, at nakaantabay ang lungsod para sa kaligtasan ng publiko. (Gene Adsuara)

Malakanyang, binasura ang panukala ni Cayetano na ‘interim’ Senate setup

Posted on: June 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BINASURA ng Malakanyang ang panukala ni dating Senate President Alan Peter Cayetano para sa isang interim leadership arrangement sa Senado.

Muling inulit ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na tanging ang kinikilala lamang ng Executive branch ay si acting Senate President Sherwin Gatchalian bilang lehitimong lider ng Senado.

Para kay Castro, sa ngayon ay walang maidudulot na maganda ang ganitong klaseng arrangement.

Sa ulat, itinutulak ng kampo ni Cayetano ang posibleng interim administrative arrangements sa bagong Senate majority group na pinangungunahan ni Gatchalian.

Kabilang sa mga panukala ang adopsyon ng isang “dual-signatory or joint certification mechanism for vouchers, checks, disbursements, contracts, personnel actions and other documents necessary for the continued operations of the Senate and the Impeachment Court.”

Matatandaang nahalal si Gatchalian bilang bagong Senate President Pro Tempore na tatayo ring acting Senate President.

Nangyari ang pagbabago sa liderato ng Senado matapos magkaroon ng quorum dahil sa paglipat ni Sen. Chiz Escudero sa Solid Bloc 11 na lumutang kahapon sa Senado kaya naging 12 ang dating ­minority habang 11 na lang ang grupo ni ­Senate President Alan Peter ­Cayetano. Kailangan pa nila ng isang senador upang maging 13 ang bilang at maging lehitimong Senate President si Gatchalian.

Hindi naman kinilala ni Cayetano ang palit-lideratong ginawa ng Senate minority bloc matapos ang pagsipot ni Sen. Chiz Escudero sa Senado, sa plenary session noong Hunyo 3.

Sa Facebook Live ni Cayetano nito ring Miyerkules, Hunyo 3, tinawag niyang ilegal ang kudetang ginawa ng mga kasapi ng minorya.

“This is an illegal coup d’état na may kasamang pagbabasura ng ating Konsitusyon. I warned everyone about this from day one,” saad ni Cayetano.

Dahil dito, nagbabala si Castro na ang setup ay maaaring maging salamin ng nakaraang political agreements na sa kalaunan ay naging kontrobersiyal.

“Baka mangyari na naman ang nangyari dati sa House of Representatives, kung saan mayroon na silang term-sharing agreement na hindi tinupad agad ni Senator Alan Cayetano,” ani Castro.

Tinukoy ni Castro ang nasirang term-sharing agreement bilang House Speaker sa pagitan nina Cayetano, dating Taguig-Pateros representative, at dating Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Samantala, muling inulit naman ng Malakanyang na “the election of Gatchalian as acting Senate president was consistent with existing jurisprudence, including the Avelino-Cuenco doctrine, and with precedents previously applied by the Senate.”

Kaya nga sinabi ni Castro na makikitungo lamang ang Ehekutibo kay Gatchalian pagdating sa mga usapin ng Senate leadership at o opisyal na komunikasyon. 

(DARIS JOSE)

Sandoval, Tiangco at Gatchalian, nakiisa sa Balik Eskwela 2026

Posted on: June 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAKIISA sina Malabon Mayor Jeannie Sandoval, Navotas Mayor John Rey Tiangco at Valenzuela Mayor Wes Gatchalian sa pagbubukas ng klase para sa Balik Eskwela 2026. 

Masayang nakisalamuha si Mayor Sandoval sa mga batang mag-aaral sa Malabon Elementary School habang nagbigay naman ng kanyang mensahe sa mga batang mag-aaral si Mayor Tiangco.

Nagsagawa naman ng inspeksyon si Mayor Gatchalian sa pedestrian lane, waiting shed, at mga classroom sa Lawang Bato Elementary School at Pasolo Elementary School para tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral at mga guro. (Richard Mesa)

NHA, SINURI ANG PINSALA NG LINDOL SA MGA PROYEKTONG PABAHAY SA MINDANAO; HINAHANDA NA ANG TULONG PARA SA MGA APEKTADONG PAMILYA

Posted on: June 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

AGAD na ipinag-utos ni National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben A. Tai ang isang rapid assessment sa mga project sites ng ahensya na naapektuhan ng 7.8 magnitude na lindol na tumama sa baybayin ng Saranggani nitong Hunyo 8, 2026. 

