• May 27, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for May 25th, 2026

Gatchalian bet ng ‘Solid Bloc 11’ maging SP

Posted on: May 25th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SA GITNA ng mga usapin tungkol sa panibagong kudeta sa liderato ng Senado, nais ng Senate mino­rity bloc na si Sen. Sherwin Gatchalian ang maging Senate President.

Sinabi ni Sen. Kiko Pangilinan na ang kanilang grupo na tinawag nilang “Solid Bloc 11” ay isinusulong si Gatchalian bilang bagong Senate President.

Ayon kay Pangilinan, si Gatchalian na nagsilbing chairman ng Committee on Finance sa ginawang deliberasyon sa kontrobersiyal na 2025 national budget ang nagprotekta sa kaban ng bayan at siniguro na ang pondo ay mapupunta kung saan nararapat.

Giit pa ni Pangilinan na si Gatchalian ay “competent, steady at fair” at mapapag-isa at magdadala ng reporma sa Senado para maging balanse, accountable at acceptable sa iba pang miyembro ng kasalukuyang mayorya kabilang na dito si Senate President Alan Peter Cayetano.

Bukod sa finance committee, pinamunuan din ni Gatchalian ang committees on ways and means, basic education, energy at economic affairs sa loob ng 10 taon sa Senado. ( DARIS JOSE)

Tunay Lingkod-Bayan ng Brgy. 143 ng Caloocan City si Kap. Randy B. Mariano!

Posted on: May 25th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

     MATAGAL na sa serbisyo publiko ang masipag na si Kapitan Randy B. Mariano, katunayan iba’t ibang posisyon ang kanyang nahawakan bago maging Kapitan. Kaya naman, pagdating sa public service ay ‘di na bago sa kanya ang pamamalakad. Ngayon, sa kanyang pagkakaupo bilang 

“Ama” ng kanilang Barangay ay agad niyang pinalinis at pinaayos ang paligid ng kanilang komunidad. Lalo na pagdating sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng Brgy. Hall, CCTV para ma-monitor ang galawan ng mga nasasakupan lalo na ang mga may masamang binabalak at pa-ilaw sa kalsada nang maiwasan ang anumang masamang kaganapan sa paligid. 

Bumili rin ang mabait na Kap. Randy ng mga service vehicle para magamit sakaling may emergency sa kanyang nasasakupan, fire extinguishers para sa dagliang pag-apula ng apoy sakaling may sunog. Nagkaroon din sila Kap ng weekly clean-up drive kasama ang kanyang mga staff at kagawad. Higit sa lahat, pinangunahan din ng masipag na Kap. Mariano ang de-clogging paglilinis sa mga estero lalo na ngayong tag-ulan gayundin ang kanilang Clean & Green sa kanilang lugar tulad ng ” HAPAG”, initiated by DILG at tinawag nilang “Programang Pangkalusugan!” para sa kanyang mga kababayan lalo na sa mga kabataan. Sa kasalukuyan ay naghahanda na rin sila ng mga school supplies para sa kanilang mga estudyante ngayong darating na pasukan. Mayroon din silang feeding program para sa mga kabataan. Sa mga senior citizens naman, hindi sila pinababayaan ng mapagmahal na Kap. Mariano dahil lagi itong may gamot na nakalaan para sa kanila at may mga regalo pa sila sa kanilang kaarawan bukod pa sa regalo ni Mayor Malapitan sa kanila. Kaya kung ika’y mapapagawi sa kanilang barangay bukod sa kalinisan mapayapa pa ang kanilang komunidad.

” Ako po’y labis nagpapasalamat sa aming mahal na Mayor Along Malapitan sa kanyang mga kabutihang ipinagkaloob niya sa aming lugar,” dagdag pa ng masipag na Kap. Randy B. Mariano! ( Sonny Asignacion)

₱78-M HALAGA NG MGA PRODUKTONG “MONSTER” NAKUMPISKA NG NBI

Posted on: May 25th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGSAGAWA ang NBI National Capital Region (NBI-NCR) at mga kinatawan mula sa NBI – Intellectual Property Rights Division (IPRD) ng isang anti-counterfeiting raid sa buong Metro Manila noong Mayo 15, 2026, na nagresulta sa malawakang pagsamsam ng 13,407 piraso ng pekeng “MONSTER” trademarked merchandise na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱78,834,000.00.

Bilang tugon sa pormal na reklamo na isinampa ng isang kinatawan ng isang brand, nagsagawa ang mga operatiba ng NBI ng malawakang pagmamatyag at mga operasyong test-buy upang kumpirmahin na ang mga target na bodega ay nag-iimbak at namamahagi ng mga hindi awtorisadong produkto.

Gamit ang mga search warrant na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 28 ng Maynila, ipinatupad ng mga operatiba ng NBI ang nasabing mga search warrant sa pitong (7) iba’t ibang lokasyon, na binubuo ng limang (5) stall sa 168 at 999 shopping malls sa Binondo, Maynila, pati na rin sa dalawang (2) bodega sa Brgy. Maysan, Valenzuela City.

