Malakanyang, binasura ang panukala ni Cayetano na ‘interim’ Senate setup
- Published on June 9, 2026
- by Francis Paolo Torres
BINASURA ng Malakanyang ang panukala ni dating Senate President Alan Peter Cayetano para sa isang interim leadership arrangement sa Senado.
Muling inulit ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na tanging ang kinikilala lamang ng Executive branch ay si acting Senate President Sherwin Gatchalian bilang lehitimong lider ng Senado.
Para kay Castro, sa ngayon ay walang maidudulot na maganda ang ganitong klaseng arrangement.
Sa ulat, itinutulak ng kampo ni Cayetano ang posibleng interim administrative arrangements sa bagong Senate majority group na pinangungunahan ni Gatchalian.
Kabilang sa mga panukala ang adopsyon ng isang “dual-signatory or joint certification mechanism for vouchers, checks, disbursements, contracts, personnel actions and other documents necessary for the continued operations of the Senate and the Impeachment Court.”
Matatandaang nahalal si Gatchalian bilang bagong Senate President Pro Tempore na tatayo ring acting Senate President.
Nangyari ang pagbabago sa liderato ng Senado matapos magkaroon ng quorum dahil sa paglipat ni Sen. Chiz Escudero sa Solid Bloc 11 na lumutang kahapon sa Senado kaya naging 12 ang dating minority habang 11 na lang ang grupo ni Senate President Alan Peter Cayetano. Kailangan pa nila ng isang senador upang maging 13 ang bilang at maging lehitimong Senate President si Gatchalian.
Hindi naman kinilala ni Cayetano ang palit-lideratong ginawa ng Senate minority bloc matapos ang pagsipot ni Sen. Chiz Escudero sa Senado, sa plenary session noong Hunyo 3.
Sa Facebook Live ni Cayetano nito ring Miyerkules, Hunyo 3, tinawag niyang ilegal ang kudetang ginawa ng mga kasapi ng minorya.
“This is an illegal coup d’état na may kasamang pagbabasura ng ating Konsitusyon. I warned everyone about this from day one,” saad ni Cayetano.
Dahil dito, nagbabala si Castro na ang setup ay maaaring maging salamin ng nakaraang political agreements na sa kalaunan ay naging kontrobersiyal.
“Baka mangyari na naman ang nangyari dati sa House of Representatives, kung saan mayroon na silang term-sharing agreement na hindi tinupad agad ni Senator Alan Cayetano,” ani Castro.
Tinukoy ni Castro ang nasirang term-sharing agreement bilang House Speaker sa pagitan nina Cayetano, dating Taguig-Pateros representative, at dating Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Samantala, muling inulit naman ng Malakanyang na “the election of Gatchalian as acting Senate president was consistent with existing jurisprudence, including the Avelino-Cuenco doctrine, and with precedents previously applied by the Senate.”
Kaya nga sinabi ni Castro na makikitungo lamang ang Ehekutibo kay Gatchalian pagdating sa mga usapin ng Senate leadership at o opisyal na komunikasyon.
(DARIS JOSE)