• May 27, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for May 26th, 2026

Laguesma out, dating senador Francis Tolentino in bilang Acting Sec. ng DOLE

Posted on: May 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., si dating Senador Francis Tolentino para pamunuan ang Department of Labor and Employment (DOLE).

Bumaba sa puwesto si DOLE Sec. Bienvenido Laguesma, 75 taong gulang dahil sa kanyang kalusugan.

“Dahil po sa kanyang health condition. Kaya po kailangan po na magkaroon at magtalaga ng acting labor secretary,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

At sa tanong kung bibigyan ng ibang posisyon si Laguesma, ang tanging tugon ni Castro ay “Hindi ko po maaaring pangunahan ang Pangulo. Kung ito naman po ay may concern sa kanyang health condition, of course, kailangan nating malaman kung kakayanin pa ng kanyang kalusugan.”

Tiwala si Pangulong Marcos na mapamumunuan ni incoming Acting Secretary Tolentino ang DOLE dahil sa kanyang kakayahan at malawak na karanasan sa paghawak ng mahahalagang tungkulin sa pamahalaan— lokal o nasyonal.

Nakatakdang manumpa bilang bagong kalihim ng DOLE si incoming Acting Secretary Tolentino kay Pangulong Marcos Jr. mamayang hapon dito sa Malacañang.

(DARIS JOSE)

PBBM, pinatutuloy sa DSWD ang pagtulong sa mga biktima ng sunog sa Parola Compound 

Posted on: May 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INUTUSAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipagpatuloy ang pagtulong sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog sa Parola Compound sa Binondo, Maynila, at tiyaking komportable ang kanilang pananatili sa mga evacuation center habang sila ay bumabangon mula sa trahedya.

Sa panayam sa media habang isinasagawa ang pamamahagi ng relief goods sa Leonardo B. Fugoso Sports Complex sa Delpan, Maynila, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na bawat pamilyang naapektuhan ay makatatanggap ng PhP10,000 cash assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng ahensya.

Bukod dito, namahagi rin ang DSWD ng mga food pack, hygiene kit, sleeping kit, cooking kit, at iba pang pangunahing pangangailangan para sa mga biktima.

“Narinig niyo naman ang utos ng Pangulo,” ani Gatchalian.

Pinangunahan ni Pangulong Marcos nitong Lunes ang pamamahagi ng relief goods sa mga biktima ng malawakang sunog na tumama sa Parola Compound noong Sabado.

Ayon pa kay Gatchalian, magbibigay din ang National Housing Authority (NHA) ng karagdagang PhP30,000 sa bawat pamilya bilang suporta sa kanilang pagbangon at muling makapagtayo ng kanilang tahanan.

“Yung inanunsyo ng ating Pangulo kanina, una, P10,000 cash relief assistance mula sa AICS ng DSWD. Ang P30,000 naman ay mula sa National Housing Authority para sa rebuilding at recovery,” paliwanag ni Gatchalian.

“Bukod pa sa cash assistance, malapit tayong nakikipag-ugnayan sa social welfare office ng lokal na pamahalaan para sa tuluy-tuloy na food relay na sinimulan natin kahapon. Nagbibigay din tayo ng kumpletong family packs, cooking kits at hygiene kits,” dagdag ng Kalihim.

Sinabi ni Gatchalian na umabot sa 2,100 pamilya ang nawalan ng tahanan dahil sa sunog na sumiklab sa Parola Compound.

“Kausap ko kanina ang local social welfare. Inaasahan nilang madaragdagan pa nang kaunti ang bilang dahil may ilan na wala noong isinagawa ang census dahil bumibili ng materyales o inaayos ang kanilang mga gamit. Tinataya nating nasa pagitan ng 2,100 hanggang 2,400 pamilya ang naapektuhan. Sa ngayon, 2,140 pamilya na ang ating natutulungan,” ani Gatchalian.

Nagpasalamat din ang kalihim sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pangunguna ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso dahil sa nakahandang karagdagang tulong para sa mga biktima.

“Gusto ko ring magpasalamat sa lokal na pamahalaan ng Maynila sa pamumuno ni Mayor Isko Moreno dahil mayroon din silang sariling financial assistance na ipamamahagi mamayang hapon,” sabi ni Gatchalian.

Ayon sa kalihim, kapag pinagsama-sama ang ayudang pinansyal mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, magkakaroon ng sapat na panimulang suporta ang mga biktima upang muling makabangon.

Tiniyak din ng DSWD na gagawin nitong mas maayos at komportable ang kalagayan ng mga evacuee sa evacuation center sa Delpan.

Kasama nina Secretary Gatchalian at Mayor Domagoso si Pangulong Marcos sa pamamahagi ng relief goods sa Leonardo B. Fugoso Sports Complex, habang ang evacuation center ng mga biktima ay matatagpuan sa katabing pasilidad.

Samantala, sinabi ni Bienvenido Barbosa, Assistant Regional Director for Operations ng DSWD Field Office–National Capital Region (FO-NCR), sa panayam ng Presidential News Desk (PND) na patuloy ang pagbibigay ng karagdagang tulong ng ahensya alinsunod sa direktiba ng Pangulo.

“Nandito kami upang magbigay ng augmentation assistance sa pamamagitan ng inisyatiba ng Pangulo,” ani Barbosa.