Ang mga may-ari at operator ng negosyo na responsable sa mga ilegal na bodega at stall ay inihahanda na upang maharap sa criminal charges for violation of Section 155 (Trademark Infringement) in relation to Section 170 of Republic Act No.8293 (Intellectual Property Code of the Philippines) sa Tanggapan ng City Prosecutor ng Maynila at Valenzuela.

 (PAUL JOHN REYES)

Titiyakin ng NBI na maibibigay ang naaayon na pananagutan sa harap ng batas

Posted on: May 25th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

     SA ISANG pakikipanayam sa mga mamamahayag pagkatapos ng ginanap na Saturday News Forum sa Scout Borromeo, makikitang nakangiti at puno ng kumpyansa si NBI Director Atty. Melvin Matibag habang ibinabahagi ang mga masusing hakbang at operasyong inihahanda ng ahensya upang matunton at madakip si Senador Ronald “Bato” de la Rosa. 

Opisyal na itinuturing na takas sa katarungan si Senador de la Rosa matapos niyang umiwas at hindi sumuko sa utos ng pagdakip na inilabas ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng mga kasong krimen laban sa sangkatauhan na ibinibintang sa kanya dulot ng mga pangyayari noong nakaraang kampanya kontra-droga. 

Ayon kay Matibag, wala nang pabor o espesyal na pagtingin ang ibibigay sa sinuman, at titiyakin ng NBI na maibibigay ang naaayon na pananagutan sa harap ng batas, anuman ang katungkulan o posisyon ng sinumang sangkot.” (BOY MORALES SR.)

Tulak na labas-pasok na sa kulungan sa Valenzuela, balik-selda

Posted on: May 25th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BALIK selda ang isang tulak ng droga na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) at labas pasok na sa kulungan nang makuhanan ng mahigit P.2 milyong halaga ng shabu makaraang maaresto ng pulisya sa buy bust operation sa Valenzuela City.

Ani Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, kinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil ang buy bust operation laban kay alyas “Glen”, 45, ng Brgy., Mapulang Lupa sa koordinasyon sa PDEA.

Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon sina Lt. Dascil hinggil sa umano’y patuloy na pagbebenta ng shabu ng suspek na ilang beses na ring naaresto ng mga operatiba ng SDEU dahil sa pagtutulak ng illegal na droga.

Nang matanggap ang signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur-buyer na hudyat na positibo na ang transaksyon, agad lumapit ang back-up na operatiba saka dinamba ang suspek dakong alas-4 ng madaling araw sa kanto ng Feliciano at Que Balag Streets, Brgy., Ugong.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 30 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P204,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill kasama ang walong P1,000 boodle money at P200 cash.

Ayon kay SDEU investigator P/SSg Cris Paul Collo, kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isinampa nila laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutors Office.

Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili ang Valenzuela CPS sa kanilang pinaigting na kampanya kontra kriminalidad at ilegal na droga para sa patuloy na pagsusulong ng kapayapaan, kaayusan, at hustisya sa lungsod. (Richard Mesa)

“Responsible and Accountable Election Campaign Act”, inihain ni Rep. Erice

Posted on: May 25th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INIHAIN ni Caloocan City 2nd District Representative Edgar “Egay” Erice ang House Bill No. 9297, o ang “Responsible and Accountable Election Campaign Act,” na naglalayong hilingin sa lahat ng kandidato para sa mga elective na posisyon na magsumite ng mga detalyadong platform ng kampanya at lumahok sa mga mandatoryong pampublikong debate upang isulong ang transparency, accountability, at mga halalan na nakabatay sa isyu.

Sa ilalim ng iminungkahing panukala, ang mga kandidato ay kinakailangang mag-attach ng nakasulat na Campaign Platform o Political Agenda sa kanilang Certificates of Candidacy (COC). Ang dokumento ay dapat maglaman ng kanilang mga iminungkahing programa, mga prayoridad sa pamamahala, pambatasan o ehekutibong adyenda, at mga direksyon sa patakaran kung sila ay mahalal sa katungkulan.

Inaatasan din ng panukalang batas ang mga kandidato na lumahok sa mga opisyal na debate sa kampanya at mga pampublikong forum na inorganisa at pinangangasiwaan ng Commission on Elections (COMELEC).

Ayon kay Erice, ang panukala ay naglalayong ilipat ang halalan mula sa personality-driven na pulitika at ituon ang atensyon ng publiko sa mga kongkretong plano, kakayahan, at pananagutan.

“Ang halalan ay hindi dapat gawing popularity contests o entertainment-driven campaigns. Ang mga tao ay nararapat na malaman ang mga plano, kwalipikasyon, at direksyon ng patakaran ng mga naghahanap ng pampublikong opisina,” ani Erice.

Saklaw ng HB 9297 ang mga kandidato para sa President, Vice President, Senator, Member of the House of Representatives, Governor, Mayor, Vice Mayor, at local legislative positions. Hihilingin sa mga kandidato na ipakita sa publiko ang kanilang mga plataporma sa mga pangunahing isyu tulad ng ekonomiya, edukasyon, pangangalagang pangkalusugan, imprastraktura, kapayapaan at kaayusan, kapaligiran, at pamamahala.