Mabilisang inatasan ni GM Tai ang mga tanggapan ng NHA sa Regions 9, 11, 12 at 13 na masusi at maingat na magsagawa ng site inspections at masuri ang kalagayan ng mga housing units at community facilities ng ahensya, upang matiyak ang kaligtasan ng mga buhay at istruktura sa mga resettlement sites. 

“Kasulukuyan po ang aming koordinasyon sa aming mga regional offices sa Mindanao, at sa mga local government units ng mga apektadong lugar upang masiguro ang angkop at mabilis na pagtulong sa aming mga benepisyaryo [ng pabahay] at sa iba pang pamilyang lubos na naapektuhan ng lindol,” GM Tai said.

Sa panahon ng kalamidad, nagpapatupad ang NHA ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) kung saan nagpapaabot ang ahensya ng tulong pinansyal sa mga pamilyang naapektuhan ng lindol, pagbaha, sunog at iba pang sakuna. Bilang paghahanda rito, ang mga regional offices katuwang ang mga LGU ay masusing nagmo-monitor ng mga housing project at data verification ng mga benepisyaryo ng pabahay at iba pang naapektuhan. Ito ay para mabuo ang masterlist ng mga benepisyaryo ng EHAP. Ang mga makakasama sa listahan ay makakatanggap ng tulong pinansyal na maaaring gamitin ng pamilya upang pambili ng kagamitan sa pagkukumpuni at pagtatayo ng mga bahagya o tuluyang nasira na mga tahanan.

Bukod sa tulong pinansyal, pinag aaralan din ng NHA ang pagpapatayo ng bagong mga tahanan para sa mga pamilyang lubhang naapektuhan. Ang pangmatagalang solusyon na ito ay susuriin sa ilalim ng Housing Assistance Program for Calamity Victims (HAPCV) ng ahensya.

Ang NHA ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa national at local response agencies upang masuri ang kalagayan ng mga nasabing lugar. Pinagtitibay ng ahensya ang kanyang pangako na uunahin ang kapakanan at pangangailangan ng lahat ng mga apektadong benepisyaryo sa Mindanao.

Ayon sa ulat, naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang 7.8-magnitude na lindol na naramdaman sa mga lalawigan sa loob ng Mindanao Island, lalo na sa General Santos City.

Naapektuhan din ng matinding lindol ang Zamboanga Peninsula, Davao Region, Soccsksargen at sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

“Makaasa po ang bawat isa na handa ang NHA na maghatid ng mga programang tutugon sa mga apektado ng kalamidad na kagaya nito upang sila’y matulungang makabangong muli,” binigyang-diin ni GM Tai. (PAUL JOHN REYES)

Matapos ang malakas na paglindol: DBM, tiniyak na nananatiling available ang Quick Response Funds (QRFs) na pang-suporta sa response and relief operations sa Sarangani at kalapit-lugar

Posted on: June 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINIYAK ng Department of Budget and Management (DBM) na nananatiling available ang Quick Response Funds (QRFs) ng lahat ng QRF-assisted agencies at maaaring agad na gamitin para suportahan ang nagpapatuloy na disaster response and relief operations bunsod ng malakas na paglindol na nakaapekto sa Sarangani at kalapit-lugar.

Patuloy naman ang mahigpit na pakikipag-ugnayan ng DBM sa mga kinauukulang ahensiya at nakahanda na iproseso ang anumang request para sa QRF replenishment na maaaring isumite upang masiguro na magpapatuloy ang paghahatid ng tulong sa mga apektadong komunidad.

Para sa pagtugon sa malakas na pagyanig sa Sarangani, nananatiling available ang umiiral na QRF resources para sa agarang deployment ng mga concerned agencies, habang nananatili namang handa ang DBM para magbigay ng kinakailangang budgetary support kapag kinakailangan. 

Samantala, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na sapat ang pondo ng pamahalaan upang tugunan ang anumang pangangailangan ng mga mamamayan na apektado ng malakas na paglindol sa Kamindanawan.