( Daris Jose)

Motorcycle taxi rider na akusado sa panggagahasa sa Bulacan, nalambat ng NPD

Posted on: May 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SHOOT sa hoyo ang 35-anyos na motorcycle taxi rider na wanted sa kaso ng Rape at Sexual Assault nang masakote ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) sa manhunt operation sa Marilao, Bulacan.

Nakatala ang akusado bilang Most Wanted Persons sa Munisipyo ng Marilao, Bulacan dahil sa kasong tatlong bilang ng Rape at Sexual Assault in relation to Section 5(B) of R.A. 7610.

Nang makatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni NPD Acting Director P/BGen. Benliner Capili hinggil sa kinaroroonan ng akusado ay agad ikinasa ng mga ito ang manhunt operation sa koordinasyon sa Marilao Component Police Station.

Hindi na nakapalag ang akusado nang masukol ng pinagsamang mga operatiba ng District Investigation Division (NPD-DID), at District Women and Children Protection Desk (DWCPD) malapit sa kanyang bahay sa Barangay Ibayo, Marilao,Bulacan.

Inaresto ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court Branch 121, Meycauayan, Bulacan, na walang inirekomendang piyansa para sa kasong Rape habang may piyansa naman na P200,000 para kasong sexual assault. (Richard Mesa)

LTFRB IPINATUPAD ANG PAGPAPABILIS NG PROSESO NG APPLICATION FOR EXTENSION OF CPC VALIDITY

Posted on: May 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IPINATUPAD ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagpapabilis ng proseso para sa lahat ng aplikasyon ng Extension of Validity ng Certificates of Public Conveyance (CPC).

Alinsunod ito sa Public Service Act, Republic Act No. 11032 o Ease of Doing Business Law, at umiiral na jurisprudence.

Ang CPC ay dokumentong nagbibigay pahintulot sa operasyon ng pampublikong sasakyan. Ang aplikasyon para sa extension ay hindi bagong proseso, kundi pagpapatuloy lamang ng umiiral na prangkisa. Kinakailangan lamang ipakita na ang operator ay patuloy na sumusunod sa mga kondisyon ng naunang pagkakaloob ng CPC.

Para sa mga unit na nananatiling tapat sa kanilang pangako na magbigay ng maayos na serbisyo sa publiko, hindi na kinakailangan ang panibagong pagdinig upang ma-extend ang bisa ng CPC, ayon kay Chairman Vigor Mendoza.

“Ang pag-renew ng CPC ay iba sa unang aplikasyon. Sa renewal, napatunayan na ang pangangailangan ng publiko at kwalipikado na ang operator. Ang hinihiling lamang ay ipagpatuloy ang serbisyong dati nang pinahintulutan,” ani Chairman Vigor.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na pagsisikap ng pamahalaan upang pabilisin ang serbisyo, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na ipatupad ang batas sa ease of doing business.

Kamakailan, naglabas ang LTFRB ng Memorandum Circular No. 2026-035 na nag-aalis sa requirement ng publikasyon ng notice of hearing sa mga pahayagan, upang higit pang mapabilis ang proseso ng aplikasyon ng prangkisa.

“Malinaw ang aming layunin: gawing madali at maginhawa ang lahat ng transaksyon para sa aming mga kliyente, at iparamdam sa kanila na sila ay mahalagang katuwang ng pamahalaan para sa kapakanan ng riding public,” dagdag ni Chairman Vigor.

“Tiwala kami na ang pagpapadali ng proseso ay magreresulta sa mas mahusay na serbisyo para sa milyun-milyong Pilipinong commuter,” aniya pa.

Sa ilalim ng Memorandum Circular 2026-038 na nilagdaan noong Mayo 19, inaatasan ang lahat ng operator na magkaroon ng gumaganang, valid na email address bilang opisyal na linya ng komunikasyon para sa lahat ng abiso at proseso ng Board.

Ang email ay magsisilbing plataporma para sa pagsusumite ng mga dokumento bilang bahagi ng digitalization efforts ng pamahalaan, kabilang na ang LTFRB.

Inaasahang magiging epektibo ang Memorandum Circular bago matapos ang buwan. (PAUL JOHN REYES)

Senior QCitizens may naghihintay na trabaho sa QC

Posted on: May 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KAHIT matatanda na at kaya pa ay maaari pa ring magkaroon ng pagkakaabalahang trabaho ang mga senior citizen ng Quezon City.

Ito ay makaraang lumagda sa isang kasunduan ang Quezon City Government, McDonald’s Philippines, QC PESO, at DOLE upang magbigay ng trabaho para sa aabot sa 100 senior QCitizens na ia-assign sa 50 McDonald’s stores.

Ang kasunduan ay ni­lagdaan sa pangunguna ni Mayor Joy Belmonte bilang bahagi ng patuloy na pagbibigay ng oportunidad at kabuhayan para sa mga nakatatanda sa lungsod.

Ang trabaho na naghihintay sa McDonalds branches sa Quezon City para sa mga elderly ay ang pag-asiste sa mga customers na hindi naman mabigat na trabaho.

Ang mga interesado ay maaaring makipag-ugnayan sa tanggapan ng PESO o i-click lamang sa online ang QCservices para sa dagdag na kaalaman at impormasyon para dito.