NHA, SINURI ANG PINSALA NG LINDOL SA MGA PROYEKTONG PABAHAY SA MINDANAO; HINAHANDA NA ANG TULONG PARA SA MGA APEKTADONG PAMILYA
- Published on June 9, 2026
- by Francis Paolo Torres
AGAD na ipinag-utos ni National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben A. Tai ang isang rapid assessment sa mga project sites ng ahensya na naapektuhan ng 7.8 magnitude na lindol na tumama sa baybayin ng Saranggani nitong Hunyo 8, 2026.
Mabilisang inatasan ni GM Tai ang mga tanggapan ng NHA sa Regions 9, 11, 12 at 13 na masusi at maingat na magsagawa ng site inspections at masuri ang kalagayan ng mga housing units at community facilities ng ahensya, upang matiyak ang kaligtasan ng mga buhay at istruktura sa mga resettlement sites.
“Kasulukuyan po ang aming koordinasyon sa aming mga regional offices sa Mindanao, at sa mga local government units ng mga apektadong lugar upang masiguro ang angkop at mabilis na pagtulong sa aming mga benepisyaryo [ng pabahay] at sa iba pang pamilyang lubos na naapektuhan ng lindol,” GM Tai said.
Sa panahon ng kalamidad, nagpapatupad ang NHA ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) kung saan nagpapaabot ang ahensya ng tulong pinansyal sa mga pamilyang naapektuhan ng lindol, pagbaha, sunog at iba pang sakuna. Bilang paghahanda rito, ang mga regional offices katuwang ang mga LGU ay masusing nagmo-monitor ng mga housing project at data verification ng mga benepisyaryo ng pabahay at iba pang naapektuhan. Ito ay para mabuo ang masterlist ng mga benepisyaryo ng EHAP. Ang mga makakasama sa listahan ay makakatanggap ng tulong pinansyal na maaaring gamitin ng pamilya upang pambili ng kagamitan sa pagkukumpuni at pagtatayo ng mga bahagya o tuluyang nasira na mga tahanan.
Bukod sa tulong pinansyal, pinag aaralan din ng NHA ang pagpapatayo ng bagong mga tahanan para sa mga pamilyang lubhang naapektuhan. Ang pangmatagalang solusyon na ito ay susuriin sa ilalim ng Housing Assistance Program for Calamity Victims (HAPCV) ng ahensya.
Ang NHA ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa national at local response agencies upang masuri ang kalagayan ng mga nasabing lugar. Pinagtitibay ng ahensya ang kanyang pangako na uunahin ang kapakanan at pangangailangan ng lahat ng mga apektadong benepisyaryo sa Mindanao.
Ayon sa ulat, naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang 7.8-magnitude na lindol na naramdaman sa mga lalawigan sa loob ng Mindanao Island, lalo na sa General Santos City.
Naapektuhan din ng matinding lindol ang Zamboanga Peninsula, Davao Region, Soccsksargen at sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
“Makaasa po ang bawat isa na handa ang NHA na maghatid ng mga programang tutugon sa mga apektado ng kalamidad na kagaya nito upang sila’y matulungang makabangong muli,” binigyang-diin ni GM Tai. (PAUL JOHN REYES)