Partikular na ani Castro ang quick response fund na maaaring magamit sa pagbibigay ng relief goods, pagpapatayo ng evacuation centers, pagsasagawa ng search, rescue, at retrieval operations at pagbibigay ng emergency medical assistance.

Ayon kay Castro na nagbigay na ng direktiba si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa mga concerned government agencies para umaksiyon sa pangangailangan ng ating mga kababayan na tinamaan ng malakas na pagyanig.

Kailangan aniyang tumugon dito ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno sa gitna ng pagtutok ng Pangulo sa sitwasyon sa Mindanao.

Samantala, wala pang itinakdang petsa kung kailan pupunta ang Pangulo sa naapektuhang lugar ng pagyanig na ayon kay Castro ay hindi talaga ginagawa ng Presidente lalo’t abala pa ang mga ahensiya sa kani- kanilang gawain upang matulungan ang mga biktima ng pagyanig. ( Daris Jose)

Casualties, pinsala iniulat kasunod ng magnitude 7.8 earthquake sa Mindanao —OCD

Posted on: June 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KAAGAD na iniulat ang casualties at damage to properties matapos ang magnitude 7.8 earthquake sa Mindanao, Lunes ng umaga.

Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) deputy spokesperson Diego Mariano, minonitor at validate ang mga casualty.

“However, no official reports as of reporting time,” ani Mariano.

“There were reports of major damage in various infrastructures,” aniya pa rin

Iniulat din ang power supply interruptions at communications issues.

Ang mas pinaka-apektadong rehiyon ay ang Soccsksargen, Davao Region, Zamboanga Peninsula, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao

Nagpapatuloy naman ang paglilikas sa mga apektadong coastal area.

Pinayuhan naman ang publiko na umiwas na bumalik at pumasok sa kani-kanilang bahay lalo na’t mayroong tanda ng pinsala, high-rise buildings, at banta ng aftershocks.

“Rescue units of uniformed services are for deployment anytime. Also, Local Disaster Risk Reduction and Management Offices are directed to supervise the response in their respective areas,” ayon kay Mariano.

Itinaas naman ang “full” at “red” alerts sa Operations Center, National Inter-Agency Coordinating Cell, Response Clusters, and Agencies

Inaasahan naman na bibisitahin ng mga opisyal ng OCD at Department of National Defense (DND) ang mga apektadong lugar sa Mindanao.

May ilang residente sa General Santos City ang nag-ulat ng pinsala sa loob ng kanilang bahay, bumagsak na mga appliances, televisions, cabinets, computers, at iba pang household items nang tumama ang malakas na pagyanig.

Napinsala rin ang simbahan at gusali kung saan mayroong fast food chain.

Bumagsak naman ang power supply sa ilang bahagi ng lungsod, habang may ilang lugar naman ang nakaranas ng water service disruptions.

Naapektuhan din ang mobile at internet signals.

May ilang motorsiklo naman ang natumba.

Ayon sa ulat, may ilang istraktura ang nakitang umuga habang may bahagi ng imprastraktura ang apektado ng lindol sa Davao City.

Sa Davao City National High School, may ilang estudyante naman ang napaulat na nahimatay sa gitna ng panic dahil sa lindol.

Samantala, nag-anunsyo naman ang lokal na pamahalaan ng suspensyon ng klase sa umaga at trabaho sa tanggapan ng gobyerno para masiguro ang kaligtasan ng publiko habang nagsasagawa ng assessment.

Naramdaman naman ang matinding daloy ng trapiko sa lansangan.

Sa kabilang dako, ibinahagi ng Philippine Red Cross ang larawan ng napinsalang istraktura sa KCC Mall.

May kabuuang 17 Red Cross volunteers ang aktibo, habang kaagad namang dineploy ang mga ambulansiya sa North Cotabato, South Cotabato, at Gingoog City para tumulong sa mga apektadong komunidad.

Sa North Cotabato National High School, nagbigay ng tulong ang mga responders sa apat na estudyante na nakaranas ng hyperventilation kasunod ng malakas na lindol.

Mino-monitor naman ng Philippine Red Cross ang mga ospital at komunidad sa mga apektadong lugar.

“The Philippine Red Cross continues to assess the situation and remains ready to provide immediate humanitarian assistance should the need arise,” ayon sa organisasyon. (DARIS JOSE)