Ang panukala ay higit pang nag-uutos sa COMELEC na gawing publiko ang lahat ng isinumiteng platform ng kampanya sa pamamagitan ng opisyal nitong website at iba pang mga channel ng impormasyon sa loob ng 15 araw mula sa paghahain ng COC.

Binigyang-diin ni Erice na ang mandatory debates ay magbibigay-daan sa mga botante na direktang ihambing ang mga kandidato at mas mahusay na suriin ang kanilang mga posisyon sa mahahalagang pambansa at lokal na alalahanin.

“Ang mga kandidatong naghahangad para sa pampublikong opisina ay dapat na handang harapin ang mga tao, ipaliwanag ang kanilang mga programa, at sagutin ang mahihirap na katanungan. Ang serbisyo publiko ay nangangailangan ng transparency at pananagutan,” dagdag niya.

Ang iminungkahing panukalang batas ay nagbibigay din ng mga parusa para sa mga kandidato na nabigong magsumite ng mga platform ng kampanya o tumangging lumahok sa mandatory debates, kabilang ang mga administratibong multa at posibleng pagkansela ng kandidatura, na napapailalim sa angkop na proseso.

“Ang panukalang ito ay tungkol sa pagpapalakas ng demokrasya sa pamamagitan ng paghikayat sa matalinong pagboto at responsableng pamumuno,” aniya. (Richard Mesa)

SERVICE VEHICLE NG LTO, PINA-SHOW CAUSE NI LTO CHIEF MATAPOS MAMATAANG NAKAPARADA SA ISANG SHOPPING ESTABLISHMENT

Posted on: May 25th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MULING pinagtitibay ng Land Transportation Office (LTO) ang polisiya nito sa wastong paggamit ng mga sasakyang pag-aari ng pamahalaan matapos mag-viral sa social media ang larawan ng isang sasakyan ng mismong ahensya na nakaparada sa isang membership shopping establishment at umani ng batikos mula sa publiko.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, agad niyang ipinaberipika kung kanino nakaatas ang naturang sasakyan at napag-alamang ito ay nakatalaga sa isang opisyal ng LTO. Dahil dito, inatasan ang nasabing opisyal na magsumite ng paliwanag upang matukoy kung ang paggamit ng sasakyan ay may kaugnayan sa opisyal na tungkulin o para sa personal na interes.

“Hindi natin kukunsintihin ang anumang maling paggamit ng sasakyan ng gobyerno. Inatasan ko na ang concerned official na magsumite ng paliwanag upang mabatid kung may paglabag na naganap. Ang lahat ng sasakyan ng gobyerno ay dapat ginagamit lamang para sa opisyal na tungkulin. Kapag napatunayang walang kaugnayan sa trabaho ng ahensya ang paggamit nito, pananagutin ang sinumang mapapatunayang lumabag sa umiiral na mga patakaran,” ani Lacanilao.

Ipinaliwanag ng LTO na bahagi ng internal cleansing program ng ahensya ang agarang pag-aksyon sa mga reklamong may kinalaman sa posibleng pang-aabuso o maling paggamit ng resources ng gobyerno.

Tiniyak naman ng pamunuan ng LTO na magiging patas at masusi ang imbestigasyon kaugnay ng insidente at ipatutupad ang kaukulang administrative sanctions sakaling mapatunayang may paglabag sa umiiral na mga batas at regulasyon sa paggamit ng government vehicles. (PAUL JOHN REYES)

Higit P7.6 milyong ayuda ipinamahagi sa mga tsuper – DSWD

Posted on: May 25th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UMAABOT na sa 1,529,740 drivers ang tumanggap na ng cash assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa buong bansa hanggang nitong May 21, 2025.

Ito ayon kay Director Edwin Morata ng Crisis Intervention Division ng DSWD ay bahagi ng pagpapatuloy ng ahensiya sa pamamahagi ng cash aid sa mga ­driver nationwide upang makatulong na maibsan ang epektong dulot ng mataas na halaga ng petrolyo.

Aniya inaasahang sa May 30 ngayong taon ay matapos na nila ang pamamahagi ng financial assistance sa mga driver nationwide.

Nasa 19,000 aniya ang tinatapos nilang bigyan ng ayuda sa Metro Manila mula sa maliliit na kompanya tulad ng mga delivery drivers.

Ang naturang bilang aniya ay kabilang ang drivers nationwide na tinatapos na nilang bigyan ng cash aid bago sumapit ang katapusan ng Mayo.

Umaabot na aniya sa higit P7.6 milyon ang pondong naipamahagi ng DSWD sa mga drivers nationwide.

Kung sakali aniyang kulangin ang pondo, mayroon naman aniyang Quick Respond Fund na maaaring magamit dito ng DSWD para sa pagtugon sa mga mamamayan na nangangaila­ngan ng tulong sa panahon ng krisis.